Ang mga Bahagi ng Pananalita

Maliban sa gumaganda ang galising balat dahil sa ring light o nagkakakulay ang maputlang mukha dahil sa camera filter, may mga rason kung bakit ayaw ko sa online class. Kahit e-learning pa ang itatawag diyan, hindi pa rin magbabago ang aking pananaw.
Siguro nangungulila ang aking damdamin ng makatotohanang paghaharap. Ang wisik ng laway sa aking mukha. Ang baho ng hiningang nananampal. Ang sigaw na nagbabaon ng tutuli. Ang tagihawat na hindi nabubura. Ang lasa ng mga turong pinagsasaluhan naming mga magkaklase tuwing recess.
Naririyan pa ang mga gurong tinatamad. Walang pakialam sa lesson plan dahil may mga naglalaro ng Mobile Legends sa cellphone o computer. DOTA ang pinagkakaabalahan ng iba. Meron ding mga nakatunganga sa Instagram o Facebook para maghintay ng mga like at share. Animo'y mga sikat.
Iisa lang ang nagugustuhan ko sa online class. Wala nang nangongopya sa akin. Nahirapan akong umayaw noon sa mga kaklaseng gustong pumasa. Meron pa pala. Walang gurong nagbebenta ng chorizo at tocino o namimilit ng puto at kutsinta. Mahirap humindi noon dahil dagdag daw sa grado.
Talagang akma ang terminong e-learning. Engot ang e. Nabobobo kasi ako sa mga klase sa online. Tila nagtititigan lang. Kung may magtataas ng kamay, sa kubeta ang punta. Kung may nagtatanong, pinapagod lang ang guro para break na naman. May mga nahihirapan pa ring gumamit ng Zoom.
"Bago kayo makapagsulat ng tula o kuwento o dula o sanaysay, dapat gamay na gamay niyo ang mga bahagi ng pananalita," bungad ni Mrs. Tapia na kasingtanda na ng inaanay na eskuwelahang bahain na aking pinapasukan. Paretiro na siya kaya siguro hindi na takot sa teacher evaluation.
Gaya ngayon, malikhaing pagsulat para sa grade 12 ang klase ko pero ang aralin ay mga bahagi ng pananalita pa rin. Tinotodo pa. Labing-lima ang nasa listahan niya. Sa loob-loob ko, "Mahaba-habang prusisyon ito sa nakababagot na Biyernes Santo. Dapat pala nag-module na lang ako."
Mga tayutay na lang sana ang pinaglalaanan ng dalawang oras. Gamit na gamit ang figures of speech sa pagsusulat ng mga malilikhain. Pagtutulad at pagwawangis lang 'yata ang mga naiintindihan ng karamihan. Kahit ang pagsasatao ay isang palaisipan. Mahirap na bugtong ang sinekdoke.
Napapanahon ang mga tayutay. May bobo at gagong pangulo kasi na pagmamalabis agad ang dahilan kapag nagkakamali ang dila o bumabaho ang bibig o umuutot ang isipan o umiitim ang budhi. Hyperbole nang hyperbole kahit hindi naman. Inuuto lang ang mga mamamayang tanga maging sa wika.
Kahit ang aking pag-uuyam ay hindi naiintindihan. Kung maiintindihan man, hindi agad-agad. "Santo ang pangulo niyo kaya lumuhod na at sumamba." Akala siguro seryosong-seryoso ako. Hayon, hindi lang sinasanto, pinopoon pa. Mga tayutay na lang sana dahil dumadami ang mga istupido.
"Ano ang pangngalan?" tanong ng gurong lagpas ang paghadhad ng pula sa mga labi. "Ronaldo, pakipaliwanag nga."

Si Rona pa talaga ang natitiyempuhan, ang aking kaklaseng kambal ng malas. Panlalake man ang panawag sa kanya, babaeng-babae naman ang mukha kahit kalbuhin pa ang ulo.
Matagal-tagal na ring hindi ko naririnig ang lumanay ng pagwika niya. Noong natokhang ang ama, bilang na ang mga salita. Nang na-EJK ang kuya, nanahimik lang. Noong na-corona ang ate, mga titig na ang nangusap. Nang inatake sa puso ang inang nakahanay para sa ayuda, pipi na siya.
Nagsimula ang pagdating ng mga kamalasan sa kanyang buhay noong grade 8 na kami. Kakaupo lang ng pangulong sinuportahan ng pamilya niya dahil daw Bisaya at taga-Dumaguete ang mga magulang ni Rona na laging kadebate ko noon kasi ayaw ko sa bobong sangganong umastang henyong santo.
Kung ano ang aming pinagsalungatan, 'yon din ang nagpalapit sa amin. Tanda ko pa ang aming usapan sa likod ng eskuwelahan. Talahiban. Malayo sa mga mapanuksong mata.

