BAKANALYA SA CORDILLERA

Hanging nagmula sa ilong ang haguthot ng kalaleng. Hudyat ng pagtitipon sa isang masukal na gubat ang pagtunog nito. Tinunton ng mga bakante ang pinagmulan ng taghoy ng plautang kawayan na pinalid ng hangin. Naghintay ang mga pangang hawakan ng gangsa.
Patapos na sa UP Baguio si Salidumay na may dugong Kankanaey. Literatura ang kanyang inaral. Nakahiligan niya ang pagbabasa ng mga trahedya ng mga Griyegong dramatista. Artista sa teatro naman kasi ang kanyang ina. Ang mga dula ni Euripedes ang pinagtuunan niya para gawing tesis.
Pangasinense ang kanyang amang matagal nang pulis sa Benguet. Doon na nga nakapag-asawa. Tanyag siya sa katapangan kaya siguro natutunan siyang tanggapin ng mga katutubong mahirap sindakin. Bantog din sa probinsiya ang mga kawalang-hiyaan niya. Mula sa kotong hanggang sa droga.
Kung gaano kasalbahe ang ama ay ganoon din kabait ang anak na bantog sa ganda at talino sa buong kampus. Hindi sila magkasundo. Aktibista siya at laging karapatang pantao ang kanyang bukambibig. Galit sa mga palaprotesta ang kanyang amang tagapatupad ng EJK ng pangulong berdugo.
Ikinahiya ni Salidumay ang kanyang ama kaya bihira na siyang umuwi sa kanila. Kung walang klase, nakituloy siya sa pinsan sa kabisera. May tinago rin siya sa kanyang pamilya. Matagal na niyang nobyo si Adhan na isang Muslim at anak ng mag-asawang tagalinis ng moske sa siyudad.
Lahat ng pangarap ng mga magulang ay nakatuon sa binatang ang pangalan ay hango sa pagtatawag para sa padasal sa Islam. Ang dalangin ng mag-asawa ay maging imam ang anak na walang interes sa relihiyon at maging sa pag-aaral. Ang gusto ay magkapera, bumili ng lupa, at maggulayan.
Maraming tutol sa relasyon ni Salidumay kay Adhan. Noong nagkabistuhan na, maliban sa ama, umayaw ang lolo niyang ang gusto ay ang anak ng politikong katribu. Pampaayos daw siya ng gulo. Nakisawsaw rin ang kababata niyang sundalo na matagal nang kinimkim ang kanyang pagkagusto.
Humindi rin ang iliteradong kuya ni Adhan na ayon sa sabi-sabi ay nakisimpatiya sa mga terorista. Galit siya sa mga kristiyano at sa animismo kahit hindi pa nabasa ang Koran. Nanggatong pa ang matandang imam. Wala raw papalit sa kanya kung magpapatukso ang binata sa hindi Muslim.
"Walang uri ang pagmamahalan," katuwiran ng babae sa mga tumutol.

"Relihiyon ang pag-ibig," paliwanag ng lalake sa mga sumalungat.

Drayber ng bus si Adhan. Mula Baguio hanggang La Trinidad ang kanyang ruta. Sa bus sila unang nagkita ni Salidumay noong umuwi ang huli sa kanila.
Isang libo ang pera ng magandang babae at walang panukli ang guwapong drayber. 'Yan ang simula. Nagkamabutihan. Inako ni Adhan ang pamasahe. Kinuha ni Salidumay ang numero ng lalake para tawagan at bayaran. Sa telepono na sila nagkahulugan ng loob hanggang sa naging sila na nga.
Dahil aktibista, sanay makipamuhay sa mga magsasaka sa Cordillera ang kasintahan kaya patok sa kanya ang pangarap ni Adhan na magkaroon ng gulayan. Dahil enbayronmentalista rin si Salidumay, ayos sa kanya ang planong mga organikong gulay ng nobyo. Sikreto ngang nag-ipon din siya.
Noong sapat na ang ipong dinagdagan ng suweldo ng babae sa call center, nagplano na silang bumili ng lupa, magpatayo ng maliit na bahay, at magpakasal subalit biglang naglaho si Adhan. Buong buwang naghanap si Salidumay ngunit sa panaginip niya lang natagpuan. Nagmakaawa. Duguan.
Ang nakapagtataka ay hindi nagalaw ang pera sa bangko at walang damit na dala ang nobyo.

"Baka Papa mo ang nagpadampot," sabi ng matalik na kaibigan.

"Nasa Manila si Papa sa linggong 'yon," pahikbing wika ni Salidumay.

"Baka lolo mo."

"Matanda na. Nakaratay siya sa higaan."
"Si Tulambik? Tapos na siya sa PMA at sundalo na. Baka nagselos at nagpakitang-gilas dahil may baril na. May mga lalakeng ganyan. Baka ayaw niyang mapunta ka sa iba."

