MODULE

Hapon na nasimulan ni Bunsoy ang pagsagot sa mga module. Nanguha pa kasi ng kangkong. Inayos din ang yerong bubong na dinaganan ng gulong. Pumunta pa sa ulingan para mamulot ng mga tira-tira. Naghabol siya ng oras habang maaraw pa. Ayaw niyang magbasa sa ilalim ng buwan.
Sa lahat ng mga klase niya sa elementarya, HEKASI ang kanyang paborito. Napaisip daw siya tungkol sa bayan, lipunan, at mga mamamayan. May heograpiya pa na parang paglalakbay ng mga kagaya niyang walang pera para magbakasyon. Sa kasaysayan at sibika niya natutunang Pilipino siya.
Dumapa siya sa sahig para simulan nang sagutan ang mga papel. Hawak niya ang lapis na pudpod na ang pambura.

Maraming Pagpipilian:

1. Saang lungsod naging mayor muna si Duterte bago siya nahalal bilang pangulo?

a) Caloocan
b) Ormoc
c) Davao
d) Iligan
e) Wala sa mga nabanggit
Tandang-tanda pa ni Bunsoy ang winika ng ama sa hapag-kainan para kumbinsihin ang mga puwedeng bumoto sa pamilya. "Maliban sa mga Bisaya tayo, tingnan niyo ang Davao. Maunlad. Parang Singapore. Libre lahat. Bahay, tubig, at kuryente. May pabigas, paulam, at pagasul pa si Mayor."
Magtatanong pa sana kung nakapunta na ang ama sa mga lugar na sinabi niya kaya lang abala ang bata sa pagngatngat sa buto. Paminsan-minsan lang ang nilagang baka. Kapag may sinuwerte sa sakla o huweteng. Binilisan niya ang pagnguya para mapasakanya ang pirasong natira sa mangkok.
Napasakanya na nga ang butong kinapitan ng ugat na hindi tinablan ng pagpapakulo o baka naubusan ng panggaton kaya nakapagtanong na. "Tay, paano tayo naging Bisaya? Di ba taga-Manila tayo? Hindi naman matitigas ang ating mga dila."

"Taga-Visayas kami ng nanay mo. Leyte at Cebu."
"Mga dayo kayo."

"Nakipagsapalaran," dagdag ng amang kuwatro kantos na ang kaharap.

Binilugan ni Bunsoy ang sagot kahit tinamad ang guro sa pagbibigay ng direksiyon.

2. Ano dapat ang pangulo ng bansa sa mga mamamayan?

a) Lider
b) Ama
k) Poon
d) Amo
e) Lahat ng mga nabanggit
Napakamot siya sa ulo. Nakita kasi noon kung paano dinikit ng ina ang larawan ng pangulo ng bansa sa dingding. Katabi ng altar na may Santo Niño na iba ang suot kada linggo. Nagmukhang siya pa ang ama ng batang si Kristo. Hinaplos pa ng kamay na nilapnos ng mga kinulahang labada.
Tinatay rin ang pangulo ng kuyang nagtulak para matustusan ang bisyo. Kailangan daw ang bato sa pagmamaneho. Hindi na siya nagtanong pa. Si Darna nga raw na palabas lang sa telebisyon ay lumunok ng bato para makipagbuno sa iilang mga kalaban. Ang kuya pa kaya na mundo ang binuno?
Kung ang mga nabasa, narinig, at nakita niya ang basehan, amo rin ang pangulong nag-utos sa mga pulis na mamaslang, sa mga sundalo na manugis, at sa mga opisyal na sumunod sa kanya. Pati ang mga korte ay sumunod sa gusto niya. "Lahat ng mga nabanggit" ang kanyang sagot. Letra e.
3. Ano ang mga dulot ng magandang ekonomiya sa panahon ni Duterte?

a) Tumataas ang mga presyo ng mga bilihin
b) Lumalaki ang mga suweldo ng mga trabahante
k) Dumadami ang mga trabaho at mga negosyo
d) b at k
e) a, b, at k