"Hindi ka ba... nahihiya... sa mga kalaro mo sa basketbol?" Nag-alala para sa akin ang dating ng kanyang utal.
"May ginagawa ba tayong kahiya-hiya?"

"Wala."

"Wala pala eh. Bakit ka nag-aalala?"

"Baka kasi bansagan kang bakla gaya ng pagbansag nila sa akin."

"Bakla ka ba?"

"Hindi."

"Yon pala eh. Bakit makikinig ka sa kanila?" Nakumbinsi ko. Tumagal kami sa pag-upo sa malaking bato.
Simula noon, isahan na ang pagtungo namin sa talahiban para hindi halata. Dalawahan na ang pagbili ko ng milk tea. Maramihan ang mga rosas na binigay ko sa kanya. Di-tiyak man ang kasarian niya, walang kasarian dapat ang pagkahulog ng loob. Wala pang pangngalan ang aming lihim.
"Ronaldo, hindi ka na naman ba magsasalita?" Titig lang ang sagot na nahatak ng aming guro.

Napakasimple ng mga salita o parirala o sugnay na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, pook, hayop, at pangyayari. Alam na alam ni Rona 'yan. Editor siya noon ng aming Filipinong pahayagan.
Gusto kong sumigaw ng "Ma'am, tao, bagay, pook, hayop, at pangyayari si Rona" ngunit pinipigilan ako ng mga ngiping nakakagat sa aking dila.

Bakla man o beki ang tawag sa kanya, trans o binabae, o kahit parlorista o pa-girl, sa ganang akin at higit sa lahat, tao siya. Humihinga.
Bagay rin. Tuwing tinutukso ng mga kaklaseng Inglesero, "it" ang pangutya sa kanya kapag tinatamad na sa "heshe" o "shemale" o "Maila" dahil may lawit o "transformer" kasi nagbabago ng anyo.

