MAPUTLANG SPAGHETTI

Kasalatan ang isa pang dulot ng pandemiya. Kahit hikahos ang mga tao sa probinsiya, umuwi ako pagkatapos ng ilang taong paninirahan sa Italya. Mas ligtas sa piling ng aking inang matagal nang balo sa sementong bahay na pinagtulungan naming ipagawa ni Tatay.
Simula noong nag-asawa ang aking kapatid at lumipat sa siyudad, ang matagal na naming kasambahay ang kasa-kasama ng aking ina. Parang magkumare lang. Magkasama sa pagluluto, sa hapag-kainan, sa pagrorosaryo, at sa salas para magpahinga. Naghigitan pa ng buhok kahit walang lisa.
Limang taon ang pagitan namin ni Manang Oryang. Pareho kaming lumagpas na sa kalendaryo ang edad. Alam ng lahat kung bakit ayokong mag-asawa. Walang may alam kung bakit ayaw ng aming kasambahay humayo upang magkapamilya. Nakunsensiya ako dahil sa tagal ng pananatili niya sa amin.
Hindi siya nagpasahod. Kung humingi man, mga personal na gamit lang. Lagi ko rin namang pinadalhan. Wala siyang inilatag na kondisyon. Kahit kailan hindi ko narinig ang salitang "bakasyon" mula sa kanyang bibig. Kaya tuwing nagbalik-bayan ako noon, sinama ko siya kahit saan-saan.
Noon ko pa naitanong kung nagpaalila ba siya sa amin dahil may gustong layuan at ayaw balikan. Kahit kapatid ang turing ko sa kanya, hindi ko maiwasang pagnilayan ang kahalagahan niya sa amin o kung ano kami sa kanya. Laging "amo at alila" ang sumagi sa aking isipan at nangurot.
Pagdating ko sa bahay pagkatapos ng dalawang linggong kwarantina, naabutan ko ang aking kapatid na buntis. Maging siya ay nilayasan ang salot sa siyudad at iniwan ang asawang nagtrabaho pa rin sa laboratoryo sa ospital kahit marami na ang nagpayong bumitiw para hindi mahawaan.
Sanay sa bangayan si Maristela kaya hindi na ako nagtaka kung bakit kaguluhan sa kusina ang bumungad sa akin.

"Ate, gusto nilang mag-spaghetti kahit kulang ang tomato sauce at walang ketchup at tomato paste. Sarado ang mga tindahan."

Hindi ko na pinatulan ang kanyang sumbong.
"Manang Oryang, hindi masarap ang maputlang spaghetti."

Tumuloy ako sa dati kong kuwarto para ipasok ang malaking maleta.

"Dapat mapulang-mapula ang spaghetti, Nay."

Hindi ko na natiis. "Pabayaan mo sila, Maris. Kahit anong luto ay kakainin ko. Ang mahalaga ay ipinagluto ako."
Pagkatapos kong maligo, tumulong ako sa kusina habang nagmamaktol ang aking kapatid nang nakahilata sa sopa na parang butanding na walang pumansin. Nagdikdik ako ng bawang, naghiwa ng sibuyas at kamatis, at nagpalusaw ng karneng giniling na nakalimutang ilabas mula sa pridyider.
"Manang, huwag mong lagyan ng mantika ang paglalagaang tubig," sabi ko.

