Bilog sa talaguhitan. Sirkol sa gitna ng grap. Utak ko 'yan na parang gulong na bumababa at umaakyat o mga paang umaatras at humahakbang. Pabilog ang usad. Paikot-ikot. Animo'y sawang nakakagat sa sariling buntot. Hindi na alam ang simula at ang katapusan.
Tawagin mo akong Ishmael. Wala lang. Gusto ko lang gayahin si Melville. Ilang ulit ko nang nabasa ang Moby Dick.
Mama akong may karamdaman. Kay Dostoyevsky ang linyang 'yan. Notes from Underground.
Mahilig akong magbasa at mangolekta ng mga magagandang unang linya sa nobela.
Kapag tapos na sa mga nobela, baka ang mga magagandang pamagat naman ng mga maiikling kuwento.
Kailangan kong gawin ang mga 'yan upang maidlip at makapagpahinga. Pangkalma rin sa sarili at sa kapaligiran. 'Yong kahit ang ingay ng mga sasakyan sa labas ay hindi ko na maririnig.
Gaya noong isang araw. Nag-away at nagsigawan ang kapitbahay kong mag-asawa. May sapakan at basagan ng mga gamit. Meron ding iyak at pagmamakaawa. Alam ko ang pangyayari pero nakatuon ang utak ko sa libro. Sa batang ulilang naghanap ng mga ibon upang magaya ang kanilang mga huni.
Tulad din kagabi, nakatulog ako pagkatapos matagpuan ang linyang "I am an invisible man" sa nobela ni Ellison. Hindi gaano tanyag pero binabasa pa rin.
Matagal na akong hindi lumalabas ng bahay at nagpapakita sa mga kapamilya at kaibigan. Pandemiya ang aking laging dinadahilan.
Nakatambak ang mga imbistasyon sa pandak na mesa sa salas. Tila naghihintay ng agiw. May mga kinasal o nagpabinyag na gusto akong gawing ninong. Hindi ko na alam kung saan sila galing. Wala akong ganang magbasa ng mga sobre. Matagal na akong huminto sa pangongolekta ng mga selyo.
Meron pang mga anibersaryo o kaarawang dapat daluhan nang nakapormal. Limot ko na nga ang kaarawan ko at ang anibersaryo ng aking mga magulang, ang mga 'yan pa ba ang pagkakaabalahan? Ang bigat kaya ng mga hanger at matrabaho pa ang plantsa. Bakit ko ba pag-aaksayahan ng panahon?
May mga impormal din naman na pag-iimbita. Mga text, message at e-mail na hindi ko sinagot. Mga tawag na inulit. Kahit masarap ang chicken inasal, inihaw na baka o barbekyung baboy, wala akong ganang magdyip, mag-Grab o magmaneho. Makikikain lang, dapat pang magtiyaga? Ayoko nga.
Nakakahiya mang aminin, mas kawili-wili pa ang manood kay Dr. Popper sa YouTube. 'Yong doktor na tagapisa ng mga tagihawat. Kuwento na sa akin ang paghiwa niya ng bukol, pagpisil ng laman para lalabas ang nana, at pagtahi ng sugat upang maghilom. May simula, gitna, at katapusan.
Kahit ang pasyente ay may linyar ding kuwento. Biglang may tumubong hindi alam kung paano nagsimula at saan galing. Palaki nang palaki sa leeg at naging sagabal na. Pumunta siya sa doktor dahil nahiya na sa bukol. Tinanggal kung ano man ang nasa loob. Sa huli, pilat ang naiwan.
Parang kuwento ko lang. Hindi ako sigurado kung kailan nagsimula ang pagbagsak, kung ano ang dahilan, at kung bakit humantong sa ganito.
Kung maghahanap ng simula, siguro sa hapong 'yon. Nakatikim ng bawal. Chase the dragon daw. Sindihan. Higupin. Ibuga. Tagagawa na ako ng ulap.
May dahilang siguro si Jojo, ang matalik kong kaibigan, kung bakit nagdala siya ng paketeng puno ng shabu sa aking kuwarto at may aluminum foil, tooter at lighter pa. Labas-pasok siya sa bahay namin. Mga kaibigan rin ng mga magulang ko ang kanyang mga magulang na mga doktor din.