Kung sisirin ang lalim, pook siyang tambayan ng lumbay at sulok dahil laging nasa gilid.
Sa lipunan, hayop siya. Ano nga ba ang tawag sa anak ng mga ginagapos at kinakatay, ng mga pinapain sa peste, at ng mga pinahahanay para pakainin na parang mga aso? Mga pangyayari din si Rona. Pipi na siya dahil sa tokhang, EJK, virus na hinahayaang kumalat, at ayudang pampulubi.
May mga sandaling kongkreto siya sa aking paningin. Mukhang humihikbi bago ang pag-iyak. Katawang nanginginig kahit tag-init. Balat na pumuputla sa pangungulila. Gulugod na naghuhugis-kuba dahil sa lungkot. Parang estatwang pinapagluluksa ng eskultor o rebulto ng anghel ng hapis.
Malimit di-kongkreto siya sa aking pandama. Ang layo ng kanyang tingin na tila hindi matatawid. Ang lalim ng katahimikang nagtatanong. Ang dilim sa loob ng mga talukap na nakasara. Ang mga alaala sa kanyang isipan. Kahit ang hininga ay nagmimistulang pagkapagod na hindi na kaya.
"Paano kita magragraduhan sa recitation kung hindi mo sasagutin ang tanong ko? Kaya mo naman." Timpi ang kunot sa noo ni Mrs. Tapia. Alam niya ang mga pinagdadaanan ni Rona kaya pinipigilan ang kanyang pagkagalit. "Sige, maghanda ka. Muli kitang tatawagin kapag nasa pandiwa na."
Walang kabang mapapansin sa hindi pagsalita at paggalaw ni Rona. Kampante na siguro na laging mataas ang marka niya kapag eksam na o sa takdang araling hindi kailangan ang tunog ng lalamunan niya o sa proyektong mga kamay ang ginagamit. Puwede palang maging bihasa sa pagkapipi.
Inaaral ko ang pagsara ng kanyang mga labi. Parang may kinalaman ito sa pag-ayaw niyang maging katangi-tangi. Ang mahabang buhok noon ay maikli na para hindi lilitaw ang ganda ng kanyang mukha. Gusto niyang maglaho sa gitna ng kapal ng mga tao. Pambalanang kalagayan na ang nais.
Kaya siguro ako nagkakagusto dahil sapat na sapat na siya para sa akin. Wala nang hahanapin. Lansakan ng mga magkakasalungat na gustong maging magkaanib. Timbangan ng kabuuan. Iisa ngunit marami. Basag ngunit buo. Kulang siya ngunit lubos. Lohika ng kanyang pagkatao ang mga 'yan.
Busog na busog ang lima kong pandama tuwing kasama ko siya. Tahas siya kung aking ituring. Yumi. Lumanay. Bango. Lambot. Tamis. Dahil sa kanya may pang-anim at pangpito na akong pandama. Damdamin at isipan. Basal siyang nangungurot ng puso at utak. Ideya. Konsepto. Nosyon. Diwa.
Kung naglalaho na ang aking kakitiran, 'yon ay dahil sa kanya. Hango ang aking awa sa kung sino siya at ang aking habag sa kung ano siya. Dapat nga sigurong maawa o mahabag muna bago unawain at ibigin. Patalinghaga ko siyang naiintindihan. Diyosang martir. Reynang walang korona.
Maraming nagtataka kung bakit simuno siya sa aking mga pangungusap kung hindi panaguri at kung bakit layon siyang pinaglalaanan. Ang dali sanang sabihing likas ang pag-ibig ko o likha ang kasarian ng lipunan o hindi ligaw ang aking nararamdaman pero takot pa rin akong pagtawanan.
Malapandiwa ang titig niya na animo'y nagpapapansin. "Titigan mo rin ang gramatika ng aking mukha." "Arukin mo ang sinasabi ng aking mga mata." Malapandiwari ang galaw ng kanyang ulo na talata na sa akin. Tango. Tumatango. Malapang-abay ang pag-iling. Huwag muna. Hindi pa ngayon.
Dahil kay Rona, marunong na akong maghintay. Matagal na siyang palagyo. 'Yong laging sambit ng aking bibig. 'Yong katuturan ng aking wika. Naniniwala pa rin na kung palayon siya, may tsansang paari din. Hindi naman siya sadista. Hindi rin ako masokista. Pana-panahon lang talaga.
Parang kailan lang ang huli naming pag-uusap sa likod ng eskuwelahan. Tuyo ang mga talahib. Kumapit ang alikabok ng tigang na lupa sa batong aming upuan. Nag-aral para sa eksam sa Filipino.

Hindi pa bumuka ang bibig, biro na ang pagngiti ko. "Payak ka kaya gusto kita. Simple."
Hindi siya sumagot. Bulos lang ng hangin at ingay ng mga dahong nabulabog ang narinig ko.

"Ayaw mo ba ng maylapi? 'Yong tayo, tambalan."

Matagal bago siya sumagot. "Inuulit mo lang ang tanong mo noon."

Palaho na pala ang mga salita at pawala na ang tinig niya sa hapong 'yon.
Mga panghalip na ang tinuturo ni Mrs. Tapia. Mabokang estudyante ang hinihingan niya ng mga halimbawa. Buong libro yata ang sagutan nila.

Ako naman ay nag-iisip kung bubuklatin ko ang libro ni Jerry Gracio sa internet. Baka may mga aral akong matutunan tungkol sa pag-iibigan.
Bago pa ang community quarantine, usap-usapan na sa eskuwelahan kung kami na ba talaga ni Rona. "Kailan pa?" Kung sino siya sa akin at kung ano ako sa kaniya. "Paano naging kayo?" Buti na lang may total lockdown. Hindi na kami pinapasok. Naudlot ang tsismisan sana sa eskuwelahan.
Marami ang nasasayangan sa akin. Bakit daw ako pumapatol sa bakla. Guwapo raw. Matangkad din. Malaki ang katawan. Mabango tingnan. Maputi ang balat. Maayos manamit. Matalino. Mayaman. Ang simpleng panghalip na "ako" ay may marami palang mga pang-uri. Hindi ko sila pinakikinggan.
Kung may panghalip akong gusto sa Filipino, "siya" 'yon. Tugma kay Rona. Puwede sa lalake, babae, tao, at bagay. Hindi gaya sa Ingles na may him, her, he, she, at putang inang it.

