MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Sa isang shooting ng pelikula kami unang nagkita. Ekstra lang ako. Dumaan sa kalye. Nagyosi. Sumandal sa poste. Kumindat. Si Kakay na may dalang bayong na puno ng mga gulay ang kinindatan ko. Kasambahay ang ginampanan niya. Nakauniporme. May pekeng nunal sa baba na parang pigsa.
Comedy ang kuwento pero romance ang tama nito sa akin. Kahit ginawa nilang katawa-tawa si Kakay, seryoso ang naging dating niya sa akin. Nilapitan ko siya nang nagka-break. "Gusto mong magkape?" yaya ko.

"May pera ka ba?" pabiro niyang tugon. "Sagot na kita sa Starbucks. Tara."
Orange juice ang kanyang inorder. Ang pinakamurang kape naman ang sa akin. Ang maikling pag-uusap lang sana ay naging mahabang kuwentuhan. Unti-unti niyang hinigop ang malamig na inumin mula sa boteng plastik gamit ang straw. Lumamig ang kape sa tasang papel na hawak-hawak ko.
"Palitan tayo ng number," sabi niya. May lundag ang kanyang pagkasabik kahit nakaupo. Ganoon siya noon. Buhaghag ang galaw. Masigla ang saya.

Ngiti ang sagot ng aking kilig. Inabot ko sa kanya ang aking selpon para pindutin ang mga numerong tatawagan ko at ise-save. "Tayo na."
Ang pagkakapeng 'yon ay naging panonood ng sine, pamamasyal, paglilibot sa mga bar, pagpapawis sa mga club, paglilinis ng kanyang kotse, pamamalengke, pag-aayos ng baradong lababo, at pagpapakain ng kanyang pusa. Naging utility at errand boy niya ako. Guard niya at chaperone din.
Sa totoo lang, mas angat ako sa hipon. Hindi patapon ang mukha. Gumagana ang sabong nabili ko sa Lazada. Naglaho ang mga peklat ng tagihawat. Pumuti ang mga kulay-libag. Nagbubuhat ako ng mga bato at bakal sa trabaho. Hindi na kailangang mag-gym. Pero hindi pa rin nagiging kami.
Inaasar nga ako ng mga barkada sa inuman. Parang may mali sa aking nararamdaman. "Bakit patay na patay ka kay Kakay? Bulag ka ba? Wala na bang iba?"

Iniiba ko na lang ang usapan kapag pagod na sa kadedepensa sa kanya o nagkukunwaring tumungga sa baso para hindi makapagsalita.
Hindi nila nakikita ang napagmamasdan ko kay Kakay. Kahit sabihing ang mukha niya ay hinugis ng Diyos para ang ina niya lang ang mamangha. Gusto ko pa rin siyang magiging nanay ng mga anak ko. Pareho kaming may edad na. Lagpas na sa kalendaryo. Dapat bumubuo na kami ng pamilya.
Kahit sa pamilya kong nagtataka, kailangan ko ring magpaliwanag. Hindi nila naiintindihan ang aking pabatid. "Kung isa akong pintor, hindi ko siya itatago sa dilim o gagawing anino. Kung manunulat, hindi ako magsisinungaling para gawin siyang musa o diyosa. Walang mali sa kanya."
Ako ang unang pumalakpak at bumati sa kanya ng congratulations noong nag-audition siya at natanggap para sa isang pelikulang gagawin sa Singapore. Guro ang kanyang papel. Adik na estudyante niya ang sikat na aktor na pinagkakakaguluhan sa kanyang bansa dahil sa mukha at katawan.
Baguhang aktor si Mauricio. Mabilis ang pagsikat niya dahil sa Instagram. Italyano ang ama at Tsino ang ina kaya may kakaibang halong hitsura. Mga bakla man o mga babae ay naglalaway sa kanya. Pati mga lalake ay humahanga. Gustong kopyahin ang umbok at usli ng kanyang mga masel.
Wala pang trenta ang aktor. Kahit ano ay kinakarir. Kumakanta. Sumasayaw. Nag-eendorso ng mga produkto. Nagbebenta ng kanyang imahe sa internet. Dambuhala ang kanyang mga mukha sa ibabaw ng mga kalye sa mga kabisera sa Timog-silangang Asya. Sa Pilipinas na lang hindi siya sikat.
Ako ang naghatid kay Kakay sa paliparan. Animo'y hindi makapaghintay ang kanyang gaslaw. Gustong marating agad-agad ang Singapore. "Bibisita-bisitahin ko ang condo mo," sabi ko. "Sa akin muna si Simba para maalagaan nang maayos."

