Ritwal ang paninigarilyo para sa manunulat na si Raul. Laging may raket. May kolum sa isang tanyag na pahayagan. Pati sa pipitsuging diyaryong bastos ang mga balita, may espasyo rin. Kulang sa tulog ang mga mata. Dilaw ang mga ngipin sa kayoyosi.
Sinalamin ng sigarilyong mahigpit na nakaipit sa gitna ng mga daliri ang utak niyang tulog. Isinuksok ito sa puwang sa pagitan ng mga labi. Binasa ng laway, ang pagkasabik ng dila. Kinagat para hindi makawala. Pagsindi niya, sumigla ang utak. Isang buga lang, gising na gising na.
May hinabol siyang oras ng pagsusumite ng obituwaryo para sa kamamatay lang na dating pangulo. Nakatatlong sindi na ngunit wala pa ring nasulat sa kompyuter na kaharap kahit bukas na ang isipan at malawak na ang alaala. Bumuga ng usok. Isa pa. Ang sanaysay sana ay naging kuwento.
Hugis ng lalake ang nakasandal sa upuang malapit sa paanan ng kama. Bahagya lang ang tama sa mukha ng ilaw sa labas na pumasok sa bukas na bintana. Halos anino ang kabuuan. May konting buhok pang natira. Nakasalamin. Bumuntong-hininga. Bumulong, "Papa, Mama, sunduin niyo na ako."
Hinampas ng hangin ang hardin. Nag-ingay ang mga dahon. Pati ang mga sanga ay sumabay sa pag-imbay. Pumasok sa mga parilya ang bulos na naging aleng may katandaan na ang edad. Kulay ng hinog na mangga ang suot. Nakasalamin din. Hindi katawan kundi ilusyon. Napalibutan ng liwanag.
Umupo siya sa paanan ng kama para harapin ang lalakeng aray nang aray. Mag-ina pala. "Anak, hindi pa puwede."
Naalimpungatan ang lalake, "Mama, saan si Papa?"
"Ako muna ang pinapunta para pagsabihan kang magtiis-tiis muna."
"Bakit hindi puwede? Kulang pa ba ang mga nagawa ko?"
Hinawakan ng ina ang mga mapuputlang kamay ng anak na ninakawan ng lakas ng malubhang karamdaman. "Inaangkin ang mga gawa mo. Sino ang magsasabi sa mga mamamayan ng katotohanan? Sinisira ang mga sinimulan mo. Sino ang maghahanap ng karapat-dapat na siyang aayos sa mga sinisira?"
"Iba na lang, Ma. Bakit ako pa rin? Bakit puro na lang tayo? Pamilya ba tayo ng mga martir? Tayo ba ang tinakdang magtutubos lagi kapag may panggagapos at pagpapahirap? Maawa ka sa akin at sa mga apo mo. Wakasan na ang pag-aalay ng mga tupang kamumuhian din naman." Huminga siya.
Pinigilan ng ina ang paghikbi ngunit pumatak na ang mga butil ng luha na naging mga perlas. Pagbagsak sa kandungan, naging mga usbong ng bulaklak. "Noong nabalo ako, sumuko ba ako sa pagluluksa? Nagmukmok ba ako sa kuwarto para pabayaan ang lugmok na bansa? Hindi ba ako lumaban?"
"Iba noon. Ibang panahon. 'Yong kantang 'Magkaisa'? Hindi na gagana. Nag-iisa-isa na ngayon. Nagpapaunahan. Nanggugulang. Anong handog ng Pilipino sa mundo? Tayo ang nililimusan. Tingnan mo ang mga bakuna. Kinaaawaan din na parang mga mangmang. Sa dami nga ba ng mga pinapaslang."
"'Kaya nga huwag ka munang magpasundo. Marami ka pang magagawa. Eleksiyon na sa susunod na taon. May boses ka pa. Meron pang mga taong makikinig sa 'yo."
"Makikinig? Sa akin? Mga tao?" Tinuro ng anak ang sariling dibdib. Tumawa.
Tumango ang ina. "Huwag kang panghinaan ng loob."
"Sinubukan kong maging tigre ang kuting. Pero gusto nilang maging mga dagang nagtitiis sa panis na keso. Ayaw nilang umusad. Hindi gusto ang kaginhawaan."
"Gugustuhin din nila ang mga 'yan kapag handa na sila."
"Kailan pa? Nagkadiyabetes na ako at nagkakanser na, wala pa rin."
"Kanser din ang ikinamatay ko. Pero lumaban ako. Hindi pumanaw nang maaga. Kahit natupad na ang pangako ko sa taumbayan dapat pa ring protektahan ang kalayaan. Buo ang legasiyang iniwan ko."
"Pinagtatawanan ang sakripisyo mo. Maging ako ay kumbinsidong mali ang EDSA Revolution."
