ANG MGA BATO NI ISAMU NOGUCHI

Ano nga ba ang sining? Obra na ba ang pag-ihi, pagtae, pagdura, pagsuka, pagpapawis, pag-iyak, paglaslas, pagpaputok ng pigsa, pagjakol at pakikipagtalik sa ibabaw ng kanbas? Kailan pa naging masining sa mga mata ang mga bahid, dungis, at mantsa?
Matagal nang prinoblema ni Yuki ang depinisyon ng sining. Patapos na siya sa UP. Fine Arts ang inaral. Japayuki dati ang kanyang inang binuntis ng Hapong nakilala sa bar at hindi na nagpakita. Yukio raw ang pakilala ng ama kaya Yuki ang ipinangalan sa kanya dahil merong kulang.
Umuwi sila sa bansa bago nagtapos ang siglo. Nagsimula ang ina. Nagnegosyo. Mga karinderiya. Nagpautang. Umasenso naman. Nakapagpatayo ng malaking bahay at bakasyunan sa tabi ng lawa. Nakabili ng mga sasakyan. Nakahanap pa ng lalakeng napangasawa at sinuwerteng hindi palamunin.
Pulis ang kanyang ama-amahang mga mata ang pandisiplina. Kung kulang ang pagdilat at pagtitig, hinulbot ang balat na sinturon.

Kung si Yuki ang tatanungin, siya lang ang dinisiplina hindi ang dalawang kalahating kapatid na puro lalake. Ayos lang sa kanya ang bunso dahil babae.
Maagang namulat ang kanyang isipan sa katotohanang nalamangan siya. "Buti pa sila may ama. Ina na nga lang ang meron ako, may mga kahati pa." 'Yan palagi ang galaw ng kanyang mga labi kapag nakatitig sa dinding. Animo'y pinuturahan ng mga mata ng itim ang mga tablang makikinang.
Pinilit niyang tanggapin ang lalakeng hindi niya tunay na ama ngunit hindi nakayanan. Hindi naman kasi singkit ang amain. "Tinatawag bang ubas ang lansones?" tanong niya noong nakatikom ang bibig at sinundan ng kanyang tingin ang langgam na binagtas ang lapad at haba ng kisame.
Habang pinagmumuni-munihan noon ang mga bakas ng mga mumunting paa sa kahoy na sahig, napawika si Yuki. Monologong tahimik na naman. "Mga kapatid ko pa rin sila ngunit kalahati lang. Kalahati rin ba dapat ang pagmamahal ko sa kanila? "Ku" o "Ya" ba ang dapat itawag nila sa akin?"
Wala pang mga bulbol, nagrebelde na si Yuki. Umasim ang gatas sa labi. Nagmura ang edad na hindi pa sinalakay ng mga tagihawat. Nagmukmok sa kuwarto. Kapag tinigasan, nilaro ang sarili at pinisil ang ari kahit walang lalabas. Pinilit niyang magbinata at lisanin na ang pagkabata.
Nagsimula ang lahat nang naamoy ng pulis na amain ang baho ng sigarilyo at tinunton ang pinanggalingan--sa kuwarto ni Yuki. Hinablot niya ang sigarilyo sa bibig. Isinawsaw ang siga sa basong may tubig. Ipinanguya ang upos bago paluhurin at iwanan ng mga latay ang katawan ng bata.
"Sir, tama na! Hindi niyo ako anak. Hindi ko kayo ama. Sila ang saktan niyo." Itinuro ni Yuki ang mga kalahating kapatid na tahimik lang na nanood sa isang sulok. "Huwag ako, sir!"

