REBOLUSYON SA SELDA OTSO

Hudyat ang tunog ng sipol ng warden. Bagsik ang lakas nito. Tila sumabay ang laway sa pag-ihip.

Alas-otso na ng gabi, ang oras ng dasal para sa mga yumao na at hindi matahimik. Sa loob ng piitan, paghahanda para sa paghimbing ang hinudyat ng silbato.
Mag-isang nakakulong ang babaeng aktibista sa seldang nasagi ang mga rehas ng liwanag ng bombilya na palaging bukas hanggang umaraw.

Matagal nang usap-usapan ng mga bantay at mga bilanggo ang mga multong patuloy pa rin ang paghahanap ng katarungan at pagpruprusisyon sa pasilyo.
Ibinukod si Reyna dahil kalalabas lang para ilibing ang anak na ihiniwalay sa kanya nang siya ay dakpin at ikulong. Baka raw magdala ng sakit sa loob at lalaganap ang salot.

Para bang hindi salot ang mga nakaunipormeng taong nagpatakbo ng bilangguan, nambugbog o nanggahasa.
Mula sa pamilya ng mga intelektuwal si Reyna. Propesor ang amang nagturo noon ng kasaysayan ng mga rebolusyon sa pamantasan bago inatake sa puso. Peministang manunulat naman ang inang nagpatiwakal pagkatapos lumabas ang kanyang nobela tungkol sa bayan, pag-aaklas, at kalungkutan.
Laki siya sa aktibismo. Mga libro ng mga magulang ang kalaro dahil hindi na nasundan. Tama na raw ang isang anak na magpatuloy ng mga nasimulan. Sadismo na kung dagdagan pa ang magiging biktima ng kalupitan sa hinaharap. Bata pa si Reyna, alam na ng mga magulang ang tadhana niya.
Kaya siguro napagkasunduan ng mga magulang na "Reyna" ang ipangalan. Hango ito sa mga reynang mandirigma sa kasaysayan ng mundo. "Sana maging kagaya niya ang reynang Keltika na si Boudica na lumaban hanggang sa katapusan," sabayang asam ng ama at ng ina sa araw ng kanyang binyag.
Sadyang totoo nga siguro ang saysay ng kasabihang hindi nagbubunga ng duhat ang santol. Lumaking aktibista rin si Reyna. Nang naging ulila, subsuban na ang kanyang partisipasyon sa pulang kilusan. Hinanap ang sariling iniwang mag-isa. Naghanap ng kabibilangan para may mga kasama.
Dati siyang tagapalakpak ng pangulong inakala niyang kaalyado sa kanyang mga laban--pagkapantay-pantay sa lipunan, pagbibigay ng dangal sa mga nasa mababang uri, paglilinis ng kabulukan, at pag-aaruga sa mga mahihirap. Nadenggoy siya. Mga pangako lang pala dahil hindi pa nakaupo.
Nang naging tagaprotekta ng pangulong sanggano ang mga heneral upang hindi siya mapatalsik sa puwesto, sinimulan na ang pagtutugis sa mga makakaliwang aktibista bilang sukli sa mga sundalong tagadepensa. Isa si Reyna sa mga inaresto at kinalabuso. Rebelde raw. May ebidensiya pa.
"Hindi akin ang baril na 'yan," mariing wika ni Reyna habang hinahalughog ng mga pulis ang opisinang pinagtrabahuan.

"Sa estasyon ka na mangatuwiran, iha," patawang sabi ng hepeng namuno sa paglusob.

"Nilaglag 'yan ng kasama mo."

"Maghanap ka na lang ng magtatanggol sa 'yo."
"Sir, kasisilang lang ng aking sanggol," pagmamakaawa ni Reyna habang siya ay pinuposasan.

"Narinig ko na 'yan noon," pangungutya ng isa pang pulis na nakasuot ng uniporme ng mga tagabasa ng mga metro ng kuryente.

"Walang magpapasuso sa anak ko."

"Hindi ba puwede ang Alaska?
"Hindi ako rebelde!" Nagpumiglas si Reyna mula sa mga mahihigpit na hawak ng mga pulis kahit nakaposas na siya. "Pakawalan niyo ako!"

"Hindi kami mga tanga," sabat ng hepeng nakangisi. "Puwede ka naming paratangan na isa kang terorista."

"Hindi totoo 'yan!"

