Kamakailan lang, nakahiligan ko ang pagsasalin. Ginawang akin ang banyaga para damhin ang galaw ng dila, pakinggan ang indayog ng tunog, ulitin ang imbay ng lumbay, at hawakan ang kumpas ng mga labi. Nakisabay sa ritmo ang mga daliri. Tiyempo at tono rin ang paghinga.
Nasalin ko na ang lumang resipe ng paella na namana ko sa aking lolang mahilig mag-Espanyol gamit ang Google. Azafran pala ang pampakulay na saffron na sapron o asapran sa Filipino. May natutunan na naman ako. Akala ko asinan ang saltea. Saute pala. Gisahin muna ang mga sangkap.
Marahil gustong balikan ng aking pangungulila ang aking lolang matagal nang yumao at ang aking pagkabata noong ang Pasko ay mahabang mesang puno ng pagkain, mga regalo sa salas na hindi makapaghintay sa punit, kalangitan ng mga paputok, at ang bulong niya, "Gayahin mo si Kristo."
Hindi ako nagtayo ng relihiyon o kulto at wala akong ipinangakong merong parating. Hindi pa naisalibro ang aking talambuhay para pag-usapan kada Linggo. Wala pang sumamba sa akin. Hindi ako naging tagagamot. Wala akong alam sa mahika. Ang mga disipulo ko ay mga ibon, pusa at aso.
Oo, natuto akong maglakad sa lubid noong may sirko sa amin pero hindi ako lumutang noong sinubukan ang tubig. Kinausap ko ang unos ngunit hindi nakinig sa akin. Ninipisan ang paghiwa ng bangus para marami. Niliitan ang timbang ng mga pandesal para may pangkape pa sa kinaumagahan.
Pinalayas ko ang masamang espiritu sa aking katawan. Kambal pala ng aking kaluluwa. Nagpatukso sa demonyo. Naniwala naman. Niluhuran para magparaos. Hinalikan pa ngunit pagkakanulo pala. May pokpok akong sinabihang magbago ka na. Ako 'yon. Nagpatawad kahit sa nanggahasa sa akin.
Alibughang anak ako noon. Lumayas at naging palaboy. Ako ang nawalang tupang sinubukang hanapin ngunit umayaw na matagpuan. Nagpadala sa mga tagabinhi kahit walang tutubo. Nagtiwala sa mga mangingisdang palalapa ng laman pati mga buto. Walang mabuting Samaritano. Puro palakantot.
Kung bakit buhay pa ako ay isang himala. Ang unang nobyong adik sa sadomasokismo? Ginapos ako, nilatigo ng balat, tinusok-tusok ng aspili, at hiniwa pa ang aking balat ng pambalbas. Ang panghuling kasintahan? Kalbaryo siya. Krus ang pinapasan sa akin. Pagpako na lang ang kulang.
Kalungkutan at pasakit ang mga parabola ng aking buhay na hindi pa ako handang sulatin. Baka isasalin na lang ang bahagi ng Ebanghelyo, palitan ang mga tauhan, dagdagan ang mga kalunus-lunos na pangyayari, at iayon sa aking panahon. Kay saklap ng isinilang ka para lang magdusa.
Pasyon ang itinadhana ngunit wala akong amang masumbatan kung bakit ako itinakwil o inang nakasunod habang ako ay pinabigatan at tinulak para bagtasin ang batuhan. Walang mga lola, tiyahin at babaeng kapatid na nagsiiyakan. Walang mahal na puwedeng suyuin na makingungoy sa akin.
Palaisipan pa rin sa akin ang bulong ni Lola. Pangangaral ba ang pagsasabi ng totoo sa sosyal medya o pamumulitika, ang pinagkakaabalahan ko ngayong laging nakakulong? Sermon kaya ang pagbabahagi ng kaalaman, ang tangi kong alam? Paano nga ba maging Kristo sa panahon ng ligalig?
Teka, tumatawag ang aking kuya.