"Nag-usap na kami. Noon pa. Na hindi puwede. Kapatid ang turing ko sa kanya. At may GF na siya sa Nueva Ecija."
"Baka pamilya ni Adhan?"

Napaisip si Salidumay. Tumayo siya at iniwan ang kaibigan sa kapehan para puntahan ang pinsan ng nobyo na kasundo niya at magtanong. Hindi na naghintay ng masasakyan. Takbong pigil ang kanyang pagbagtas ng daan. Naghalo ang luha, pawis, at tulo ng ilong.
"Hindi kayang gawin 'yan ng mga magulang ni Kuya Adhan. Siya ang paborito nila. At 'yong kapatid niya ay nasa Sulu na namamalagi. Malabong siya." Napakamot sa ulo ang pinsan ni Adhan sa mga tanong ni Salidumay.

"'Yong imam na galit?"

"Nasa Quiapo na siya. Iba na ang imam dito."
Hindi pa nakapagsalita, nagmakaawa na ang mukha ng dalagang halata ang bigat sa dibdib. "Kung may alam ka... kahit ano... ikuwento mo sa akin." Basa ang kanyang hikbi.

Niyakap siya ng pinsan ng nobyo. "May mga duda ako. Hindi ako sigurado. Usap-usapan nila. Mga naririnig ko."
Kumawala si Salidumay sa mahigpit na yakap at nanlaki ang mga mata. "Ano ang mga naririnig mo? Sabihin mo sa akin."

"Pumunta ka na ba sa police station?"

"Nakausap ko na ang mga kapulisan sa Baguio., sa buong Benguet. Wala silang alam."

"Sa mga punerarya?"

"Naglibot na ako."
"May nakaalitan si Kuya. Isa ring drayber ng bus na sumulot ng mga pasahero niya. Nagsumbong siya sa kapitan na adik at tulak daw ang aking pinsan kahit hindi naman."

"Nagagalit nga 'yon tuwing naninigarilyo ako. Droga pa kaya? Pumunta na ako sa kapitan. Hindi raw nakalista."
"May isa pang hinala ang kapitbahay nila. Ubo nang ubo raw si Kuya kaya dinampot ng mga mamang naka-face mask. Baka taga-DOH. Dahil siguro sa takot, inilibing agad nang hindi na nagpaalam sa amin."

"Pinuntahan ko na ang mga ospital. Wala silang pasyenteng Adhan ang pangalan."
Walang kinahantungan ang paghahanap ng kasintahan kundi sa mga sabi-sabing hindi napatunayan. Napagod na siya kaya nagmukmok na lang sa kuwarto sa bahay ng mga magulang. Bumitiw sa trabaho. Hindi na tinapos ang tesis. Inatupag ang pagbabasa ng mga trahedya. Inulit kapag tapos na.
Isang taong ginugol niya sa depresyon ang lumipas bago pumutok ang balita sa buong probinsiya na may kalansay sa banging malapit sa bundok-palayan. Walang bungo. Lalaki ang anyo ng mga butong pinuti na ng araw at ulan at hinubdan ng laman ng mga uod, kulisap, at ligaw na hayop.
Isa si Salidumay sa mga nakiusyuso. Pagkakita niya sa damit, naglupasay siya sa putikan. Naalala niya agad ang kulay, tela, logo, at estilo ng t-shirt na binili niya noong huling kaarawan ng nobyo. Nilublob ang ulo sa tubig na amoy-patabang nakalalason para lunurin ang hininga.
Inawat siya. Sumuka ng putik. Bumahing ng lupa at tubig. Hindi natuluyan ngunit pinipi ng pagluluksa. Palatitig na sa kawalan ang mga mapupungay na mata. Gumalaw paminsan-minsan ang labing nakipagpaligsahan sa tahimik na hangin. Walang tunog ang paghahanap niya ng bungo ng nobyo.
Sadyang walang apoy na hindi magkakausok. Hindi nagtagal, kumalat din ang ugung-ugong. Mga pulis daw ang salarin at biktima ng tokhang si Adhan. Nagkasigla ang pananamlay ni Salidumay. Nagsibalikan ang mga salita. Ang unang wika, "Hahanapin ko ang ulo niya. Yayakapin. Hahalikan."
Dahil sanay sa pag-oorganisa noong mag-aaral pa, sinuyod niya ang buong Cordillera upang kausapin ang mga pamilya ng mga biktima ng EJK at kumbinsihin ang mga gustong maghiganti sa mga tagapaslang na pulis na sumali sa grupong kanyang tinatag: "Wasay"--ang pampugot-ulong palakol.
Meron pang sumali na lolang mama-o, tagadasal sa mga anito. Naghanap ng katarungan para sa apo. Siya ang nagmungkahing dapat may ritwal para tumapang at magdasal kay Lumawig, ang diyos ng digmaan na aalayan ng mga ulo. Humithit sila ng mga damo hanggang sa sapian ng mga espiritu.
Pinag-isa ni Salidumay ang iba't ibang paniniwala at kultura ng paghihiganti nilang mga babae. Naging kulto ng galit ang kanyang grupo. Nagkaisa sila sa paghahanap ng mga pumaslang sa kanilang mga mahal sa buhay. Napanaginipan ng mama-o na sa Benguet ang unang alay kay Lumawig.
Naghudyat na nga ang kalaleng para sa pagtitipon ng mga babae sa gubat. Nag-ingay na rin ang mga gangsang hinampas ng mga palatpat. Humithit sa mga tabakuang kawayan. Usok ng mga damo, ugat at buto. Lumagok ng tapuy. Nag-awitan. Nagkatay ng manok gamit ang mga daliri. Naghiyawan.
Pagkatapos lapain ang kinatay nang hilaw, may sinaniban. Isa lang. Si Salidumay. Nangisay siya sa damuhan. Bumula ang bibig. Nang tumigil ang panginginig, nagsalita habang nanlilisik ang mga mata, "Ako ang unang mag-aalay. Pinahintulutan na ako ni Lumawig. Tagalabas ang salarin."
Takipsilim na nang natapos ang ritwal. Naligo muna ang mga babae sa batis. Nilabhan ang mga duguang suot. Nagpalit ng damit. Naglakad pauwi.