"Sasagot ka pa!" Sinampal, binatukan at sinikmuraan ng pulis ang bata. "Subukan mong magsumbong."
Walang pinagsumbungan si Yuki kahit tinanong siya ng ina kung bakit meron siyang mga latay, galos, bukol, at pasa. "Nabuwal ako sa mabatong bangin. Hinabol ko ang bola. Wala 'to. Okay lang ako." Walang ayos sa kanya. Kulo ang tibok ng kanyang dibdib. Ngitngit ang laman ng isipan.
Sa kanyang pagmumukmok, natuto siyang gumuhit. Papel lang at lapis. Nakumbinsi siya sa kanyang talento noong kuhang-kuha niya ang hitsura at katawang matiyan ng ama-amahan na nilagyan niya ng mga sungay. Kuha pati ang pagtayo at ang pagngisi. Pati ang unipormeng gusot ng pulis.
Pagtungtong sa haiskul, pintor na si Yuki. Oil, acrylic, watercolor, at pastel ang mga gamit niya. Pero sadyang tunay nga ang pagsasabotahe ng sarili. Hindi niya mahanap-hanap ang dilaw ng ihi, ang pula ng dugo, ang lunti ng plema, ang puti ng uhog, at ang kayumanggi ng nana.
Kinuha niya ang makapal na pantakip ng kutson. Makapal na lino. Malaking kuwadro. Inilatag niya sa sementong sahig. 'Yon na ang kanbas ng kanyang mga muhi. Tapunan ng mga dumi. Kapag gustong sumigaw o manuntok o magbagsag, dumura siya, bumahing, umihi, at tumae sa telang lino.
Wala nang tumunton sa kanyang baho. Nasa basement na kasi ang malawak niyang kuwarto. Mag-isa siyang nagpakaartista roon. Nang nalibugan, nagjakol sa kanbas. Noong nagkapigsa, doon pinaputok. Nang gustong kitilin ang buhay, naglaslas ngunit mababaw. Noong naglasing, doon sumuka.
Noong patapos na ng haiskul, nawala na ang mga amoy sa linong puno ng mga organikong kulay na nagpatong-patong. Tila gusto nilang burahin o sapawan ang isa't isa. May mga tulo. Merong mga guhit. May mga pinahid. Merong mga sinalampak. "Kantutan na lang ang kulang," sambit niya.
Nagpakanormal si Yuki para makapanligaw at nang matapos na ang obra. Palaligo na kahit saglit lang sa banyo. Bagong-laba na ang mga sinuot. Tinapon na ang mga sapatos na tsinokolate ng putik at kumapal sa alikabok. Marunong na ring gumamit ng suklay. Kaibigan na niya ang salamin.
Hindi na niya pala kailangang maghanap sa malayo at nang matagal. Ang kaklase niyang si Angie ang lumandi sa kanya. May pakay ang pagngiti niya kay Yuki.

"Hindi ko type ang bagong hitsura mo," sabi ng babae noong nagkasalubong sila sa eskuwelahan. "Hindi na halatang painter ka."
"Gusto mo babalik ako sa dati," biro ng binatang totoo ang ikinubli. "Gagawin ko 'yan kung magpapaligaw ka."

"'Yan lang pala."

"Kahit ngayon na?"

"Dapat bang maghintay?"

"So kailan mo ako sasagutin?"

"Kailangan pa ba 'yon?" Ngumiti si Angie. Tinabig niya ang mahabang buhok.
"So tayo na?" Nagmistulang nanalo sa loterya ang ligaya sa mukha ni Yuki.

"Oo, ikaw at ako."

Hindi babaeng kaladkarin si Angie. Liberal lang. Ayaw magsayang ng panahon. Gastos lang ang ligawan. Pagod lang ang idudulot ng mga pagkikita sa kainan o kapehan. Manunulat naman kasi.
Ilang beses nang lumayas si Angie sa kanilang bahay. Hinigpitan kasi ng mga mayayamang magulang. Binawalan siyang magsulat o magbasa ng mga malilikhaing sulatin. Pangmahirap daw ang literatura. Medisina dapat. Pinilit siyang sumunod sa mga yapak ng mga doktor sa kanilang angkan.
Isinangguni pa nga siya sa mga sikologo at sikiyatrista. Pinalaklak ng mga gamot na nagpahina ng katawan at nagpabagal ng utak. Gustuhin mang magsulat ng mga maiikling kuwento, hindi kaya kahit hindi siya tamad. May hipnosis pa. Pinapikit siya at binulungan--Pulubi ang manunulat.
Nagbago ang lahat noong pinapili ni Angie ang mga magulang. "Buhay na manunulat na anak o galit na anak sa libingan?"

