MAS TESTING

"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"

"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.

"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
"Bakit? Hindi ba tayo nagbabayad?"

"Utang nang utang daw ang Pilipinas kahit walang katiyakan na may pambayad."

"Kahit ang World Bank?"

"Bumagsak tayo sa performance audit. Nakurakot daw ang mga inutang."

"Tang ina, may mga espiya." Tumatalsik ang malaulang laway ng pangulo.
"Hindi na papatol sa atin ang Japan," dagdag ng sekretaryong may pakana sa mga pangungurakot. "Galit ang US dahil sa China at EJK."

"Mga putang inang Kano 'yan. Subukan ang India baka may maibibigay silang mga bakuna."

"Sinubukan na Mr. President. Kulang pa nga raw sa kanila."
"Ang mga pinamimigay ng WHO?"

"Napapahiya na tayo. Nagmimistula na tayong nagpapalimos. Mas masahol pa raw kaysa mga mahihirap na bansa sa Africa o Latin America."

Nagbabalat-kayo na naman ang pangulo na henyo. Tahimik. Nagsasayang ng mga minuto. Kababawan naman. "Ang China?"
Panlulumo ang ipinapakita ng sekretaryong nangangasiwa sa pampublikong kalusugan. "Pakonti-konti ang shipment mula sa China," saad niya. "Pinagmumukha tayong naniniklop-luhod."

"Tatawagan ko si Xi." Kung makapagsalita ang pangulo, parang kainuman niya sa kanto ang Tsinong lider.
"Mr. President, ayon sa mga datos, iniiwasan ng mga tao ang Sinovac. Hindi kasi klaro ang mga pag-aaral. May nagsasabing hindi mabisa. Meron namang nagpapahayag na mabisa raw."

"Wala bang mga troll na doctor sa departamento mo?"

"'Influencer' po ang term namin."

"Pareho lang."
"Walang interesadong mag-apply kaya dalawa lang. Isang propesor sa UP at ang isa naman ay consultant. Puro DDS sila.

"Maghanap ka pa. Kailangan lang ng mga mamamayan ng konting bola. Bibigay rin sila."

"May isa sana pero nasa PCOO siya. Abala sa pagre-red tag sa mga aktibista."
Nag-iisip na naman ang pangulo. Animo'y may utak. "'Yong doktor ng buni, ap-ap at galis?"

"Dermatologist po siya, Mr. President."

"Sige, kakausapin ko. Teka, di ba ang dermatologist ay doctor ng mga nanay?"