"Dalhin mo na rin ang mga halaman baka matuyo."
Nagyakapan kami. Wala pang ilang segundo, kumawala siya. Iniwan ang kabog ng aking dibdib na ang dalangin ay sana hindi siya makatagpo ng ekstrang kagaya ko sa shooting. Iniwanan niya ako ng ngiting kasingbilis ng kanyang kurap. Nagmadali kahit may dalawa pang oras na hihintayin.
Sa unang araw pa lang ng shooting, tumawag na siya sa akin. Parang nasa labas pa siya. Dinig ko ang ugong ng mga sasakyan. Hindi na nakapaghintay na marating ang kanyang hotel para sa Facebook na kami mag-chat. Pati ang boses niya ay may nginig ng kasabikang hindi niya mapigilan.
"Hindi na titser ang role ko," kuwento niya agad. Walang hi. Hindi nag-hello.

"Gagawin ka bang ekstra?"

"Hindi, kasambahay ang role ko. Hindi kasi realistic ang titser. Hindi raw tugma ang accent ko."

"Okay lang ba sa 'yo?"

"Marlon, ako ang bida. Mala-Cinderella ang kuwento."
"Buti naman."

"Ako ang hingahan ni Mauricio ng sama ng loob niya sa mga magulang na walang panahon sa kanya dahil puro abala sa negosyo."

"Nahulog ang loob niya sa 'yo, gano'n?"

"Oo, ako ang dahilan kaya hindi na siya nagdrudruga."

"Fairytale ang script." Hindi ako tumawa.
"'Yon na nga. Gagastusan ako ng mga magulang niya para sa pagpaparetoke upang tanggapin ng alta sociedad na kinabibilangan nila."

"Yan ang wakas?"

"Hindi. Bibigyan ako ng pangnegosyo. Yayaman. Hanggang sa mamumuhay kami nang maligaya ni Mauricio."