"Leche, hindi it ang napupusuan ko at hindi nakikita ang he at him sa kanya," alburuto ng utak ko.
Galit ako sa mga Ingleserong nagkakait ng mga simpleng panghalip na pantao sa kanyang nagtitiyaga sa "they" at "them".

Noon ko pa nasagot ang mga panghalip na pananong. Kung gaano siya kahalaga, hindi magkano. Hindi ko binibili ang pag-oo niya. Hindi siya bayaran sa lansangan.
Walang kulang sa kanyang paliwanag noong hindi pa lumayas ang kanyang tinig. Ito ako. Ganito ako. Tanggapin niyo. Galangin niyo. Huwag niyong pagtawanan. Huwag niyong pagkaitan.

Ako ang may pagkukulang. Walang mga panghalip na pamatlig na nagmumula sa bibig ko at nagpapaliwanag.
Nakakapagod na rin ang mga panghalip na panaklaw. Madlang tiyak at sinumang walang katiyakan. Parehong nanghuhusga, nandidiskrimina, tumatanggi, nagtatakwil, tumatawa, at nang-aalaska. Nagtatatwa nga siguro ako. "In denial" sa kutya niyo. Pero sino ba ang hindi gustong lumigaya?
Nag-uusap pa rin naman kami ni Rona sa computer o sa cellphone. Walang tunog ang pakikipag-usap sa akin pero puwede na. Kahit nakangiting emoji lang sana ay sapat na sa akin kaso tutuldok na nakatitig pa rin na sinusundan ng bukas na panaklong, ang kanyang hikbi, ang nakikita ko.
Mga panghalip na paari ang huling palitan namin ng mga text. Maikli pero nagbibigay ng pag-asa.

Ako: Akin ka ba?
Siya: Saka na 'yan, Aldrin. Please huwag muna ngayon.
Ako: Iyo ba ako?
Siya: Kapag puwede na. Kapag makakapagsalita na ako.
'Yan ang dahilan kung bakit gusto ko na siyang magsalita at nais ko nang marinig ang kanyang tinig. Nangako kasi at 'yan lang ang aking pinanghahawakan. Kahit matagal-tagal na rin, pinipilit kong huwag magmadali. Kahit bagot na, naghihintay pa rin dahil may inaabangang parating.
"Ikaw na, Ronaldo," sabi ng guro. "Ano ang pandiwa?"

Nakatitig ako kay Rona. Kung tutuusin, pandiwa na ang mga malambot na kamao niya sa mesa. Tila gustong maghiganti ngunit matamlay. Kahit ang likod niyang nakasandal at nakaangat sa silya ay mga pandiwa rin. Susuko ba? Lalaban?
"Walang leksiyon sa pang-uri kung hindi mo sasagutin 'yan." Puno na ang salop ni Mrs. Tapia.

Tahimik pa rin si Rona. Hindi gumagalaw.

Sa isip ko, "Kung lahat sana ay mga pipi, sapat na ang hindi pag-imik o hindi pagkibo bilang pandiwa. Puwedeng maging salita ang katahimikan."
"Tinutulungan na nga kita," tuloy ng guro, "pero ayaw mo pa rin."

Gumagalaw ang mga labi ni Rona ngunit walang boses na lumalabas. Kahit mabilisang tunog man lang sana ng maikling kataga.

Bibig ko ang nagbubulalas ng akala ko ay bulong. "Magsalita ka na, Rona. Pilitin mo 'yan."
Sa akin ibinabaling ng guro ang kanyang tingin. Nasa ilong na kumakapit ang suot na lumang antipara. "Aldrin, may gusto ka bang sabihin."

"Wala po, ma'am," sagot ko. "Nagsasaulo lang ng pangnagdaan, pangkasalukuyan, at panghinaharap.

"Ah, mga aspeto ng pandiwa."

"Opo, ma'am."
"Mamaya ka na. Si Ronaldo muna."

Tumatayo si Rona. Putol ang ulo dahil lagpas na sa kamera.

"Umupo ka, iho. Hindi ka nakikita ng mga kaklase mo."

Pagkaupo na pagkaupo, nagsisimula na ang nagpapakapipi. "Ang pandiwa ay isang salitang nagsasaad ng kilos, galaw, aksiyon o gawa.
Lundag ng puso ko ang aking naririnig. Pinaninindigan niya ang kanyang pangako.