Dahil kaisa-isang anak ng mga doktor na magulang, nagpaubaya sila. Naniwala naman kasi na mapanganib ang depresyon kaya pinakawalan ang anak na gustong lumaya.
'Yon na nga, abala na si Angie sa pagsusulat ng magandang kuwentong ilalahok sa paligsahan at gagamiting pruweba ng kanyang talento para makapasok sa UP at makapag-aral ng Malikhaing Pagsulat. Tungkol sa isang kakaibang artista ang gustong sulatin. Si Yuki ang kanyang natagpuan.
Naging pangalawang tahanan ni Angie ang kuwarto ni Yuki sa basement. Kung hindi nag-usap, nagharutan. Kung walang kuwentuhan, kumain ng mga inorder o niluto ng kusinera. Hindi lang tamod at dugo ng dalaw ang dumikit sa kanbas ni Yuki. May sarsa ng ulam. Meron pang sauce ng pizza.
Nanlaki ang mga mata ni Angie nang pinakuwadro na ng nobyo ang obra. Malalim daw. Buhay ang mga kulay. "Isali mo kaya sa paligsahan 'to. Gamitin mo rin sa portfolio mo para makapag-Fine Arts ka sa UP."

Sinunod ni Yuki ang mungkahi ng nobyang tinapos na rin ang kuwentong sinulat.
Pareho silang nagwagi at nakapasok sa UP. Pinagkaguluhan ng mga kritiko ang obra ni Yuki na pinamagatang "Shit". Nalathala agad ang maikling kuwento ni Angie na ang pamagat ay "Dumi". Dapat tapos na sana ang gamitan at kantutan nilang dalawa ngunit napaibig na si Yuki kay Angie.
Nagsimulang lumabo ang kanilang relasyon noong nasa ikatlong taon na sila sa pamantasan. Marami na ang mga nagbago sa mga tahanan man nila o sa lipunan. Talamak ang paslangan sa lansangan. May kabit na at anak sa labas ang ama ni Angie. Laging may bukol at pasa ang ina ni Yuki.
Napabarkada rin si Angie sa mga manunulat na adik. Abala naman si Yuki sa kanyang pilosopikal na tanong--Ano ba ang sining?

Lumala ang sitwasyon noong natuklasan ni Yuki na shabu na ang tinira ng nobya dahil niyaya siya. "Hindi puwede. Binawalan ako. Siya ang papatay sa akin."
"Kailan ka ba lalaya sa takot na 'yan. Singhutin mo 'to para masasagot mo ang mga tanong mo sa buhay."

"Hindi nga puwede."

"Subukan mo."

"Ako o shabu?" ultimatum ni Yuki.

Hindi sumagot si Angie ngunit hindi na siya nagpakita pa sa nobyo simula noong nilisan niya ang basement.
Sa Japan nagpalamig ng ulo si Yuki. Hindi lang pagpapahupa ng sama ng loob ang pakay niya roon. May nakalkal siyang lumang larawan ng ina sa labas ng bar na ang pangalan ay Crystal Moon. Nag-Google siya. Nasa Kagawa at hindi pa nagsara. Gusto na niyang hanapin ang kanyang ama.
Isang dahilan din ang final exhibit niya na dapat gawin para makapagtapos sa pamantasan at gawaran siya ng diploma. Mga imahe ng kanyang ama ang gusto niyang ipinta kaya kailangan niya ng kahit konting impormasyon. Kung sino siya, ano ang hitsura, at bakit nawala sa buhay niya.
Sa unang gabi niya sa Kagawa, pumunta agad sa Crystal Moon na pugad pa rin ng mga Pilipinang Japayuki. Dumeretso siya sa babaeng hindi na bata ang mukha, si Matilda na "Sakura" ang tawag ng mga kliyenteng Hapon kahit nalipasan na ng lambot ang balat. Mamasan siya ng mga Pilipina.
Ipinakita ni Yuki ang larawan sa babaeng naghila sa kanya palabas ng bar. "Kilala niyo ba siya?"