Binasa muli ni Bunsoy ang mga pagpipilian. Inulit pa.
Noong natokhang sa paradahan ang kuya niya at nawalan ng sapat na kita ang pamilya, ang de-lata ay naging asin na. Hirap kahit gulay. Sa sobrang lungkot, hindi na nagwalis sa kalsada ang ama. Nagbenta ng mga gamit sa bahay. Pati ang Santo Niño ay isinanla sana. Lasenngo na siya.
Nang kumalat ang pandemiya, wala nang nagpalaba sa ina. Hindi rin makahanap ng trabaho ang ateng sinundan niya. Maliban sa nagsara ang mga negosyo, desisais anyos pa lang. Kaya bago nag-lockdown, napilitan siyang maglakad sa kalye sa dis-oras ng gabi. Nagpahangin ang dinahilan.
Sinundan ni Bunsoy ang ateng papunta sa parkeng tinipid ng barangay ang pailaw. Takot siyang baka gahasain ng mga adik o lamutakin ng mga lasing ang kapatid.

Sumitsit ang ate sa sasakyang huminto at bukas ang bintana. "Negative ako." Iwinagayway ang maliit na papel. "One Fifty."
"Ang mahal," sabi ng mamang mukhang galing pa sa trabaho ang suot. May asawa na ang hitsura. Nakakurbata. "Fifty lang ang kaya ko."

"One hundred. Last na 'yan."

"Fifty. Sige na. Blow job lang naman ang gusto ko."

"Ang ganda nga ng sasakyan mo, pagkatapos babaratin mo pa ako?"
"Sa kompaniya 'to."

"Seventy-five," huling diga ng babaeng wala pang karanasan sa pagpuputa. Nang tumango ang lalake, pumasok na siya sa kotse.

Lumabas si Bunsoy mula sa madahong halamanan. Naamoy pa ang pabango ng ate. "Seventy-five lang?" Umiling-iling siya. Umismid. Naluha.
Hindi sinagot ng bata ang pangatlong tanong. Dumeretso siya sa sunod na pahina.

Totoo o Hindi:

Kung totoo ang pangungusap, lagyan ng tsek sa dulo. Kung hindi, ekis ang isulat.

1. Si Duterte ang unang pangulo ng Pilipinas na mahigpit sa mga nagtutulak at gumagamit ng mga droga.
"Hindi totoo," bulalas agad ni Bunsoy. "Bakit nagshashabu pa rin ang mga kasama ni kuya dati sa pagmamaneho? Pulang-pula nga kanina ang mga mata ni Onto. Ngumingiwi ang panga ni Mang Andoy sa gabi? May ginagayat pa rin ang mga ngipin ni Tisoy? Anong mahigpit? Lalong kumakalat."
Ang kapitan nga ay nagtulak pa rin. Nalista lang naman ang kuya ng bata dahil nanligaw ito sa anak ng pinuno ng barangay at sa isa pang kubrador sa araw at mananayaw sa gabi. Pinagsabay kaya may nagselos. Nagmakaawa pa sana na tanggalin sa listahan ngunit pinabugbog sa mga tanod.
Ang ate nga ni Bunsoy ay humithit na. Marunong nang magpatunaw ng bato. Bihasa na sa pagbuntot sa lusaw at paghigop ng usok. Kailangan kasi sa trabaho. Pagkatapos ng lockdown, nagsilabasan ang mga malilibog at hayok. Isang dosenang manyak kada gabi. Ayuda ang pinambayad sa kanya.
2. Ang Build, Build, Build ng pamahalaan ni Duterte ay maganda sa ekonomiya.

"Anong Build, Build, Build? Barung-barong pa rin ang bahay namin. Maputik sa labas. Umalingasaw ang baradong kanal." Isinandal ng bata ang sentido sa puwet ng hawak na lapis. Nasa sahig ang kanang siko.
Sa isip ni Bunsoy tatlong bagay lang ang alam niyang gawa na. Ipinasok niya sa basyo ng bolpen ang alambreng hinasa para tumulis ang dulo.

