HINDI PA TAPOS ANG PELIKULA

Hindi ko mawari kung bida ba talaga si Bayang Magiliw. Nagpapagapos. Nagpapabugbog. Nagpapahalay. Gulanit ang baro at saya. Parang pinaglalaruan ng mga leon at tigre. Pinupunit-punit muna ang suot na damit bago gatgatin ang balat. Ang ganda sana niya.
Lanta ang waling-waling na nakasuksok sa pusod ng kanyang buhok. Kung hindi putol ang dila, maikli. Kung walang pamamaga sa lalamunan, barado. Tatlo ang halatang pigsa sa kanyang noo at mga magkabilaang balikat. Malaking sugat siya sa sinag ng araw. Duguan lagi. Asul na sa pasa.
Isa-isahin natin ang mga sangkot sa paggawa ng pelikulang tila walang bida. Matanda na ang producer. Walang ubang masusulyapan sa ulo dahil suki ng Bigen. Animo'y lasing kung magsalita at nasa kinder pa kapag nag-iisip at nagpapaliwanag. Kung gaano kaulyanin, ganoon din kapangit.
Akma ang kanyang nakakatakot na mukha sa kanyang papel bilang kontrabida. Kinakarir niya rin ang acting maliban sa tagahanap siya ng perang pambayad sa kanyang mga tauhan. Lagay man ito o kotong o nakaw o patong, kailangang-kailangan sa paggawa ng pelikulang siya ang may pakana.
Siyempre, may tagasulat ng script. Dambuhala siya. Mabunganga. Malantod pa. Bakla. Kung ano ang gusto ng producer, sinusulat niya. Kapag ang utos ay paputukin ang talong, talagang puputok ang gulay. Patag nga sa kanya ang mundo dahil bobo sa agham ang producer na nagmamagaling.
Bungal ang direktor. Animo'y palangatngat ng bakal. Kahit walang alam sa shot, angle o blocking, pinagkakatiwalaan. Kung hindi ngingisi, aakalain mong sinanay siya sa Beijing Film Academy at kasinggaling niya sina Zhang Yimou at Chen Kaige. Singkit kasi. Tsinoy raw hindi Instsik.
to lang yata ang pelikulang hindi mabilang ang mga cinematographer, ang tagapaganda ng imahe, at ang mga editor, ang tagabura ng mga pangit. Pinapaguwapo ang kontrabida at pinapabango ang baho niya. Kahit dugyot tingnan, idol daw. Kahit demonyo, santo. Kahit istupido, henyo raw.
Aba, meron ding mga taong ang trabaho ay ayusin ang sound at ang light. Kapag nagmumukhang baliw ang kontrabidang palamura sa eksenang dapat normal siya, ginagawa siyang pipi. Tuwing nagkukulay-abo na ang kanyang mga pisngi dahil sa sakit na nililihim, pinababahaan siya ng ilaw.
May mga musical scorer pa. Dalawa. Isang laos na manganganta sa banda na sungki-sungki ang gramatika at nag-English pa kahit hirap na hirap at 'yong mamang may mahabang buhok na inasawa ang neneng na katorse anyos pa dahil Muslim na raw siya kahit hindi alam kung ano ang Shahada.
Ang ipinagtataka ko ay ang papel ng choreographer. Dancer siya. Dating tagaturo kung paano gumamit ng dildo. Bilyonaryo lang siguro ang producer na kontrabida. May tagaturo pa sa mga seksing babaeng extra kung paano kumembot, gumiling sa kandungan, humalik, at magpaluwa ng dila.
Hindi rin mawawala ang mga production assistant. Ang dami nila. Kasama yata diyan ang mga tagapahid ng pawis na amoy-lupa at tagapunas ng puwet na inaalmuranas. May mga tagapalito ng tinga. Meron ding mga tagasalo ng laway. Talagang iba na ang filmmaking ngayon na hitik sa pera.
Production designer pala ako sa pelikulang ito. Laging sinasalungat ang mga ideya ko. Panay pambabara na lang sa mga pinag-iisipan kong konsepto. Dapat daw mababaw dahil nakakalunod ang malalim. Dapat para sa mga tanga dahil konti ang gumagamit ng utak at marami ang mga utu-uto.
Bago kunan ang eksenang hapunan, pinatawag ako ng direktor. "Bakit painting ng alak at mga prutas ang nakasabit?" Panghihiya ang dating ng kanyang sigaw.