Nabigla ang ina sa narinig. "Saan ang mali?"
"Maaga siyang nangyari. Hindi pa kumain ng damo o uminom ng tubig-kanal ang mga tao. Hindi mga buto't balat ang mga katawan. Hindi pa nahirapang huminga. Pinalaya agad kahit hindi pa handa."
"Pagkakataon ang rebolusyon, hindi plano."
"Hanggang hindi pa nasasagad ang pagtitiis o hindi pa nararating ng kahirapan ang sukdulan, babalik at babalik ang mga mamamayan sa dating nakasanayan."
"Mataas ang tingin ko sa kanila."
"Ma, mababa ang tingin nila sa 'yo."
"Sapat na 'yon basta nakatingin, hindi nakapikit."
"Tinging may kasamang pagdura."
"Hayaan mo na lang ang mga dumura sa pagpapalaya ko sa kanila."
"Yan ang punto ko. Ayaw nilang lumaya kaya galit sa 'yo. Kaya nga nagpapaalipusta, nagpapagamit at nagpapaloko sa sumunod sa akin dahil gustong ibalik ang mga kahirapan sa nakaraan."
Pinunasan ng ina ang mukha gamit ang mga kamay na pinahid naman pagkatapos sa dilaw niyang saya. "Anak, hinihintay na ako ng mga anghel sa labas."
"Basta sabihin mo kay Papa na gusto ko nang sumunod. Ayoko na rito, Ma. Tapos na ang papel ko. Pagod na ako. Ipasundo niyo na ako."
Lumakas ang ihip ng hangin. Naglaho ang babaeng napalibutan ng liwanag. Katahimikan ang pumalit. Mga bulaklak na namukadkad ang naiwan sa kama.
Naalimpungatan ang lalakeng nagpahinga sa silya. Humugot ng hangin. Umubo. Kinalembang ang maliit na kampanang pantawag sa kasambahay.
"Ano po 'yon, sir?" wika ng babaeng may dalang basong may tubig na nilagay sa mesang katabi ng kama.
"Bakit may mga bulaklak dito?"
"Dala 'yan ng paborito niyong pamangkin."
"Nandito pa siya?"
"Umalis na, sir. Huwag daw kayong istorbuhin."
"Maghanap ka ng lalagyan. Salamat."
"Okay, sir"
"Iabot mo pala sa akin ang tubig." Tiningnan ng amo ang suot na relo. "Lagpas hatinggabi na pala."
Pagkatapos uminom, binigay ang baso sa kasambahay. Sumandal siya sa silya. Pumikit. Mariin. Animo'y gustong idikit ang mga talukap sa mga mata upang hindi na dumilat.
Pabuka pa lang ang liwayway, may boses na dumagundong. "Gumising ka. Kausapin mo ako."
Parang may mga kamay na dahan-dahang nagdilat sa mga mata ng lalake sa silya. Gising pala ang utak. "Sino ka?" Umabante ang katawan niya mula sa sandalan. Hinanap ang pinanggalingan ng tinig.
"The Filipino is worth dying for?"
"Papa!" Yumuko ang anak. Humagulhol. "Magpakita ka."
"Huwag na. Karumal-dumal ang hitsura ko. Di ba duguan akong nilibing? Ayokong takutin ka."
"Susunduin mo na ba ako?"
"Hindi pa puwede. Naunawaan mo ba ang sinabi ko? The Filipino is..."
"Oo, ... worth dying for. Pero hindi ako sang-ayon sa interpretasyon nila at sa ibig mong sabihin?" Inangat ng anak ang kamisetang suot para punasan ang mga basang mata. "Noong tinamaan ako sa leeg, lumaban ako para hindi mamatay para sa mga Pilipinong sundalong bumaril sa akin."
"Marami pang mga Pilipinong hindi bumabaril kundi kagaya mong pinauulanan ng mga bala."
"Basta mali, Pa. Ang tamang interpretasyon ay isang tao lang ang "the Filipino". Si Rizal 'yon. Naniniwala ako sa mga pangarap niya at hangarin. Handa akong magbuwis ng buhay para sa kanya."
"Iisa lang ang Rizal ng ating bansa."
"'Yon na nga, ang mga kagaya niya lang ang worth dying for. Magpapakamatay ba dahil lang sa mga mangmang? Bubuwisan ba ng buhay ang mga hindi nag-iisip? Aalayan ng hininga ang gustong magpaalipin? Hahandugan ba ng dugo ang mga ayaw lumaya?"
"Magbabago rin sila. Panahon ang kalaban ng kamangmangan. Pagkabagot ang hantungan ng hindi pag-iisip. Pag-untog ang pagsadsad ng noong tumama sa bato. Kakalawangin din ang mga kadenang panggapos sa mga aliping hindi pa nararamdaman ang sarap ng tunay na paglaya. Maghintay lang."