Binigay niya ang pantusok sa ate. "Kailangan mo 'to. Saksakin mo ang mga mata ng manggugulo sa 'yo. Kung bulag na, puwede ka nang tumakbo."
"Aanhin ko naman ito, bunso? Chicharong bulaklak at pritong mani lang naman ang binebenta ko sa labas ng beerhouse."

Tumalikod ang bata, tiniklop ang bibig na parang may pinigilan, at humikbing tumuloy sa kanyang kuwarto para pagnilayan ang pagsisinungaling ng kanyang kapatid.
Ginawan niya rin ng duyan ang lasenggong ama para pag-uwi sa bahay may makasanayan siyang puntahan agad para magpahinga o magpahupa ng suka.

'Yon na nga ang naging paborito ng malungkuting ama. Sumakay sa duyan, iugoy ang sarili, at sumipol ng lumang tono--"Pobreng alindahaw".
Noong unang narinig ni Bunsoy ang kantang pinipi ng ama dahil naglaho ang mga salita, nagtanong siya, "Tay, anong awit ang sinisipol niyo?"

"Tungkol sa isang tutubing pinapalid ng hangin habang naghahanap siya ng hardin na kung saan ay may bulaklak na hihigaan para magpahinga."
Magtatanong pa sana ang anak kung may kanta tungkol sa gamugamo kaso abo na ang insekto na kanina pang paikot-ikot sa latang lampara na sinidlan ng gaas.

Itinuon na lang ng bata ang tingin sa butiki sa kisame na animo'y nakinig din sa kanyang amang pumiyok-piyok na ang pagsipol.
Si Bunsoy rin ang nagpako ng mga lubid sa apat na sulok ng papag na higaan ng ina. Kailangan daw ang mga buhol sa mga araw na dapat may pigilan. Palarinig na ng mga mabibigat na hakbang ng mga botas at mga katok ang ina kahit walang putik sa paanan ng hagdan at bukas ang pinto.
Ayon sa albularyo, pinaglaruan daw ng kapreng nanahanan sa matanda nang puno ng sampalok sa likod ng bahay. Pinatingnan din sa nars sa health center. Baka nalipasan daw ng gutom dahil nahuli ang paayuda ng barangay. Para sa bunso, pangungulila ito ng ina sa paboritong panganay.
"Nay, tumingin ka sa akin. Huwag mo nang dagdagan. Magulo na nga sa labas at may gutom pa at pandemiya, guguluhin mo pa rito sa loob ng bahay. Tahimik ka nga pero nakabibingi ang hindi paggalaw ng 'yong mga labi. Naguguluhan ako sa mga titig mo. Buntong-hininga pero sigaw siya."
3. Tapang at malasakit ang tema ng administrasyon ni Duterte.

"Mukhang totoo naman ang pangungusap," kumbinsi ni Bunsoy sa sarili. "Ginawa akong matapang ng gobyerno. Natuto akong magmalasakit sa pamilya dahil sa kanila. Parang mali. Salungat yata. Tema 'yan ng buhay ko. False."
May mga pagkakataong pagod na ang bata. Pati salawal ng ina ay siya na ang tagalaba. Tagapunas pa ng suka tuwing lasing na lasing ang ama. Paniki ang kapatid na tulog sa araw. Hinayaan na lang niya dahil kita ng ate ang pinambili ng mga kailangan at pagkain at pambayad ng tubig.
Punan ang mga Patlang:

Maaring salita o parirala ang sagot.

1. Si Duterte ay _______________

"Sanggano? Berdugo? Malupit? Gago? Baka maka-Duterte si Ma'am. Ito na lang. Pangulo ng bansa."

2. Ang pamahalaan ay _______________

"Palpak. Pangit pakinggan. Magulo na lang kaya."
3. Ang Pilipinay ay _______________

"Mahirap mahalin."

Nagmadali na si Bunsoy sa pagbasa at pagsagot sa mga module. Parating na ang abo ng kalangitan na kita niya sa bintanang bukas. Namanhid na rin ang mga siko. Binenta kasi ng ama ang mesa at mga upuan kaya nagtiis sa sahig.
Salungguhitan ang Tamang Sagot:

1. Ano ang dapat gawin sa mga nagtutulak at gumagamit ng droga?

Dakpin at ikulong, patayin at laglagan ng baril o bigyan ng pangkabuhayan at tulungang magbago.