"Still life 'yan, Direk," agarang sagot ko para maeduka at mahinto na ang kanyang kamangmangan. "Classic image sa fine arts."
"Buhay pa, gano'n? May pinatatamaan ka ba?"

"Wala. Motionless ang kahulugan ng 'still' sa 'still life'. Tahimik."

"Tahimik na buhay ba? Mas malala dahil patay."

"Direk, naman, arranged still objects 'yan na nagsisimbolo ng selebrasyon ng buhay. Piging. Salu-salo. Pagtitipon."
"Wine ba 'yan? Emperador ang patok sa mga Pilipino o Red Horse. Mansanas at ubas? Buti sana kung makopa at duhat." Nanlaki ang mga mata niya.

"Lilok lahat ang mesa at mga silya. Mamahalin sila. Porselana at kristal ang mga plato at baso. Hindi mumurahin. Pati ang mga kubyertos."
"Palitan mo 'yan."

"Akma rin ang painting sa mga ihahain."

"Palitan mo nga."

"Anong ipapalit ko?"

"Last Supper na may higanteng kutsara at tinidor na kahoy sa mga magkabilaang gilid."

"Sure ka, Direk?"

"Isabit mo rin ang lalagyan ng lechon sa ibaba para puno ang dingding."
Ginawa ko ang inutos. Wala na akong pakialam kung cliche ang imahe o cheap tingnan. May hayop pa. Tutal mga baboy naman sila. Masisiba. Ganid. Parang mga patay-gutom. Lusak ang mga isipan. Ang baba. Ang babaw. Ang bababoy nila. Tuloy ang shooting at rebolusyon ang aking damdamin.
Kaya siguro magulo ang lipunang Pilipino dahil wala na ang kultura ng minimalismo. Nagpapagulo ng utak ang mga magugulong nakikita ng mga mata. Kahit saan ka lumingon, labis na labis. Dumi. Mantsa. Kahit saan sumulyap, sobra-sobra. Mga kulay ng kahirapan. Mga anyo ng kasalatan.
Paano nabura ang minimalismo noon at nahinto ang pagpapatuloy sana nito hanggang sa pagdating ng modernisasyon? Baong mangkok. Kawayang baso. Bangang lalagyan ng tubig. Dahong pinggan. Simple. Hindi magulo. Malinis. Banayad sa mata. Napaaga yata ang pagkamoderno ng mga mangmang.
May mga naninisi sa Kristiyanismo. Mukhang nakakalimutan na bago pa nagpaiba-iba ng suot ang Santo Niño o nagmukhang Reyna Elena sa Flores de Mayo ang Nazareno, payak na krus lang ang ginamit na simbolo ng mga Kristiyano. Walang pinta o palamuti. Ang ostiya nga ay walang palaman.
Sa eksenang agahan, ang screenwriter naman ang tumawag sa akin. "Hindi mo ba nakikita ang nasa script? Mango o orange juice. Dapat yellow. Dilaw." Ambon ang talsik ng laway niya sa aking mukha. Kahit naka-face mask ako dahil sa pandemiya, amoy-tamod pa rin ang kanyang bunganga.
"Hindi na lang mango o orange ang juice ngayon. 2021 na. May cranberry na pulang-pula. Merong pomegranate na malabnaw na lila. Pati nga ang spinach na luntian ay pinipiga na."

