HULA

Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.

Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.

Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Bago tayo nagsimula, sinabi ko sa 'yo ang mga kahulugan ng apat na alas. Relasyon ang heart. Yaman ang diamond. Paglalakbay ang clover. Pagluluksa o kamatayan ang spade.

Dityo sa pitong barahang pinili mo, nasa gitna ang alas na spade. Kamatayan talaga ang 'yong ipinagluluksa.
Mga anak mo ba ang namatay? Mother, naririto lahat ang mga itim na jack. Mga anak ang sinisimbolo. Mga lalake man o babae. Namatay sila. Naglakbay. May otsong spade pa. Walang hanggan ang kahulugan niyan. Infinity kasi ang hugis ng eight. Hindi na po sila babalik magpakailanman.
May king na spade din. Hari ng kamatayan, ang tagapaslang. Siya ang dahilan kung bakit ka nagluluksa.

Mahirap basahin ang ten na heart na kadikit ng king. Puwedeng mga loyal na tauhan sila. Hindi laging romance ang heart. May relasyon din sa pagitan ng hari at mga nagpapaalipin.
Di ba sinabi ko kanina na yaman ang diamond? Heto ang pang-anim na baraha sa hanay, two na diamond. Dos ang pinakamababa sa lahat ng mga baraha. Mga mahihirap lang ang pinaslang ng hari, Mother. Patawad po kong deretsahan ang pagkasabi ko. Basta paghihikahos ang kahulugan niyan.
Seven na spade ang panghuli. Karit ang sinisimbolo niyan. Matalim. Madugo. Nananabas. Namumugot. Tungkod man ni kamatayan, ang aninong nakatalukbong, o tagdang panlipol ng pastol, ang hari ng lagim, sa mga tupang nakahanay papunta sa katayan. Ang saklap pala ng 'yong karanasan.
Paghahalu-haluin ko na ang lahat ng mga baraha. Babalasahin ko. Tatlong beses pa rin. Cut, Mother. Isang hanay pa para tatlo gaya ng dati. Kung lilitaw ang kahit anong queen, ikaw 'yan. Sana lang hindi na spade. Para may katapusan naman ang pagluluksa mo. Kailangan mo nang umasa.
Pumili ka ng siyam na barahang bubuksan ko. Sundin mo ang mga hatak nila. Kung nararamdaman mong tinatawag ka, 'yon ang piliin mo. Kung magaan sa loob mo, sunggaban mo. Kung maganda sa 'yong mga mata, hawakan mo sila. Puwede kang huminto para huminga o titigan mo ang mga baraha.
* Paglalakbay ang club.
Queen of spades agad, Mother. Ikaw 'yan. Hindi ko pa pala nasabi na bawat bulaklak sa mga baraha ay may mga magkakasalungat na kahulugan. Hindi lang yaman ang diamond. Inggit din ito. Ang heart ay sakit sa puso o kaba ng dibdib din. Ang club ay pagdudusa maliban sa paglalakbay.
Spade ka. Hindi lang 'yan kamatayan at pagluluksa. Puwede ring naghahanap ng pag-asa o naghahalungkat ng katotohanan. Pala kasi ang hitsura. Naghuhukay ng lalim. Nagpupunyagi para matagpuan ang nakabaon. Umaasa pa habang buhay. Hindi sumusuko hanggang wala nang hininga. 'Yan ka.
Ano 'tong tres na heart na nakasunod? Love triangle ang basa ko. Nahahati ang puso mo. May nauna pero may nagkagustong iba. Magaan ang loob mo sa dati. Nagdududa ka sa ngayon.