Ako: Hello?
Kuya: Hello, papunta na kami diyan.
Ako: Huwag na.
Kuya: Nabakunahan na kami.
Ako: Isang turok pa lang 'yan.
Kuya: Bahala ka, magpa-Pasko kang mag-isa.
Ako: Okay lang ako. Wala namang multo rito.
Kuya: Sige, mag-ingat ka.
Ako: Bye!
Ang dami ko pa palang dapat gawin: mag-Xoom ng pera sa mga kapamilyang umaasa sa mga biyayang dala ng Pasko, maghulog sa buson ng mga sobreng pagbati ang nasa loob at magbukas ng kahon mula sa Amazon. Mura ang dolyar. Wala akong interes na lumabas. Magwiwisik na naman ng alkohol.
Pangalan ng aking bayaw ang gagamitin ko sa padala. Sugarol naman kasi ang kanyang bana. Adik sa mahjong at jueteng. Kahit pandemiya, naghahanap ng matatayaan. May online sabong. Meron pa ngang pusoy dos sa internet. Kung sino pa ang mga walang trabaho, sila pa ang mga mabisyo.
Para hindi mapunta sa sugal ang aking awa, iisa-isahin ko ang tatlo nilang anak sa Facebook. Salamat sa Diyos dahil may condom at pildoras.
Sa panganay na high school pa: "Nasa mama mo na ang pera. Magpabili ka ng laptop. Maduduling ka diyan sa selpon mo. Mag-aral nang mabuti."
"Pasensiya ka na, Rex, isang pares lang ang kaya ko" ang mensahe ko naman sa nagbibinatang pamangkin. Matangkad siya at mahilig sa basketbol. Pudpod na raw ang Nike na dala ko noon.
Walang problema sa bunso. Manika lagi ang gusto. "Magpabili ka na sa mama mo. Nagpadala na ako."
Makikiusyuso muna ako. May bagong pag-aaral na namang nakapaskil sa profile ng kapatid kong doktor. Nananatili raw ang coronavirus sa karne hanggang tatlong araw. Kaya pala hindi mangyayari ang nakagawian niya, ang isa-isang pagpapadala sa amin ng mga lechon sa biyente-kuwatro.
Hindi siya mahilig magparegalo. Binabayaran niya ang magreregalo sa kanya. Hindi ko masigurado kung hiya o pagpapahalaga. Basta hindi yabang. May pagkasanta ang kapatid ko.
"Bumili ka na lang ng libro ko," mensahe ko sa kanya. "Regalo mo. Huwag mo lang basahin dahil erotika."
Dahil sa babalang nabasa, Scotch Tape na lang ang gagamitin ko. Pagpapahiwatig din naman 'yan sa makakatanggap ng mga sobre na hindi ko nilawayan. Ako ang gumawa ng greeting cards at gumuhit ng komikong imahe sa harap--si Santa na karga-karga ang mga disinfectant na ipamimigay.
Dahil wala pa akong ganang lumabas, maglakad sa makipot na daan papunta sa buson, at makisalamuha o bumati sa mga dumadaang kapitbahay na ubo nang ubo, makikibalita muna ako sa Roku.
Babaeng newscaster: Mga pulis ang suspek sa pagdampot at pagpugot ng ulo ng biktima sa Benguet.
Lalakeng newscaster: Iniimbestigahan na ang pamamaril ng pulis sa mag-ina sa Tarlac.
Magpapasko na pero ganito pa rin ang mga naririnig at nababasa ko tungkol sa bayang matagal ko nang iniwan. Isang pindot lang sa remote, wala na. Nalilito ako. Tama ba ang aking pag-alis noon?
Matawagan nga ang isa ko pang kapatid na kalilipat lang sa New York dahil sa promosyon sa trabaho. "Deretso agad sa answering machine?"
"Kuya, delivered na raw ang mga regalo ko sa inyo. Mag-ingat kayo. Bye." Air fryer at cappuccino maker ang mga regalo ko. May mga laruan din.