Tubig at mantika kami ng aking kapatid. Ako ang tagapatay ng apoy. Siya ang maingay na tagapaso. Ako ang tagapawi ng uhaw. Siya naman ang tulog sa lamig. Ako ang ulan sa tagtuyo. Siya ang tagaprito sa amin.
Kahit noong bata pa kami, binaligtad niya ang mundo. Dahil magkasinglaki at tangkad kami kasi ipinanganak ako sa panahon ng tagtuyo at taggutom at may kolera pa noong patapos na ang diktadura, ang kanyang mga damit na pinaglumaan o hindi na gusto ang napunta sa akin na panganay.
Sa pribadong paaralan siya nag-aral dahil nandoon ang kanyang mga kababata at malapit lang sa amin. Sa pampubliko naman ako na dalawang sakayan ng dyip at trisikel. Kahit sa baon, binalot ang sinuksok ko sa bag at siya ay pera sa bulsa. Nakakahiya raw ang walang siglang maruya.
Sa haiskul, ako ang tagagawa ng mga proyekto at takdang aralin niya. Ako pa ang tagalaba at plantsa ng kanyang uniporme. Akala ko ang mga 'yon ang dapat gampanan ng nakatatandang kapatid. Noong pati mga libro niya ay pinabasa sa akin para kuwentuhan na lang siya, umangal na ako.
Nasa ikalawang taon ako sa kursong Edukasyon at papasok pa lang siya sa kolehiyo nang nagsimulang idayalisis si Tatay. Isa lang sa amin ang kayang tustusan. Magbibigti raw si Maristela dahil nakahihiya sa kanyang mga kaibigan kung hindi siya papag-aralin. Ako na ang nagpaubaya.
Hotel at Restaurant Management ang kinuha niya pero kahit Table Setting at Bedsheet Folding ay binagsak. Ang mahal ng bisyo niya. Pangarap ko at kalusugan ng aming ama. Nagbayad para lang maghanap ng mga nobyo. Hindi ko mawari kung hinali-halilihan siya o siya ang palipat-lipat.
Sa pag-aaral pa lang ang mga karanasan kong 'yan. Lahat na lang ng akin ay napasakanya o sinira. Pati ang paborito kong manika noon ay binunutan niya ng mga pilik bago dukutin ang isang mata. Hindi pa nasiyahan, ginayat niya ang mga daliri bago butasan ang dibdib gamit ang pako.
Siniraan pa ako sa aking mga kaibigan para siya ang kakaibiganin. Nagboluntaryo pa siya sa mga manliligaw ko na siya ang mamagitan. Hindi naman binigay sa akin ang mga sulat. Ang pinakamasakit ay 'yong sinabi niya sa mga kaklase ko. Huminto raw ako dahil sa dami ng mga bagsak.
"Nay, dagdagan mo pa ng asin. Dapat tabsing ng dagat. Isang dakot pa. 'Yong alat ng tuyo."

Pumalaot na nga. Nangibayong-dagat dahil may gustong lisanin at merong ninais marating. Isa ang aking kapatid na gusto kong layuan. Sama siya ng loob. Kahit sa bangungot, kontrabida siya.
Natuyuan ako ng pasensiya. Hindi na masaya sa piling ng pamilya. Pagod na sa pagkimkim. Kapag nagsumbong, "Unawain mo na lang" ang laging payo. Inunawa nga kaya ako nagpakalayo. Kumuha ako ng bolpeng panuldok. Humarap sa nakadikit na mapa. Pinikit ang mga mata. Pagbukas, Italya.
Palala na rin ang kalagayan ng aming ama kaya dapat kumita nang malaki para may pandagdag. Kahit pinayagan siyang magretiro nang maaga sa kanyang trabaho sa Kapitolyo, wala pang mga tsekeng dumating. Isa rin si Tatay sa mga dahilan kung bakit kailangan ko nang mangibang-bansa.
Naging dahilan din si Nanay sa aking desisyon. Ipinagkasundo niya ako sa anak ng kumareng may negosyo. Gusto akong gawing pambayad-utang. Magpupulis daw ang nais niyang pakasalan ko. Nangunsensiya pa. Magtiis daw para kay Tatay at ang tunay na pag-ibig ay sa mga magulang lamang.
May hitsura din naman at may kisig ang katawan ni Roberto. Pero wala akong naramdaman. Hindi ko pinagsisihan ang pag-ayaw ko sa kanya at paghindi sa aking ina. Tama ang aking desisyon. Nagmukha pa akong manghuhula dahil sa mga sinapit ng kumare ni Nanay at sa pulis nitong anak.
Nabangkorote ang aleng kumita sa pagpapautang. Hinulog niya lahat ng pera sa pyramid scam. Kaawa-awa naman ang nangyari sa anak. Nasiraan ng bait dahil sa dami ng mga tulak at adik na pinaslang. Pati mga inosente ay dinamay para sa pabuya o promosyon. Hanggang hindi na makatulog.
Tanda ko pa ang araw ng aking pag-alis. Nagmano ako sa aking amang tulog. Pinamano ako ni Nanay pagkatapos kong mangako na babayaran ko lahat ng mga utang, magpapadala para sa gastusin ni Tatay, at papagawan ko pa sila ng bahay. May kumunot pa rin sa kanyang mukhang nagtampo.
Si Manang Oryang ang naghatid sa akin sa paliparan at hindi sumipot si Maristela na puyat na naman sa paglalakwatsa.

"Manang, papasok na ako." Niyakap ko siya kahit amoy-bawang.