Namasa-masa ang mga mata ni Bunsoy sa pangatlo. Hindi kasi naranasan ng kuya niya.
Gusto na sana ng kapatid na lalake na huminto sa pagmamaneho ng dyip para hindi na magpuyat at magshabu upang hindi maidlip sa daan kaso may ibang tagamaneho sa pampasaherong sasakyan sa araw. Hindi niya rin puwedeng bitawan ang pinagkakitaan dahil may pamilyang umasa sa kanya.
Sinubukan din sanang mag-aral ng welding sa TESDA at mangibang-bansa pagkatapos kaso hirap sa pamasahe pa lang papunta sa eskuwelahan. Pursigido pa rin siya kaya nga nagparehab sana kaso negosyo pala ang pagtulong sa mga adik na magbago. Kung merong libre, paunahan at palakasan.
*Pilipinas
2. Ano-ano ang ginagawa ng mga tao ngayong maganda na ang ekonomiya?

Nagmamartsa at nagproprotesta, namimili at namamasyal o nagmumukmok at nagtatago.

Napilitan ang bata sa pangalawa. Takot na baka hindi papasa kung ang binugso ng damdamin o ang dinikta ng utak ang pipiliin.
Hindi pa nakahanap ang ate niya ng sugar daddy na magbibigay ng sustento o tutustos sa mga gusto. Sa ukay pa rin naghalukay ng mga maiikling damit na pang-akit. Wala pang lalakeng sumeryoso at nangakong ibabahay siya. Nagtiyaga pa rin ang kapatid sa Katol dahil butas ang kulambo.
Kung namasyal man ang ate, sa perya. Naglibot. Babaeng-gubat na lumapa ng buhay na manok. Lalakeng pagong na kuba pala. Matandang aswang na batik-batik ang mukha. Batang merong tatlong binti. Tinapunan ng mga barya. Hiniya kapag hindi kamangha-mangha. Mga mas mababa pa sa kanya.
3. Bakit kailangan ang pagdidistansiya, ang paghuhugas ng mga kamay, ang pagwiwisik ng disinfectant, at ang pagsusuot ng face mask at shield sa panahon ng pandemiya?

Upang hindi makahawa o mahawaan, upang hindi mamukhaan at makilala o upang hindi kakapitan ng alikabok at grasa.
Nilinyahan agad ni Bunsoy ang una sa tatlong pagpipilian ngunit nagsimula na ang monologo sa kanyang isipan."

"Matagal na akong dumidistansiya sa mga tao, sa lipunan at sa mundo pero sila ang ayaw dumistansiya sa akin. Katulad ng mga problemang kapit nang kapit sa aking pamilya.
Sabon? Maghugas? Matagal ko nang nalutas ang palaisipang kung bakit nauupos ang sabon. Para maghanap ng pera. Pumunta sa tindahan at bumili. Pabulain sa tubig. Hintaying maupos na naman para muling maghanap ng pera. Pakikot-ikot. Walang katapusan. Naglalaro. May pinaglalaruan.
May disinfectant pang alam. Parang hindi mikrobyo ang tingin sa amin. Parang hindi kami ang mga salot mismo. Uutusan pang pabanguhin daw ang tae sa lipunan kahit kaliligo lang o linisin ang dumi sa mundo kahit walang dungis na masusulyapan. Anong kagaguhan 'to? Gastos na naman?
Sapat na ang mga maskarang nagpapatong-patong sa aking mukha. Nagpapakatapang simula noong barilin ang kuya. Nilalabanan ang hiya dahil kumakapit ang ate sa iba't ibang mga bisig. Natatakot para sa amang dinuduwal na ang kanyang atay. Naaawa sa inang mga tanong ang itinititig."
Huminga si Bunsoy. Kasinglalim ng balon. Animo'y hinilang tabong may tubig ang paghugot niya ng hangin. Pipikit pa sana ngunit may dapat pang sagutin.