Ibang klaseng kaibigan si Jojo. 'Yong hindi ako iiwan sa suntukan. Kung last shot na, hahatiin pa. Kahit kasalanan ko, aakuin niya. Huling isang libo na niya, ibibigay sa akin na mataba pa ang pitaka. Kaya siguro nagkaintindihan kami sa poker man o sa inuman. Kahit sa pag-aaral.
"Bakit Biology?" sambit niya noong patapos na kami sa high school at usapan sa klase ang mga kukuning kurso. "Puro science 'yan. May mga math pa."
"'Yan ba ang dahilan kung bakit History ang kukunin mo?" bulong ko sa kanyang nasa kanang gilid ko ang upuang malapit sa basurahan.
"Tol, nag-iisang anak ako kagaya mo. Hindi ako ganid. Sapat na ang mamanahin ko."
"Papayag ba ang mga magulang mo sa History?"
"Papayag dahil pre-law ang sasabihin ko."
"Paano kung hindi ka tutuloy sa Law?"
"Hindi naman siguro ako ikahihiya dahil kahit papaano may diploma."
Hindi bobo si Jojo. Tamad lang siguro. Simpleng buhay ang gusto. Binabaan ang pangarap para hindi magiging kumplikado ang buhay. Nag-aral nga siya ng kasaysayan.
Pilosopiya naman ang natapos ko. Pre-law rin ang dinahilan sa mga magulang na masaya dahil ibang kurso na naman daw.
Pareho kaming hindi nakahanap ng trabaho pagkatapos ng graduation. Naging palamunin pa rin siya ng mga magulang habang ako ay kumita sa paglalaro ng poker.
Hindi ko natiktikan na nagtulak na pala siya sa mga adik na mayayaman. Heneral ang tiyuhing pulis kaya malakas ang loob.
Doon ko na lang nalaman noong pumasok siya sa aking kuwarto at may dalang backpak. "Nag-Law ka na ba o nag-master's? Bakit may bag na sa likod mo?"
"Mga gamit, tol. Gusto mo bang bumangon at magkailaw rito sa kuwarto mo?" Nanginig ang mga kamay niya. Takot siguro na hihiyain ko.
"Ano na namang raket 'yan?"
Inilabas niya ang laman ng bag at iniabot sa akin. Shabu. Aluminum foil. Tooter. Lighter. May napkin pang pampahid daw ng uling. Pagsusunog pala, pag-iinit, at pagtutunaw ang kanyang pakay. Nagpaubaya ako. "Sige nga at nang makalabas na sa kuwarto."
Nagmukmok ako sa mga araw na 'yon. Pinagpiyestahan kasi ng mga malas. Ilang beses natalo sa tournament. Naremate ang kotseng sinanla. Hiniwalayan ng nobya. Pati ang panakip-butas ay humiwalay sa akin. May kanser ang aking ina. Pinalayas pa ako ng aking ama para hanapin ang buhay.
Hindi manhid ang aking matalik na kaibigan. Gusto lang sigurong sumigla ako sa gitna ng mga kahinaan. Hindi naman dahil gusto niya akong ipahamak o magaya sa kanyang walang tinahak na direksiyon. Nais niya lang gamutin ang bigat ng aking dibdib. Siya lang naman kasi ang may alam.
Hinawakan ko ang foil. Binuhusan niya ng shabu. Sinilaban ko sa ilalim. Nilagay niya ang tooter sa aking bibig. Hinigop ko ang usok na pumailanglang habang natutunaw ang kristal.
Unang higop pa lang, dilat na ang mga mata ko. Hindi na depressed. Nginitian ko kahit ang dingding.
Nasundan pa ang hapong 'yon. Sa kauulit ng paminsan-minsan, naging palagi ang madalang. Hanggang sa inaraw-araw ko na. Narating ko ang sukdulan, 'yong sagad na ang pagbagsak, 'yong wala nang mas mababa pa sa latak nang nadakip si Jojo. Ako ang unang pinatawag para imbestigahan.
Parang nasa sopa ako ng sikologo, hindi sa opisina ng heneral, ang tiyuhin ng aking kaibigan. "Nasa Amerika na si Jojo," bungad niya. "Nag-alala siya para sa 'yo."