"Naiintindihan kita." Hinigpitan niya ang kanyang yakap. Hangin sa aking tenga ang kanyang bulong.
"Al dente, Nay. 'Yong hindi hilaw at hindi rin lutung-luto. 'Yong may tatag sa kagat. Hindi lumuyloy."

Sa Italya ako naging malaya kahit hilaw na kalayaan. Nakakulong sa dayuhang tahanan. Opisina ko ang kusina. Kaharap ang kalan. Eksperto sa kubeta. Kinamay ko paminsan-minsan.
Kung wala ang among babae, tinanguan ko na ang paglalandi at pagpapamasahe ng mga lalake sa pamilya--lolo, ama at anak. Nagpahipo. Nagpahagod. Nagpalamutak. Nagpapisil. Ang tanging ipinagmakaawa ko ang huwag galawain ang aking pagkabirhen. Nakinig naman sila, umunawa at nagbayad.
Ekstrang pera din naman ang aking mga pagtango. Ang dami kasing mga pangakong iniwan sa ina at sinumbat niya. Lutung-luto ako sa hiya sa sarili, sa kunsensiya, at sa kahinaan ng loob. Nandiyan pa ang lungkot at pangungulila. Ang tanging kalasag ko, "Katawan lang hindi kaluluwa."
Dalawang taon ko pa lang sa Italya, nakapagpagawa na ako ng bahay sa amin sa tulong ng natanggap ni Tatay sa pagreretiro. Sa kasamaang palad, hindi na niya inabot ang pagkabit ng pinto sa bahay na konkreto, bakal, kahoy, at salamin. Wala na siya noong umuwi ako para sa pagbasbas.
Napagod na rin siguro ang aking katawan sa mga hipo, hagod, lamutak, at pisil. Bumitiw ako mula sa tahanan ng mga malilibog at napadpad sa kainang puro mga pasta ang niluto at hinain. Nagsimula sa paghuhugas ng mga pinggan hanggang sa pinagsuot ng tapis at pinahawak na ng sandok.
Doon ko na rin nakilala si Nelson. Dati siyang marino. Nang dumaong ang kanilang barko, umigkas siya. Naging serbidor sa simula hanggang naging manidyer na sa aking pinagtrabahuan. Ibinuklod kami ng lungkot. Binigkis ng aming pangungulila. Naging kami. Nagsiping sa iisang bubong.
Nang kumalat ang pandemiya, pinauwi niya ako. Nagtrabaho siya hanggang bukas pa ang kainan para makaipon. Nangako siyang sumunod sa akin. Naniwala ako dahil hindi pa siya nagsinungaling sa akin. Bawat sikreto ko ay alam niya. Tinanggap ako. Totoo nga siguro ang pag-ibig na wagas.
"Manang, pagkatapos mo gisahin ang mga sangkap at ang karne, ibuhos na ang tomato sauce. Dagdagan ng kalahating tasa ng tubig na pinaglagaan. Hayaang kumonti ang sarsa para lumapot, kumapit, kumintab at lumasa ng pasta. Huwag nang asinan. Pamintang dinikdik lang bago mo hanguin."
Sa komidor, ginisa ako ni Nanay ng mga tanong na halatang siya naman ang nakunsensiya. "Wala bang pahinga sa pinagtrabahuan mo?"

Halata ang mga abuhing bilog sa aking mga mata na hudyat ng puyat at pagod. "Meron naman. Hindi lang ako nakatulog nang maayos sa isolation center."
"Babalik ka pa ba?"

"Hindi na siguro. Tutal natupad ko na ang lahat ng mga ipinangako ko sa 'yo."

"Mabuti naman. Sa pangalan mo pala nakapangalan ang bahay. 'Yon ang huling hiling ng tatay mo."

"Sa atin po, Nay. Aanhin ko ang apat na kuwarto."

"Hindi ka pa rin nagbago, anak."
Marami pa ang pinag-usapan habang naghahain na si Manang Oryang. May mga sumbong. Merong mga hinanakit. Pagkatapos ng pagpapakumbaba at pagpapatawad, tumayo ako para puntahan si Maristela at yayaing kumain at nang matikman niya ang maputla ngunit masarap na spaghetti ng Italya.
"Halika, tikman mo ang kakaibang pasta," hikayat ko habang nakatingin sa palambot na maktol sa kanyang mukha.

