ANG PAGTUTUOS

Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.
Lumabas na nga ang nars na may dalang ineksiyons kinabitan na ng karayom at ampulang wala nang ulo. "Sir, hindi pa naghilom ang mga tinurukan sa mga bisig mo?"

"Sa braso?"

"Namaga rin sa magkabilaan dahil sa dami na ng mga tusok."

"Saan puwede?"

"Sa puwet po at sa mga hita."
Naalala ng pangulo na may galis pala siya sa pigi na pabalik-balik kahit kinamot na niya nang kinamot hanggang sa nagdugo at naging mga sugat. "Sa hita na lang para madali." Hinila niya ang kaliwang suutan ng binti ng padyama mula sa laylayan papunta sa singit na pugad ng libag.
Pagkatapos maturukan, pinainom siya ng malamig na tubig at pinasandal sa silyang gawa sa kahoy, kutson at balat. Tulo kasi nang tulo ang pawis tuwing siya ay bangag. Mantsa na nga, mabaho pa. Iniwan ding mag-isa dahil naging palahalik kapag kasingtaas ng saranggola ang tama niya.
Kahit nga ang nakakuwadrong larawan ng dating pangulong babae na kinapos sa tangkad ay hinalikan niya noon. Nag-iwan pa sa salamin ng mga basang marka ng paghigop ng mga labi. Ang baho ng hininga. Dinilaan din ang dating pangulong palatabako. Pantasya niya ang mga dating heneral.
Habang nag-iisa at nagdedeliryo sa kuwarto, kinausap niya ang sarili. Sinadyang lagyan ng ilaw sa gawing likod ng silya para kaharap niya ang kanyang anino sa dingding. Para maiba, nagbilang siya ng mga numero. Milyones, ang mga nalagay sa kanya. Bilyones, ang mga nakupit niya.
Kapag pababa na ang tama, tumahimik na pero dilat ang mga mata. Animo'y may basang pintura sa kisame na hinintay niyang matuyo o kaya langaw sa sahig na napunit ang mga pakpak na ginawa niyang palaisipan. Nakatunganga siya. Walang imik. Hindi kumibo. Pinaghandaan ang pagbagsak.
'Yon naman ang pagbukas ng pintong itinulak ng bulos ng hangin kahit sarado ang mga bintana. Lumitaw ang kaluluwa ng kamamatay lang na dating pangulo. "Kumusta ka," bungad ng multo."

"Ikay pala 'yan," wika ng pangulo. "Heto, bangag na naman. Ikaw, kumusta?"

"Kalilibing lang."
"Pasensiya na dahil hindi ako nakadalo. Pandemiya kasi."

"Tayo nga lang dalawa at multo pa ang isa, magsisinungaling ka? Sabihin mong napadami ang naiturok sa 'yo. Kailan ka pa naging abala sa mga bagay na wala kang alam?"

"Hindi kailangan ang katotohanan sa lahat ng panahon."
"Sanay ka lang sa kasinungalingan." Hinulbot ng multo ang listahan sa bulsa. "Bumalik tayo sa simula."

"Okay, makikinig ako. Tutal wala akong kasama rito." Ngumisi ang pangulo. "May kodigo ka pa."

"Listahan 'to ng mga kasalanan at kalokohan mo."

"Sa dami, may naglilista pa?"
"2013 pa lang, gumawa na kayo ng kalokohan. Sinabotahe niyo ang adminsitrasyon ko para magkaroon ng anti-incumbency sa 2016."

"Totoo 'yan. Bakit ako magsisinungaling sa 'yo?"

"Mahihirapan kang magsinungaling. Multo ako. Puwede kong kalkalin ang cellphone mo nang hindi mo alam."
"Hindi ko magagawa 'yan sa 'yo. Nanay mo ang nag-appoint sa akin bilang OIC vice mayor noon."

"Hindi ba mga kaibigan din niya ang tumulong sa 'yo noong tumakbo ka sa pagkamayor kahit kandidato ng administrasyon ang kalaban mo?"

"Oo, kaya may utang na loob ako sa pamilya mo."
Tumingin sa listahan ang multo. "Unahin na natin ang Yolanda. Ang mayor ng Tacloban ang pabaya pero ako at ang aking sekretaryo ang sinisi. May pondong nilaan pero hindi ginasta para kamuhian kami ng mga tao roon. Planado ba 'yan? Alam ko na ang sagot diyan. Naninigurado lang."
"Sa Maasin ako ipinanganak at doon na nagkaisip pero hindi ako Waray. Bisaya ako. Iba ang nakatoka diyan. 'Yong kamag-anak ng mayor na senador."

"Pero kasali ka."

"Iba ang tungkulin ko. Sumulpot lang na may dalang mga donasyon at mga tagamedyang kukuha ng mga bidyo at larawan."
"'Yong mga kumalat na mga paninira sa pamilya ko simula 2013 hanggang 2016, sangkot ka rin, hindi ba?"

"Oo, nagbigay lang ng pondo. Sina pandak at baba na ang bahala sa mga tsismis. Pambabae 'yan. Hindi na ako nakisali."

"'Yong mga babaeng anak ng dating pangulo?"

