PULIS ANG DADDY KO

Sampung taon na pala ang lumipas simula noong nangyari ang bangungot na pinagpistahan ng lahat. Hindi na ako menor de edad. Handa na akong magsalita. Wala nang dapat itago. Hindi para maghugas ng kamay o ipawalang-sala ang sarili o pabanguhin ang masangsang.
Tuluyan nang naglaho ang takot. Nawala rin ang kinimkim na hiya. Puwede na akong magpakatotoo. Dala ng aking ikalabing-walong kaarawan ang paglaya. Malaya na ako mula sa nakaraan, sa mapanghusgang mundo, at sa mga matang galit o kutya and itinitig. Hindi ko na kailangang yumuko.
Tawagin niyo na akong maldita. Laitin niyo ako nang laitin. Tanggap ko naman na pasaway ako noon. Pero dapat alam niyo ang buong kuwento—kung kailan nagsimula at kung bakit ganoon ang katapusan. Oo, papa's girl ako. Spoiled brat sabi nila. Kaya little monster. Unruly child raw.
Mali lahat ang inakala niyo. Kesyo lalaki akong salbahe. Magiging malupit ako sa kapwa. Hindi lalayo sa aking amang mamamatay-tao at nakakulong ang aking kahihinatnan. Nasa kolehiyo na ako. Puno ng pangarap. May inang katuwang. Limot ko na si Daddy dahil nakalimutan niya na kami.
Hindi niyo nga alam ang pinagdaanan ko. Nakakubli ang pasakit sa kaloob-looban ng bastos na batang babaeng inyong nakita noon at agad-agad na hinatulan. Sa likod ng aking bagsik, nakatago ang kaba, hiya, takot, at sisi, ang mga hindi napagmasdan ng mga matang nagtimbang sa akin.
Minsan narinig ko si Daddy na nagkuwento sa kaibigan niyang pulis din noong nag-inuman sila. Miracle baby raw ako. Isang taon daw siyang may tulo bago ako ipinagbuntis. I was touched dahil nga inosente pa. Akala ko iniyakan niya nang iniyakan ang aking hindi inasahang pagdating.
Bago ako lumabas sa sinapupunan, hindi nagkasundo ang aking mga magulang. "Ginger" ang gusto ni Mommy. Mahilig siya sa salabat at sa luya ako ipinaglihi. Giniit naman ni Daddy ang "Princess". Napanood niya raw sa pelikula ng Disney. Nag-Jack en Poy sila at nagbunutan pa sa banga.
Umeksena ang lola ko sa ama. Dahil maladonya ang asta kaya pinakinggan. Ipinamana niya sa akin ang pangalan niya para matigil na ang bangayan. 'Yan ang kuwento kung bakit ako naging Alicia. Maria Alicia Nuestra ang buo kong pangalan. Konserbatibo raw. Birhen na birhen sa tenga.
Ang mga pinakaunang alaala ko tungkol sa aking ama ay ang uniporme niyang asul, ang kintab ng kanyang mga sapatos, ang butas sa paanan ng itim na medyas, at ang sombrerong animo'y kalasag ng kanyang mga mata. Wala akong nakitang mga baril at mga bala kundi mga pito at mga batuta.
Wala akong maalalang kasamaan ni Daddy noong tumuntong na ako sa grade one at palamasid na sa kapaligiran. Tinukso pa nga ako ng mga kaklase. Patola raw ang nasa bewang ng aking ama tuwing sinundo ako. Walang baril na kinamanghaan ng mga lalake at kinatakutan naman ng mga babae.
Sigurado ako na hindi siya kotongero o pabigat sa mga tao. Mga kendi nga lang ang palagi niyang pasalubong sa akin noon. Hindi pa tsokolate. Halatang mula sa sari-sari store dahil patingi-tingi. Laging may paumanhin pa, "Pasensiya na, anak, sa susunod na Linggo pa ang sahod ko."
"Kahit ano, Daddy, pasalubong siya dahil dala mo," lagi kong sambit na sinuklian ng ngiti.