Hindi pa tapos si Rona. "Ang pangawing na "ay" ay pandiwa rin. Linking verb sa Ingles. Copula rin ito sa English grammar. Nagdudugtong. Nag-uugnay. Nagbubuklod. Nagsasanib. Nagdidikit. Nagsisiping."
"Kaya mo naman pala," agarang tugon ng guro. "100% ka sa recitation. Plus 20% dahil maayos ang paliwanag mo tungkol sa pangawing na ibang bahagi ng pananalita sa Filipino."

"Salamat, ma'am," wika ni Rona. Sinasabayan niya ng ngiting nagbubuwag ng hapo at putla sa kanyang mukha.
Dahil nasa Zoom, inaakala ko na lang na nagtititigan kami ni Rona. Gusto ko siyang padalhan ng mensahe pero saka na lang ang pasya ko. Ipinauubaya sa kanya ang pagsasabing kami na. Mukhang may tawag na ang kung ano ang meron kami na pilit binubura. Pag-iibigang walang kasarian.
"Ikaw na, Aldrin," wika ni Mrs. tapia. "Gamitin mo ang pandiwa sa pangungusap."

"Ngayong nalagpasan mo na ang pinagdaanan, ako na naman ang magsasalita para sa 'yo."

"May hugot pero alin ang pandiwang gusto mong pag-usapan?" Kilig ang ngiti ng matandang guro.

"Magsasalita."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

21 May
HULA

Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.

Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.

Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Read 38 tweets
12 May
MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Read 45 tweets
8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets
30 Jan
MAPUTLANG SPAGHETTI

Kasalatan ang isa pang dulot ng pandemiya. Kahit hikahos ang mga tao sa probinsiya, umuwi ako pagkatapos ng ilang taong paninirahan sa Italya. Mas ligtas sa piling ng aking inang matagal nang balo sa sementong bahay na pinagtulungan naming ipagawa ni Tatay.
Simula noong nag-asawa ang aking kapatid at lumipat sa siyudad, ang matagal na naming kasambahay ang kasa-kasama ng aking ina. Parang magkumare lang. Magkasama sa pagluluto, sa hapag-kainan, sa pagrorosaryo, at sa salas para magpahinga. Naghigitan pa ng buhok kahit walang lisa.
Limang taon ang pagitan namin ni Manang Oryang. Pareho kaming lumagpas na sa kalendaryo ang edad. Alam ng lahat kung bakit ayokong mag-asawa. Walang may alam kung bakit ayaw ng aming kasambahay humayo upang magkapamilya. Nakunsensiya ako dahil sa tagal ng pananatili niya sa amin.
Read 48 tweets
30 Dec 20
BAKSIN

Naghahanda ang Tsina para sa pangatlong digmaang pandaigdig. Naninigurado naman ang mamamatay-taong pangulo ng Pilipinas na hindi siya madadakip ng International Criminal Court dahil sa salang crimes against humanity. May kasunduan ang amo at ang tuta na magdadamayan.
Sa tulong ng mga Tsinong sundalong nagpapanggap na mga turista o retiradong residenteng nagnenegosyo, itinatatag ng pangulong diktador ang BAKSIN--Biological Automatic Kinetic Senses International Network. Layon nito na magkaroon siya ng mga superbodyguard na dedepensa sa kanya.
Padala ng gobyerno ng Tsina ang mga ekspertong siyentista at makabagong teknolohiyang ginagamit nila sa pagtatag ng hukbo ng mga supersoldier na isasabak sa plinaplanong digmaan. Mga isla sa West Philippine sea ang pambayad ng pangulong pati buhay ng kapwa Pilipino ay ninanakaw.
Read 39 tweets
30 Dec 20
DULCE EXTRANJERA

Nagmahal din ako ng isang dayuhan. Kakaiba nga lang
ang aming talambuhay. Nagkaintindihan ang mga mata,
bughaw at kayumanggi, at binasbasan ng pagkakataon.
Walang nanlamang dahil walang nilamangan. Pag-ibig,
pantay at wagas, ang layon ng mga halik. Mga bulong
ang nangako kasama ang mga haplos. Walang iwanan.
Hindi sapat ang nabigay pero hindi umalis. Ang kulimlim
ng hapon ay hindi pagkalumbay. Ang gabi ay dalangin
ng mga panaginip, ang pagluluwal ng bukang-liwayway.
Read 6 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(