Mga hagikhik sa kalooban ang biglang pananahimik ng mga tao sa miting.
Wala pang limang taon sa trono ang pangulong sangganong bihasa sa pambubudol, nagbabago na ang anyo pati ang klima ng bansa. Kulay-abo na. Sinasakluban ng pagluluksa. Kasing-init ng impiyerno. Ligalig ang ihip ng hangin. Puwede nang tawaging distopya. Pusikit. Mapanglaw. Yukayok.
Ang bansa ng mga ulikba, pandak, at pango ay bansa na rin ng mga kubang hapo na sa mga pinapasang problema, mga kalbong nalalagas ang buhok sa hablot dahil sa kunsimisyon, mga lumpong bumibigay ang mga tuhod sa kakaluhod, at mga naglalakad na bangkay na binubuto't balat ng gutom.
Kahit ang mga tanawin ay walang sigla o kulang sa nutrisyon. Namamayat ang mga puno. Natutuyo ang mga halaman. Namamahalan yata ng tubig o tinatamad pagbuhos o nandadamay lang. Hindi ligtas pati ang mga hayop sa lansangan--mga asong ulol, mga pusang gala at mga taong nakabulagta.
Sa araw, puno ang simbahan. Animo'y may libreng pa-Bingo o pa-raffle ang mga santo. Sa dami nga ba ng mga pinapanalangin, kinakalyo na ang mga luhuran. Kapag ubos na ang pasensiya sa mga mortal, sa mga imortal na umaasa kahit matagal-tagal pa ang muling pagbabalik at paghuhukom.
Sa gabi, may mga tumitingala sa kalangitan. Tila binibilang ang mga tala o kinikilatis ang nakangising mukha ng buwan. Naghihintay pala ang ilan sa paglitaw ng UFO na makakawayan. Ayaw na nila sa Earth. Engkanto naman ang pinagtitiyagaan ng iba. Ayaw na nila sa mundo ng mga tao.
Nahihirapan na akong tukuyin kung alin ang mas gago, bobo o baliw. Ang pangulong payasong nagpapatakbo ng sirko sa palasyong tila hithitan ng latak o ang mga pumapalakpak pa rin na parang kumakain ng mga bubog at umiinom ng ihi ang iniidolo nila at nagduduwal ng San Miguel Light?
Kay sarap sanang bungangaan ang taong hindi nag-iisip kahit sarili na ang nahihirapan. "Hoy, kung masokista ka, maghanap ng mga disipulo, magpahampas ka, magpapako sa krus, at gumawa ng relihiyon." Kung sadista, "Heto ang papel at ang posporo. Magsunog ka ng mga pesteng langgam."
Pagkatapos ng cabinet meeting, isang dating heneral naman ang umeeksena. Pamartsa siyang pumapasok. Ang char sa bakuna. Ah, czar pala hindi charing. Leche, wala nang Rusong monarkiya pero pinipilit pa ring bangunin ito sa bansang mayaman sa mga diyamanteng tapyas pala ng baso.
Sa pag-upo pa lang, parang robot na de-susi na. Animo'y may holen sa tumbong na ayaw pakawalan. Tuwid din ang likod at mga balikat. Pantay ang apak ng mga paa sa sahig. Palibhasa nasusuhulan, nagmumungkahi ang tsartsaran, "Mr. President, puwede tayong magpa-lottery nang libre."
Naaalimpungatan ang pangulong parang sinisuwelduhan para umidlip. Pera at mga bulsa niya kasi ang dating ng "lottery" sa kanyang mga tenga kaya nagugulantang. Basta pera ang usapan at ang kanyang mga malalalim na bulsa, sangkatutak na ang PhD niya. "Paano natin gagawin 'yan?"
"Mga pangalan ng mga nagpapabakuna ang ibobola. Bawat rehiyon ay may tambiyolo. Libre. Naglalaway ang mga Pilipino kapag libre."

"Tama, sa amin, pumipila sila para sa mga libre. Libreng pagkain. Libreng pang-tuition. Libreng pampagamot. Davao City ang tunay na land of the free."
Kahit ang pagngisi ng dating heneral ay parang ginagamitan ng panukat. "Sanay rin ang mga 'yan sa paghihintay ng suwerte araw-araw. Kahit gasolina pa ang ituturok, pipila ang mga 'yan. May hulog ng langit kasing aabangan."

"Good idea. Ilan ba talaga ang kaya nating bakunahan?"
"40% ng total population. Sukdulan na 'yan. 'Yan lang ang kaya natin. Kasama na diyan ang mga binili, binigay, pinangako at pinautang."

"Paano ang iba?"

"'Yan ang problema, Mr. President."

Nag-iisip na naman ang animo'y may kakayahang gamitin ang utak. "Ito ay atin-atin lang."
"May naiisipan na kayo?"

"Ano kaya kung laglagan ng shabu 'yong mga walang kontribusyon sa lipunan. Mga tambay, mga sinto-sinto, mga may kapansanan at mga merong sakit? Ikulong sila sa mga malalayong isla at bahala na silang maghawaan."

"Magrerebolusyon ang mga Pilipino diyan."
"May nag-aalsa ba sa EJK ko?"

"Mr. President, iba 'yan. Galit ang madla sa mga tulak at adik. Baliw ang galit sa baliw. May sakit sa utak ang galit sa mga may kapansanan o sakit. Kahit ang mga tambay na hindi makahanap ng trabaho ay hindi kinamumuhian."

"May punto ka diyan."
Isa pa, mga botante mo ang mga 'yan. Kung tatakbo ang anak mo at ang 'yong alalay sa parating na eleksiyon, mababawasan ang kanilang mga boto. Baka matatalo."

"Mga bobo ba sila?"

"Ang karamihan sa kanila."

"Marami ba ang mga namamatay sa kanila dahil sa covid-19?"

"Yes, sir."
"Aha, binigyan mo ako ng ideya." May pa-eureka moment pa ang gagong pangulo. "MAS Testing."

"Ginagawa na 'yan?"

"Iba ang nasa isip ko. Em... ey... es. MAS."