Hindi rin mainitin ang ulo niya. Noong nawalan ng balde ang kapit-bahay namin, napaamin niya ang isang labanderang kinulang ng pagkulahan. Dinaan niya sa biro at tawa ang pag-iimbestiga.
Noong may tsismosang inggiterang kalaban ng lahat sa aming kalye at tanyag sa laki ng kanyang mga suso, binulungan lang ni Daddy para manahimik at humingi ng tawad sa kanyang mga siniraan. "Kilala ko ang kabit mo. Nakakulong siya ngayon. Ginawa kang alibi. Nag-motel daw kayo."
Hindi ko rin makakalimutan 'yong lasing na hindi na alam kung saan siya uuwi. Sa bahay na lang namin siya pinatulog ng aking ama kahit umalingasaw ang amoy ng sipa ng Red Horse. Libre pa ang agahan niya kinabukasan. Karaniwan na sa aking tenga noon ang "Maraming salamat, sir."
Likas na sa kanya ang pagtulong. Noong may baha, nilangoy niya ang esterong puro basura at may patay pa na daga para sagipin ang mga matatanda. Noong may sunog, iniligtas niya ang sanggol kahit may mga bombero. Tanda pa ang mga 'yan ng mga nakakilala sa kanya. Hindi ko gawa-gawa.
Nagsimula ang mga pagbabago sa loob at labas ng aming tahanan noong papasok na ako sa grade four. Bago ang pangulo. Matapang siya. Mabagsik ang mga binitiwang salita. Ngisi ng berdugo ang kanyang mukha. Parang bampira. Uhaw na uhaw sa dugo. Bumulagta ang mga bangkay sa mga daan.
Sa telebisyon man o radyo o internet, lantarang pinalakpakan siya ng mga tao. Hiniyawan ang kanyang pagkamabalasik. Biniliban ang pagkamalupit. Ipinagbunyi ang kanyang pagkabarbaro. "Pati Diyos ay paiiyakin ko" ang ulo ng mga balita. "Tataba ang mga plapla sa lawa," pangako niya.
Kawangis nga siguro ng Maylikha ang mga nawalan ng mga anak, ang nabalo, ang mga iniwan ng mga kapatid, at ang mga naulila. Luhaan ang kanilang mga mukha. Tumaba nga ang mga plaplang naging mga pating. Tila karagatan ang lawak ng mga barangay kapag sinuyod tuwing may kakatayin.
Nagbago rin si Daddy. Hindi na mga kendi ang pasalubong. Mga alahas na ang dinukot sa kanyang mga bulsa. Kung magbigay ng mga relo, para bang pangkoleksiyon. Halos mapuno na ang kaheta sa tabi ng aking kama. Pinamigay ko na nga lang ang iba sa mga kaibigan baka kasi kalawangin.
Wala na ang paghingi ng pasensiya o ang pangangatuwiran tungkol sa pera. Sa taba ng pitaka niya, mukhang tinaasan ang kanyang sahod. "Okay na ang mga kendi sa akin, Daddy," sabi ko sa kanya minsan.

"Habang may pera, ibibigay ko sa 'yo kahit ang mga hindi mo gusto," balik niya.
Isa pang pagbabagong napagmasdan ko ay ang hindi na niya pagsusuot ng uniporme. Tinapon na ang basahang pampakintab ng mga balat na sapatos. Inagiw ang sombrerong isinabit sa nakausling pako. Nakarolyo ang mga itim na medyas na sinulsi ni Mommy. Nagtago na ang mga pito at batuta.
Ladlad ang pagbutingting niya ng mga riple at pistola sa aking harapan. Hindi kayang ilagan ng aking mga matang takot. Kinalas niya para hipan ang alikabok. Binuwag upang langisan. Kinabit-kabit pagkatapos. Kinumpuni para maging buo sila muli. Duda ang dulot ng kanyang pinasilip.
May mga hapon na itinuon niya ang baril sa dingding. Sumingkit ang isang mata. Sandal ang paghilis ng ulo. Sinundan ang aninong siya lang ang nakakita.

"Daddy, magkape ka na," wika ko para udlutin ang kanyang pananahimik, ang masinsinang titig ng mandaragit sa madadagit niya.
Alimpungat ang biglang pagkilos ng kanyang katawan na may kasabay na pagnginig habang binababa ang baril. "Sinisigurado ko lang na asintado pa rin ang daddy mo."

