ANG POLITIKAL NA TALAMBUHAY NG CONDOM

"Sige na, Be," kulit ng bana.

"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"

"Gawin nating mabilisan."

"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."

"Dadahan-dahanin ko."

"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.
Hinulbot niya ang pakete ng condom sa ilalim ng papag. Binuksan gamit ang mga ngipin. Tila kidlat sa bilis ang kanyang pagkilos. Epekto yata ng tama ng latak. Ang simpleng pampaligaya ng mag-asawa ay paglaya rin ng condom mula sa masikip na paketeng hinulma at dinikit sa pabrika.
"Handa na, Be," hudyat ni Dodoy.

"Dahan-dahan lang ha."

"Kagatin mo ang unan para hindi ka mapapasigaw."

"Sa sahig na lang," bulong ng asawa.

"Dito na. Pareho lang."

"Maiingay ang mga irit ng mga maluluwang na pako."

"Sige, aayusin ko 'yan bukas," sabi ng bana bago bumaba.
Wala nang bukas para kay Dodoy. Hindi na napokpok ang mga ulo ng mga pako sa dingding para sana hindi na aalog-alog ang papag.

'Yon na ang huli niyang kantot. Ilang oras lang pagkatapos ng pagniniig, may mga katok. Nakabotas. Nakamaskara. Hinatak nila si Dodoy na nakakumot pa.
Kahit sa kahuli-hulihan, "Dodoy Bato" pa rin siya sa kanyang mga kabarangay.

"Baka nasa batong piitan," sabi ng kapitan.

Ang hinuha ng tambay, "Pinabigatan ng bato sa laot," .

"Tinambakan ng mga bato," ulat ng aleng tsismosa.

May akala rin ang bata. "Biniyak ang bungo."
Iisa lang ang makatotohanang sabi-sabi ng mga kapitbahay. Hindi na babalik ang dinukot na anak, kapatid, bana at ama. Panahon kasi ng mga berdugo. Ang pagkawala ay walang hanggan.

Ang pulang condom na tinapon ni Dodoy sa bintana ang tanging bakas ng kanyang huling tama at libog.
Ilang araw din ang lumipas bago natuyo ang basang naipon sa loob ng condom. Sa hindi kalayuan ay may puno ng bayabas. Abala ang isang ibon sa paggawa ng pugad. Naghanap ng kahit anong puwedeng gamitin. Sanga. Siit. Dahon. Damo. Naylon na lubid. Plastik na supot. Abaka. At goma.
Sa ilalim ng puno ang palaruan ni Buknoy. May bunga man o wala, doon tumambay. Ulila na. Limang taong gulang pa lamang. May kakambal siyang lumpo. Hindi raw naturukan ng bakuna para sa polyo. Sa lolang balo na nakatira. Tinustusan ng pensiyon ng lolong janitor noon sa munisipyo.
Drayber ng dyip ang ama niya noong buhay pa at mananahi sa pabrika ang ina. Hindi sila sagana o salat. Katamtaman lang. Kumportable. Nabili ang kailangan. Kung may sukli, pati ang gusto.. Hindi naman kasi ginawang libangan ang kantutan kaya nakadalawa lang. Mabisa rin ang tali.
Minalas daw ang mga magulang ni Buknoy. Napagbintangan. Pinaslang. Hindi pa sigurado kung mga pulis o mga sundalo. Sumali lang ang ama sa kilos-protesta dahil sa mahal na gasolina at hindi pag-usad ng pamasahe, komunista na. Inakala ring lider ng unyon sa pabrika ang kanyang ina.
Makahulugan ang bayabasan sa pagkabata ng ulila. May nakasabit pang duyan noon at buhay pa ang mga pumanaw na. Merong ikinuwento ang ama. "Ako ang nagtanim nitong puno."

"Noong binata ka pa?" Umaliwalas ang mukha ng bata sa mangha.

