BAKSIN

Naghahanda ang Tsina para sa pangatlong digmaang pandaigdig. Naninigurado naman ang mamamatay-taong pangulo ng Pilipinas na hindi siya madadakip ng International Criminal Court dahil sa salang crimes against humanity. May kasunduan ang amo at ang tuta na magdadamayan.
Sa tulong ng mga Tsinong sundalong nagpapanggap na mga turista o retiradong residenteng nagnenegosyo, itinatatag ng pangulong diktador ang BAKSIN--Biological Automatic Kinetic Senses International Network. Layon nito na magkaroon siya ng mga superbodyguard na dedepensa sa kanya.
Padala ng gobyerno ng Tsina ang mga ekspertong siyentista at makabagong teknolohiyang ginagamit nila sa pagtatag ng hukbo ng mga supersoldier na isasabak sa plinaplanong digmaan. Mga isla sa West Philippine sea ang pambayad ng pangulong pati buhay ng kapwa Pilipino ay ninanakaw.
Kasama sa pandaigdigang disenyo ng Tsina ang pagtatag ng mga network sa mga bansa ng mga diktador na tinututa para madaling magkaroon ng mga kaalyadong supersoldier sa hinaharap. Tinitigasan ang pangulo sa plano. Sanay kasi sa drug war kaya kahit anong digmaan ay gustong salihan.
Buo ang loob ng diktador dahil sa pangako ng mga Tsino. Pinupursigi na niya ang pananatili sa puwesto habang may hininga. Mga mababangis na superbodyguard lang ang kailangan para mahihirapang magkudeta ang mga sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kung walang perang panlagay.
Sampung miyembro ng PSG, ang tagabantay ng pangulong matapang lang kung may mga guwardiya, ang pinapasailalim sa mga pagsusuri bago ang turukan. Lahat sila ay mga atleta ng Philippine Army. Matatapang. Malalaki ang mga katawan. Matatangkad. Mga mukha pa lang, sanay na sa patayan.
Tanggal agad ang dalawa dahil humihingal kahit isang daang metro lang ang layo ng tatakbuhin. Nagsisinungaling kasi. Chess pala at Ping Pong ang mga laro nila. Hindi rin nakapasa ang putol ang hinlalaki sa kanang paa. Burado ang isa pa dahil isa lang ang bayag. Anim ang natitira.
"This, I put in your arm," sabi ng siyentista sa unang tuturukan. "You, not get sick anymore. No flu. Not covid. SARS, no. You very healthy. Very strong also."

"Thank you, sir." Animo'y tupang sumusunod sa matadero papunta sa katayan ang Pilipinong sundalo. Tango nang tango.
Itinataas ng Tsino ang mga bisig niya para patambukin ang mga masel. "You superhero now. Can kill many. Fight a lot also. Not tired. No sweat. Brave."

Humahakbang ang sunod sa pila. Pagkasabik ang pinapahalata ng kanyang mukha. Tila idolo niya si Superman. Hindi makakapaghintay.
"You, fast after this. Run. Jump. Swim. All fast. You know alert?"

"Yes, sir, I'm a mixed martial arts fighter."

"Good, because you robot fighter now. No surrender. No hands up. Always fight, fight until win." Tinatawag ng nagtuturok and pangatlong naiidlip sa kanyang Ingles.
Kumukunot ang noo ng tuturukang sundalo. Tinititigan niya ang laway na bumubula sa gilid ng bunganga ng Tsino, ang mga malatsokolateng batik-batik sa kanyang lab coat, ang pangalang nakasulat at ang mga dumi sa ilalim ng kanyang mga kuko. "Wait. No. Sorry, sir, I change my mind."
"Why? Not like become superhero?"

"I don't see MD after your name."

"Me no doctor. Not work in hospital. Me scientist. Work in laboratory. My government give money to me."

"I want to quit, sir. I have to go." Tumatalikod ang pangatlo. Binabaybay and gilid ng dingding sa hiya.
Hindi na hinihintay ng pang-apat na tawagin siya. Siya na mismo ang humihila pataas ng kanyang manggas.

"Good, you not quitting. This, very good for country."

Habang tinuturukan ang pang-apat, kinakausap ng panglima ang kaibigan at kaklase sa likod niya, "Bok, baka totoo ito."
"Walang masamang mangyayari kung palpak," wika ng pang-anim, "kundi ganito pa rin tayo."

"Bok, susugal tayo?"

"Hindi ako aatras, Bok."

"Ano ang masama sa lakas? Wala."

"Sino ang ayaw ng kapangyarihan?"