Tinitigan ni Matilda ang inabot sa kanya sa ilalim ng mga bombilya sa karatula sa harapan. "Naku, si Miraflor 'yan. Kasama ko dati. Mabente siya sa mga sakang. Bakit mo naitanong?"
"Mama ko siya."

"Sorry, mama mo pala."

"Okay lang. May alam ka ba tungkol sa aking ama?"

"Oo, si Yukio. Ewan ba sa mama mo, hindi makapaghintay. Naghanap ng pera ang tao pero ora-orada ang gusto."

"Anong trabaho niya?"

"Yakuza ang ama mo. Nagsimula pa lang noon kaya kapos."
"Hinanap ba niya ako?"

"Oo, pabalik-balik nga. Laging puno ang bulsa. Nagbakasakaling makikita ka niya. Umasang babalik sa bar ang mama mo."

"Bakit hindi niya kami hinanap?"

"Paano kayo hahanapin kung ayaw magpahanap ng mama mo? Hindi nag-iwan ng address. Kahit number, wala."
Dumaan ang ambulansiyang nagmadali kaya naputol ang usapan dahil sa ingay.

"Puwede mo ba akong tulungang mahanap ang papa ko?" tuloy ni Yuki.

"Wala na siya. Ibinalita pa nga sa pahayagan."

"Patay na siya?"

"Oo, lagpas isang dekada na. Nagdroga sa kulungan. Inatake sa puso."
"Ano ang kasalanan?"

"Bigating tulak ang papa mo. Mapera. Kahit nasa kulungan, kumita pa rin."

"May alam ka tungkol sa pamilya niya?"

"Wala. Pero puwede kang magtanong sa estasyon ng pulis. Sayang din ang mana mo. Malay mo, may pera siya sa bangko." Landi ang ngiti ni Matilda.
Wala nang panahon si Yuki para hanapin ang pamilya ng ama. Kalat na ang coronavirus at ang sabi-sabing maglo-lockdown ang Japan. Ginugol na lang ang buong araw na nalabi sa paglilibot sa Takamatsu. Bitbit ang mapa at tubig, natagpuan niya ang Isamu Noguchi Garden Museum sa Mure.
Puro mga eskulturang bato ang nakita niya sa harding tinabunan ng puting buhangin. May mga nakatihaya. Merong mga nakatayo. Parang mga mukha ng ama na walang mga mata, ilong, at bibig. Tila mga katawan din na walang ulo. Bumagsak si Yuki at napaluhod sa batong apakan. Humagulhol.
Noong nagsimula na ang pasukan, maraming mga pagbabago ang dinulot ng salot. Online na ang klase sa pamantasan. Nakamaskara na ang lahat. Pula na ang mga titig ng amain ni Yuki. Sa alapaap na nakatingin ang ina. Kahit sino-sino na ang kasiping ni Angie basta may hihithiting bato.
Kahit ang mga kalahating kapatid ni Yuki ay malayo na ang loob sa kanilang ama. Ang panganay na tinawag nilang "Kuy" ang naging hingahan ng inis at sumbungan ng galit. Naging magkalapit ang mga magkakapatid. Nilinis nga ni Yuri ang kuwarto niya para doon sila matulog kapag takot.
Natapos na ang taon wala pa ring mukha ng ama na naipinta. Kulang daw ang paglalahad ni Matilda. Hindi rin sapat ang paglalarawan ng ina. "Paano ba pintahin ang mga matang naghahanap, ang mga labing nanginginig sa pangungulila at ang ilong na gustong amuyin ang samyo ng sanggol?"
Noong papalapit na ang virtual final exhibit niya, kinuntsaba ni Yuki ang mga kapatid. "Mamayang hapunan, kausapin niyo nang kausapin ang daddy niyo. Lakasan niyo ang mga boses niyo."