"Oo, para akyatan ng mga magiging anak ko."
"Paano ba umakyat, Tay?"

"Kumapit ka lang."

"Mahigpit?" Hinigpitan ng anak ang yakap sa ama.

"Oo, baka ka madulas at mahulog kung walang higpit."

Kamakailan lang ang eksenang 'yan. Kasisimula pa lang ng pagpapatugis ng berdugo sa mga tibak na maiingay dahil may mga hinaing.
Sa parehong duyan nagwika ng huling habilin ang ina ni Buknoy noong nasa peligro na ang buhay niya. Siya raw ang isusunod ng mga nakamotor na pabalik-balik. "Huwag mong pabayaan ang kakambal mo?"

"Aalis ka?" Sinabayan ng bata ang tanong ng kunot sa noo.

"Nagbabaka-sakali lang."
"Kung aalis ka, saan kami maiiwan?"

"Sa lola mo."

"Paano ang bahay natin?"

"Bisita-bisitahin mo."

"Isasama ko si Leloy?"

"Huwag na baka mahihirapan." Biglang tumahimik ang ina. Tila pinadaan muna ang ihip ng hangin. Nagpakawala ng buntong-hininga. "May sasabihin ako sa 'yo."
"Bugtong o kuwento?"

"Tungkol sa kakambal mo."

"Sige, makikinig ako." Itinuon ni Buknoy ang kanyang buong pansin sa ina. Pagkasabik sa gustong marinig ang pungay ng mga mata.

"Noong mga sanggol pa kayo, ikay lang ang naturukan dahil kinapos ng bakuna ang health center."
"Bakit ako? Bakit hindi si Leloy?"

"Tatay mo ang nagpasya. Ikaw raw kasi ang una kong niluwal?"

"Patas ba 'yon?" bulong ng bata sa sarili.

"Kaya alagaan mo ang 'yong kakambal. Utang mo sa kanya kung bakit normal ka at siya ay lumpo." Pinilit ng ina ang hindi pagpatak ng luha.
Hindi nakalimutan ni Buknoy ang mga usapang 'yon sa duyan. Kaya noong kaarawan ni Leloy at walang pera ang lola para panregalo at panghanda dahil nagsitaasan ang mga presyo ng bigas, gulay, at karne pati ang mga bayad sa gas, tubig at kuryente, sa puno ng bayabas ang punta niya.
Hindi pa nakaakyat para sana mamitas ng mga malalaking hinog na bunga para balutin at ibigay sa kakambal, may napansin siya sa damuhan sa ilalim ng puno. Gomang nabitawan ng ibon dahil sa haba at bigat. Hindi pa nakakita ng ganoong bagay si buknoy. Condom. Buo pa. Walang butas.
Kinilatis ng bata ang kanyang natagpuan. Hinimas-himas. Ginusut-gusot. Binali-baliktad. Inunat-unat. Hinipan niya. "Lobo pala. Ekasakto. Para kay Leloy."

Pagkatapos niyang ibuhol ang bunganga ng condom, tumakbo siya papunta sa kanilang bahay. Sabik ang bilis ng kanyang mga paa.
Bago pa makapasok sa kuwarto nila ng kakambal, nakita siya ng lolang halos himatayin sa bumulagta sa kanyang harapan. Condom na lobo. "Bitawan mo 'yan."

"Itong lobo?" Takdang pananong ang nabuo sa mukha ng bata.

"Marumi 'yan."

"Sa ibabaw ng damuhan ko po ito natagpuan, Lola."
"Paputukin mo 'yan. Itapon mo sa kanal. Hugasan mo ang 'yong bibig. Magmumog ka. May sabon sa banyo. Sabunan nang maigi ang mga kamay."

Dahil masunurin, sinunod ang mga utos ng lola at hindi na hinanapan ng kasagutan ang pagkalito. Pero nagduda siya. "Baka ulyanin na si Lola."
Itinuloy ni Buknoy ang pamimitas ng mga bayabas. Dumeretso siya kay Leloy pagkatapos. "Pabertdey ko sa 'yo," sabi niya sa kakambal habang inaabot ang mga prutas na binalot ng lumang pahayagan. "May kuwento ako sa 'yo."