Mahilig sa pula ang third party, ang karelasyon mo ngayon. Mapanlinlang siya. Puro pangako. May balak.
'Yong una mong karelasyon ay may tatlong letra ang pangalan. Nawawalan na ng gana sa 'yo. Madali ka kasing linlangin. Binibigay niya ang hinihingi mo dahil naaawa pero sa pangalawa ka kumakapit kahit pulubing nililimusan ang tingin sa 'yo at ginagawa ka pang bulag para paglaruan.
Ay naku, naririyan na naman ang hari ng kamatayan, king na spade. Siya ba ang nagtatago ng mga katotohanang hinahanap mo? Siya rin ang tagalinlang. Naniniwala ka ngunit pinaaasa ka lang. Bugaw mo ba siya, Mother? Patay na nga ang mga hikahos na anak mo, pinagagahasa ka pa niya.
Alas na club. Hugis-malunggay. Paglalakbay. Pagdudusa. Banyagang nagdudulot ng mga pasakit. Sino siya? Alas na diamond pa ang sunod. Mayaman at may ninanasa ang mga mata. Dayuhan ba ang mahilig sa pula na naglalayag sa karagatan? Siya ba ang nirereto sa 'yo ng haring mamatay-tao?
Nagpaparamdam na naman ang ace of spades. Kamatayan, paghahanap ng katotohanan, at pag-asa. May ugnayan ang karelasyon mo ngayon sa paghahari ng berdugong bugaw. Pinapakita ng mga baraha ang pang-uuto at pagsisinungaling nila sa 'yo. May mga perlas ba sa pusod mo? Baka nakawin.
Hindi ba binalasa ko nang maigi? Bakit ganito ang mga baraha? Magkakasunod ang tatlong sais, ang marka ng demonyo. Hindi magsisinungaling ang mga numero. Ang santo ay santo. Ang anghel ay anghel. Mga demonyo sila. May mga sungay ang kayakap mo. Bakit hindi ka takot? Nagayuma ka?
Sais na spade, sais na club at sais na diamond. Ang sisiba nila. Ang gaganid. Tingnan mo ang mga tiyan. Mga lobo. Lamon nang lamon. Walang mga puwet para sa dumi. Pati ebak, nasasayangan silang iire. Hindi nabubusog ang mga demonyo. Pati ikaw ay kakainin nila. Magduda ka, Mother.
Ano ba ang meron ka? Bakit gusto kang pagkaitan kahit gutom ka? May agimat ka ba sa sinapupunan mo? Bakit gusto nilang kalkalin? Ano ang anting-anting mo sa 'yong tumbong? Bakit parang gusto ka nilang hubaran? Ginto ba ang saplot mo? Paano ka nila pinagkakaperahan? Puta ka ba?
Last reading na 'to ha? Mag-focus ulit. Sabayan mo ang lukso ng 'yong dibdib. Pumili ka ng labing-dalawang baraha. Kung may mararamdaman kang mga maiinit, sila ang hulbutin mo sa mga nakahanay. Kung gusto mo, isara mo ang mga talukap ng 'yong mga mata para. Hayaan mo ang tadhana.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, labing-isa, labing-dalawa. Sakto. Twelve cards. Huminga ka nang malalim. Hinga ka pa. 'Yong parang sisisirin mo ang lalim ng dagat. Huwag matakot. Buhay mo ang binabasa ko. Mga karanasang malalagpasan mo. Buhay ka.
Teka, sasagutin ko muna ang tanong mo. Bakit parehong lalake at babae and jack kung lalake naman ang hitsura nito. 'Yan ang sinabi mo kanina, di ba?