Sinalubong si Salidumay ng ama. Namula ang mga pisngi sa galit. "Kababae mong tao pero lakwatsera!"

Nakatitig ang anak sa mukha ng ama.
"Saan ka galing?"

Kumunot ang noo ni Salidumay habang titig na titig sa amang nakauniporme pa. Inilihis niya ang ulo pakanan at pakaliwa para siguraduhin ang kanyang nakita.

"Pasok sa kuwarto! 'Wag lalabas hanggang may pahintulot ako."

Kumurap ang anak. Tiningnan muli ang ama.
Habang hinihintay ang paghahain sa mesa, naidlip ang ama sa sopa sa salas. Napagod yata sa pamamalo ng mga tambay na ayaw mamalagi sa kanilang mga bahay kahit kalat na ang pandemiya. Palakas nang palakas ang kanyang paghilik. Tumalsik pa ang laway na hinipan ng bumugang hininga.
Patingkayad na humakbang si Salidumay palabas ng kuwarto. Pati ang pagbukas ng pinto ay pigil ang ingay. Kita niya mula sa malayo ang ama. Tinitigan niya ulit ang mukha. Kinusot niya ang mga mata. Itinuon muli ang tingin sa salas. Humikbi. Tumulo ang kanyang mga luha. Napangiti.
Dahan-dahan siyang pumasok sa kuwarto ng lolong tulog din at matagal nang bingi. Marahang pinakawalan ang palakol na nakasabit sa dingding. Sumama ang mga pakong kinalawang na sa tagal. Namana pa raw ang wasay sa lolo ng kanyang inang ang angkan ay tanyag sa pamumugot ng mga ulo.
Humakbang siya papalapit sa amang nakatagilid at nakasandal ang ulo sa bisig ng sopa. Ugong ng tren na ang hilik. May sipol pang kasama. Hampas ng habagat ang paghinga.

Merong binulalas ang anak na parang ligaw na bulos ng hangin sa hina. "Hindi ka pulis, Mahal. Sigurado ako."
Isang taga lang, bumagsak na ang ulo ng ama at gumulung-gulong sa sahig. Nagkalat ang dugo. 'Yon naman ang paglabas ng ina mula sa kusina dala ang mangkok na puno ng pinikpikan. Nabitawan ang sinabawang manok. Wasak ang lalagyan. Nanigas sa nakita. "Sali, bakit?" sigaw ng ina.
"Mama, nakita ko na ang ulo ni Adhan." Tuwa ang inginiti ng anak. Galak ang tambok ng kanyang mga pisngi. Pumungay ang mga mata.

"Ama mo 'yan!"

"Hindi mo ba nakikita ang nunal niya sa may kilay?" Kinuha niya ang ulong pugot at ipinatong sa kanlungan. Niyakap. Hinalikan sa noo.
Nagsidatingan ang mga kapitbahay. Dumagsa rin ang mga pulis. Pinusasan si Salidumay at dinala sa estasyon.

