Napag-alaman namin kahapon na nakasama na ni Kate Raca ang kanyang pamilya sa kampo ng 3rd Marine Brigade sa Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City. Ngunit nababahala kami sa mga ginagawa ng Philippine Marines sa katauhan ni Col. Jimmy Larida ng 3rd Marine Brigade, ng AFP WESCOM,
at ng Palawan PTF-ELCAC:
1. Labag sa karapatang pantao ni Raca na ipiit sya sa kampo ng Philippine Marines sa layuning pirmahan niya ang mga papeles para sa pagsuko at upang sumailalim sya sa mga anumang ninanais ng Marines at AFP.
Labis ding iligal at hindi makatao ang pag-uudyok ng Marines sa kanyang pamilya at mga kamag-anak na ipasok si Raca sa anumang kasunduang posibleng lumabag pa sa kanyang mga karapatan bilang hors d' combat at prisoner of war.
Anumang paglabag dito ay sakop ng mga probisyon ng Geneva Conventions at International Humanitarian Law na sumasakop sa karapatan ng mga lumalahok sa armadong tunggalian at sa mga sibilyan.
2. Lumabas din sa mga balita na pinirmahan ni Raca ang isang "malayang salaysay" ng kanyang "pagsuko sa gobyerno" at ang kanyang "pagpili na manatili muna sa kampo". Ginamit na ito nila Col. Larida at ng 3rd Marine Brigade bilang "pagpayag" na manatili si Raca sa kampo,
at posibleng patagalin nang walang taning ang kanilang paglagi rito. Sa isang banda, nanggagaling ito sa posibleng pagpapamalas ng impluwensya ng Marines kay Raca at sa kanyang pamilya. Positibo man o negatibo, anumang impluwensyang ipinapasok sa kanya ay maaring sabihing psywar
hindi lamang kay Raca kundi sa kanyang pamilya.
3. Anumang patas na pagtrato kay Raca ay hindi dapat utang na loob sa Marines kundi isang responsibilidad sa internasyunal na makataong batas. Resulta na rin ito ng pagbanggit ni Raca sa publiko na maaring labagin pa ang kanyang
karapatan kung hindi sya magpapakita sa publiko. Kasama pa rin sa rekord ng Marines at ng PPTF-ELCAC ang psywar at pagbuburo ng mga bangkay ng Brookes' Point 5 noong Oktubre 2020 kahit na hawak na ng mga pamilya ng mga nasawi ang karampatang requirements.
4. Mahigpit naming binabalaan si Col. Larida at ang 3rd Marine Brigade sa anumang patagong pangangausap, at aksyong gagawin nila na mabibilang na psywar kay Raca at sa kanyang pamilya. Lalabag ito sa Anti-Torture Act of 2009, na nagbabawal sa anumang porma ng sikolohikal at
pisikal na tortyur, kabilang na ang pinahabang interogasyon at iba pang katulad na paraan; at sa iba pang mga kaugnay na batas at patakaran.
5. Nagmula na rin sa interbyu ni Raca sa midya na handa siyang harapin ang anumang kasong isasampa sa kanya. Kaakibat ng mga karapatang pantao ni Raca -- kahit na siya ay dating NPA, ang pagkakaroon ng legal counsel na gagabay kay Raca at sa kanyang pamilya sa anumang aksyon at
remedyong ligal na nais nilang gamitin. Ang nasabing abugado ay dapat pipiliin nang walang impluwensya ng AFP, Marines at PPTF-ELCAC, at dapat nila itong kilalanin.
6. Kinukundena namin ang baluktot na moralidad ng AFP WESCOM, Philippine Marines at Palawan PTF-ELCAC, na layon lamang pasukuin at gawing halimbawa si Raca upang isulong ang militarisasyon sa mga komunidad ng Palawan at maging sa mga paaralan.
7. Sa huli, ang kaso ni Raca bilang hors d' combat at prisoner of war ng Philippine Marines at ang anumang aksyon ng Marines upang impluwensyahang pumasok si Raca at ang kanyang pamilya sa anumang paraan ng pagpapagamit sa AFP at Marines ay dagdag na ebidensya
ng napakarahas na paraan ng AFP at NTF-ELCAC upang wakasan ang armadong tunggalian sa bansa. Nasasayang ang kaban ng bayan sa sangkatutak na E-CLIP at proyektong imprastrakturang babayaran umano ng Barangay Development Program (BDP).
Hindi naman ito tutugon sa suliranin ng mga magsasaka sa lupa, o sa paninindigan ng mga katutubong Palaw'an laban sa malawak na kumbersyon ng kanilang mga lupain tungong minahan at plantasyon ng palm oil.
Naninindigan ang Karapatan-TK na malulutas lamang ang armadong tunggalian sa bansa kung lulutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian nito, na malaon nang nagdala sa ating mga kababayan sa malaong kahirapan at pagkadusta.
Panawagan ng Karapatan TK: Alisin si Kate Raca mula sa kustodiya ng Marines!
Mula pa noong Disyembre 11 ay nasa kamay na ng 3rd Marine Brigade, Western Command, Armed Forces of the Philippines si Kate Raca.
Mahigit 48 oras na rin mula noong napasakamay ng mga ito si Raca nang wala namang kasong inihaharap sa kanya.
Maaaring sa pagkakataong ito ay sapilitang pinapapirma at pinapailalim sa proseso ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP)
si Raca tulad ng mga kasong naitala noon ng Karapatan TK. Ang E-CLIP ay isang huwad na programang magbibigay serbisyo diumano sa mga susukong ‘rebelde.’ Desperadong inilalako ito kahit sa mga sibilyang hindi naman sangkot sa armadong labanan.
Kilalanin ang CAHRIHL at Karapatan ni Kate Raca bilang Hors de Combat sa Palawan!
Napilitang ipaubaya ni Kate Raca, isang dating mandirigma ng New People’s Army, ang kanyang sarili sa mga otoridad bunga ng mabagsik at sunud-sunod na Focused Military Operations sa Roxas, Palawan.
Ayon sa isang interbyu ng midya kay Raca, isang guro na gradweyt ng University of the Philippines – Diliman, kinubkob ng Marine Battalion Landing Team 4 (MBLT-4) ang kampo na kanilang hinihimpilan sa Barangay Tinitian na naging dahilan upang mapahiwalay siya sa kanyang mga
kasamahan, at kagyat na humingi ng tulong sa mga sibilyan at Barangay kapitan.
Si Raca ay maituturing na Hors de Combat, o dating mandirigma na wala na’ng intensyon pang lumaban sa konteksto ng digmaang sibil sa loob ng bansa.