"Bakit, Kuy?" tanong ng sumunod sa kanya.

"Upang marinig ni Mama na mabuting ama na siya."
"'Yan lang pala," saad ng isa pa. "Naawa na rin ako kay Mommy."

"Basta huwag niyong ipahalata. Huwag niyo ring ibunyag sa kanya ang plano natin."

"Kukuwentuhan ko siya about sa play namin sa school," sabi ng bunsong babae.

"Sige, Neng, para kay Mama 'to. Para kakain na siya."
Pagdating ng hapunan, nakaabang na si Yuki. Hinintay ang amain na iparada ang sasakyan ng estasyon sa garaheng kita sa bintana sa silid-kainan.

Nang nagsikainan na sila at dinig na ang ingay, pumasok siya sa sasakyan. Hinanap ang mga nakapaketeng shabu na panlaglag ng mga pulis
Nag-iwan siya nang konti para hindi mahalata. Gakamao ang nadukot niya. Mga buo-buo pa. May mga de-kulay pa. Mga mapupusyaw na pula, asul, berde, at dilaw. Dumeretso siya sa kanilang bahay-bakasyunan gamit ang kotse ng ina. Nagdala ng mga damit at mga gadyet. Nagbaon din ng pera.
Buong linggo niyang ginawa ang mga obrang itatanghal. Gumawa muna ng website para sa virtual museum. Yuki Mishima Table Museum. Nilagyan pa ng larawan na kung saan nakangisi ang kanyang mukha. Nagpagawa siya ng mga maliliit na blokeng gawa sa kahoy at pininturahan niya ng itim.
Inayos niya ang mga bloke sa mahabang mesang kainan. Isa-isa niyang nilagay ang mga tipyas ng shabu sa ibabaw ng mga bloke. Inilawan. Kinunan ng mga larawan. Nakatihaya. Nakatayo. Palihis. Pagilid. Matutulis. Matataba. Kinaumagahan, bukas na ang kanyang final exhibit sa internet.
Pinagpistahan ang kanyang proyekto. "Maganda ang concept ng shabu exhibit" komento ng isang nakapanood. "Malalim ang pinaghugutan ng artist."

Pinagkaguluhan din ng mga kritiko? "Is this art, displaying crystal shards of meth on black wooden boxes?" ayon naman sa isang nagtaray.
Nakahanap naman ng pagkakataon na makapag-lecture ang propesor na bilib sa kanya. Nagkomento rin. "Ang sining ay hindi lang imahe. May teksto ito. Naratibo. Kuwento. Paliwanag. Salaysay. Wala sa espayo. Hindi nakikita ng mga mata. 'Yon ang hanapin niyo. 'Yan ang sining ni Yuki."
Kahit ang mga pulis sa estasyon ay nagpahiwatig din ng opinyon. Nagsalita ang hepeng namawis sa galit, "Hindi 'yan sining kundi krimen. Possession of illegal substance. Hanapin niyo ang batang 'yan. Laglagan kung maari. Kahit sino pa 'yan. Ireport na nanlaban. Ang lakas ng loob!"
Pinaringgan ang amain ni Yuki na nakatakdang imbetigahan na. Nalantad tuloy na tagalaglag pala siya ng droga sa mga inosente. Tagapaslang din sa mga pinaghinalaan at pinagbintangan. Binawian siya ng baril. Pinahubad din ang uniporme. Pinasuko ang tsapa. Ikinulong siya sa kampo.
Tapos na ang graduation ngunit wala pa ring nakakita kay Yuki. Ginalugad na ang lawa, wala pa rin kahit anino. Kinalat na sa media, hindi pa rin siya lumitaw. Nagmakaawa na ang ina sa publiko, wala man lang tumawag. Naglaho pati ang mga tipyas ng shabu na milyones daw ang halaga.
Kung ang mga kalahating kapatid ang tatanungin, naghiganti raw ang kanilang kuya sa kanilang Daddy.