"Bakit ako nadadamay?" Nagkunwari din ang mukha ko.
"Nanguna ang numero mo sa kanyang cellphone."
"'Yon lang?"
"Lagi kayong nagtawagan."
"Siyempre, magkaibigan kami."
"Kilala ko ang mga magulang mo. Ninong ko ang lolo mong dating mayor. Dederetsahin na kita. Magpa-rehab ka. Sa Hong Kong o Taiwan. Kahit saan. Walang gagalaw sa 'yo. Sasamahan kita sa airport. Kakausapin ko ang daddy mo."
Wala pang limang oras, nasa eroplano na ako papunta sa Singapore. Inabangan na ng kapatid ng aking ina, ang consul na tiyuhing malapit sa akin. Tagabantay ko raw noong siya ay binata at nasa kolehiyo pa. Kampante akong maiintindihan niya. Hindi namaga ang mga pisngi ko sa hiya.
Habang pumuputuk-putok ang mga hangin sa aking mga tenga, kinurot ang utak ko ng kunsensiya. Totoo palang pangmahirap lang ang tokhang. Para sa mga walang kapit at pangalan ang EJK. Buhay pa kami ni Jojo dahil makoneksiyon ang aming mga magulang. Hindi para sa amin ang "nanlaban"
Magaganda ang mga flight attendant at masasarap ang mga pagkaing kanilang nilatag sa aking harapan ngunit napangitan ako sa pabor na aking natanggap at nasuka ako sa pribelihiyong inilaan sa akin. Sa buong paglalakbay, binulabog ang aking isipan ng mga pilosopiya ng moralidad.
Dahil siguro sa hiya dahil siya ang unang nagpatikim sa akin ng shabu o tampo dahil hindi ko siya hinanap, hindi na tumwag sa akin ang matalik kong kaibigan.
Siyam na buwan din ang aking rehabilitasyon sa Singapore. Marami akong natutunan tungkol sa mundo at sa aking sarili.
Isa na ang pagsusulat. Noong may workshop para sa mga adik, sumali ako. Memoir writing daw ngunit hindi makapaniwala ang singkit na manunulat sa kanyang nabasa. "Is this story real?" Nakatitig siya sa akin habang hawak-hawak ang papel na isinumite ko para sa kanyang kritisismo.
"Yes, sir, I'm from a good family. Perhaps it's too good that I want it to be bad." Katotohanan ang sinabi ko dahil memoir nga pero pagsisinungaling ang dating.
"Addicts in Singapore have experienced bad family dynamics. Either you're unique or lying. You should try fiction."
'Yon na nga, mga kuwentong gawa-gawa na ang pinag-interesan. Naging palabasa na ng mga nobela at maiikling kuwento. Tinuruan ang sarili kung paano magsulat. Pinag-aralan ang mga estilo ng mga manunulat. Hinimay ang mga kuwento. Hanggang sa dumating na ang araw ng aking pag-alis.
Dahil may sakit ang aking ina, bawat hiniling niya sa aking ama ay sinunod. Puwede na akong tumira sa bahay. May bagong kotse pang naghintay sa akin. Sumang-ayon na rin sila na subukan ko ang malikhaing pagsulat. Hindi ko raw kailangang mag trabaho. Magsulat lang nang magsulat.
Kaso nasa kuwarto lang ako ngayon. Basa nang basa. Wala pang nasulat. Marahil dulot ito ng pandemiya. Bakit pa magsusulat kung hindi siguradong matatapos? Baka bigla akong magka-covid nang wala pang resolution ang kuwento. Sino ang magrerebisa kung kulang ng karakter o mag-eedit?
Baka nanibago lang dahil wala nang droga. Bumalik ang wastong timbang. Hindi na kalansay. Malinis na tingnan. Mapuputi ang mga ngipin. Hindi aligaga. Naglaho na ang panginginig. Pero hindi pa rin ako masaya. Parang pinilit o napilitan. May kulang at 'yon ang gusto kong hanapin.
Kanina, habang nagkakape ako sa harap ng computer, hinalughog ko ang YouTube para hanapin ang video ng kakaibang talumpati raw ng isang manunulat sa seremonya ng pagtatapos. Nagustuhan ko kasi ang unang linya. "Wear sunscreen." Hindi ko natagpuan. Mukhang hindi siya ang nagsulat.