Ngumiti si Leloy sa natanggap at narinig. "Makikinig ako."
"Merong pugad sa puno. Wala ang mga magulang. Dalawang inakay. Malakas na ang isa. Gumalaw-galaw. May mga balahibo na. Marunong nang mag-unat. Mahina 'yong pangalawa. Nakadapa lang. Kalbong-kalbo. May mga sugat. Manghuhuli ako mamaya ng mga tipaklong upang hindi siya magugutom."
Ang kanal na pinagtapunan ni Buknoy ng punit-punit na condom ay konektado sa esterong laging may tubig. Animo'y batis dahil sa ingay ng agos. Sa gilid ng estero ang kuhanan ni Nene ng mga pako tuwing walang ulam silang mag-ina. Kapag sinuwerte, may mga ligaw na plapla o bangus.
Tagakabilang barangay si Nene. Ilang kilometro lang, dagat na. Katorse anyos pa lang siya pero parang siya na ang tumayong ina sa kanyang nanay na ninakawan ng bait. Naging pipi at bingi na raw pagkatapos mabalo. Mayaman sila noon. Kita naman sa lumang bahay nilang bakal at bato.
Kahit ang kutis ni Nene at ang lambot ng kanyang malasutlang buhok ay halatang laking-mayaman. May pambili kasi dati ng mga mamahaling shampoo at moisturizer. Alagang-alaga ang kanyang ganda at katawan. Kahit sabong panlaba na ang gamit niya, hindi pa rin naglaho ang alindog.
Walang may alam kung bakit nagbigti ang kanyang amang negosyante. Walang iniwang sulat. Hindi naghabilin. Ang tanging nasigurado ng mag-ina ay wala nang laman ang mga account niya sa bangko. Malihim kasi and padre de familia kaya hindi nila alam kung saan napunta ang mga pera.
Pero may duda ang nag-iisang anak na babae. Baka mga Tsinong dayuhang labas-pasok sa bansa dahil may kapit sa pamahalaan. Namuhunan daw. Nanggantso pala. Narinig niya kasi ang sinabi ng ama sa cellphone. Smuggling. Money Laundering. Mining. Illegal logging. Nag-Ingles ang kausap.
Habang nangunguha si Nene ng mga pako sa gilid ng estero para lagyan ng gata at sahugan ng tuyo, paulit-ulit sa utak niya ang mga sinabi ng tiyahin noong nagbakasyon ito sa kanila para na rin tingnan ang kalagayan ng kapatid. Magdamagan siyang kinausap. Puro mga payong kakaiba.
"Maging praktikal ka. Eh, ano ngayon kung GRO ka kagaya ko? Kumikita naman. Hindi nagnanakaw. Isuko mo na sa bangko ang bahay. Baunin niyo ng mommy mo kung may makukuha ka pa kahit konti. Lumipat kayo sa Manila. Sa akin muna kayo tumira. Ipasok natin si Ate sa mental hospital."
Tiningnan ni Nene ang estero kung may naligaw na mga plapla o bangus. Panghapunan din kung suwertehin. May nakita siyang parang lastiko sa mismong harapan, ang makapal na bilog sa bunganga ng condom. Isang hakbang lang, dampot na niya. Pinantali sa disturbong buhok na nakalugay.
Itinuloy niya ang pagbabakli ng mga usbong ng pako. Tuloy rin ang tila boses ng kanyang tiyahin na parang sikat na kantang walang katapusan sa karaokehan.