Sa baraha ko, walang bigote ang mga jack kaya puwedeng Jack o Jill ang mga barahang 'yan. Isa pa, ama ang king at ina ang queen.
Lumalabas ang apat na Jack, Mother. Isa-isahin natin. Jack na club. May mga anak ka ba sa labas ng bansa na naghihirap? Sa Middle East ba? Apektado ba sila ng pandemya? Binubugbog ng mga amo? Ginagahasa? Binabarat? Namumulot ng basura? Ang club kasi ay paglalakbay at pagdudusa.
Jack na spade. Alam mo na ang kuwentong 'yan. Mga anak mong pinaslang. Hindi mo pa alam ang mga dahilan. Hanggang ngayon ay naghahanap ka ng katarungan. Nakamaskara ba ang mga salarin? Nakapeluka? Nakamotor o naka-van? Gabi ba ang pagbitag sa kanila? Ah, wala kang alam. Sorry po.
Diyos ko, may jack na diamond. May mga anak kang yumayaman sa pagluluksa mo. Sawa na sila sa kahirapan. Dahil sa inggit nila sa mga mayayaman, nangangarap at kumakapit sa patalim. Nagpapaalipin sa haring berdugo. Tagapalakpak. Tagapaslang din. Taganakaw. Tagasalo pa ng kasalanan.
Thank you, Lord. May mga anak kang hindi salbahe. Malinis ang kalooban. Wagas ang pagmamahal sa 'yo. Kahit ang hirap mong mahalin at masakit ka sa dibdib, tapat pa rin sila sa 'yo. Jack na heart kasi. Mga tagadepensa mo sila. Hindi po mga bayaran. Sumisigaw. Nag-aalsa. Lumalaban.
Ayaw talaga paawat. Magkasama pa. King at alas. Puro spade. Pinaliwanag ko na 'yan sa 'yo. Parang nagbibigay ng diin ang mga baraha. Animo'y sumisigaw na mamatay-tao ang hari. Tila ipinamumukha sa 'yo na gumising ka na. Palayain ang utak mo. Magtanong. Magduda. Umayaw. Humindi.
Medyo malalalim itong singko, nuwebe, at siete na puro club. Tungkol pa rin sa mga OFW na anak mo. May butas ang tiyan ng singko. Walang laman. Nagugutom sila. Nakikita ng third eye ko ang mga latang prutas, mga butu-butong may dumi, at mga pagkaing panis na. Nasa basurahan sila.
Malaking bukol ang ulo ng nuwebe. May pigsa sa utak. Paputok na ang isipan. Puno ng ligalig. Binabagabag. Hirap na hirap. Binabalisa. Nababaliw.

May siete pang nakakarimarim ang kahulugan. Pagbibigti. Pagpapatiwakal. Pagkitil ng sariling buhay. Naglakbay pala para lang magdusa.
May kuwatro pa. Malunggay rin, ang libreng pagkain ng mga naghihirap. Hindi lang pala mga OFW. Pati sa bansa ay may mga nagugutom, nababaliw, at nagpapakamatay. Laganap ang mga pangyayaring 'yan. Kahit saan sa apat na direksiyon. Mother, hindi mo ba nakikita ang mga nakikita ko?
Last two cards na po. Ang ganda. Nagpapaluwag ng damdamin. Huminga ka. Hindi pala habambuhay ang pagluluksa mo. May katapusan din ang kahirapan. Papalitan ang kabaliwan ng tunay na ligaya, ngiti at tawa. Mapapawi ang uhaw at gutom. Wala nang magpapakamatay dahil pagod na sa dusa.
Alas na diamond. Yaman. Kaginhawaan. Queen na heart. Ang bagong reyna. Ang tagapagligtas. Iaahon ka niya mula sa putikan at bugawan. Hindi ka na magpapalimos. Wala nang gagahasa sa 'yo. Hindi ka na iiyak nang tuyo ang mga mata. Wala nang palahaw na pipigilan ng tikom mong bibig.
Siya ang tutulong sa 'yo para mahanap ang hindi mo pa natatagpuan. May matres siya. Alam niya ang hapdi ng 'yong sinapupunan. Siya ang pipigil sa daloy ng dugo sa lansangan. Gagawin niyang purol ang patalim. Liliko na ang bala. Wala nang lulunurin ang bato. Luluwang na ang lubid.
Wait lang, Mother. Hindi pa po ako tapos. Nakikita mo ba 'yong kahon ng mga baraha? May dalawang joker sa loob. Sila ang pipigil sa 'yong kaligtasan. Sila ang balakid ng 'yong ikagiginhawa. Sila ang nagpapatakbo ng sirko at nagpapaikot ng mga tao. Mga payaso ng lagim at ligalig.
Ito lang ang mga maipapayo ko sa 'yo. Huwag ka nang magmumog ng gasolina at bumuga ng apoy. Tigilan na ang pagsasayaw sa alambre. Huwag ka nang tumambling sa mga sipol nila. Ihinto na ang paglunok ng espada. Mother, magising ka na. Mapagod na. Mamulat ka. Palayain na ang sarili.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