"Patok 'yan sa mga Asyano."
"'Yan din ang sabi ng direktor." Hindi masukat ang tindi ng saya ni Kakay. Tila naabot na ang matagal nang pinagarap. Ang dating suki ng mga balewalang role noon sa bayang sinilangan ay bida na sa Singapore. Hindi man niya sinabi pero dama ko sa kanyang paghagikhik na may ganti.
"Ikaw ang pinili sa role na 'yan para sisikat si Mauricio sa Pilipinas, ang inaakala nilang bayan ng mga tsimay." Hindi na niya narinig 'yan. Dial tone na lang. Nakipag-usap pala ako sa hangin. Binabaan niya ako ng selpon. Baka nagtipid lang sa roaming. Puwede ring may tinawagan.
Hindi na nasundan ang tawag na 'yan bago siya lumipad pabalik sa bansa. Inakala ko na lang na abala siya sa pag-eensayo sa pag-arte. Baka inubos ang panahon niya sa paghahagulhol sa harap ng salamin sa banyo o sa pakikipaghalikan sa unan. Panira lang ako sa kanyang method acting.
Nakapag-workshop din naman ako noon kaya alam ko. Kahit sa pagpapasampal, dapat pinag-eensayuhan. Mula sa pagduldol ng pisngi hanggang sa pag-ilag. Kung nasapol, dapat kalkulado ang paghawak sa mukhang nasampal para ipahiwatig ang sakit ng lagapak nang walang bibitawang salita.
Binagabag ko ang aking sarili ng mga hinuhang posible. Sa loob-loob ko, sana walang ekstra siyang matipuhan. Baka ikakama lang. Baka siya pagmultuhan. Sana hindi mahulog ang loob niya sa bida. Baka paaasahin lang. Baka paglaruan. Iba pa naman si Kakay. Hamon sa kanya ang bawal.
Ako pa rin ang sumundo noong siya ay dumating. Ang mga balikat niya ang una kong napansin. Parang hinugutan ng lakas. Tila inalisan ng mga buto. Animo'y pinabigatan. Bilang ang kanyang mga salita. Ang pusang hindi pumayat at ang mga halamang hindi nalanta ang aming pinag-usapan.
Sa mga sumunod na araw, nagbago na ang kanyang pagtulog pati ang pagkain. Gising sa gabi. Tsitsirya ang hapunan. Iba na rin ang laman ng kanyang mga social media account. Palaban na kahit sa Twitter. Isang pangungusap lang pero puro muhi. Gustong maghiganti kahit ang mga emoji.
Hindi ko masigurado kung epekto ito sa kanya ng pelikulang ginawa sa Singapore. Galit siya sa mga adik at suportado na niya ang pangulong berdugo. Humanay siya sa mga kapangitan. Ginilid niya ang kanyang sarili para makisabay sa paglusob ng mga dating binalewala at pinagkaitan.
Noong hinatinggabi ako sa pagpapayo, nagtalo kami. "Kay, naging ganyan ka dahil meron kang pinagdadaanan na ayaw mong sabihin sa akin," mahinahong sabi ko."

"Pumanig lang sa DDS at kay Duterte, may pinagdadaanan na?"

"Ganyan ako noon bago ako natauhan. Nakihanay ako sa kanila."
"Iba ka at unique ako." May tawang hindi buo ang pagkasabi.

"Galit ako noon dahil napagod na sa rejection sa trabahong gusto at kahit sa panliligaw."

"Anong kinalaman niyan sa DDS?"

"Nakita ko ang sarili ko sa kanila. Pangit. Tagalabas. Pinagkaitan. Pinagod ng hindi at wala."
Siya ang kusang tumahimik. Parang pintong nakapinid ang kanyang bunganga. Napagod ang mga labi kahit hindi na palasalita. Sinandal niya ang ulo sa aking kandungan. Hindi na humingi ng pahintulot kahit mga mata man lang. Hinayaan ko. Naidlip siya. Hindi ako gumalaw. Humilik siya.
Gusto ko siyang gisingin, isandal sa dingding, at hawakan ang mga braso para iyugyog. "Sige, bababaan ko ang tingin ko sa aking sarili. Hipon ka at hipon din ako. Bakit ang layo pa rin ng loob mo sa akin?" Hindi ko 'yan masabi. Namanhid ang aking mga hita. Pero hindi pa rin kami.
Total lockdown noon sa buong Metro Manila nang ginising ako ng mga magkakasunod na tawag niya. Wala pang alas-singko ng umaga sa orasan. Pinapunta ako agad-agad sa condo niya. Halatang namugto ang kanyang mga mata kahit sa boses pa lang. May sipong kasama ang kanyang bawat hikbi.
"Positibo ka ba?" alala ko.

"Hindi, basta pumunta ka na rito."

"Siguraduhin mo, Kakay. May pamilya pa akong binubuhay."

"Paano ako magiging positibo? Matagal na akong hindi lumalabas."

"Magmamaskara ba ako at magdadala ng disinfectant?"