Hiya ang titig niya. "Upo ka muna rito, Ate. Naiilang pa rin ako sa 'yo. Parang sasabog ang dibdib ko. Tila may nag-uutos sa aking isipan na humingi ng tawad sa 'yo."
Tumabi ako sa kanya. "Maris, napatawad ko na kayo ni Edgar. Hindi naman talaga naging kaming-kami. Kasasagot ko lang sa kanya noong ako ay lumisan. Walang halik. Kahit yakap, wala. Kaya napakadali para sa akin ang makinig kina Tatay at Nanay at ipaubaya siya sa 'yo at kalimutan."
"May sinabi ba si Nanay sa 'yo?"

"Oo, pauwiin mo na ang asawa mo rito. Baka ka pa mabalo. Hindi ako manggugulo sa inyo. Okupahin niyo ang pangalawang palapag. Dito na kami nina Nanay at Manang sa baba. May banyo na. Dalawa ang kuwarto. Kusina na lang ang kulang. Tutulong ako."
Kahit hindi nagpasalamat, ngumit pa rin ako. Tinulungan ko siyang tumayo at humakbang papunta sa hapag.

"Maputla," bulalas niyang may ngisi, "pero masarap tingnan dahil kapit na kapit ang sauce sa noodles at malinis siya."

"Ganyan ang spaghetti sa pinagtrabahuan ko. Tikman mo."
"Masarap nga, ate. Parang 'yong pinakain sa akin ng mayaman kong kaklase na inakala kong kinapos ng tomato sauce at tomatao paste at naubusan ng ketchup."

"Ganyan ang pangmayamang lasa," biro ko. "Hindi sabaw ang sarsa kaya hindi dapat lumangoy ang pasta kundi magpakapit lang."
Pagkatapos ng hapunan, pumasok ako sa aking kuwarto para magpahinga. Sumunod naman ang aking inang may dalang sobreng makapal.

"Pinabigay ng Tatay mo sa 'yo. Hindi 'yan nabawasan. Sapat na sa akin ang pensiyon niyang natatanggap ko buwan-buwan."

"May paglalaanan ako nito, Nay."
Kinuwento niya sa akin na nakipagtawagan muli si Manang Oryang sa dating nobyong inayawan ng mga magulang dahil mas mahirap pa raw sa daga. Ilang taon na siyang kargador at sekyu sa Manila. Nakapag-asawa. Nabiyudo. Walang anak. Nag-ipon na raw para tuparin ang pangako kay Manang.
"Magpapatayo ako ng restaurant. Italian. Sa taas titira sina Manang Oryang at Andoy. Kami ni Manang sa kusina. Si Andoy ang tagahatid ng mga order. Sina Maristela at Edgar ang hahawak sa catering para may pagkakakitaan."

"Napakagandang plano, anak. Nag-iisip ka para sa lahat."
"Manager na lang ang kulang. Kung sakaling may mamang darating upang hingin ang kamay ko sa 'yo, Nay, huwag ka nang umayaw. Marami na ang mga hinding aking pinagdaanan. Huwag ka nang umiling."

"Hindi na, anak. Wala na akong aayawan." Pagkatapos niya akong yakapin, lumabas siya.
Hindi ko pa kayang ipagtapat kay Nanay ang tungkol sa amin ni Nelson. Sa huling pag-uusap namin sa Facebook, pasara na ang kainan sa Italya at pauwi na siya. Napadala ko na ang direksiyon papunta sa amin. Ayaw kasing magpasundo. Baka raw may pasalubong siyang ayaw ibigay sa akin.
Pero handa na akong kausapin si Manang Oryang. Pinag-ensayuhan na ng aking bibig ang mga sasabihin. "Malaya ka na, Manang. Tutulungan ko kayo ni Andoy na magkapera para mabilis dumating ang araw ng paghaharap niyo ng 'yong pamilya. Kayo na naman ang magpakumbaba at magpatawaran."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

30 Dec 20
BAKSIN

Naghahanda ang Tsina para sa pangatlong digmaang pandaigdig. Naninigurado naman ang mamamatay-taong pangulo ng Pilipinas na hindi siya madadakip ng International Criminal Court dahil sa salang crimes against humanity. May kasunduan ang amo at ang tuta na magdadamayan.
Sa tulong ng mga Tsinong sundalong nagpapanggap na mga turista o retiradong residenteng nagnenegosyo, itinatatag ng pangulong diktador ang BAKSIN--Biological Automatic Kinetic Senses International Network. Layon nito na magkaroon siya ng mga superbodyguard na dedepensa sa kanya.
Padala ng gobyerno ng Tsina ang mga ekspertong siyentista at makabagong teknolohiyang ginagamit nila sa pagtatag ng hukbo ng mga supersoldier na isasabak sa plinaplanong digmaan. Mga isla sa West Philippine sea ang pambayad ng pangulong pati buhay ng kapwa Pilipino ay ninanakaw.
Read 39 tweets
30 Dec 20
DULCE EXTRANJERA