Sa kahahalughog ko, "Shape of Stories" ang lumabas, turo ng parehong manunulat tungkol sa pagkatha. Nagguhit pa ng grap sa pisara. Naging iba't ibang mga linya ang mga buod ng mga kuwento. Linyar nga. May simula, gitna, at katapusan. Merong paalon-alon. Taas-baba. Hindi sumuko.
Si Vonnegut ang salarin. Siya ang dahilan kung bakit hindi ko na gusto ang mga linya at ayoko na sa mga linyar na kaganapan sa gawa-gawang kuwento man o sa buhay ko. May hinanap ako pero mahirap tukuyin. Nakadalawang tasa na ng kape. Wala akong magawa kundi balikan ang nakaraan.
Nanood muna ng mga pinisang tagihawat, mga pinisil na pigsa at mga hiniwang bukol. Nang naumay na sa dugo at diring-diri na sa nana, pinatay ko na ang computer. Humiga ako sa kama. Deretso ang tingin sa kisame. Sinimulan na ang paglalakbay ng utak. Binalikan ang mga dati at noon.
Hindi na ako nagsayang ng mga alaala. Dumeretso agad sa mga maliligayang araw at sa mga bagay at kaganapang nagpaligaya sa akin.
Noong natutong maglaro ng poker, parang nakawala ako sa plinano, sa nakasanayan na, at sa pagkasunod-sunod ng mga pangyayari na pagkabagot ang dulot.
Walang linyar sa sugal. Puwedeng kadi-deal lang at nag-fold agad o check nang check o call nang call hanggang sa dulo. Walang aksiyon. Maari ding may pares na alas at nag-all in pero natalo at nagkapares ng dos at nag-all in ulit at nanalo. Paikot-ikot pati ang suwerte at malas.
Kahit sa paglalaro ng baraha, hindi katapusan ang pagkapagod, pananakit ng mga balikat, pamamanhid ng mga kamay at paghahanap ng mga mata ng mahihimbingan. Pagkagising, nakaimbak na ng lakas o sigla. Simula na naman ng laro sa mesa. Hindi linya kundi bilog ang galawan sa poker.
Kahit sa pera, hindi nakalinya ang mga pangyayari. "Tol, ilaro mo ang sampung libo ko," bulong minsan ni Jojo sa likod ko.
"Sana suwerte 'yan," biro ko. Hindi utang ang aking nilaro. Walang tubo. Hindi siya naghintay. Walang paniningil. Simula lang. Walang gitna at katapusan.
"Ikaw yata ang suwerte dahil ako ang pumalit sa upuan mo," sabi ng isang kakilala habang inaabot ang balatong hindi ko hiningi. Perang hindi pinaghirapan ang isinuksok sa pitaka. 'Yan lang ang kuwento. Hindi pa diyan nagtapos. Ako naman ang nagbalato noong nanalo. Umikot lang.
Kahit ang pagsulpot ni Andrea sa buhay ko ay hindi linyar kaya siguro ako nahumaling. Walang panliligaw. Walang oo. Walang paninigurado kung kami na. Hindi ako nagbigay ng bulaklak para ilagay sa plorera at hintaying malanta o tsokolate para buksan, kainin at itapon ang pambalot.
Hindi ko na matandaan kung sa sugalang mesa kami nagkatinginan o sinitsitan niya ako sa labas ng casino. Nagsiping na lang kami isang gabi. Hindi one-night stand. Hindi kami nagkita, nagparaos, at nagpaalam. Nasundan pa ng mga gabi ang unang gabi. Walang pagplaplano. Hindi sadya.
Nasa kanya na ang lahat ng katangiang hanap-hanap ko. Siya 'yong babaeng hindi mo na kailangang humingi ng pahintulot bago humalik at magpasalamat pagkatapos. Spontaneous siya. Hindi predictable. Nobya ko siya kung magkasama kami. Hindi niya ako nobyo kung wala siya sa tabi ko.
"Oo, nasa kanya na ang lahat ng mga gusto mo sa babae," sabi ni Jojo sa akin noon, "maliban sa dangal."
"Nagpapaligaya ba ang dangal?" balik ko sa kanya nang nakatawa nang bahagya para basagin ang kanyang pagkaseryoso.