Karagdagang Puntos:

Kung ikaw ay guro at ako ang 'yong mag-aaral, ano ang itatanong mo sa akin na may kinalaman sa mga aralin?
"DDS ka, Ma'am?" ang sinulat niya ngunit napaisip pagkatapos. "Baka magalit." Binaliktad niya ang lapis para burahin. Pudpod na pala ang pambura.

Idinampi niya ang hinlalaki sa dila at ininudnod ito sa papel. Nabura nga pero nag-iwan ng dumi at butas. "Sino ang bubura sa akin?"
Lumitaw na ang buwan. Kulay-abo ang alapaap. Tiniklop ni Bunsoy ang mga module at itinabi sa sulok. Umupo muna para masahein ang mga balikat na namanhid. Tumayo siya at tumuloy sa kusina para magsaing ng bigas na tatanggalan pa ng mga bato at maggisa rin ng kangkong at sardinas.
Oras na ng gising ng ate niya kaya dapat maghakot na ng tubig. Para bang nalilinis ang duming hindi nakikita.

Parating na rin ang ama. Kaya dapat tingnan kung maayos ang pagkabuhol ng duyan sa mga haligi.

Dapat nang pakainin ang ina. Bago siya magbabala ng "Nandiyan na sila".
Ihahatid pa ni Bunsoy ang mga module sa eskuwelahan para ihulog sa kahon. May bawas na ang grado niya kung mahuli o ipagpabukas.

Gaya ng mga nagdaang pagsusumite sa gabi, maghahanap siya ng damuhan pagkatapos. Uupo. Magpapahinga. Hihiga. Iisa-isahin ang mga maliliwanag na tala.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

22 Jun
HINDI GAYA SA PELIKULA

"Nasaan na ang mga extra? Papasukin na sa kuwarto. Bahala pangit ang mukha basta maganda ang briefs. Huwag puro Calvin Klein. Papagsuutin ang iba ng Hanes o Bench. Frigo ang ipasuot sa lead. Kahit sa orgy, may economic status. Class struggle ang harutan."
Heto, nasa trabaho pa rin. Madaling araw na. Nagdidirehe ng kantutan. Nagkokoryo ng mga basang katawan. Malapit na kasi ang deadline. Nag-iingay na ang mga baklang naka-quarantine, na-lockdown o nagse-self-isolate. Nasaan na raw ang bagong BL erotic film? Libog na libog na sila.
Ewan ba, kung bakit sa ganitong klaseng pelikula ako napadpad. Nakababatang kapatid ng pornograpiya na virgin pa. 'Yong hindi nga nakahubad ng mga damit pero manipis at basa naman. Pabebeng kalibugan. Uso raw. Pinapanood ng mga kabataan. Kumikita kaya sinasabayan ng mga producer.
Read 36 tweets
19 Jun
ANG TATLONG KAPITAN

Dinig na naman ang sigaw. Maghahatinggabi na. Tila ginahasa ng batuta ang likuran. Nanginig ang boses. Parang kinuryente ang mga daliri o sinuksukan ng mga palito ang ilalim ng mga kuko at sinindihan. Sigaw na naman. Garalgal ng pagod at pagsuko. Katahimikan.
Nakatuon ang mga tenga ng tatlong magkakaibigan na magkasama sa iisang kuwarto sa pinagmulan ng ingay. Nagtinginan sila. Nagtanungan ang mga matang kita pa rin sa dilim dahil sa tindi ng ilaw sa labas.

"Isa na namang biktima?"

"Gabi-gabi na lang ba?"