"More testing ba ang ibig sabihin? Dinadagdagan na nga po nila ang test kits. Mas pinapalawak din ang contact tracing."
"Hindi. Kakaiba ang iniisip ko." Bilib na bilib sa sarili ang ngisi ng pangulong nagmamalahenyo. "MAS nga."

"Abbreviation ba 'yan?"

"Oo. Mental Acuity Segregation Testing. National exam para sa mga Pilipinong diseotso na at pataas. Ibubukod ang mga bobo at ang mga matatalino."
"Sino ang babakunahan sa kanila?"

"Pag-iisipan ko pa."

"Magandang ideya 'yan, Mr. President."

"Thank you. Mabalik nga tayo sa lottery. May nanalo na dating general noon. Alamin mo nga kung paano. Isasalang ko ang pangalan ng aking bunso. Nangungulit. Kapital daw sa minahan."
*pan-tuition
Tama na naman ang Pilosopo Tasyo na pinagtatawanan noon sa aming nayon. Lasenggong palaboy siya ngunit may katuturan ang mga sinabi sa aming mga bata. Sa panahon daw ng mga tanga, nagiging makabuluhan ang mga bobo. Akala ko nakipag-usap lang sa hangin. Pangitaing nagkatotoo pala.
Sa bagong lipunang inaanay ng mga tanga at bobong nagbobolahan, lumalakas ang loob ng tagatiktik ng kalawang at taganusnos ng inidoro. Sila pa ang may ganang mangmaliit ng may pinag-aralan at narating na sa buhay. Nananahimik daw ang mga elepante sa gilid ng parada ng mga langaw.
Hindi ko na ipinagtataka kung bakit ang dating pipitsuging mamamahayag sa pambalot ng de-lata ay eksperto na pagdating sa alon, dalampasigan, buhangin at bato. Nagmamagaling pa sa pangharding disenyo ng mga Hapon. Nagiging buwaya nga ang butiki kapag pinapalamon nang pinapalamon.
Ang mga heneral na bakbakan ang pinag-aaralan at ang paggamit ng armas ang karanasan ay nakikipagkaribal na ngayon sa mga siyentista at doktor. Ang sarap iuntog sa mga makakapal na libro kaya lang may sinabi ang aming Pilosopo Tasyo. Pukpukin man sa ulo, hindi tatalino ang bobo.
Kay dami pang mga kabalbalan sa pamahalaan ng mga istupido. Ang dating hubadera ay may posisyon na. Hindi doggy style. Pinasusuweldo ng mga mamamayan ang paladukot noon ng tumbok sa pantalon. Tama nga naman. Kung bobo ka, magpaseksi at magpaganda. Walang IQ ang mukha at katawan.
Meron ding mga matatalinong nagpapakabobo upang mapalapit sa kaldero. May manananggol na ilang taong nagpakadalubhasa sa Batas. Ang lagpak pala ay tagahimod ng puwet. Nakikipagpaligsahan sa toilet paper at tubig sa tabo. Tumpak, sa paghahari ng kabugukan, walang papel ang dunong.
Tama na naman ang lasenggong palaboy. Matapang ang mangmang dahil duwag ang maalam. Gaya nitong tatlong senador. Kamakailan lang nakikipagboksing sa Abakada ang isa. Malaki sana ang kalbong ulo ng pangalawa kaya lang walang laman. May mga tutor pa ang pangatlong bungal sa Senado.
Paalis na ang heneral na czar sa bakuna. Alas dos na ng umaga kaya ihanda na raw ang mga tasa at ang mga mamon. Parating ang tatlong senador para sa konsultasyon. Puro mga Bisaya at taga-Mindanao. Kagaya ng pangulong sanay sa puyatan at palahigop ng kape pero hindi pa natatauhan.
"May ideya ako," bungad ng pangulo. Kahit ang pagtikhim para maalis ang plema sa lalamunan ay ideya sa kanya. Walang kaide-ideya kung ano ito o tama siya.

"Unsa?" sabayang tanong ng tatlong tonto. Ano raw?

"Magpapaeksam tayo para paghihiwalayin ang mga bobo at mga matatalino."
"Isa ako sa mga magiging author niyan sa Senado dahil pang-edukasyon at may PhD ako," sambit ng kalbong senador na dating heneral ng mga pulis.