"Oo, sila."
"Uminom ka muna ng tubig. Natutuyo na ang mga labi mo." Itinuro ng multo sa pangulo ang mesang pinaglagyan ng baso.

Uminom siya. Ubos ang tubig. Nagmistulang tuyong espongha ang bibig na humigop. "Hindi ka pa rin nagbabago kahit multo ka na. Inaalala mo pa rin ang kapakanan ko."
"Ang nangyari sa Mamasapano? Bakit handang-handa na ang mga terorista kahit malayo pa ang mga pulis sa lugar at nakapag-ipon na ng mga sandata? Teritoryo mo ang Mindanao at maraming mga Bisayang pulis ang sangkot. May alam ka. Sinabotahe ba nila dahil papalapit na ang eleksiyon?"
"Kung may kasalanan man ako, 'yon ay ang hindi ko pagtawag sa 'yo para ipaalam na ihinto ang operasyon. Sinabi ng mga tauhan ko na alam ng mga armadong Muslim na may lulusob."

"May alam ka."

"Siyempre, politiko ako sa Mindanao."

"May mga Bisayang sundalo ba sa Maguindanao?"
"Marami."

"Mga kumampi sa 'yo sa pagkapangulo?"

"Hindi ko sila inutusan na huwag rumesponde para papalpak ang operasyon at magiging malaking isyu sa eleksiyon."

"Hindi pa ako nagtanong tungkol diyan."

"Basta may ginawang mga kalokohan ang mga kakampi ko na hindi ko iniutos."
"Kagagawan din ba ng mga kakampi mong Bisayang opisyal sa NAIA ang laglag-bala?'

"'Yan ang balita ko. Pero wala akong inutusan."

"Bakit may mga binigyan ka ng promosyon at posisyon sa kanila?"

"Nirekomenda sa akin. Basta pinapirmahan lang. Mahirap kaya magbasa kapag bangag."
Binaliktad ng multo ang papel na hawak. "Ang Manilakbayan at ang protesta sa Kidapawan?"

"Kalokohan 'yan ng Kaliwa. Utos ni Sison."

"Kaibigan mo ang mga makakaliwa, hindi ba?"

"Pati ang mga rebelde sa kanila ay sinustentuhan ko noong hindi pa ako pinagbawalan ng mga heneral."
"Ikaw din ang isa sa mga nagpakain at kumalinga sa mga makarebeldeng Lumad na nagmartsa at ang nagbigay ng mga sako-sakong bigas sa mga magsasakang ginamit ng Kaliwa. May barilan pa sa protesta."

"Mga palabas 'yan ng mga tauhan ni Sison na gustong mag-ambag sa aking kampaniya."
"Namamawis ka." Itinuro ng multo ang mga bimpong nakasampay sa mga bisig ng silya, mga tira ng mga binato sa mga tao noong ipinarada siya sa kalye na parang Nazareno.

"Sorry ha, wala akong ganang maligo. Magtatatlong linggo na." Hinilod niya ang libag sa likod ng kanang kamay.
"Komunista ka ba?"

"Ipapakudeta mo ba ako sa AFP?"

"Sosyalista?"

"Noon 'yon. Noong nagpanggap ako para makuha ang mga boto ng mga aktibista."

"Marxista?"

"Narinig ko si Marx noon pero hindi ko na binasa. Hindi nga kayang mag-ahit ng balbas, ang perpektong lipunan pa kaya?"
"Leninista?"

"Kay Putin na lang ako."

"Maoista?"

"Si Xi Jinping ang biniliban ko."

"Bakit atat na atat kang maging pangulo pero pagpapaalipin sa mga Tsino lang pala ang alam mo?"

"Tanungin mo ang mga nagpatakbo sa akin? Inamin ko na rin naman na mahirap kalabanin ang China.
"Sino ang mga nagpatakbo sa 'yo? Mga nagalit sa akin dahil hindi sila nagkapera sa termino ko pero puno ang mga bulsa sa administrasyon mo at mga kurakot na pinakulong ko ngunit pinakawalan mo?"

"Sila. Minahan naman talaga ng pera ang politika. Alam mo 'yan. Maprinsipyo ka lang.
"May pondo bang ibinigay sa 'yo ang mga Tsino?"

"Oo, dineretso nila sa akin. May pinadaan sa mga Tsinoy na tagasuporta ko."

"Sila rin ang nagpuslit at nagpakalat ng shabu sa bansa noong pangulo pa ako para may mga isyu ka sa kampanya at dahilan ang pagkaadik mo sa pamamaslang?"
Kinamot ng pangulo ang ulo. Nangalap ng mga salitang sasabihin. "Oo... pero hindi ko inutusan... at wala akong alam."

"Huwag na tayong maglokohan. Mga Tsinoy ang mga bata mo noong mayor ka pa. May mga dayuhang Tsinong tulak na pinakawalan mo. Dinamay mo pa ang Chinese New Year."
"Pardon 'yon."

"Mayor ka lang, hinde presidente. Anong pardon? Hindi pa nga nalitis ang mga kaso pero pinakawalan mo na. Sangkot ba ang pamilya mo sa droga. 'Yan ba ang alas na hawak ng China sa 'yo?"