"You're fine. Bad people ang mga kalaban mo. God is on your side." Inglesera na ako dahil inilipat sa private school.
Ang hindi ko malapatan ng paliwanag ay ang pabalik-balik na pagmamartsa ni Daddy sa salas pagdating na pagdating niya mula sa trabaho. Hatinggabi sa orasan. Pero parang kagigising niya lang. Dilat na dilat ang mga mata. Mapula. May tinago. Mabangis. Merong ayaw ipagtapat sa amin.
Si Lola ang unang nakahagap ng ugong-ugong sa subdibisyon. Pari ng sinimbahan niyang parokya ang nagsumbong. Ipagdasal daw ang kanyang anak upang maliwanagan. Isa pala si Daddy sa mga inatasang pulis ng berdugong pangulo na pumaslang ng mga tulak at adik kahit walang ebidensiya.
Biglang naging labing-limang misteryo ang pagrorosaryo ng aking lola. Hindi na kumakain ng karne. Isang beses na lang sa isang araw ang pagnguya ng kanin na binasa ng sabaw o tinaktakan ng pinong asin. Hindi niya kayang sumbatan ang anak kaya Diyos na lang ang palaging kinausap.
Kahit maga ang mga tuhod dahil sa rayuma, pinalitan niya ng pagluhod ang pag-upo. Kasinglaki ng kanyang braso ang kandilang laging may liyab. Kahit tulog, gumalaw ang mga labi. Tila pinagsunud-sunod ang pagbanggit ng mga santo. Baka inulit-ulit ang paghingi ng tawad para sa anak.
Iniwasan na ni Lola ang pagpunta sa simbahan. Wala siyang mukhang maiharap sa paring pagod na sa pagbasbas sa hindi na mabilang na mga bangkay na biktima ng mga pulis. Pinagtaguan na ang mga kumareng kasa-kasama niya dati. Nakarating na rin kasi sa kanila ang tungkol kay Daddy.
Sa kakadasal, natuyo ang lalamunan ng aking lola. Pati ang pag-inom ng tubig ay ginawang ayuno. Nabilaukan ng sariling laway na malagkit. Isang ubo lang, pumanaw na ang kanyang hininga. Nakaluhod. Hawak-hawak ang krus ng rosaryong pinulupot niya ang haba sa kanyang pulso. Lumuha.
Hindi pa tapos ang pasiyam bago ang libing, pinasipot na si Daddy sa estasyon. Sobrang busy kasi. Naging madaling-araw na ang kanyang uwi. Overtime daw. Sunud-sunod ang mga putukang umalingangaw sa kapaligiran. Kasagsagan 'yon ng EJK. Umalingayngay din ang mga nguyngoy at taghoy.
Nagsibagsakan ang mga payat at gutom na katawan sa mga looban, esknita at lansangan. Nagmistulang uhaw ang mga lupa, semento at aspalto kaya pinadaluyan. Sa panahong 'yon na tulog ang Diyos nagsimula akong magduda. Pinakusot sa akin ni Mommy ang kamisetang may tilamsik ng dugo.
Nakita ko rin minsan si Daddy sa gitna ng kahabag-habag na eksena. Nakatihayang mag-asawa sa sidewalk. Halatang winasak ang mga mukha upang hindi makilala. Buntis ang babae. Pilay ang lalake. Walang pinili. Hindi naawa. Basang-basa ko ang pigil na pigil na pagngisi ng aking ama.
Nagsulat siya sa papel. Pakunwaring nag-imbestiga. Nagtanong sa mga saksi kahit walang interes na makinig. Pagdating ng sasakyan ng punerarya at pagkatapos abutan ng drayber, naglaho na siya. Pag-uwi niya sa bahay, binasa ko ang nakasulat. Mga gulay na dinaanan niya sa palengke.
Ipinagtapat ko kay Mommy ang aking duda. Walang pagkabigla akong napansin. Tinanghuran ko ang kanyang mukha. Walang iyak na pumatak. Tiningnan ko ang balat. Hindi ko nakita ang takot. Wala siyang pinamalas na kaligkig. Matagal na pala niyang alam, noon pang kinausap siya ni Lola.
"Anak, sinanay siyang maging halimaw kaya nanlalapa." Parang telegrama ang pagsasalita ng aking ina ngunit buntis na talinghaga. Hitik sa kahulugan ang mga binitiwan niyang salita. Kalungkutan ang kanyang wika. Likas siyang makata. Hinubog ng depresyon. Hinulma ng mga nakaraan.
Bago nagkatuluyan ang mga magulang ko, may ibang mahal ang aking ina subalit pinambayad siya ng ama niya. Nakalaya ang kanyang tulak na kapatid dahil sa mahika at koneksiyon ni Daddy. Paborito ni Lolo ang tito kong basagulero kaya pumayag na lang si Mommy. Hirap na rin sila noon.