"Patapusin mo muna ang pangulo," wika ng bungal na senador na alalay rin ng pangulong dating mayor. Mga mata ang ngumingisi sa kanya.
"Bobo ako pero naiintindihan ko na ang punto ng plano," singit ng boksingerong senador na natutong magbasa dahil sa Bibliya at nag-aaral ng English sa pamamagitan ng paulit-ulit na panonood ng mga palabas ng Disney. "Sana lang mga bobo ang babakunahan hindi ang mga matatalino."
"Good, pareho tayo ng pananaw," sabi ng pangulo. "Tantiya ko 40% ng mga Pilipino ay bobo. 30% ay medyo dahil naniniwala pa rin sa edukasyon. 30% naman ay matatalino na. 'Yang 40% ay mga botante natin. Dapat sagipin. Hindi sila dapat mabawasan. Bahala na ang iba. Maghawaan sila."
"Itaas ang kamay kung sino ang susuporta sa panukala ng pangulo," saad ng alalay na tila kinakalawang ang mga ngipin at minamartilyo.

"Sayon ra na," sabayang sabi ng kalbong iyakin sa senate hearing at boksingerong singer at actor daw rin. Nadadalian sila sa panukala kaya payag.
Itinataas din ng alalay at ng kanyang amo ang mga kamay nila. Naka-Fentanyl yata ang huli dahil hindi alam na hindi siya kasali sa botohan sa Senado.

Putok na ang araw. Nagbobolahan pa rin ang apat. Nagplaplano kung sino ang pahihirapan sa oposisyon o kokotongang mga negosyante.
Unang kinakabahan ang mga nangungunang pamantasan. Pinapalitan ang mga pangalan para hindi pag-iinitan ng pamahalaan. Ang UP ay nagiging Unibersidad ng mga Pulpol. Malikhain ang Ateneo na nagiging Kuyaneo. Salsal ang La Salle dahil mental masturbation daw. Nagdadasal pa ang UST.
Abalang-abala ang mga propesyunal, iskolar, intelektuwal, at akademiko sa pag-aaral kung paano ibagsak ang eksam. Ang mga nagtapos sa mga pang-agham na eskuwelahan ay bumabalik sa mga review center para matutunan ang pagpapakabobo. Tinatago ng mga may honors ang mga medalya nila.
Humihinto na sa pagbabasa ang mga mananaliksik. Nanonood ng Eat Bulaga. Baka raw lalong tatalino at hindi mababakunahan. Hindi na rin nag-iisip ang mga manunulat. Blangko na ang papel at tuyo na ang tinta. Nag-eensayo kasi kung paano maging bobo. Kaligtasan na nila ang kabobohan.
Wala na rin sa mga laboratoryo ang mga siyentista. Baka raw pagdududahan na matatalino. Nagtititigan na lang ang mga propesor at mga estudyante sa mga silid-aralan. Delikado na raw ang pagkamatalino. Kahit ang mga doktor ay pasadyang ginagawang mali ang pagsusuri at pagrereseta.
Ang bayan ng tunay na henyong si Rizal ay nalulugmok na sa kabobohan. Patay na ang lampara. Mga gamugamong bulag sa dilim na lang na ayaw nang tuklasin ang init at siga ng lagablab, alamin ang sayaw ng apoy, at ialay ang sarili para sa karunungan. Hindi na malaya ang pag-iisip.
Alas-otso na ng umaga. Gising pa rin ang pangulo. Walang pinagkakaiba sa adik na ginagawang araw ang gabi o hapon ang umaga. Inaayos ng mga tauhan niya ang computer sa kanyang opisina. Makikipag-Zoom daw sa sekretaryo ng DepEd at sa pinuno ng CHED na mga matatalinong palatango.
"Mr. President, huwag na nating gawing abbreviation ng MAS ang Mental Acuity Segregation dahil kontrobersyal 'yan," payo ng pinuno ng CHED na inaatasang magpatakbo ng edukasyon sa mga pamantasan. May mga muta pa. Mukhang magdamagan ang hada. Parang merong tuyong tamod sa bigote.
"Anong gusto mong gamitin, Mass?" usisa ng pangulong nakailang tasa na ng kape ngunit hindi pa rin tumatalas ang isipan.

"Puweda na ang Mas Testing na ang kahulugan ay karagdagang eksam. Magsisinungaling na lang tayo na isa ang utak sa naapektuhan ng covid-19 kaya may paeksam."
Ibanibaling ng pangulo ang tingin na parang titig ng mamamatay-tao sa matandang sekretaryo ng DepEd. "Ma'am, may dagdag ka?"