Nang nabalitaan ng mga mababangis na babae ng Wasay ang sinapit ng kanilang lider, sumugod sila sa labas ng kulungan. Nanalangin. Kumanta. Sumayaw. Naghiyawan at nagbunyi.
Tila nakakita ng mga multo ang mga pulis sa kanilang namalas. Nagpatawag sila ng mumbaki para magpadasal sa mga anito at nang mahimasmasan ang mga babaeng sinapian. Nagsagawa ng ritwal para patahimikin si Lumawig at mahinto na ang kaguluhan. Tumahimik ang mga babae at nagsiuwian.
Sinimulan ang imbestigasyon kinaumagahan. Natagpuan sa dating imbakan ng palay ng lolo ni Salidumay ang ulo ng nobyo na tuyung-tuyo na dahil pinausukan.

Kinausap ang matanda. "Hindi ako sigurado na seryoso ang sinabi niyang pupugot ng ulo para suklian ang nadungisang dangal."
Ayon sa mga katutubong kapitbahay na hindi nagtaka sa sinapit ng mag-ama, matagal nang ninais ng tagalabas na pulis na mamugot ng ulo para patunayan sa biyenan ang kanyang kabangisan, katakutan siya at tuluyang tanggapin ng pamayanan. Kaya pala pinilit niyang ibalik ang nakaraan.
Hindi kinasuhan si Salidumay. Pinalabas sa bilangguan. Ikinulong naman ng ina sa lumang bodega. Katinuan ang ipinambayad sa buhay ng ama na kinitil niya. Marami-rami rin ang pumanig sa kanya.

Binuwag na ang Wasay pagkatapos pangakuan na tutulungan para makamit na ang katarungan.
Inilibing na si Adhan. Lungkot na ang tunog ng pagtatawag para sa padasal sa moske ayon sa mga magulang.

Hindi pa tapos ang pagluluksa ni Salidumay. May mga pumalit na bakante sa bodega. Mga lamok, langaw, at ipis. Ang maamong daga ang lider ng ritwal. Si Bacchus na ang sambit.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

24 Dec
HERUSALEM

Kamakailan lang, nakahiligan ko ang pagsasalin. Ginawang akin ang banyaga para damhin ang galaw ng dila, pakinggan ang indayog ng tunog, ulitin ang imbay ng lumbay, at hawakan ang kumpas ng mga labi. Nakisabay sa ritmo ang mga daliri. Tiyempo at tono rin ang paghinga.
Nasalin ko na ang lumang resipe ng paella na namana ko sa aking lolang mahilig mag-Espanyol gamit ang Google. Azafran pala ang pampakulay na saffron na sapron o asapran sa Filipino. May natutunan na naman ako. Akala ko asinan ang saltea. Saute pala. Gisahin muna ang mga sangkap.
Marahil gustong balikan ng aking pangungulila ang aking lolang matagal nang yumao at ang aking pagkabata noong ang Pasko ay mahabang mesang puno ng pagkain, mga regalo sa salas na hindi makapaghintay sa punit, kalangitan ng mga paputok, at ang bulong niya, "Gayahin mo si Kristo."
Read 42 tweets
21 Dec
PULIS ANG DADDY KO

Sampung taon na pala ang lumipas simula noong nangyari ang bangungot na pinagpistahan ng lahat. Hindi na ako menor de edad. Handa na akong magsalita. Wala nang dapat itago. Hindi para maghugas ng kamay o ipawalang-sala ang sarili o pabanguhin ang masangsang.
Tuluyan nang naglaho ang takot. Nawala rin ang kinimkim na hiya. Puwede na akong magpakatotoo. Dala ng aking ikalabing-walong kaarawan ang paglaya. Malaya na ako mula sa nakaraan, sa mapanghusgang mundo, at sa mga matang galit o kutya and itinitig. Hindi ko na kailangang yumuko.
Tawagin niyo na akong maldita. Laitin niyo ako nang laitin. Tanggap ko naman na pasaway ako noon. Pero dapat alam niyo ang buong kuwento—kung kailan nagsimula at kung bakit ganoon ang katapusan. Oo, papa's girl ako. Spoiled brat sabi nila. Kaya little monster. Unruly child raw.
Read 71 tweets
1 Sep
Reforming the healthcare system: a thread.

The PhilHealth scandal is proof that copying the West without local social, cultural, and behavioral appropriations is a waste of time, effort, and yes, money. We must have our own indigenous systems, not the purely copied Western ones.
The government should focus on the healthcare infrastructure first before asking the people to contribute.

1) A health center in each barangay that handles emergency and preventive medicine, maternity and birthing, community and public health, and mental illness and addiction.
2) A public general hospital in every legislative district that handles referrals to medical specialists.

3) A system of specialist hospitals that treat all parts of the body and all diseases in each region--heart center, lung center, children's hospital, cancer hospital, etc.
Read 10 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!