"May nakalimutan ako."
Boses ulit ng aking kapatid. Please leave a message daw.
"Iwanan niyo muna sa labas ang mga kahon hanggang tatlong araw. Bago ipasok sa loob at buksan, wiligan muna ng disinfectant. Mag-mask kayo at magsuot ng rubber gloves. Last message ko na 'to. Bye."
Malapit ako sa kuya kong 'yan. Wala pa akong hiningi na hindi binigay. Noong sinabi kong magsusulat na ako at magsasalin, kusa akong pinadalhan ng desktop computer na may kasamang printer. Hindi pa siya tapos niyan. May camera pa at scanner. Isang buwang suweldo ang ginasta niya.
May text pala ang aming bunso. Huhulaan ko. Magyayaya na naman sa casino. Tumpak.
"Tumigil ka ha. Walang social distancing sa mga slot machine. Kahit sino ang mga humahawak ng baraha sa poker table. Hindi ka pa nabakunahan. Nabili ko na ang t-shirt na gusto mo. Salamat sa cake."
May sagot agad. "Nasa Pechanga na ako. Nanalo na nga sa Buffalo."
"Ayaw mo talagang magpaawat. Mag-mask ka. Dala-dala mo ba ang Purell na binili ko?"
"Nasa bulsa ko. Naka-mask nga. Sige na, naka-hit ako ng free spin."
"Tandaan ang motto: "Kapag nanalo, umalis na sa casino."
Nakontak ko na silang lahat. Paano kaya ang buhay ko kung walang teknolohiya? Mahirap maging ermitanyo sa panahon ngayon. Mapipilitan kang makialam para madadama nila na buhay ka pa. Hindi rin puwedeng balewalain ang pang-uusisa nila. Kahit walang telepono, dugo ang nag-uugnay.
Ano pa ba ang puwede kong gawin? Nasilip ko na sa bintana ang mga kaganapan sa labas. Walang dekorasyon. Hindi nagpapailaw. Wala rin sigurong paputok. Hindi nagkakantahan. Naninibago ako. Parang kuwaresma ang Pasko. Hindi pagkasilang ang pinagkakaabalahan. Salot ang usap-usapan.
Luto na ang pang-noche buena. Isa lang naman ang kakain kaya nag-paella. Kanin at ulam na 'yan. Tiramisu ang panghimagas. Hindi siguro ako makikipagtagay sa sarili. Baka magiging mas malungkot ang Pasko. Lalo nang may dalawa pang hindi bumabati sa akin. Dapat daw ako ang mauna.
Matagal nang hindi ako kinakausap ng aking mga magulang. Hindi kasi ako nakinig sa kanila noong nagmakaawa silang huminto na ako sa pagbabatikos sa sangganong presidenteng kanilang sinusuportahan. Hindi ko mawari kung pagkatakot ba o pag-asa ang kanilang suporta sa mamamatay-tao.
Napapatanong na lang ako sa sarili kung ilang pamilyang Pilipino ba ang sinisira ng pangulong demonyo? Mahirap kaya ang nasa hapag-kainan ang lahat pero nasa kuwarto ka dahil ang kahahantungan ng usapan o inuman ay tanga ka dahil hindi kagaya nilang nauto at napabilib sa kanya.
Habang hinihintay ko ang paghahating-gabi na para bang may kakatok para makisalo, maghahanap muna ako ng mga pampaskong kanta na kakaiba sa YouTube. Sawa na ako sa "Pasko na Naman". Kuwento ko ang "Pasko na Sinta ko" na aokong balikan. Ilusyong kaawa-awa ang "Sana Ngayong Pasko".
Ano ba itong pinakikinggan ko? Wala akong maiintindihan pero tagos hanggang sa mga buto ko? Parang niyuyugyog ang aking kalamnan. Bakit parang ang lalim?
Ang mundo ko ay hindi rito,
walang kahariang hanap ko,
ako'y sagipin,
sama ka sa akin.