Ulyanin na ang dating propesora kaya hindi na palasalita. Kung nagsasalita man, mahina na para hindi halata ang paglabo ng utak. "Tama ang Chair ng CHED."
Parang mahikang lumitaw sa Zoom ang mukha ng sekretaryo ng Department of Justice. Just tiis sa mga dukhang Pinoy, just is sa mga Kanong itim, at just tease sa mga pinagkakaitang malilibog. Kung magdamagan sa hada ang taga-CHED, inumaga naman siya sa rampahan. "Sorry, I'm late."
"May comment ka ba tungkol sa panukala ko?" tanong ng kampanteng pangulo na ang tingin sa sarili ay hindi nagkakamali. Talo pa niya ang Diyos na istupido raw ayon sa kanya.

"Mr. President, magkakaproblema tayo diyan. Kahit konti, may mga matatalino pa rin sa administrasyon mo."
"Paki-explain."

"Hindi puwedeng magbobo-bobohan ang anak mong attorney. Baka aakalaing binayaran ang San Beda pati ang namahala noon sa bar exam."

"Hindi pa klaro ang punto mo."

"Gaya ko. Graduate ng Ateneo at UP. Attorney rin. Hindi bobo. Dahil diyan, hindi ako babakunahan?"
"Ang dali niyan," bulalas ng pangulong nakangisi. Animo'y nakapandaya sa Pusoy. "Exempted ang lahat ng mga government employee. Appointed man o elected. Mula national hanggang local. Except..."

"Ano yon, Mr. President?"

"Ang mga state university. Maraming mga aktibista roon."
Bumubuka ang bibig ng pinuno ng CHED. Lipstick na lang o masusubo ang kulang. Naghihintay na papagsalitain.

"Go ahead," hudyat ng pangulo. Paborito niya ang linyang 'yan sa paslangan man o nakawan ng pera ng bayan at sa pambubusabos sa mga Pilipino o pagpapaalipin sa mga Tsino.
"Iklaklaro ko lang ha. Hindi exempted ang mga pribadong pamantasan. May mga aktibista rin doon. Mga kritiko mo."

"Alam ko." Halatang nami-miss na ng pangulo ang kulambo. "Ma'am, tapos ka na?"

Tila walang naririning ang dating propesorang ulyanin na. Hindi alam kung nasaan siya.
Alam ko ang lahat ng mga usapan sa Palasyo. Ako na tagapakintab ng mga tasa, tagatimpla ng kape, tagaayos ng mga mamon sa plato, at tagalatag ng mga miryenda sa mesa ay labas-pasok sa opisina ng pangulo. Pinagkakatiwalaan dahil Bisaya, taga-Mindanao, at higit sa lahat, Davaoeño.
May pinag-aralan ngunit nagpapakabobo dahil malaki ang pasuweldo ng gobyerno sa mga hindi nag-iisip. Ang dali lang ng trabaho. Parang ninanakawan ko rin ang kaban ng bayan. Kailangang kumita para matutustusan ko ang pagsusulat. Dapat may babalikan ang mga Pilipino sa hinaharap.
Hindi ako humihinto sa pagbabasa. Pinagpapatuloy ko ang pag-iisip. Kutong-kuto ako sa social media. Naghahasik ng bagong kaalaman--paano maging bobo at paano bumagsak sa paeksam ng istupidong gobyerno. Parehong bilugan o itiman kung merong none of the above at all of the above.
Puwede ring huwag sagutin ang mga tanong. Kung halata ang mali sa mga pagpipilian, 'yon ang piliin. Huwag na huwag gamitin ang "pen pen de sarapen". Tumatama paminsan-minsan ang hula. Huwag din ipikit ang mga mata, iangat ang lapis, at tuldukan ang papel. Panghuhula pa rin 'yan.
Marami-rami na rin ang mga galit sa akin. Bakit daw ako nagbobo-bobohan at nanghihikayat na maging bobo. Nasaan na ang ipinagmamalaki kong prinsipyo? Takot daw akong hindi mabakunahan at mahawaan ng nakamamatay na salot. Nasaan na ang sinasabi kong magpakamartir para sa bayan?
Hindi pa ako umaatras. Sa tantiya ko, aabot sa 95% ang babagsak sa eksam. 5% ang hindi makakaunawa sa aking dahilan. Kung marami ang mga bobong dapat bakunahan, kakapusin sa bakuna ang pamahalaan. Simple lang naman ang nasa isipan ko. Hayaang ang mga tunay na bobo ang mag-alsa.
Mauuna sa mga turukan ng bakuna ang mga nagbobo-bohang de-kotse o may pambayad sa Grab. Maglalakad o magdyidyip ang mga tunay na bobo. Gagamitin ng mga nagbobo-bobohan ang relasyon o koneksiyon para una sa linya. Maghihintay o magmamakaawa ang mga totoong bobo. Walang magbabago.
Hindi alam ng pangulong sanggano sa kanto ang kahihinatnan ng panukala niyang hindi pinag-iisipan. Parang kantot niyang mababaw kahit naka-Viagra.