"Maghihintay lang lagi? Hihintayin ang mga nahihimbing na masarap ang tulog? Hihintayin ang mga bulag na ayaw sa liwanag dahil sanay na sa dilim? Ang mga binging ayaw kumawala sa katahimikan? Ang mga piping pananahimik ang wika? Hihintayin din ang mga hindi lumpong ayaw tumayo?"
"Matagal din bago napukaw ang mga mamamayan ng aking sinapit."
"Noon nga 'yon. 'Yong ibong kinulong at umiyak na pinalaya ay inihaw na. Ang "Bayan Ko" noon ay "bayad mo" na ngayon. Ang daming sumugal. Nanalo ang pinopoon pero natalo ang sumasamba. Nakabulagta sa mga lansangan."
"Sumuko ka na ba?"
"Hindi." Nagpahinga ang lalamunan ng anak nang saglit. "Huwag mo akong gayahin sa nagsuko ng mga isla sa mga Tsino."
"May saysay pa ba ang "Lupang Hinirang" sa 'yo?"
"Lupang hinarang na siya. Bawal na ngang mangisda ang mga Pilipino sa kanilang karagatan."
"Naiintindihan ko ang muhi mo."
"Dapat mamuhi ka rin. Pinagtatawanan nila ang larawan mo sa limang daan. Lalong lumakas ang tawa nang itinabi sa 'yo si Mama."
"Hindi naninira at humahalakhak ang kasaysayan."
"Binaluktot na nila ang nakaraan. May bago na silang pinaniniwalaan."
"Kahit sunugin ang mga libro, hindi mababago na may bumaril sa akin at merong diktador na napatalsik dahil martir ako at namulat ang mga Pilipino."
"Martir? Hindi na uso ang pagpapatayo ng estatwang bakal o semento. Iba na ang pinopoon. Sanggano. Iba na ang sinasamba. Berdugo."
"Dederetsahin na kita, takot ka ba sa bagong naghahari-harian kaya gusto mo nang yumao?"
Matagal bago nakasagot ang anak. "Hindi ako takot. Naawa siguro sa sarili. Sakitin na ako. Wala nang magagawa upang makumpleto ang pangarap para sa Pilipinas, ang maging maunlad na bansa."
"Saan nagmula ang galit mo?"
"Pinalago ko ang ekonomiya. Kinutya ako. Ipinakulong ko ang mga kurakot. Pinagtawanan ako. Ipinaglaban ko ang karapatan ng bansa sa karagatan. Siniraan ako. Ang dami kong mga napagawa at napatayo. Sinisi pa rin ako."
"Galit ka ba sa mga Pilipino?"
"Bugso lang ng nagtampong damdamin." Humikbi ang anak.
"Naniniwala ka na ba na "The Filipino is worth dying for?"
"Naniwala naman talaga ako. Kaya nga gusto ko nang yumao para maramdaman nila ang mga sakripisyo ko."
"Hindi bulag ang totoong kasaysayan."
"Nagkasakit ako sa puwesto. Hindi sumuko. Kahit ubo nang ubo, nag-SONA pa rin. Dahil para sa mga Pilipino."
"Hindi mga pipi ang mga tunay na historyador."
"Mga batikos ang agahan ko. Mga kritisismo ang pananghalian. Mga pintas ang hapunan.
"Hindi mga bingi ang nakikinig sa mga katotohanan."
"Hindi ako umatras. Hindi natakot. Hindi nagtago. Hindi sumuko. Walang hinangad kundi para sa bayan. Walang ninais kundi para sa mga mamamayan."
"Alam ko. Nakamasid ako. Maghanda ka na. Naghihintay na ang mga susundo sa 'yo."
Alas siyete na ng umaga. Pumasok ang sinag ng araw sa kuwarto. Oras na para gisingin ang lalakeng nahimbing sa silya dahil nakatakdang pumunta sa ospital.
Pagbukas ng pinto, bangkay ang bumungad sa kasambahay. Malamig. Matigas. Nakasalamin. Parang nagpahinga. Maluwag ang ngiti.
Nagising si Raul mula sa pagtitig sa blangkong monitor. Isang kahang sigarilyo na pala ang naubos. Nataktakan pa ng mga abo ang keyboard. Tiningnan niya ang orasan sa dingding. Lumipas na ang deadline. Binuksan niya na lang ang Facebook at doon sinulat ang obituwaryong kuwento.
"Bobo, kung gagawa ka na man lang ng kuwento para babango ang abnoy mong amo, huwag ipahalatang bayaran ka. Patay na nga, manloloko pa kayo ng tao. Anong maganda ang ekonomiya sa panahon niya? Sinungaling!" 'Yan ang unang komento ng babaeng galit sa obituwaryong pinaskil ni Raul.