Sumasabay ang mga paa ko sa ritmo ng mga instrumento. Umaawait kahit sintonado at lumalagpas sa tono. Umiindayog ang aking mga binting nangangatog. Umiimbay ang mga bisig sa kaligkig ng lakas ng tunog. Umiikot ako kasabay ang tiyempo. Nawawala ang lumbay. Naglalaho ang ligalig.
Umiikot ako. Pawisan. Lumulukso na parang hindi sinasadya. Luhaan. Napakalaya ng aking pakiramdam. Inaalala ang laging pangaral ng lola tuwing pasko.
Pagkatapos ng kanta, nasa sahig na ako. Hawak-hawak ang telepono. Pinipindot ko ang numero ng aking mga magulang na nasa malayo.
"Ma, ako 'to. Babati lang sa inyo."
"Buti naman naisipan mong magpakumbaba."
"Nandiyan si Papa?"
"Nasa sakahan. Dinaanan ng bagyo ang niyugan."
"Magpapadala ako. Sabihin mo kay Papa... binabati ko siya."
"Maya-maya lang, dadating na 'yon. Tumawag ka ulit."
"Ma..."
"Ano?"
"Sana regalo niyo na sa akin."
"Ang alin, anak?"
"Pinatatahimik ba ng mga magulang si Kristo kahit binataan na siya at ipinagkanulo pa?"
"Anong ibig mong sabihin? Lasing ka ba?"
"Regalo niyo na lang ang hindi pagpapatahimik sa akin."
"Isyu mo 'yan sa Papa mo. Mag-usap kayo."
"Okay na sa 'yo ang ginagawa ko?"
"Anak, hindi kita pinalaki para maging tupa. Ang mga oyayi ko at pagtuturo sa 'yo kung paano magsalita. Pinatahimik ko ang 'yong iyak para hindi ka masanay.
"Salamat, Ma. Tatawag na lang ako mamaya."
"Naiintindihan kita. Intindihin mo siya."
Buong-buo ang ngiti sa aking mukha. Naglalaho ang bigat ng Krus na pasan-pasan ko. Magaan na ang dibdib. Sinisimulan ko na ang pag-aayos ng mesa. Nasa labas na ang bote ng alak. Puwede nang tumungga. Hindi na masikip ang kunsensiya. Wala na ang lumbay sa puson.
"Herusalem..."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Sampung taon na pala ang lumipas simula noong nangyari ang bangungot na pinagpistahan ng lahat. Hindi na ako menor de edad. Handa na akong magsalita. Wala nang dapat itago. Hindi para maghugas ng kamay o ipawalang-sala ang sarili o pabanguhin ang masangsang.
Tuluyan nang naglaho ang takot. Nawala rin ang kinimkim na hiya. Puwede na akong magpakatotoo. Dala ng aking ikalabing-walong kaarawan ang paglaya. Malaya na ako mula sa nakaraan, sa mapanghusgang mundo, at sa mga matang galit o kutya and itinitig. Hindi ko na kailangang yumuko.
Tawagin niyo na akong maldita. Laitin niyo ako nang laitin. Tanggap ko naman na pasaway ako noon. Pero dapat alam niyo ang buong kuwento—kung kailan nagsimula at kung bakit ganoon ang katapusan. Oo, papa's girl ako. Spoiled brat sabi nila. Kaya little monster. Unruly child raw.
The PhilHealth scandal is proof that copying the West without local social, cultural, and behavioral appropriations is a waste of time, effort, and yes, money. We must have our own indigenous systems, not the purely copied Western ones.
The government should focus on the healthcare infrastructure first before asking the people to contribute.
1) A health center in each barangay that handles emergency and preventive medicine, maternity and birthing, community and public health, and mental illness and addiction.
2) A public general hospital in every legislative district that handles referrals to medical specialists.
3) A system of specialist hospitals that treat all parts of the body and all diseases in each region--heart center, lung center, children's hospital, cancer hospital, etc.