Kahit alam niya na kuto sa mga bahay-aliwan ang mapapangasawa at kaliwa't kanan ang kanyang mga babae na menor de edad pa ang ilan, ipinikitan na lang ng mga mata, ang nakagawiang pagpapasa-Diyos ng aking ina. Sarang-sara ang mga talukap. Tumingala. Sinabayan ng pagkagat ng labi.
"Tutal sa akin iaabot ang suweldo," kumbinsi niya sa sarili. "Maaasahan din naman ang trabaho ng isang pulis. Hindi ako magugutom. Hindi ako magpapalimos. Kung mabalo, may perang tatanggapin. Kung palaring makapagretiro, may pensiyon." Hindi raw siya mukhang-pera. Praktikal lang.
Noong nahawaan siya ng gonorrhea, naging maligalig ang kanyang kalooban. Kahit napagaling na ng doktor, nagbago na ang pagtingin niya sa relasyon. Siya lang daw ang tanging makakaprotekta sa kanyang sarili. Hindi naman palaging natupad dahil maging siya ay gustong magkaanak na.
Iniluwal na nga ako. Nagdiwang pa rin ang aking ama kahit lalakeng sanggol ang gusto niyang datnan sa ospital. Sa panig naman ni Mommy, paglaya ang naramdaman niya. Binigyan na niya ng anak si Daddy kaya tapos na ang obligasyon. Kung may susunod pa, wala na ito sa kanyang plano.
Naunawaan ko ang aking ina kung bakit parang wala na siyang pakialam kung bayarang mamamatay-tao si Daddy na nagpanggap na pulis na dedepensa at proprotekta sa mga mamamayan. Isang malungkot na nobela ang kanyang pinagdaanan. Dagdag na kabanata lang ang karahasan ng aking ama.
Noong herpes ang ipinasalubong sa kanya ni Daddy na pinapunta sa Bangkok para pag-aralan ang drug war na inilunsad ng dating sikat na prime minister, 'yon na ang simula ng depresyon ni Mommy. Hindi na raw kasi gagaling. Nahinto ang pakikipagsiping. Kanya-kanya na kami ng kuwarto.
'Yan marahil ang dahilan kung bakit subsob sa trabaho si Daddy. Laging lagpas sa quota. Imbes na isang dosena ang papaslangin para may pabuya, ginawa niyang dalawampu. Palagi ngang employee of the month. Kailangan niyang kumita nang husto. Hindi libre ang mga motel at mga pokpok.
Grade seven ako noon nang naging matumal ang operasyon sa estasyon. Madalang na ang paslangan. Pipi na ang radyo at telebisyon. May ibang pinagkaabalahan ang mga pahayagan. Tahimik din sa internet. Maaga na ang uwi ng aking ama sa bahay. Ang tambok ng pitaka ay biglang numipis.
Tanda ko pa ang taong 'yon. 2020. Trese anyos ako. Online ang aming klase. Kumalat kasi ang pandemiyang nagmula sa China, ang sandalan ng berdugong pangulong mahilig magpapasok ng mga Tsino. Mga turista man o mga magugulang na negosyante o mga residenteng espiya o mga kriminal.
Hindi na kailangang mamaslang pa ni Daddy. May salot na kumitil ng mga buhay. Nagtipid rin ang gobyerno para sa ayudang pera at pagkain kaya wala nang pabuya sa mga pulis o pambayad ng kanilang pananahimik. Biglang nawalan ng saysay ang pagkaberdugo ng aking ama. Nanibago siya.
May mga pagkakataong nadakip ko ang aking sariling nakatitig sa mga kamay niya. Ang mga panampal ay naging mga kamao. Marahang binuksan. Animo'y nambulagta ng wala. Alaala ng buto at laman ang ngatog ng mga daliri. Bumaluktot ang kanang hintuturo. Tila may gatilyong kakalabitin.
Sa panahong 'yon, bawal ang lumabas kapag may lockdown. Dahil ipinatupad ang social distancing, pati ang mga pokpok ay naglaho sa mga lansangan. Nagsara ang mga motel dahil lugi ang pagbubukas. Walang tapunan ng libog ang aking ama. Wala siyang panghinahon ng kanyang panginginig.
'Yon din ang simula ng Kuwaresmang naging bisperas ng Pasko. Naging Kalbaryo namin ni Mommy ang aking ama. Palagim nang palagim ang parating na pagkasilang ni Kristo.