"Ano ngayon kung GRO ka? Susuyuin ka ng mga lalake. Sa ganda mong 'yan? Babayaran ka. Sa katawan mong 'yan? Pipilahan ka."
Umupo si Nene sa batong malumot ngunit tuyo. Hindi ininda ang dumi. Pinagmasdan ang anino niyang nakalutang sa malinaw na tubig na tinamaan ng araw. Neneng-nene ang mukhang tinitigan. Naka-ponytail. Binalikan ang dati. Pinagnilayan ang nakaraan. Ninuynoy ang kanyang pagkabata.
"Kung gusto mong maging GRO, ito ang mapapayo ko sa 'yo: huwag kang magmadali. Dahil sa edad mong gagawin nating diseotso, maraming magkakagusto sa 'yo. Huwag agad isuko ang minahan. Magpaligaw ka. Magpakipot. Ibabahay ka. Aasawahin. Tandaan mo ito: maglaro huwag maging laruan."
Padausdos na hinila ni Nene ang goma mula sa pumpon ng buhok. Inayos-ayos ang lugay. Sa gilid. Sa kabila. Nakapusod. May bangs. Salamin niya ang tubig. Tumango siya. Umiling din. Tumango muli. Tinapon pabalik sa estero ang lastiko ng condom. Dinampot ang mga pako. Dapit-hapon na.
Pagdating na pagdating niya sa bahay, dumeretso sa salas. Nandoon ang kanyang nanay. Nakaupo at nanood ng telebisyong matagal nang sira. Itinuon pa ang kanyang kanang tenga. Parang may mga diyalogong hindi niya narinig. Tumabi si Nene na parang multo sa harapan ng inang tahimik.
"Nakapagpasya na ako, Mommy. Makikipagsapalaran tayo sa Manila. Kay Tita Maricel tayo muna titira. Hindi kita ilalagay sa ospital. Pupunta ako bukas sa bangko. Magtatanong kung may makukuha pa tayo bago nila angkinin ang bahay. Hindi ako magiging GRO. Pangako. Magtratrabaho ako."
Hindi pagkibo at pag-imik ang wika ng ina.

"Puwede namang magtrabaho nang marangal sa spa, hotel, casino o KTV bar. Gusto ko 'yong pinapalagian ng mga Intsik. Hahanapin ko ang mga kasosyo ni Daddy na nanloko sa kanya. Sila na naman ang paglalaruan ko hanggang sa mabangkarote."
Ilang buwan lang ang lumipas, kumaripas ng takbo si Maning mula sa bangka niyang kaaahon lang sa dalampasigan. Bitbit ang maya-mayang walang laman-loob. Sa laot niya nilinis para hindi mabilasa. Dala niya rin ang lastiko ng condom na natagpuan niya nang hiwain ang tiyan ng isda.
May kabataan pa ang edad ni Maning. Mag-iisang taon pa lang sila ng asawa niya simula noong sila ay ikinasal. Mula siya sa pamilya ng mga mangingisda. Sa gilid ng dagat lumaki. Isang tingin lang sa lawak ng karagatan, alam na niya kung delikado ang alon o masama na ang panahon.
Lagi siyang isinama noon sa buwanang pangingisda sa mga tubig na nakapalibot sa mga isla sa West Philippine Sea dahil sa kanyang kakaibang kakayahan. Kahit ang mga tala ay nababasa niya. Naging pananda rin ang posisyon ng buwan. Kaya matiwasay ang paglalayag tuwing kasama siya.
Kaso bawal na ang pangingisda sa mga isla ng Pilipinas ayon sa mga Tsinong nagpapatrolya. Nabomba na siya ng tubig. Napaputukan pa ng baril. Napilitang huminto sa pangingisda sa malayo. Ang dating malaking kita ay barya na. Pinalitan na ng mga bingwit ang dambuhalang lambat noon.
Walong buwan na ang tiyan ng asawa. Wala siyang ipong magagamit sa panganganak. Maselan pa naman ang pagbubuntis ng misis. May pandemiya pa. Kahit pambili ng face mask ay wala siyang madudukot sa bulsa. Dinaan na lang sa pamahiin ang lahat at sa anting-anting, ang labi ng condom.
"Beca, tingnan mo nga 'tong nakita ko sa tiyan ng isda," sabi niya sa asawang nagpahinga sa mahanging berandang gawa sa kawayan at inatipan ng pawid.