Kung papagsalitain ang inang pinatawagan ni Yuki kay Matilda para mahinto na ang pakikipag-usap niya sa sarili, ang mga obra ng anak ay alay niya sa amang hindi na niya nakilala.
Kung ang pulis na ama-amahan ang pakikinggan, sumobra daw ang kanyang pagdidisiplina at biktima rin ang kanyang pamilya ng kanyang trabaho sa estasyon at ng marahas na politika."

Ayon naman sa Wikipedia, sa Japan pala nadiskubre ang shabu. Mula sa ephedrine ang methamphetamine.
Para kay Angie, ang exhibit ay pagtatawag sa kanya ng dating nobyo na hanapin siya at bumalik siya sa kanya. Inengganyo siya.

Nagparehab na ang dating nobya ni Yuki. Rebisado na ang kanyang maikling kuwentong nagwagi noon. Hinabaan na ngunit gusto na niya itong gawing nobela.
Ang dami niyang plinano. Gustong pumunta sa Japan. Dalawin ang Crystal Moon at si Matilda. Hanapin ang pamilya ni Yukio. Bisitahin ang mga bato ni Isamu Noguchi baka doon niya matagpuan si Yuki na may sinulat noon na "buhay ang sining". Hindi lang sigurado kung "life" o "alive".
Tapos.
*on black wood blocks?

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

17 Jun
LET'S SAY I AM PACQUIAO'S POLITICAL CONSULTANT: A THREAD

The tandem:

President: Manny Pacquiao
Vice President: Fernando Zobel de Ayala

Pacquiao has to tell the people that Ayala has to win so he will be his executive secretary, which is a cabinet rank, his little president.
In his political campaign narrative, the country has to be likened to a company, which has a chief executive officer and chief financial officer. The president (CEO) will guard and coordinate his people. The vice president (CFO) will make sure the country develops and prospers.
Pacquiao has been organizing a team and coordinating his people for his professional fight. That's his experience. Ayala's background is in business management. Governance is organizational leadership and financial management. It doesn't have to be Ayala, but he should be pushed.
Read 13 tweets
15 Jun
ICC

Nagkagulo ang mga tao sa International Cybernetics Center sa isang lokasyon sa Europa. May live feed kasi ang kanilang sattelite na kayang tumagos sa sementong pader ang remote sensor nito na naghanap ng init ng katawan ng tao. Natagpuan na ng mga imbestigador ang hinanap.
Matagal nang nawala sa eksena ang diktador sa isang bansa sa Asya simula noong sinampahan siya ng kaso sa Supreme Court of the Unified States o SCOTUS at pinalabas ang warrant of arrest dahil ayaw sumuko at magpalitis. Nagtago raw. Nakakulong sa mental hospital. Patay na rin daw.
Kaya nagbunyi ang lahat nang natunton siya ng satelite sa isang motel. Nagpamasahe siya sa kanyang utusang politiko rin. Pareho silang nakahubad. Naghalikan paminsan-minsan. Nagbayo. Nag-espadahan din. Ikinabigla ng mga imbestigador ang sikreto ng mamamatay-tao. Bottom pala siya.
Read 71 tweets
11 Jun
KATORSE

Pagkatapos panoorin ni Neneng ang pelikulang animation na Trese, ang apelyido din ng bida na nanugis at namaslang ng mga laman-lupa, aswang, elemento, at engkanto, napapikit siya. "Bakit hindi ang mga totoong demonyo, berdugo, bampira, at buwaya sa lipunan ang ubusin?"
Siya si Magdalena Nieves Kahabagan Magbanua. Mga dugo ng apat na bayani ang nananalaytay sa kanyang ugat. Dalawang henerala noong panahon ng mga Kastila. Dalawang matatapang na babae noong panahon ng hapon. Maganda siya. Matapang pa. Hubog na ang katawan. Katorse anyos pa lang.
"Neneng, magsaing ka na," pasigaw na utos ng inang papalabas ng bahay."