Nagmahal din ako ng isang dayuhan. Kakaiba nga lang
ang aming talambuhay. Nagkaintindihan ang mga mata,
bughaw at kayumanggi, at binasbasan ng pagkakataon.
Walang nanlamang dahil walang nilamangan. Pag-ibig,
pantay at wagas, ang layon ng mga halik. Mga bulong
ang nangako kasama ang mga haplos. Walang iwanan.
Hindi sapat ang nabigay pero hindi umalis. Ang kulimlim
ng hapon ay hindi pagkalumbay. Ang gabi ay dalangin
ng mga panaginip, ang pagluluwal ng bukang-liwayway.
Read 6 tweets
30 Dec 20
TINOLA NI PEPE

Mukhang nagtatago ang dilaw
ng kalabasang nagpapapungay
sa pagdilat ng mga alikmata.

‘Yan ba ang dahilan kung bakit
ang pinahihiwatig ng mga titig
ay pangungusap ng puwang?
Hindi nakikita ang mga laman
na pampalakas ng kahig at tuka
at pampatulin ng takbo at lipad.

‘Yan ba ang sapat na katuwiran
kung bakit nasa mga pagluhod
at pagmamakaawa ang tatag?
Pinupuno ng lunti ng mga dahon
ang kaserola sa saglit na apoy
dahil may kamahalan ang uling.

‘Yan ba ang saklap ng paghinga
na kahit sa bingit ng pagtatapos
sinusubsob sa mga damuhan?
Read 4 tweets
30 Dec 20
HULING PANGITAIN NI KA PEPE

(Para sa mga Pilipino)

Hawak ang pluma, ako ay nag-iisa
sa kulimlim ng selda; ang kawalan
sa papel, ang hapdi ng pangitain,
ang pumupukaw ng aking lungkot.
Tikom ang mga labi, ginugunita
ang nakalipas: ngiting inambunan,
ang madamong daan, mga tsinelas
na kasing-ingay ng hiyaw at takbo.

Sa lampara nakikita ko ang liyab
ng ligalig, ang matinip na taghoy
ng hapis, ang mga luhaang mata,
ang tagal ng mga titig sa dingding.
Ramdam ko sa rehas: ang lamig
ng mga kamay, ang lugpong pitik
ng pulso, ang putla at pagtigas,
ang tuluyang bitaw ng mga daliri.

Katahimikan ng sementong pader
itong aleng nagpapakita; duguan
itong mama; tinatagusan ng bala
ang puso kong umaapoy sa muhi.
Read 4 tweets
30 Dec 20
LABADA AT REBOLUSYON

(Para Kay Pepe)

Pusok ng kabataan
ang nagtulak sa akin
na mag-alsa noon.

Sa aspaltong kalsada
baon ang tubig at kendi
nagpabugbog-sarado.

Mula Krus na Ligas
umabot hanggang Libis
at pinawisan nang lubos.
Radikal nga ang porma
subsob sa usok at dumi
at mga sugat ang tinamo.

Masakit sa balikat
ang pulang pang-akit
na bandera ng poot.

Bumula ang bunganga
pati ang pisngi natabingi
hanggang naging ngongo.
Palpak ang hinangad
ng natuyong gilagid
at lalamunang napagod.

Edukasyon pala muna
ayon sa ating bayani
para matalino ang plano.

Ngayon puro pagdurusa
at pagheheleng may sisi
habang nagpapasuso.

Maraming hindi alam
ang isipang makulimlim
dahil sa ngawit at gutom.
Read 5 tweets
29 Dec 20
SA MGA BUMARIL SA AKIN

(Paalala ni Pepe)

“Fuego, “shoot” at “tira” ay pareho lang
ang kahulugang masakit sa mga tenga;
wika mo o mga salita ng mga dayuhan
ay pantay lang sa hapdi, tagos, at sugat.
Ang sinabi kong lansa ng isda at dila
ay para sa mga nagsasantabi ng dangal
ng mamamayan at bayan dahil sa yakap
ng mapanlinlang na bulong ng dayuhan.
Mga isda lang pala ang inyong layunin
sa pagpapagahasa niyo sa mga singkit
na naglalaway dahil sa uhaw at gutom;
hindi iyan ang ibig kong malaman niyo.
Read 6 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!