"Dilaw ang gusto ko. Sanay diyan ang mga tao." Mabaho pa rin ang kanyang bunganga. Napabahing niya ako.
Sasagutin ko pa sana ang baklang nagmaton-matonang ang akala sa bilbil ay masel. Sa loob-loob ko, "Kinapos ba ng toothpaste o sumobra sa hada o namahalan sa bayad kaya ayaw pang sipilyuhin o sadyang abala lang sa pagrerebisa ng script na iniiba-iba niya ayon sa tama ng producer?"
Hindi dahil ayaw ko sa dilaw kundi may iba pang mga kulay. Sa ganang akin, habang may araw, dilaw ang mundo. Tumitingkad sa dibdib ng bulaklak. Kumakapit sa mga pakpak ng ibon. Humihilata sa mga damo. Namamahinga sa mga bato. Ang maputlang dilaw ang hindi ko gusto. Jaundice kasi.
Magtataka pa ba ako kung bakit adik sila sa dilaw? Lahat na lang ay sinisisi sa dilaw. Dinagdagan pa ng dalawang letra. Dilawan. Mga tao. Minumura. Mga kalaban nila. Ano ba ang ibig sabihin niyan? Pagawaan o patingkaran ng dilaw? Mga Bisaya ang may gawa. Walang alam sa hulapi.
Sukdulan na ang naranasan ko sa pelikulang ito noong kinausap ako ng cinematographer. Tanghalian ang eksena. Nalatag na ang mga pagkain sa mesang pinagitna sa hardin. Ewan ba kung bakit puro katakawan ang mga eksena. Nakaupo na rin ang kontrabidang tila gahasa ang tulo ng laway.
"Ayoko sa mga kulay ng mga pagkain," simula ng mamang vlogging lang sa YouTube ang puwedeng isulat sa curriculum vitae. Kung umasta, parang nag-USC o UCLA o NYU at dalubhasa sa camera. Siya lang naman ang napili dahil madaling utusan. Tila kalabaw na sumasabay sa lubid ang nguso.
"Mga pagkaing Pinoy ang nakahain sa mesa. Bistek na pinalambot nang matagal. Escabecheng isda sa pinyang suka. Litsong manok. Nilasing na hipon. Adobong baboy na pinalutong sa sariling mantika. May mali? Merong kulang?" Bumuntong-hininga ako.

"Meron," sabi niya. "Pulang hotdog."
"Pang-agahan 'yan o pangmeryenda kapag panlaman sa tinapay na may mayo, ketchup, at mustard."

"Pulang kulay ang tingnan mo."

"Sa ensalada o panghimagas lang may pula sa pananghaliang Pinoy," giit ko.

"Makinig ka."

"Sige, beet salad. Patungan din ng mga cherry ang leche flan."
"Mga pritong hotdog nga. Makintab. Nasa bandehado."

Hindi ko na mapigilan ang sarili. Nagwala na pati ang aking bituka. "Hindi kasama sa trabaho ko ang pagpapakatanga. Nakikialam ba ako sa camera mo? Bakit importante ang hotdog kung close-up shot lang sa kontrabida ang alam mo?"
Dahil naka-kontrata, ako pa rin ang production designer na nakatunganga lang. 'Yan na ang trabaho ko. Binabayaran basta nagpapakaistupido. Nasa listahan basta nagpapakabobo. Walang kaibhan sa bulag na bilib na bilib o binging tango nang tango o piping nakikipagtsikahan sa hangin.
Hindi na ako nagtataka kung nakakahiligan na nila ang paghahanap ng mga nagwawagayway ng pulang bandila. Ika nga ng motto nila, "Red is the new black."