Nakahanap si Daddy ng dahilan. Pinasok niya sa kuwarto si Mommy. Namilit. "Bigyan mo ako ng anak na lalake!"
"Hindi nga puwede," tutol ng aking inang buong araw nasa kama. Ginawang lungga ang talukbong ng kumot.

"Asawa kita!"

"Noon. Maghanap ka ng iba."

"Hubad!"

"Mahapdi nga."

"Gawa-gawa mo lang 'yan!"

"Ikaw ang humawa sa akin, diba?"

"Magaling na ako! Dapat magaling ka na rin!"
Hindi pumikit ang aking ina. Walang pagkagat ng labi. Hindi nagpasa-Diyos. Walang pagsuko. "Masakit nga kapag nasaling ang mga bulutong."

Dumilim ang paningin ng aking ama. Sampal at suntok bago ang punit at hikbi ni Mommy ang mga ingay sa kuwarto." "Gahasa pala ang gusto mo!"
Hindi ako nakatiis. Pinasok ko sila. Hubad si Mommy. Nakaupo. Nakasandal ang likod sa ulunan ng kama. Nakayuko. Pumatak ang mga butil ng luhang sinalo ng unan sa kanyang kanlungan. Lalong pinahina siya ng pagsisisi. Nilumbay ng pagtitiis sa loob ng maraming taong pagpapasa-Diyos.
Sa sulok, pahubad na sana si Daddy nang nasulyapan niya ang pagpasok ko. Hindi niya tinuloy. May konti pa palang hiyang natira sa taong walang hiya. "Lumabas ka kung ayaw mong madamay at masaktan."

"I don't care," bulalas ko. Kusang nagsilabasan ang mga salita sa aking bunganga.
Namula ang mukha ng aking ama. Parang sinaniban. Nanlisik ang mga mata. Bumula ang bibig sa kasisigaw. Parang nataktakan ng betsin. Mas masahol pa sa asong ulol. Hinampas niya ako ng pantalong makapal at walang laba. Tandang-tanda ko pa ang amoy at ang tunog nito sa aking likod.
Masakit man, hindi ko na lang ininda. Masaya ako dahil naiadya ko ang aking inang nanlaban ngunit kinapos ng lakas. Napigilan ko ang masamang balak ng aking amang kinurot ang utak ng kunsensiya. Ang prinsesa niya dati ay napagbuhatan niya ng kamay kaya nagkulong siya sa kuwarto.
"Nakakaadik ang karahasan," paliwanag ni Mommy sa akin. "Ako ngayon. Baka ikaw naman bukas. Walang pinipili ang demonyo. Lahat ay pagnanasahan."

"Gagawa tayo ng paraan," dagdag ko. Oo, trese anyos lang ako pero mulat na sa mga kaganapan sa labas man o sa loob ng aming tahanan.
"Hindi nagiging tao ang halimaw." Sa pagitan ng bulong at buntong-hininga ang tunog ng boses ng aking ina.

Nalaliman ako pero buo na ang aking kalooban. Dapat mahinto na ang karahasan ni Daddy. Baka dahil wala na siyang mapapaslang kaya kami na ang papaslangin. "Hindi puwede."
"Ang asong sanay sa kagat ay hindi didila lang." Naging hikbi ang buntong-hininga ni Mommy. Nagkadiin ang kanyang bulong.

Nagkaintindihan kaming mag-ina kahit parang bugtungan ang aming usapan. Sadyang ganoon nga siguro dahil sinapupunan niya ang aking kinalakhan at pinagmulan.
Nangyari na nga ang kalunus-lunos na eksenang pinagpistahan ng bayan, ang pagbaril ni Daddy sa mag-inang kapitbahay namin. Hindi ko inasahang ganoon ang pagtatapos ng Kalbaryo namin ngunit hindi ako nagtaka kung bakit ganoon nga. Halimaw siyang gustong bumawi sa kanyang prinsesa.
Nang narinig ko ang mga ingay sa labas, hiyawan at may paputok pa, pumasok ako sa kuwarto ni Mommy. "Ito na ang pagkakataon natin," sabi ko.