12 May
MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Read 45 tweets
8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets
30 Jan
MAPUTLANG SPAGHETTI

Kasalatan ang isa pang dulot ng pandemiya. Kahit hikahos ang mga tao sa probinsiya, umuwi ako pagkatapos ng ilang taong paninirahan sa Italya. Mas ligtas sa piling ng aking inang matagal nang balo sa sementong bahay na pinagtulungan naming ipagawa ni Tatay.
Simula noong nag-asawa ang aking kapatid at lumipat sa siyudad, ang matagal na naming kasambahay ang kasa-kasama ng aking ina. Parang magkumare lang. Magkasama sa pagluluto, sa hapag-kainan, sa pagrorosaryo, at sa salas para magpahinga. Naghigitan pa ng buhok kahit walang lisa.
Limang taon ang pagitan namin ni Manang Oryang. Pareho kaming lumagpas na sa kalendaryo ang edad. Alam ng lahat kung bakit ayokong mag-asawa. Walang may alam kung bakit ayaw ng aming kasambahay humayo upang magkapamilya. Nakunsensiya ako dahil sa tagal ng pananatili niya sa amin.
Read 48 tweets
30 Dec 20
BAKSIN

Naghahanda ang Tsina para sa pangatlong digmaang pandaigdig. Naninigurado naman ang mamamatay-taong pangulo ng Pilipinas na hindi siya madadakip ng International Criminal Court dahil sa salang crimes against humanity. May kasunduan ang amo at ang tuta na magdadamayan.
Sa tulong ng mga Tsinong sundalong nagpapanggap na mga turista o retiradong residenteng nagnenegosyo, itinatatag ng pangulong diktador ang BAKSIN--Biological Automatic Kinetic Senses International Network. Layon nito na magkaroon siya ng mga superbodyguard na dedepensa sa kanya.
Padala ng gobyerno ng Tsina ang mga ekspertong siyentista at makabagong teknolohiyang ginagamit nila sa pagtatag ng hukbo ng mga supersoldier na isasabak sa plinaplanong digmaan. Mga isla sa West Philippine sea ang pambayad ng pangulong pati buhay ng kapwa Pilipino ay ninanakaw.
Read 39 tweets
30 Dec 20
DULCE EXTRANJERA

Nagmahal din ako ng isang dayuhan. Kakaiba nga lang
ang aming talambuhay. Nagkaintindihan ang mga mata,
bughaw at kayumanggi, at binasbasan ng pagkakataon.
Walang nanlamang dahil walang nilamangan. Pag-ibig,
pantay at wagas, ang layon ng mga halik. Mga bulong
ang nangako kasama ang mga haplos. Walang iwanan.
Hindi sapat ang nabigay pero hindi umalis. Ang kulimlim
ng hapon ay hindi pagkalumbay. Ang gabi ay dalangin
ng mga panaginip, ang pagluluwal ng bukang-liwayway.
Read 6 tweets
30 Dec 20
TINOLA NI PEPE

Mukhang nagtatago ang dilaw
ng kalabasang nagpapapungay
sa pagdilat ng mga alikmata.

‘Yan ba ang dahilan kung bakit
ang pinahihiwatig ng mga titig
ay pangungusap ng puwang?
Hindi nakikita ang mga laman
na pampalakas ng kahig at tuka
at pampatulin ng takbo at lipad.

‘Yan ba ang sapat na katuwiran
kung bakit nasa mga pagluhod
at pagmamakaawa ang tatag?
Pinupuno ng lunti ng mga dahon
ang kaserola sa saglit na apoy
dahil may kamahalan ang uling.

‘Yan ba ang saklap ng paghinga
na kahit sa bingit ng pagtatapos
sinusubsob sa mga damuhan?
Read 4 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(