"May magagawa ba tayo?"
Lagpas sisenta na ang tatlo. Mauban ang mga buhok at kulubot ang mga balat ngunit may sigla pa ang titig ng mga mata at ang higop ng mga tenga. Nginig man ng mga tuhod ang bawat paghakbang, lakas naman ng loob ang pagkapit para hindi matumba. Dapit-hapon na raw pero may araw pa.
Read 42 tweets
17 Jun
ANG MGA BATO NI ISAMU NOGUCHI

Ano nga ba ang sining? Obra na ba ang pag-ihi, pagtae, pagdura, pagsuka, pagpapawis, pag-iyak, paglaslas, pagpaputok ng pigsa, pagjakol at pakikipagtalik sa ibabaw ng kanbas? Kailan pa naging masining sa mga mata ang mga bahid, dungis, at mantsa?
Matagal nang prinoblema ni Yuki ang depinisyon ng sining. Patapos na siya sa UP. Fine Arts ang inaral. Japayuki dati ang kanyang inang binuntis ng Hapong nakilala sa bar at hindi na nagpakita. Yukio raw ang pakilala ng ama kaya Yuki ang ipinangalan sa kanya dahil merong kulang.
Umuwi sila sa bansa bago nagtapos ang siglo. Nagsimula ang ina. Nagnegosyo. Mga karinderiya. Nagpautang. Umasenso naman. Nakapagpatayo ng malaking bahay at bakasyunan sa tabi ng lawa. Nakabili ng mga sasakyan. Nakahanap pa ng lalakeng napangasawa at sinuwerteng hindi palamunin.
Read 60 tweets
17 Jun
LET'S SAY I AM PACQUIAO'S POLITICAL CONSULTANT: A THREAD

The tandem:

President: Manny Pacquiao
Vice President: Fernando Zobel de Ayala

Pacquiao has to tell the people that Ayala has to win so he will be his executive secretary, which is a cabinet rank, his little president.
In his political campaign narrative, the country has to be likened to a company, which has a chief executive officer and chief financial officer. The president (CEO) will guard and coordinate his people. The vice president (CFO) will make sure the country develops and prospers.
Pacquiao has been organizing a team and coordinating his people for his professional fight. That's his experience. Ayala's background is in business management. Governance is organizational leadership and financial management. It doesn't have to be Ayala, but he should be pushed.
Read 13 tweets
15 Jun
ICC

Nagkagulo ang mga tao sa International Cybernetics Center sa isang lokasyon sa Europa. May live feed kasi ang kanilang sattelite na kayang tumagos sa sementong pader ang remote sensor nito na naghanap ng init ng katawan ng tao. Natagpuan na ng mga imbestigador ang hinanap.
Matagal nang nawala sa eksena ang diktador sa isang bansa sa Asya simula noong sinampahan siya ng kaso sa Supreme Court of the Unified States o SCOTUS at pinalabas ang warrant of arrest dahil ayaw sumuko at magpalitis. Nagtago raw. Nakakulong sa mental hospital. Patay na rin daw.
Kaya nagbunyi ang lahat nang natunton siya ng satelite sa isang motel. Nagpamasahe siya sa kanyang utusang politiko rin. Pareho silang nakahubad. Naghalikan paminsan-minsan. Nagbayo. Nag-espadahan din. Ikinabigla ng mga imbestigador ang sikreto ng mamamatay-tao. Bottom pala siya.
Read 71 tweets
11 Jun
KATORSE

Pagkatapos panoorin ni Neneng ang pelikulang animation na Trese, ang apelyido din ng bida na nanugis at namaslang ng mga laman-lupa, aswang, elemento, at engkanto, napapikit siya. "Bakit hindi ang mga totoong demonyo, berdugo, bampira, at buwaya sa lipunan ang ubusin?"
Siya si Magdalena Nieves Kahabagan Magbanua. Mga dugo ng apat na bayani ang nananalaytay sa kanyang ugat. Dalawang henerala noong panahon ng mga Kastila. Dalawang matatapang na babae noong panahon ng hapon. Maganda siya. Matapang pa. Hubog na ang katawan. Katorse anyos pa lang.
"Neneng, magsaing ka na," pasigaw na utos ng inang papalabas ng bahay."

"Nay, nasa paayuda pa ng kapitan si Kuya. Konti na lang ang natira sa lata."

"Eh di, hintayin mo. Saglit lang ako kina Aling Mereng. Pinakuha ang pang-ulam natin. Maghugas ka na rin ng mga pinggan diyan."
Read 60 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(