Tumayo siya at sinamahan ako palabas para sumbatan ang mga maiingay ng kapitbahay. Ginawa kong rason ang aking pag-aaral kahit break na.
Umasa akong susunod si Daddy para magpakitang-gilas at burahin ang latay sa likod ko at suklian ang pananakit na kumuba sa akin. Ganoon siya. Kapag nasigawan ako noon, pasalubong ang pampalubag-loob niya. Kapag napagalitan ako, may gagawin siya upang makuha muli ang aking tiwala.
Akala ko mananapak lang at ihahabla siya. Ang inisip ko ay makulong lang at mawalan siya ng trabaho. Hindi na mananatiling pulis at maglalaho na ang karahasan. Matagal nang nakatiwangwang ang sakahang namana niya sa kanyang ama. 'Yon ang aking inasahang magpapatiwasay sa kanya.
Mali. Nakalimutan kong adik sa paslangan si Daddy. Binale-wala ko ang aking mga nasilayan noon, ang pagsingkit ng mata niya, ang nginig ng laman at buto, at ang pangangati ng kanyang hintuturo. Hindi ko lubos naunawaan ang sinambit ni Mommy na hindi tao ang halimaw. Maling-mali.
Nag-Ingles pa ako para mag-Ingles din ang matanda. Udyok ang sinabi kong "My father is a policeman" sa kademonyohan ng aking ama. Para bang sinabihan ko siyang patunayan ang kanyang pagkabangis. Ang "I don't care" na winika ng ale ay lalong nagpalala gaya noong paghampas sa akin.
Sadyang mahirap kontrolin ang pagtatapos ng dula ng buhay. May adlib na wala sa script. Merong eksenang kusang uusbong.

Limang taon na ang lumipas ngunit pabalik-balik pa rin ang mga hinuhang sana ganito ang ginawa ko upang walang lagim o dapat pumagitna para walang mababaril.
Matagal nang wala akong narinig mula sa aking ama. Siya ang naghinto ng koneksiyon. May nagsabing pinapuslit ng mga kasamahang pulis kaya tago nang tago. Nasa bago niyang pamilya raw. Meron ding nagbalitang masaya na siya sa loob ng piitin. Mayor siya doon. Sinasamba. Inaalagaan.
May mga sandaling gumagalaw pa rin ang aking mga labi at "Daddy" ang binubulong. Lalo na ngayong kababasa ko lang ng tula ni Sylvia Plath, ang aming takdang-aralin sa malikhaing pagsulat na dapat tapusin. Gusto kong ilahad lahat ngunit hindi pa pala ako handa. Umaatras ang dila.
Nalutas na ang matagal nang palaisipan, kung bakit parang sinaniban ng masamang espiritu ang aking ama tuwing nakarinig ng "I don't care". 'Yan daw ang ikinamatay ng aking lolong inatake sa puso. Ginasta ni Daddy ang kita ng sakahan sa pambababae. Nagsigawan sila sa hapag-kainan.
"I can't breathe" ang huling winika ng matandang guro dati sa pampublikong paaralan sa aming barangay.

Sagot naman ng suwail na anak na dumaan sa pagkaadik noong binata pa, "I don't care."

TAPOS
*Limang taon na pala ang lumipas simula noong nangyari ang bangungot...

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

1 Sep
Reforming the healthcare system: a thread.

The PhilHealth scandal is proof that copying the West without local social, cultural, and behavioral appropriations is a waste of time, effort, and yes, money. We must have our own indigenous systems, not the purely copied Western ones.
The government should focus on the healthcare infrastructure first before asking the people to contribute.

1) A health center in each barangay that handles emergency and preventive medicine, maternity and birthing, community and public health, and mental illness and addiction.
2) A public general hospital in every legislative district that handles referrals to medical specialists.

3) A system of specialist hospitals that treat all parts of the body and all diseases in each region--heart center, lung center, children's hospital, cancer hospital, etc.
Read 10 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!