Hindi ko na kinakamot ang aking ulo kapag nagiging pula ang lansangan sa sirit ng dugo mula sa katawang sinisipat ng gatilyo.
Sa ngayon, abala ako sa pagbabasa ng mga libro tungkol sa acting. Stanislavski. Strasberg. Adler. Mamet. Kazan. Meisner. Para maturuan ng mga metodo si Bayang. Magsisimula sa pagtikom ng kamay at pagtaas ng kamao. Laban. Hindi paharap. Para 'yan sa mga nagpapahula--bala o barya.
Dapat ding turuan kung paano ngumiti, humagikhik, tumawa at humalakhak. Tila sanay na siya sa lungkot, iyak, hapdi at dusa. Hindi nangungusap ang mga mugtong mata. Dilat man o nakasara. Kasama rin sa pagganap ang hindi pagyakap, ang pagkawala, at ang hindi pagkapit, ang paglaya.
Kahit ang tinig niya ay kailangang ayusin. Hindi lang taghoy, palahaw, ngungoy o hagulhol ang wika ng pasakit. May muhi, poot, ngitngit at galit. Merong tapang, giting, pagtindig at pag-alsa. Nilalangaw na ang pagtango at pagpapakadena. Gasgas na ang pagtitiwala at pagpapagahasa.
Kung handa nang tumayo si Bayang mula sa sulok o kanto o putikan o katayang kinasasadlakan, handa na ang mga botas, ang damit ng henerala, ang gulok na kintab ang talim, ang baril na hindi laruan, at ang kabayong sasakyan. Magiging bida na siya sa hindi pa natatapos na pelikula.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

29 May
ANG POLITIKAL NA TALAMBUHAY NG CONDOM

"Sige na, Be," kulit ng bana.

"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"

"Gawin nating mabilisan."

"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."

"Dadahan-dahanin ko."

"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.
Read 50 tweets
24 May
Ang mga Bahagi ng Pananalita

Maliban sa gumaganda ang galising balat dahil sa ring light o nagkakakulay ang maputlang mukha dahil sa camera filter, may mga rason kung bakit ayaw ko sa online class. Kahit e-learning pa ang itatawag diyan, hindi pa rin magbabago ang aking pananaw.
Siguro nangungulila ang aking damdamin ng makatotohanang paghaharap. Ang wisik ng laway sa aking mukha. Ang baho ng hiningang nananampal. Ang sigaw na nagbabaon ng tutuli. Ang tagihawat na hindi nabubura. Ang lasa ng mga turong pinagsasaluhan naming mga magkaklase tuwing recess.
Naririyan pa ang mga gurong tinatamad. Walang pakialam sa lesson plan dahil may mga naglalaro ng Mobile Legends sa cellphone o computer. DOTA ang pinagkakaabalahan ng iba. Meron ding mga nakatunganga sa Instagram o Facebook para maghintay ng mga like at share. Animo'y mga sikat.
Read 53 tweets
21 May
HULA

Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.

Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.

Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Read 38 tweets
12 May
MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Read 45 tweets
8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets
30 Jan
MAPUTLANG SPAGHETTI

Kasalatan ang isa pang dulot ng pandemiya. Kahit hikahos ang mga tao sa probinsiya, umuwi ako pagkatapos ng ilang taong paninirahan sa Italya. Mas ligtas sa piling ng aking inang matagal nang balo sa sementong bahay na pinagtulungan naming ipagawa ni Tatay.
Simula noong nag-asawa ang aking kapatid at lumipat sa siyudad, ang matagal na naming kasambahay ang kasa-kasama ng aking ina. Parang magkumare lang. Magkasama sa pagluluto, sa hapag-kainan, sa pagrorosaryo, at sa salas para magpahinga. Naghigitan pa ng buhok kahit walang lisa.
Limang taon ang pagitan namin ni Manang Oryang. Pareho kaming lumagpas na sa kalendaryo ang edad. Alam ng lahat kung bakit ayokong mag-asawa. Walang may alam kung bakit ayaw ng aming kasambahay humayo upang magkapamilya. Nakunsensiya ako dahil sa tagal ng pananatili niya sa amin.
Read 48 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(