"Gusto mo bang maglakad sa sugalan na may tae sa ulo mo?"
"Anong ibig sabihin niyan? Dapat ikahihiya ko siya?"
"Tol, lahat na siguro ng mga kasugal mo ay nakatikim na sa kanya?"
"Nagpabayad ba?"
"Sila ang tanungin mo. Hindi ko pag-aaksayahan ng panahon 'yan?"
"Hindi siya pokpok. Liberal lang pagdating sa sex."
"Binibitag ka lang."
Walang bitag akong napasubuan. Hindi ako naging sugar daddy o rich boyfriend niya. Walang regalo o sustento. Kantutan lang na paulit-ulit.
Noong ipinagtapat ko sa kanya ang naramdaman ko, humina ang interes niya sa akin. Nagkita pa rin naman kami at nagsiping ngunit malamya na.
Sinabi na lang niya sa akin isang araw, "You're boring now." Itinabig niya ang buhok para matamaan ang mukha kong nakasunod. Iba na ang samyo ng pabango niya. Baka para na sa iba.
"What do you want me to do? Fvck you in the ass? Do you want a threesome? Four? Five? Group sex?"
Kahit ang aming hiwalayan ay hindi klaro. Walang pag-uusap, pagpapatawad, at pamamaalam. Siya nga siguro ang nakipaghiwalay sa akin dahil nauna siyang nagpabatid pero ako naman ang nagtuldok. Kahit 'yan ay hindi linyar at walang pagtatapos. Ang tuldok ay naging tutulduk-tuldok...
Nilandi niya pa rin ako noong hindi na kami. Tao lang naman na may pangangailangan at lalakeng uminit ang dugo sa rupok. Nagpaubaya ako. Sumiping.
Hanggang ngayon siya pa rin ang laman ng pantasya ko sa pagsabog man habang tulog o sa paglalaro sa sarili. Mabangis siya sa kama.
Kahit papaano napaligaya rin ako ng droga. 'Yon nga lang, bumawi ang lungkot paghupa ng tama. Panandaliang lunas lang. Tila saranggola akong bumagsak, naputulan ng tali, nabalian ng tingting, at naputulan ng papel na buntot. Gustong magpaayos muli upang makalipad at magpahangin.
Kahit 'yan ay hindi linyar. Paulit-ulit ang pagsusunog at pagtutunaw. Inulit-ulit din ang paghigop at pag-ilanglang. Nawika ko pa nga kay Jojo noon ang aking pagkapagod, "Laging ganito na lang ba? Kailan ba ito magtatapos?"
"Tol, bangag ka lang," sagot niyang nagpatawa sa akin.
Kahit ang pagsulpot ng matalik kong kaibigan sa hapong 'yon sa aking kuwarto ay hindi plinano. Hindi ako tumawag sa kanya at wala akong hiningi o binili. Hindi niya pinatikman sa akin ang shabu para malulong ako at maging kustomer niya pagkatapos. Libre lahat ang mga hinithit ko.
Akalo ko noon isang linya ang mga pangyayari sa adiksiyon. Sumubok, nalulong, at nagparehab. 'Yan lang. Tapos na. Wala nang karugtong. Hindi na naulit pa. Walang pag-ikot. Mali, habambuhay pala akong adik dahil may utak akong akma sa pagkaadik at personalidad para sa adiksyon.
Tama si Jojo noong may ipinagtapat sa akin. "Malungkot din ako, Tol. Kambal ng shabu ang kalungkutan. Sasabihin ko sa 'yo ang totoo. Hindi siya gamot para maglaho ang nararamdaman mo. Walang katapusan ang lungkot. Bumabalik-balik. Umiikot-ikot lang. Inuulit-ulit ang pananalasa."
Pagkatapos pagmuni-munihan ang kaligayan, ginalugad ko naman sa aking alaala ang kalungkutan. Puro linyar ang aking pagkabata. Nakipag-agahan sa mga magulang. Iniwan sa tahanan buong araw. Nakipaghapunan pagdating nila. Araw-araw 'yan simula noong nagkaisip hanggang nag-aral na.