Nag-uuntugan ng mga kamao ang dalawa. Ngumingisi na parang mga kambal.
Pagkatapos turukan ang dalawa, humahaba ang ngiti ng siyentistang Tsino. Nagmimistula siyang demonyong nasa loob ang halakhak dahil ganap na ang masamang balak. Lalong sumisingkit ang mga mata. Tumutulo ang laway niya. "You five now most powerful in Philippine. Congratulation!"
Walang reaksiyong nabubuo sa mga mukha ng lima. Kahit kurap ng mga talukap, wala. Nasa malayo ang tingin na para bang may gustong marating. Tikom ang mga labi. Kahit tango, wala. Tumitigas ang kanilang mga katawan. Tila mga robot na naghihintay ng mga bagong bateriya o pagsususi.
Hindi lang mga protinang nagdudulot ng mutasyon sa RNA at nagrereplika ng DNA ang dumadaloy sa mga ugat ng mga sundalo. Nakabaon na rin sa kanilang mga laman ang mga nanotube na may biyokemikal para sa unti-unting pagbabago ng kanilang pagkilos, pagdamdam, pag-aasal at pag-iisip.
Isang palakpak lang ng siyentista, natatauhan na ang lima. Animo'y mga lasing na nahihimasmasan o mga tulog na naaalimpungatan. Kontrolado na ang pandinig. Maging ang paningin, pang-amoy, panlasa, at pandama nila. Mga tao sa labas ngunit mga robot sa loob kahit walang mga makina.
Pamartsang naglalakad ang limang sundalo papunta sa kabilang silid para sa indoktrinasyon ng pangulong tuwang-tuwa sa nakikita. Mas masahol pa sa mga alipin ang mga guwardiya niya noon. May liksi ng tigre ang kanilang pagkilos. Merong bangis ng leon sa mga mukha. Pero mga tupa.
"Simula ngayon, triple na ang suweldo niyo. May dagdag na 14th month bonus sa mga kasalukuyan niyong tinatanggap. Meron pang biotech hazard pay. Libreng pabahay at pakotse. Libre ang kuryente, tubig, at internet. Libreng bigas at gasul buwan-buwan. Libre lahat. Hingin niyo lang."
Mga estatwang nakaupo lang ang mga sundalo. Nakaprograma na ang kanilang mga utak na makinig, magmemorya, sumunod, at huwag umangal, magpalagay o magduda. Sabayan ang kanilang bilang na bilang na pagpalakpak pati ang pagtaas at pagbaba ng mga kamay. Talo pa ang pagkanta ng koro.
"Tumayo kayo at itaas ang kanang kamay."

Nagsisitayuan ang lima. Kakaiba ang bilis ng pag-alsa ng mga katawan mula sa mga upuan. Tila may mga spring ang mga buto. Sabay-sabay ang mga galaw ng mga kamay, bisig, at balikat. Ganoon din ang pagsulyap o pagtitig ng kanilang mga mata.
"Nanunumpa ako na iaalay ko ang aking buhay para sa kaligtaasan, kapakanan, kagustuhan at kaluwalhatian ng pangulo ng Republika ng Pilipinas. Tungkulin ko na depensahan, protektahan, bantayan at ipaglaban siya nang walang pagdadalawang-isip, pagtatanong, pagdududa at paghihindi."
Isinasabak kaagad ang lima sa pamamaslang ng mga adik at tulak at sa pagtutugis sa mga aktibista at rebelde. Talo pa nila ang lahat ng mga estasyon ng kapuluan at ang hukbong sandatahan ng bansa sa dami ng mga bangkay na napapatihaya. Kahit galos, wala silang natatamo sa katawan.
Tiyak na ang bisa at bangis ng mga superbodyguard kaya itinatalaga na sa Palasyo. Lalong umiigting ang kayabangan ng diktador na walang sinumang puwedeng magpatalsik sa kanya. Pasidhi rin ang kanyang pagnanasang kumapit sa puwesto. Nagiging kasinglawak ng Tsina ang lakas ng loob.
Habang tumatagal, nahahalata ng mga pamilya, kaibigan at kasamahan sa trabaho ang mga pagbabago sa lima. Tatlong buwan pa lang simula nang sila ay turukan, nagsisilabasan na ang mga hindi inaasahang epekto. Hindi dapat para sa mga Pilipino ang biyoteknolohiyang para sa mga Tsino.
SBG-001

Pasingkit nang pasingkit ang mga mata at dura siya nang dura kahit saan-saan. Animo'y hinahainan ng parehong pagkain araw-araw at nayayamot sa hapag-kainan kaya tinutungtong ang mga siko at binibinat ang mga mata dahil pansit na naman at gustong sukahin ang tinitikman.
SBG-002