"Nay, nasa paayuda pa ng kapitan si Kuya. Konti na lang ang natira sa lata."

"Eh di, hintayin mo. Saglit lang ako kina Aling Mereng. Pinakuha ang pang-ulam natin. Maghugas ka na rin ng mga pinggan diyan."
Read 60 tweets
10 Jun
KUNG PAANO GINAHASA NI NOLI SI FILI

Nagising na lang isang araw si Noli, ang anak, sa sidhi ng muhi sa ina, si Fili. Anak sa labas daw ang turing sa kanya. Pinabayaan. Hindi pinahalagahan. Sa kanilang tatlong magkakapatid, siya ang laging huling binigyan, kung may grasya man.
Dave ang totoong pangalan ni Noli. Kung may black sheep man sa pamilya, mas maitim pa siya diyan. Alkitran nga raw ang kanyang budhi. Kaya siguro iniwasan ng ina ang anak na suwail. Unlimited kasi ang lahat ng kanyang mga kasamaan. Kaya nga Noli ang naging palayaw niya. No Limit.
Bunso kasi kaya ganyan siya. Laging kulang sa kanya ang anumang natanggap. Sa kanin, tutong na lang. Sa ulam, sarsa ng bistek o ng balbacua. Sa damit, ang mga pinaglumaan. Sa sapatos, ang mga hindi na kasya. Kahit sa sabon, 'yong upos na. Maging sa shampoo, ang lalagyan na lang.
Read 52 tweets
9 Jun
ANG MGA TAMA NG ISANG PULIS

Nakakita na ba kayo ng dambuhalang nilalang na nanginig sa harap ng platong puno ng mga pagkain, naglaway kahit malalobo ng ang tiyan, at nasiyahan sa kanyang lalamunin kahit sumobra na sa timbangan? Kahit pagsabihan ng tama na, sige pa rin nang sige.
Sa mall, may nasulyapan na ba kayong mamimili na parang naghakot ng mga damit mula sa sampayan? Nangatog ang mga kamay kapag may gustong bilhin kahit hindi kailangan. Kumati ang mga paa kapag nakadaan sa pamilihan ng mga sapatos. Kahit puno na ang aparador, bili pa rin nang bili.
May kilala ba kayong manyak? Buong araw na ngang pinaglaruan ang ari, naghanap pa ng kakanain sa gabi. Hindi na napagod sa porno. Mainit ang ulo kung walang nasalat o nalamutak. Kinalyo na ang kamay at ang tarugo, pero bayo nang bayo at kangkang pa rin nang kangkang kahit unan.
Read 51 tweets
7 Jun
TAKBO, SARAH, TAKBO!

Mga tsinelas ang buhay ko. Kahit ngayong may-edad na, may asawa, at merong dalawang anak at ampon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga tsinelas. Ang ingay ng mga sampal nito sa semento. Ang pananahimik nila sa sahig. Ang pagtama sa lata. Ang paglipad.
Hindi na matandaan ng aking ina kung sa kabayo o sa manok ako ipinaglihi. Parehong palakaskas at palatakbo. Nasiyahan siya noon habang nanonood ng karera sa pista. Ang tulin ng mga kabayo ay parang mga padyak ko sa kanyang sinapupunan. Tila hinete na ako kahit hindi pa niluwal.
Tuwang-tuwa rin siya noong tumakbo ang titinolahing manok nang walang ulo. Imbes na masindak sa mga patak at sirit ng dugo na nakakalat sa palibot, nagalak dahil parang bulag ang napugutang pumuslit mula sa banggerang ihawan. Hindi alam ang paroroonan. Takot sa kumukulong tubig.
Read 45 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(