"Bahal ka. Basta pumunta ka na rito."
Sampung bloke ang nilakad ko. Muntik pa akong pusasan ng kotongerong pulis dahil wala akong perang maibigay. Nagkunwari pang kunin ang aking temperatura. Kung hindi ko dinamay ang aking inang sinabi kong malubha kaya dapat makauwi ako sa bahay, hindi ako katakutan at paalisin.
Pagdating ko sa condo ni Kakay, Biyernes Santo ang aking nadatnan. Nagluksa siyang mag-isa. Nagpalahaw na parang binayaran at nasa harap ng kamera. Lalong nagpalubha ang damit niyang itim.

"Ano ang nangyayari sa 'yo? Kulang ka sa tulog, ano? Gutom ka?" Nagpakawala ako ng tawa.
Pinakita niya sa akin ang sulat. "Idedemanda raw ako ng management ni Mauricio."

"Anong kaso?"

"Cyberstalking daw at defamation."

"Stalker ka? Sino naman ang sinisiraan mo?" Nagkunwari akong hindi alam. Nabasa ko ang lahat ng mga post niya. May relasyon daw sila ni Mauricio.
Walang kibo. Hindi siya umimik. Sapat na 'yon bilang pag-amin.

Nasagi ng aking mga mata ang laman ng sulat na nilinyahan pa. "Your lies are destroying Mauricio's brand. Your delusions are affecting the financial viability of his image."

Sinungaling daw. Ilusyonada raw si Kakay.
Meron pang dagdag. "Stop posting to Mauricio's fan forums and on his meetup boards. You have caused him several advertising contracts and income losses."

Sa madaling salita, ang kapangitan ni Kakay ay malas sa hanap-buhay ni Mauricio pero hindi masabi-sabi ng nagpadala ng sulat.
Naglaho na ang mga hikbi sa mukha ni Kakay. Tahimik na rin ang ingay ng sipong labas-pasok. Pero patuloy ang pagpatak ng mga luha. Si Nora Aunor lang ang may kakayanang magganyan.

Naantig ako sa aking nakita. Niyakap ko siya. Hinayaan kong gawin niyang panyo ang aking manggas.
Nagbakasakali akong mararamdaman niya ang tibok ng aking dibdib na may gustong ipaunawa. "Bakit siya na Mt. Everest? Bakit hindi ako na isang burol lang na madaling akyatin? Gayahin mo ako. Gusto kong buntutan ang bidang kasama natin noong una tayong nagkita. Pero hindi puwede."
Naalala ko ang bukas na kapehang aking nadaanan sa baba. Take out coffee lang daw. Nakapa ko rin ang nakatuping limang daan sa maliit na bulsa ng aking pantalon. "Tara, Kay, magkape tayo sa baba."

"Sige, triple espresso ang sa akin. Tingnan natin kung hindi mapapagod ang gabi."
Sa utak ko, "Sana sa pagdilat mo, ako na ang 'yong makikita. Pagod na rin ako sa paghihintay. Awang-awa na rin ako sa 'yo. Hanapin na lang natin ang mga sarili sa isa't isa." Gumalaw ang aking mga labi. Parang gustong magparinig. Pero naunahan niya ako.

"Gusto ko nang magising."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets
30 Jan
MAPUTLANG SPAGHETTI

Kasalatan ang isa pang dulot ng pandemiya. Kahit hikahos ang mga tao sa probinsiya, umuwi ako pagkatapos ng ilang taong paninirahan sa Italya. Mas ligtas sa piling ng aking inang matagal nang balo sa sementong bahay na pinagtulungan naming ipagawa ni Tatay.
Simula noong nag-asawa ang aking kapatid at lumipat sa siyudad, ang matagal na naming kasambahay ang kasa-kasama ng aking ina. Parang magkumare lang. Magkasama sa pagluluto, sa hapag-kainan, sa pagrorosaryo, at sa salas para magpahinga. Naghigitan pa ng buhok kahit walang lisa.
Limang taon ang pagitan namin ni Manang Oryang. Pareho kaming lumagpas na sa kalendaryo ang edad. Alam ng lahat kung bakit ayokong mag-asawa. Walang may alam kung bakit ayaw ng aming kasambahay humayo upang magkapamilya. Nakunsensiya ako dahil sa tagal ng pananatili niya sa amin.
Read 48 tweets
30 Dec 20
BAKSIN