Sana sa huli, makikita ng mga bobo ang aking naiisipan, mamumulat sila at sa wakas, matututunan ang saysay ng pag-isip at paglaban.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

29 May
ANG POLITIKAL NA TALAMBUHAY NG CONDOM

"Sige na, Be," kulit ng bana.

"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"

"Gawin nating mabilisan."

"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."

"Dadahan-dahanin ko."

"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.
Read 50 tweets
29 May
HINDI PA TAPOS ANG PELIKULA

Hindi ko mawari kung bida ba talaga si Bayang Magiliw. Nagpapagapos. Nagpapabugbog. Nagpapahalay. Gulanit ang baro at saya. Parang pinaglalaruan ng mga leon at tigre. Pinupunit-punit muna ang suot na damit bago gatgatin ang balat. Ang ganda sana niya.
Lanta ang waling-waling na nakasuksok sa pusod ng kanyang buhok. Kung hindi putol ang dila, maikli. Kung walang pamamaga sa lalamunan, barado. Tatlo ang halatang pigsa sa kanyang noo at mga magkabilaang balikat. Malaking sugat siya sa sinag ng araw. Duguan lagi. Asul na sa pasa.
Isa-isahin natin ang mga sangkot sa paggawa ng pelikulang tila walang bida. Matanda na ang producer. Walang ubang masusulyapan sa ulo dahil suki ng Bigen. Animo'y lasing kung magsalita at nasa kinder pa kapag nag-iisip at nagpapaliwanag. Kung gaano kaulyanin, ganoon din kapangit.
Read 37 tweets
24 May
Ang mga Bahagi ng Pananalita

Maliban sa gumaganda ang galising balat dahil sa ring light o nagkakakulay ang maputlang mukha dahil sa camera filter, may mga rason kung bakit ayaw ko sa online class. Kahit e-learning pa ang itatawag diyan, hindi pa rin magbabago ang aking pananaw.
Siguro nangungulila ang aking damdamin ng makatotohanang paghaharap. Ang wisik ng laway sa aking mukha. Ang baho ng hiningang nananampal. Ang sigaw na nagbabaon ng tutuli. Ang tagihawat na hindi nabubura. Ang lasa ng mga turong pinagsasaluhan naming mga magkaklase tuwing recess.
Naririyan pa ang mga gurong tinatamad. Walang pakialam sa lesson plan dahil may mga naglalaro ng Mobile Legends sa cellphone o computer. DOTA ang pinagkakaabalahan ng iba. Meron ding mga nakatunganga sa Instagram o Facebook para maghintay ng mga like at share. Animo'y mga sikat.
Read 53 tweets
21 May
HULA

Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.

Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.

Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Read 38 tweets
12 May
MAGKAPE KA, KAKAY

Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.
Read 45 tweets
8 Feb
CONSTITUTIONAL AMENDMENTS: A THREAD

Let me play political consultant for Leni Robredo. I'll focus on vote-getting amendments for 2022.

In 2016 Duterte's federalism picked many votes. Indeed, promised constitutional amendments in the US or the Philippines work during elections.
Foreign Equity Ownership

Industries that may affect national security or public safety, that involve natural resources, and that may cause environmental problems should have 49%-51% ownership in favor of Filipinos.

The rest of the industries should allow 100% foreign ownership.
The 1984 Bhopal disaster should be the textbook guide when it comes to the issue of 100% foreign ownership. It is a gas leak incident in India that killed and injured 3,000+ and 500,000+ people respectively. Compensation was possible because 49% was owned by Indian investors.
Read 15 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(