"Malas mo, iha."
Dinala na nga sa presinto ang pinaratangang aktibistang bagong ina at bata pa. Bago siya ikinulong, pinarada muna sa harap ng mga tagamedya para mapanood ng mga kurakot na heneral at ng pangulong berdugong sunud-sunuran sa mga sundalo. Para rin sa kanilang mga bonus at promosyon.
Animo'y kumitil ng mga buhay si Reyna gaya ng pangulong mamatay-tao o nagnakaw ng bilyones tulad ng kanyang mga probinsiyanong galamay. Walang piyansa. Pati dalaw ay ginawang madalang. Kasama rin sa parusa kahit wala pang hatol ang lungkot ng kanyang paglayo sa anak na sanggol.
Noong iniluwal niya si Ilog, tatlong pangalan ang pinagpilian. Una, "Dagat" dahil sa pag-aalsa ng mga alon. Nang nasilayan niya ang panatag ng mukha ng sanggol, "Lawa" ang naisipan. Pero nang narinig niya ang paghinga ng anak na parang bumulong, naging sigurado na siya sa "Ilog".
Plema sa mga baga ang narinig ng ina mula sa sakiting anak. Kaya pinayuhan ng doktor na mahalaga ang kanyang pagpapasuso sa dibdib sa loob ng unang anim na buwan para maging malusog ang bata at maalpasan niya ang mga impeksiyon. Kaya lang wala pang isang buwan, magkalayo na sila.
Tiyahin ni Reyna at mga pinsan ang nag-aruga kay Ilog habang siya ay nakakulong. Buhay pa ang lalakeng nakabuntis sa kanya pero namundok na ito bago pa nahalata ni Reyna ang paglobo ng kanyang tiyan. Marahil pinalakas ng nobyo ang hinala at ang kanyang kasong pawang pagbibintang.
Sa isang sulok ng seldang talo pa ang lata ng sardinas sa sikip, siksik ng mga laman, dami ng sarsang malagkit na pawis ng mga babaeng bilanggo at lansa ng mga aring walang hugas, nanahimik si Reyna. Tila nakipagtitigan sa pader na ayaw sagutin ang mga tanong sa kanyang isipan.
Kapag nabagot na sa kawalang ipinamalas ng malamig na kongkreto, gumuhit siya ng kahit ano-ano sa magaspang na pader gamit ang hintuturo. Imahinasyon ang mga hugis. Haraya ang mga kulay. Salamisim ang mga kuwento. Nalabnit ang dulo ng daliri sa paghadhad ng mga alaala sa puwang.
Sa awa ng bilanggong naghari-harian sa selda, ang tibong estapadorang nanuntok kapag sinuway, binigyan si Reyna na manunula rin ng mga papel at lapis. Magdamagang masahe o pagkiskis ng liha sa mga makalyong talampakan ang kapalit. Kahit pala ang awa sa loob ng piitan ay malupit.
Nilibang niya ang sarili sa pagsusulat ng mga tula. Mukhang totoo ang hinuhang kalungkutan ang nagluwal ng mga obra. Kahit ang bilanggong tatlo na ang pinatay na puro pugot-ulo ay humikbi bago nagpakawala ng iyak habang binabasa ang tula ni Reyna, ang paalam ng sanggol sa ina.
Nangulila rin si Ilog sa yakap ng ina. Palaging nakatitig sa kisameng puti ang pinta ayon sa tiyahin ni Reyna. Parang gustong pintahan ng itim ang kawalang ginawang sumbungan, hinikbian, pinaglimusan ng awa, at iniyakan. Mga suso ang hanap sa bawat paghindi sa goma at plastik.
Tila nagmana si Ilog sa lolong hinayaang huminto ang puso dahil walang mapapala sa mundong pagpapaasa ang ikot at sa lolang bumigay dahil pagod nang lumaban sa walang katiyakan. Humugot muna ng mahabang hininga ang sanggol bago tuluyang nanahimik at nanigas. Namutla bago umitim.
Pagsusuka at pagtatae raw ang dahilan na naagapan sana kung kapiling ang inang may gatas na umasim sa dibdib. "Kahit sanggol pa lang, alam na ni Ilog kung ano ang kalungkutan," sabi ng tiyahin ni Reyna sa isang TV reporter. "Kahit tulog, tahimik na tumulo ang mga luha ng bata."
Pinayagang makalabas si Reyna para ilibing ang anak. Isang batalyon ng mga pulis ang nagguwardiya. May mga kasama pang opisyal ng bilangguan. Armado silang lahat. Mas kinatakutan ang paglibing sa bata kaysa paglusob ng mga Tsino. Mas binantayan ang bangkay kaysa teritoryo. Duwag.
Pagbalik ni Reyna sa bilangguan, ipinasok siya sa selda otso para ibukod. Kahit nakasuot ng proteksiyon habang nasa labas, binalot, minaskarahan, tinakpan pa ang mukha, at pinosasan. Palantang bulaklak lang naman ang kanyang hinawakan bago ito ihagis sa hukay na himlayan ng anak.
Tumunog na nga ang pito, ang hudyat na maghanda na para matulog. Tatlong gabi nang gising si Reyna. Namugto ang mga mata. Ipinaghalo niya ang pag-iyak at pagpuyat. Tatlong gabi na rin ang pagdalaw sa kanya sa pagsapit ng alas-otso, ang oras ng kanyang dasal para sa yumaong anak.
"Nay, magpapahaba ako ng mga pangil," sabi ng parehong boses na narinig niya sa dalawang nagdaang gabi.