Tiningnan niya ang profile ng nagkomento. Saudi. High School ang natapos. Kinalkal ang mga larawang nakatago. Nagkuskos ng inidoro. Nakaupo sa kandungan ng Arabo. "Papatulan ko."
Nagbukas siya ng bagong kaha at nagsindi. Sinagot ang komento: "Paki-explain nga kung ano ang GDP."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.
Bilog sa talaguhitan. Sirkol sa gitna ng grap. Utak ko 'yan na parang gulong na bumababa at umaakyat o mga paang umaatras at humahakbang. Pabilog ang usad. Paikot-ikot. Animo'y sawang nakakagat sa sariling buntot. Hindi na alam ang simula at ang katapusan.
Tawagin mo akong Ishmael. Wala lang. Gusto ko lang gayahin si Melville. Ilang ulit ko nang nabasa ang Moby Dick.
Mama akong may karamdaman. Kay Dostoyevsky ang linyang 'yan. Notes from Underground.
Mahilig akong magbasa at mangolekta ng mga magagandang unang linya sa nobela.
Kapag tapos na sa mga nobela, baka ang mga magagandang pamagat naman ng mga maiikling kuwento.
Kailangan kong gawin ang mga 'yan upang maidlip at makapagpahinga. Pangkalma rin sa sarili at sa kapaligiran. 'Yong kahit ang ingay ng mga sasakyan sa labas ay hindi ko na maririnig.
"Nasaan na ang mga extra? Papasukin na sa kuwarto. Bahala pangit ang mukha basta maganda ang briefs. Huwag puro Calvin Klein. Papagsuutin ang iba ng Hanes o Bench. Frigo ang ipasuot sa lead. Kahit sa orgy, may economic status. Class struggle ang harutan."
Heto, nasa trabaho pa rin. Madaling araw na. Nagdidirehe ng kantutan. Nagkokoryo ng mga basang katawan. Malapit na kasi ang deadline. Nag-iingay na ang mga baklang naka-quarantine, na-lockdown o nagse-self-isolate. Nasaan na raw ang bagong BL erotic film? Libog na libog na sila.
Ewan ba, kung bakit sa ganitong klaseng pelikula ako napadpad. Nakababatang kapatid ng pornograpiya na virgin pa. 'Yong hindi nga nakahubad ng mga damit pero manipis at basa naman. Pabebeng kalibugan. Uso raw. Pinapanood ng mga kabataan. Kumikita kaya sinasabayan ng mga producer.
Hapon na nasimulan ni Bunsoy ang pagsagot sa mga module. Nanguha pa kasi ng kangkong. Inayos din ang yerong bubong na dinaganan ng gulong. Pumunta pa sa ulingan para mamulot ng mga tira-tira. Naghabol siya ng oras habang maaraw pa. Ayaw niyang magbasa sa ilalim ng buwan.
Sa lahat ng mga klase niya sa elementarya, HEKASI ang kanyang paborito. Napaisip daw siya tungkol sa bayan, lipunan, at mga mamamayan. May heograpiya pa na parang paglalakbay ng mga kagaya niyang walang pera para magbakasyon. Sa kasaysayan at sibika niya natutunang Pilipino siya.
Dumapa siya sa sahig para simulan nang sagutan ang mga papel. Hawak niya ang lapis na pudpod na ang pambura.
Maraming Pagpipilian:
1. Saang lungsod naging mayor muna si Duterte bago siya nahalal bilang pangulo?
a) Caloocan
b) Ormoc
c) Davao
d) Iligan
e) Wala sa mga nabanggit
Dinig na naman ang sigaw. Maghahatinggabi na. Tila ginahasa ng batuta ang likuran. Nanginig ang boses. Parang kinuryente ang mga daliri o sinuksukan ng mga palito ang ilalim ng mga kuko at sinindihan. Sigaw na naman. Garalgal ng pagod at pagsuko. Katahimikan.
Nakatuon ang mga tenga ng tatlong magkakaibigan na magkasama sa iisang kuwarto sa pinagmulan ng ingay. Nagtinginan sila. Nagtanungan ang mga matang kita pa rin sa dilim dahil sa tindi ng ilaw sa labas.
"Isa na namang biktima?"
"Gabi-gabi na lang ba?"
"May magagawa ba tayo?"
Lagpas sisenta na ang tatlo. Mauban ang mga buhok at kulubot ang mga balat ngunit may sigla pa ang titig ng mga mata at ang higop ng mga tenga. Nginig man ng mga tuhod ang bawat paghakbang, lakas naman ng loob ang pagkapit para hindi matumba. Dapit-hapon na raw pero may araw pa.