Ayon sa pamilya, kasingbait niya ang mga santo noon. Matulungin daw. Nagpautang kahit hindi binayaran. Ibang-iba na siya ngayon. Kaning bahaw lang ay ipinagdadamot. Pati mga sili sa bakuran ay pinapabayaran. Mas mahal ang malunggay. Pagkasakim ang nakikita nila sa kanya.
SBG-003

Siya ang may pinakamalaking problema. May asawa at dalawang kabit. Lahat ay may mga anak sa kanya. Hindi na niya kayang paligayahin ang mga babaeng naghahanap na ng iba. Pati ang asawa. Maliban sa umiikli ang kanyang titi, pumapayat at lumiliit din. Hiya ang dinudulot.
SBG-004

Palakamkam ng hindi sa kanya. Lupa man o gamit. Maging ang baril na kasamahan ay gustong angkinin. Ginagamit ang lakas ng katawan at bangis ng kalooban sa panggugulang. Naninindak. Wala nang pakialam kahit may ibang nasasaktan. Sundalo siyang naniwala sa katarungan noon.
SBG-005

Eksistensiyalismo ang suliranin niya. Nahihirapang paligayahin ang sarili. Laging kulang kahit sapat naman. Tapos na pero ayaw huminto. Bigyan man ng bilyon, hindi pa rin. Malabo sa kanya ang konsepto ng pagkakontento. Puno na ang mga bulsa, naghahanap pa rin ng buslo.
Hindi pa gaano kalala ang mga epekto ng tinurok ngunit nakikita na ang kanilang biglaang pagkagalit kahit walang dahilan o ang kakaibang karahasang pinapamalas. Nambubugbog na ng mga asawa. Nagpaparusa ng mga anak. Kahit mga kulisap ay tinataga. Pati mga paruparo ay kinakamuhian.
Ayon sa tagapangasiwa, 'yon daw ay dahil walang mapagbubuntungan. Hindi na kasi pinapasali sa paslangan. Nakatunganga lang sa Palasyo habang naghihintay sa pagsipot ng mga kalaban ng pangulong duwag. Baka nga totoo. Ang leon o tigreng hindi nakakalapa ay lalong nagiging mabangis.
Tuwing nagkikita ang lima, pare-pareho lang ang pinag-uusapan--kalungkutan at kaligayahan--habang nag-iinuman. Kape man o alak. Binabalikan ang nakaraan. Ginuginita ang dating karanasan. Hinahanap ang nakasanayan noon. Inaasam ang lumipas. Iniisip ang mga mukha at mga pangalan.
Marami man ang mga nagbabago at magbabago pa ngunit hindi nabubura ang kanilang mga alaala. 'Yan lang ang hindi pa natuklasan o kayang kontrolin ng mga Tsino. Kahit nagiging makinang robot pa ang mga superbodyguard, makakadama pa rin sila ng lungkot at nanaisin pa ring sumaya.
Walang nakakasiguro kung dadating ang araw ng paggising. 'Yong matatauhan at bigla na lang hihinto gaya ng robot na ubos ng ang bateriya. 'Yong maiintindihan na pagkaalipin pala ang itinurok sa kanilang nagtiwala. 'Yong malaya na sila mula sa diktador. 'Yong wala nang diktadura.
Sana dadatal na ang panahon ng pagtatapos ng sirko. 'Yong gugulanitin, ngunguyain at lalamunin ng mga leon at tigre ang payasong nagpapasayaw sa kanila, nagpapatayo kahit apat ang kanilang mga paa, nagpapaikot sa kanila sa ere, at nagpapalundag papasok sa kanila sa bilog na apoy.
Ako pala 'yong muntik nang mapasubo dahil nagtiwala sa pangulong berdugo. Natauhan sa huli. Kumalas. Umayaw. Tumiwalag. Humindi. Kasalukuyang nagtatago at hinahanap. Ako lang ang karaniwang taong may alam tungkol sa mga superbodyguard sa Pilipinas at sa mga supersoldier ng Tsina.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

30 Dec 20
DULCE EXTRANJERA

Nagmahal din ako ng isang dayuhan. Kakaiba nga lang
ang aming talambuhay. Nagkaintindihan ang mga mata,
bughaw at kayumanggi, at binasbasan ng pagkakataon.
Walang nanlamang dahil walang nilamangan. Pag-ibig,
pantay at wagas, ang layon ng mga halik. Mga bulong
ang nangako kasama ang mga haplos. Walang iwanan.
Hindi sapat ang nabigay pero hindi umalis. Ang kulimlim
ng hapon ay hindi pagkalumbay. Ang gabi ay dalangin
ng mga panaginip, ang pagluluwal ng bukang-liwayway.
Read 6 tweets
30 Dec 20
TINOLA NI PEPE

Mukhang nagtatago ang dilaw
ng kalabasang nagpapapungay
sa pagdilat ng mga alikmata.