Kahit noong nag-kinder na, hinatid ako, iniwan sa eskuwelahan, at sinundo. Hindi dinala sa mall pagkatapos. Walang arcade. Oo, binilhan ako ng laruan, sinira ko, at binilhan nila muli. Walang nakipaglaro. Iniwang mag-isa sa salas. Para bang kayang makipag-usap ng robot sa akin.
May yaya pang pinag-aral ng mga magulang ko. Education para sa pre-school yata kaya mahilig siya sa mga fairy tale. Ito ang pang-umay niya sa akin pagkatapos ng mahabang pagbabasa: "And they lived happily ever after."
Napuno na ako. "But the witch came to cause trouble again."
"Sinira mo ang kuwento," tugon niya lagi.
Hindi ba puwedeng bayabas na may lason naman ang ipakain sa babaeng may mga kaibigang duwende? Maghahanap ba ng iba ang prinsipe kung 'yong babae naman ang naging halimaw? Kung nabasag ang sapatos, patuloy ba ang paghahanap ng kasuyo?
Kahit noong bata pa pala ako, naghanap na ako ng mga bilog, mga umikot, at mga inulit. Walang katapusan. Hindi huminto. Gustong magpatuloy ang simula at sapawan ang gitna. 'Yong mahirap alamin ang dulo o huli. Pormula pala ng sirkol ang gusto kong matagpuan. Natagpuan ko na nga.
Habang nakatitig pa rin sa kisame, nagsulputan ang mga tanong sa isipan ko. "Paano mo gagawing linyar ang panahon?"
Gumalaw ang aking mga labi. "Sa aking kuwento."
"Hindi ba nagtatapos ang kuwento?"
"Matalik na kaibigan ko pa rin si Jojo. Naghihintay lang ng tamang panahon."
"Bakit ayaw mo sa linya?"
"Malungkot. Magkabilaan ang mga bangin. Hindi kagaya ng bilog. Patuloy ang paglalakad o paglalayag."
Tumagilid ako at dingding naman ang hinarap. "Ano kaya kung magreretiro na lang si Daddy para may kasama si Mommy? Iikot-ikot na lang sila sa bahay."
Bumangon ako at umupo sa paanan ng kama. Kahit pala ang pagkaadik ko ay bilog. Hindi na adik sa shabu pero adik naman sa sigarilyo. Hindi na adik sa kantutan pero adik naman sa pagbabasa. Hindi na adik sa sugal pero adik na sa hinanap ko at natagpuan. Tuloy pa rin ang adiksiyon.
Hindi pa ako sigurado kung sasagutin ko ang private message ni Andrea, "Fuck buddy?"
Wala pang desisyon kung papadalhan ko ng e-mail si Jojo. Nagbagong-buhay na raw at abala ngayon sa pagre-review para sa eksam ng mga gustong mag-aral ng Law sa Amerika. Kaibigan ko pa rin siya.
Tumayo ako at binuksan ang computer. Sinimulan ang pagsusulat ng maikling kuwento. "Bilog sa talaguhitan" ang unang linya. Nilagyan ko pa ng grap.
Nagdalawang-isip kung dapat bang isali ang pormula ng sirkol. Walang saysay ang x² + y² = r² sa isang manunulat na hirap sa math.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Ritwal ang paninigarilyo para sa manunulat na si Raul. Laging may raket. May kolum sa isang tanyag na pahayagan. Pati sa pipitsuging diyaryong bastos ang mga balita, may espasyo rin. Kulang sa tulog ang mga mata. Dilaw ang mga ngipin sa kayoyosi.
Sinalamin ng sigarilyong mahigpit na nakaipit sa gitna ng mga daliri ang utak niyang tulog. Isinuksok ito sa puwang sa pagitan ng mga labi. Binasa ng laway, ang pagkasabik ng dila. Kinagat para hindi makawala. Pagsindi niya, sumigla ang utak. Isang buga lang, gising na gising na.
May hinabol siyang oras ng pagsusumite ng obituwaryo para sa kamamatay lang na dating pangulo. Nakatatlong sindi na ngunit wala pa ring nasulat sa kompyuter na kaharap kahit bukas na ang isipan at malawak na ang alaala. Bumuga ng usok. Isa pa. Ang sanaysay sana ay naging kuwento.