Kinilatis ng asawa ang inabot sa kanya. Pinisil-pisil. "Goma. Lastiko. Baka pantali ng buhok. Inakalang pagkain siguro ng isda."
"Matagal na akong nangingisda, wala pa akong nakitang ganyan. Mutya raw 'yan sabi ni Nanay sa akin noon dahil kakaiba. Itago mo baka mawala pa. Baka 'yan ang suwerteng hinihintay natin." Dumeretso si Maning sa kusina para ihawin ang isda. Binuksan ang kaldero. May kaning mais pa.
Nasa beranda pa rin ang asawa. Malayo ang tingin. Lagpas sa dalampasigan. Mas malayo pa sa linyang nasa pagitan ng alon at alapaap. Hinimas-himas ang tiyan. Tila nakalulon ng lobo sa laki. Pinigilan niya ang pag-ubo kahit makati na ang lalamunan. Ayaw niyang mag-alala ang bana.
Pero hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha sa kaliwang pisngi. Parang butil na naghanap ng mabagsakan. Ganyan ang kanyang ligalig na gusto nang pasabugin. Hinatak-hatak niya ang goma. "Bebe, paglabas mo, may laruan ka na. Bilog. Puwedeng parisukat o tatsulok. Diyamante rin."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

30 May
MAS TESTING

"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"

"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.

"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
Read 68 tweets
29 May
HINDI PA TAPOS ANG PELIKULA

Hindi ko mawari kung bida ba talaga si Bayang Magiliw. Nagpapagapos. Nagpapabugbog. Nagpapahalay. Gulanit ang baro at saya. Parang pinaglalaruan ng mga leon at tigre. Pinupunit-punit muna ang suot na damit bago gatgatin ang balat. Ang ganda sana niya.
Lanta ang waling-waling na nakasuksok sa pusod ng kanyang buhok. Kung hindi putol ang dila, maikli. Kung walang pamamaga sa lalamunan, barado. Tatlo ang halatang pigsa sa kanyang noo at mga magkabilaang balikat. Malaking sugat siya sa sinag ng araw. Duguan lagi. Asul na sa pasa.
Isa-isahin natin ang mga sangkot sa paggawa ng pelikulang tila walang bida. Matanda na ang producer. Walang ubang masusulyapan sa ulo dahil suki ng Bigen. Animo'y lasing kung magsalita at nasa kinder pa kapag nag-iisip at nagpapaliwanag. Kung gaano kaulyanin, ganoon din kapangit.
Read 37 tweets
24 May
Ang mga Bahagi ng Pananalita

Maliban sa gumaganda ang galising balat dahil sa ring light o nagkakakulay ang maputlang mukha dahil sa camera filter, may mga rason kung bakit ayaw ko sa online class. Kahit e-learning pa ang itatawag diyan, hindi pa rin magbabago ang aking pananaw.
Siguro nangungulila ang aking damdamin ng makatotohanang paghaharap. Ang wisik ng laway sa aking mukha. Ang baho ng hiningang nananampal. Ang sigaw na nagbabaon ng tutuli. Ang tagihawat na hindi nabubura. Ang lasa ng mga turong pinagsasaluhan naming mga magkaklase tuwing recess.
Naririyan pa ang mga gurong tinatamad. Walang pakialam sa lesson plan dahil may mga naglalaro ng Mobile Legends sa cellphone o computer. DOTA ang pinagkakaabalahan ng iba. Meron ding mga nakatunganga sa Instagram o Facebook para maghintay ng mga like at share. Animo'y mga sikat.
Read 53 tweets
21 May
HULA

Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.

Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.

Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Read 38 tweets
12 May
MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Read 45 tweets
8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(