‘Yan ba ang dahilan kung bakit
ang pinahihiwatig ng mga titig
ay pangungusap ng puwang?
Hindi nakikita ang mga laman
na pampalakas ng kahig at tuka
at pampatulin ng takbo at lipad.

‘Yan ba ang sapat na katuwiran
kung bakit nasa mga pagluhod
at pagmamakaawa ang tatag?
Pinupuno ng lunti ng mga dahon
ang kaserola sa saglit na apoy
dahil may kamahalan ang uling.

‘Yan ba ang saklap ng paghinga
na kahit sa bingit ng pagtatapos
sinusubsob sa mga damuhan?
Read 4 tweets
30 Dec 20
HULING PANGITAIN NI KA PEPE

(Para sa mga Pilipino)

Hawak ang pluma, ako ay nag-iisa
sa kulimlim ng selda; ang kawalan
sa papel, ang hapdi ng pangitain,
ang pumupukaw ng aking lungkot.
Tikom ang mga labi, ginugunita
ang nakalipas: ngiting inambunan,
ang madamong daan, mga tsinelas
na kasing-ingay ng hiyaw at takbo.

Sa lampara nakikita ko ang liyab
ng ligalig, ang matinip na taghoy
ng hapis, ang mga luhaang mata,
ang tagal ng mga titig sa dingding.
Ramdam ko sa rehas: ang lamig
ng mga kamay, ang lugpong pitik
ng pulso, ang putla at pagtigas,
ang tuluyang bitaw ng mga daliri.

Katahimikan ng sementong pader
itong aleng nagpapakita; duguan
itong mama; tinatagusan ng bala
ang puso kong umaapoy sa muhi.
Read 4 tweets
30 Dec 20
LABADA AT REBOLUSYON

(Para Kay Pepe)

Pusok ng kabataan
ang nagtulak sa akin
na mag-alsa noon.

Sa aspaltong kalsada
baon ang tubig at kendi
nagpabugbog-sarado.

Mula Krus na Ligas
umabot hanggang Libis
at pinawisan nang lubos.
Radikal nga ang porma
subsob sa usok at dumi
at mga sugat ang tinamo.

Masakit sa balikat
ang pulang pang-akit
na bandera ng poot.

Bumula ang bunganga
pati ang pisngi natabingi
hanggang naging ngongo.
Palpak ang hinangad
ng natuyong gilagid
at lalamunang napagod.

Edukasyon pala muna
ayon sa ating bayani
para matalino ang plano.

Ngayon puro pagdurusa
at pagheheleng may sisi
habang nagpapasuso.

Maraming hindi alam
ang isipang makulimlim
dahil sa ngawit at gutom.
Read 5 tweets
29 Dec 20
SA MGA BUMARIL SA AKIN

(Paalala ni Pepe)

“Fuego, “shoot” at “tira” ay pareho lang
ang kahulugang masakit sa mga tenga;
wika mo o mga salita ng mga dayuhan
ay pantay lang sa hapdi, tagos, at sugat.
Ang sinabi kong lansa ng isda at dila
ay para sa mga nagsasantabi ng dangal
ng mamamayan at bayan dahil sa yakap
ng mapanlinlang na bulong ng dayuhan.
Mga isda lang pala ang inyong layunin
sa pagpapagahasa niyo sa mga singkit
na naglalaway dahil sa uhaw at gutom;
hindi iyan ang ibig kong malaman niyo.
Read 6 tweets
27 Dec 20
LARO NG MGA HENERAL

Papel lang ang Konstitusyon. Hindi puwedeng pambili ng bigas o sardinas. Walang saysay kapag gutom na o tirik ang mga mata. Bakit dedepensahan ng mga heneral na ensayong-ensayo sa panggugulang? Hindi para sa mga santo ang digmaan. Walang kabutihan sa barilan.
Itatanong pa ba kung bakit ang mga posisyon sa gobyerno na para sa mga doktor, siyentista, inhinyero, enbayronmentalista, manananggol, at sosyolohista ay ginagampanan ng mga heneral na hindi naman tanyag sa pagkahenyo? Limitado nga lang ang tinuturo sa akademiyang pangmilitar.
Ano nga ba ang alam nila sa biyolohiya kung pagmamartsa ang pinagkadalubhasaan? May alam ba sa epidemiyolohiya kung buni, an-an at alipunga lang ng mga sundalo ang kanilang naranasan? Meron ba silang alam tungkol sa medisina? Paglaklak lang naman ng Medicol o Combantrin ang kaya.
Read 46 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!