"Nasaan na ang mga extra? Papasukin na sa kuwarto. Bahala pangit ang mukha basta maganda ang briefs. Huwag puro Calvin Klein. Papagsuutin ang iba ng Hanes o Bench. Frigo ang ipasuot sa lead. Kahit sa orgy, may economic status. Class struggle ang harutan."
Heto, nasa trabaho pa rin. Madaling araw na. Nagdidirehe ng kantutan. Nagkokoryo ng mga basang katawan. Malapit na kasi ang deadline. Nag-iingay na ang mga baklang naka-quarantine, na-lockdown o nagse-self-isolate. Nasaan na raw ang bagong BL erotic film? Libog na libog na sila.
Ewan ba, kung bakit sa ganitong klaseng pelikula ako napadpad. Nakababatang kapatid ng pornograpiya na virgin pa. 'Yong hindi nga nakahubad ng mga damit pero manipis at basa naman. Pabebeng kalibugan. Uso raw. Pinapanood ng mga kabataan. Kumikita kaya sinasabayan ng mga producer.
Hapon na nasimulan ni Bunsoy ang pagsagot sa mga module. Nanguha pa kasi ng kangkong. Inayos din ang yerong bubong na dinaganan ng gulong. Pumunta pa sa ulingan para mamulot ng mga tira-tira. Naghabol siya ng oras habang maaraw pa. Ayaw niyang magbasa sa ilalim ng buwan.
Sa lahat ng mga klase niya sa elementarya, HEKASI ang kanyang paborito. Napaisip daw siya tungkol sa bayan, lipunan, at mga mamamayan. May heograpiya pa na parang paglalakbay ng mga kagaya niyang walang pera para magbakasyon. Sa kasaysayan at sibika niya natutunang Pilipino siya.
Dumapa siya sa sahig para simulan nang sagutan ang mga papel. Hawak niya ang lapis na pudpod na ang pambura.
Maraming Pagpipilian:
1. Saang lungsod naging mayor muna si Duterte bago siya nahalal bilang pangulo?
a) Caloocan
b) Ormoc
c) Davao
d) Iligan
e) Wala sa mga nabanggit
Dinig na naman ang sigaw. Maghahatinggabi na. Tila ginahasa ng batuta ang likuran. Nanginig ang boses. Parang kinuryente ang mga daliri o sinuksukan ng mga palito ang ilalim ng mga kuko at sinindihan. Sigaw na naman. Garalgal ng pagod at pagsuko. Katahimikan.
Nakatuon ang mga tenga ng tatlong magkakaibigan na magkasama sa iisang kuwarto sa pinagmulan ng ingay. Nagtinginan sila. Nagtanungan ang mga matang kita pa rin sa dilim dahil sa tindi ng ilaw sa labas.
"Isa na namang biktima?"
"Gabi-gabi na lang ba?"
"May magagawa ba tayo?"
Lagpas sisenta na ang tatlo. Mauban ang mga buhok at kulubot ang mga balat ngunit may sigla pa ang titig ng mga mata at ang higop ng mga tenga. Nginig man ng mga tuhod ang bawat paghakbang, lakas naman ng loob ang pagkapit para hindi matumba. Dapit-hapon na raw pero may araw pa.
Ano nga ba ang sining? Obra na ba ang pag-ihi, pagtae, pagdura, pagsuka, pagpapawis, pag-iyak, paglaslas, pagpaputok ng pigsa, pagjakol at pakikipagtalik sa ibabaw ng kanbas? Kailan pa naging masining sa mga mata ang mga bahid, dungis, at mantsa?
Matagal nang prinoblema ni Yuki ang depinisyon ng sining. Patapos na siya sa UP. Fine Arts ang inaral. Japayuki dati ang kanyang inang binuntis ng Hapong nakilala sa bar at hindi na nagpakita. Yukio raw ang pakilala ng ama kaya Yuki ang ipinangalan sa kanya dahil merong kulang.
Umuwi sila sa bansa bago nagtapos ang siglo. Nagsimula ang ina. Nagnegosyo. Mga karinderiya. Nagpautang. Umasenso naman. Nakapagpatayo ng malaking bahay at bakasyunan sa tabi ng lawa. Nakabili ng mga sasakyan. Nakahanap pa ng lalakeng napangasawa at sinuwerteng hindi palamunin.