Naghahanda ang Tsina para sa pangatlong digmaang pandaigdig. Naninigurado naman ang mamamatay-taong pangulo ng Pilipinas na hindi siya madadakip ng International Criminal Court dahil sa salang crimes against humanity. May kasunduan ang amo at ang tuta na magdadamayan.
Sa tulong ng mga Tsinong sundalong nagpapanggap na mga turista o retiradong residenteng nagnenegosyo, itinatatag ng pangulong diktador ang BAKSIN--Biological Automatic Kinetic Senses International Network. Layon nito na magkaroon siya ng mga superbodyguard na dedepensa sa kanya.
Padala ng gobyerno ng Tsina ang mga ekspertong siyentista at makabagong teknolohiyang ginagamit nila sa pagtatag ng hukbo ng mga supersoldier na isasabak sa plinaplanong digmaan. Mga isla sa West Philippine sea ang pambayad ng pangulong pati buhay ng kapwa Pilipino ay ninanakaw.
Read 39 tweets
30 Dec 20
DULCE EXTRANJERA

Nagmahal din ako ng isang dayuhan. Kakaiba nga lang
ang aming talambuhay. Nagkaintindihan ang mga mata,
bughaw at kayumanggi, at binasbasan ng pagkakataon.
Walang nanlamang dahil walang nilamangan. Pag-ibig,
pantay at wagas, ang layon ng mga halik. Mga bulong
ang nangako kasama ang mga haplos. Walang iwanan.
Hindi sapat ang nabigay pero hindi umalis. Ang kulimlim
ng hapon ay hindi pagkalumbay. Ang gabi ay dalangin
ng mga panaginip, ang pagluluwal ng bukang-liwayway.
Read 6 tweets
30 Dec 20
TINOLA NI PEPE

Mukhang nagtatago ang dilaw
ng kalabasang nagpapapungay
sa pagdilat ng mga alikmata.

‘Yan ba ang dahilan kung bakit
ang pinahihiwatig ng mga titig
ay pangungusap ng puwang?
Hindi nakikita ang mga laman
na pampalakas ng kahig at tuka
at pampatulin ng takbo at lipad.

‘Yan ba ang sapat na katuwiran
kung bakit nasa mga pagluhod
at pagmamakaawa ang tatag?
Pinupuno ng lunti ng mga dahon
ang kaserola sa saglit na apoy
dahil may kamahalan ang uling.

‘Yan ba ang saklap ng paghinga
na kahit sa bingit ng pagtatapos
sinusubsob sa mga damuhan?
Read 4 tweets
30 Dec 20
HULING PANGITAIN NI KA PEPE

(Para sa mga Pilipino)

Hawak ang pluma, ako ay nag-iisa
sa kulimlim ng selda; ang kawalan
sa papel, ang hapdi ng pangitain,
ang pumupukaw ng aking lungkot.
Tikom ang mga labi, ginugunita
ang nakalipas: ngiting inambunan,
ang madamong daan, mga tsinelas
na kasing-ingay ng hiyaw at takbo.

Sa lampara nakikita ko ang liyab
ng ligalig, ang matinip na taghoy
ng hapis, ang mga luhaang mata,
ang tagal ng mga titig sa dingding.
Ramdam ko sa rehas: ang lamig
ng mga kamay, ang lugpong pitik
ng pulso, ang putla at pagtigas,
ang tuluyang bitaw ng mga daliri.

Katahimikan ng sementong pader
itong aleng nagpapakita; duguan
itong mama; tinatagusan ng bala
ang puso kong umaapoy sa muhi.
Read 4 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(