"Huwag, anak ko."

"Patutulisin ko ang aking mga kuko."

"Huwag, anak."

"Magpapatubo rin ako ng buntot."

"Huwag."

"Paano ako gaganti? Kahit gatas ay ipinagkait sa akin."
"Magpatawad ka."

"Mahirap ba ang hayaang yapusin ng ina ang anak at kumapit ang anak sa ina kahit sa loob ng bilangguan?"

"Patawarin mo sila."

"Inilayo ka kahit hindi ko pa nalasahan ang tamis ng gatas mo at naramdaman ang init ng 'yong balat."

"Matuto kang magpatawad, anak."
Dumating ang warden para usisain ang mga bulong ni Reyna na umalingawngaw sa pasilyo. "Hoy, baliw, matulog ka na. Kanina ka pa nakikipag-usap sa 'yong sarili. Babartolinahin kita kung gising ka pa sa huling pag-iikot ko. Wala akong pakialam sa nangyari sa labas. Nasa loob ka na."
Kalabog ng kandado ang iniwan ng warden para ipamukha sa aktibistang inang nagluksa na nakakulong siya.

Binasag ng galit na boses ang katahimikang nanatili pagkatapos ng ingay ng bakal. "Susunggaban ko na ba, Nay?"

"Huwag, anak ko." Walang tunog ang galaw ng mga labi ni Reyna.
"Sasalakayin ko na ba sila isa-isa?"

"Huwag, anak."

"Gusto kong hilahin ang mga laman-loob nila."

"Huwag."

"Bakit, nay?" May halong iyak ang pagtatanong ng boses ng bata.

"Magpakatao ka."

"Paano kung itinuring nila akong hayop?"

"Tao ka, anak?"

"Hindi ko naramdaman 'yon."
"Huwag kang maging tiyanak."

"'Yon lang ang paghihiganteng alam ko."

"Pumasok ka sa liwanag ng bombilya."

"Puno pa ako ng galit."

"Hinihintay ka ng mga kalaro mong kerubin."

"Hindi ko pa alam kung paano ka iwanan."

"Sanay na akong mag-isa, anak."

"Hindi pa ako handa, Nay."
"Pumikit ka. Maririnig mo ang kanta ng mga anghel. May Amang magbabantay sa 'yo sa kabilang buhay. May Mahal na Inang magpapasuso sa 'yo ng gatas at pulot. May kapatid kang hindi ka pababayaan. Pumasok ka na sa liwanag, anak. Baybayin mo ang lagusan. Yumakap ka sa mga pakpak."
"Isinilang pala ako para layuan at lumayo at para magluksa at pagluksaan."

"Anak, hiram lang kita na dapat isauli. Balutin mo na ang 'yong kaluluwa ng liwanag. Hayaan mong mga buhay ang magpapatuloy ng 'yong rebolusyong naudlot. Magulo ang mundo. Pangit. Malupit. Humayo ka na."
Pumutok ang bombilyang kapapalit lang. Biglang naglaho ang boses ni Ilog. Pagdating ng warden, humilik na si Reyna.

Pinalitan ang basag na bombilya. Sa muling pag-ilaw, nakita ng mga opisyal ang isang pares ng mga maliliit na paa. "May batang multo na rito," sabi ng hepe nila.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

19 Jul
MGA MUKHA NG MASKARA MO

Nag-trend ako. Mga post ko pala sa Instagram. Pinagkaguluhan ang aking mga bugtong na mahirap daw sagutin. Naging isa akong palaisipan. Misteryo ang kalungkutan ko. Hiwaga ang dating ng aking inilantad na saloobin. Baka raw papatay o magpapakamatay. Ako.
Sadyang puno na ng mga patak ang kasa-kasamang shot glass. May mga mata rin ang lalakeng katulad ko. Humikbi dahil nasaktan na. Hindi bawal umiyak kahit makisig at guwapo. Iyak ang wika ng pighati. Kaya lang pipi ang mga saksi—ang mga basyong bote ng gin, vodka, whisky o tequila.
"Sa hitsura mong 'yan, bakit ka nagpapaapekto?" sabi sa akin ng barkadang pilit akong pasayahin sa eksklusibong strip club na may mga Rusong babae pa.

Nahirapan akong ipaunawa na relasyon ang usapan. Pag-ibig. Hindi alindog ng katawan o ganda. Hindi rin libog ko o pagkalalake.
Read 41 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!