"Aaminin ko na, oo. Hindi lang 'yan. Meron pa pero nahihiya akong sabihin."
"Alam ko ang sekreto mo na nakunan ng mga Tsino ng larawan. Ako pa ang pinagbibintangan ng mga tagasuporta mo."

"Huwag mo na silang intindihin. Mga bobo, utu-uto, ignorante at mangmang ang mga 'yan. Minura ko na, pinagtawanan, at biniktima pa ang mga pamilya, sumasamba pa rin."
"Sa mga Tsino mo rin ba natutunan ang pagpapakulong sa 'yong kritikong may mataas na posisyon para magtanda ang ibang mga politiko, manahimik, magpakabulag, at maduwag?"

"Oo, may Tsinong consultant ako diyan. Turo sa akin."

"Di ba may usapan tayo at nangako kang palabasin mo?"
Pati yata ang anit ng pangulo ay ginalis. Kamot ng kamot. "Napasubo na. Ang daming mga galit sa kanya. 'Yong pandak na ayaw palabasin sa bansa. 'Yong relihiyon na binangga niya. 'Yong mga kurakot na sinampahan ng mga kaso. Nahihirapan ako. Ang dami kasi ng mga nag-uutos sa akin."
"Pero hinanapan mo lang ng mga saksing walang alam at ginawan mo ng ebidensiyang hindi paniniwalaan ng korte."

"Patapos na ang termino ko. Lalaya rin siya. Mapapawalang-sala siya dahil hindi na takot ang mga huwes at mga tagasakdal sa akin at hindi na makahingi ng mga pabor."
"Nababagot na ako sa mga kademonyohan mo." Bumuntong-hininga ang multo. Amoy-pabango. "Buti pa ang demonyo sa 'yo. May konting awang natira sa maitim na budhi."

"Paano ako katatakutan kung magpapaka-anghel?"

'Hindi ka kasi marunong mamuno kaya dinaan mo sa pananakot. Tamad ka."
"Oo, tanggap ko 'yan."

"Heto na lang. May lahing Intsik ako pero hindi ako nagpapatuta sa mga Tsino. Hindi nagpagamit. Hindi yumuko. Hindi sumuko. Bakit sumasamba ka sa kanila? Bakit ka naniniwala?"

"Hinihintay ko pa ang mga pangako nila. Mga pondo sa mga malalaking proyekto."
"Patapos na ang termino mo."

"May mga bakuna pang ipinangako."

"Hindi ka pa nagtatanda sa mga napapakong pangako ng mga Tsino?" Kinuha ng multo ang bolpen sa bulsa at nagdagdag ng kasalanang binasa niya. "Tanga rin siya."

"Anong parusa sa tanga?" agarang tanong ng pangulo.
"Mga pigsa sa buong katawan."

Naalimpungatan ang gising na pangulo. Kaligkig sa buong katawan ang nadama. Nanginig sa takot. Itinaas ang mga paa at namaluktot sa silya.

Bumukas ang pinto. Sumilip ang alalay para tingnan siya kung tulog na sa kama o kinausap pa rin ang sarili.
"Tingnan mo nga ang pigsa sa puwet ko," mangiyak-ngiyak na utos ng pangulo.

Hinila ng alalay ang padyama pababa. "Buntis na. Pulang-pula. Puno ng nana. Baka puputok na bukas." dahan-dahan niyang inangat para hindi masaling.

"Sabihin mo sa akin ang totoo."

"Ano po 'yon, sir?"
"Ikaw ang tinatanong ko dahil hindi ka naghahangad ng posisyon o promosyon. Hanggang alalay ka lang. Sabihin mo sa akin ang totoo."

"Oo, sir, sasabihin ko ang totoo."

"Tanga ba ako?"

"Bakit naitanong niyo? Hindi 'yan mahalaga. Ang mahalaga ay tanga ang mga tagasuporta niyo."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

27 Jun
SUMILHIG

Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.
Read 50 tweets
26 Jun
OBITUWARYO PARA SA MGA PILIPINO

Ritwal ang paninigarilyo para sa manunulat na si Raul. Laging may raket. May kolum sa isang tanyag na pahayagan. Pati sa pipitsuging diyaryong bastos ang mga balita, may espasyo rin. Kulang sa tulog ang mga mata. Dilaw ang mga ngipin sa kayoyosi.
Sinalamin ng sigarilyong mahigpit na nakaipit sa gitna ng mga daliri ang utak niyang tulog. Isinuksok ito sa puwang sa pagitan ng mga labi. Binasa ng laway, ang pagkasabik ng dila. Kinagat para hindi makawala. Pagsindi niya, sumigla ang utak. Isang buga lang, gising na gising na.
May hinabol siyang oras ng pagsusumite ng obituwaryo para sa kamamatay lang na dating pangulo. Nakatatlong sindi na ngunit wala pa ring nasulat sa kompyuter na kaharap kahit bukas na ang isipan at malawak na ang alaala. Bumuga ng usok. Isa pa. Ang sanaysay sana ay naging kuwento.
Read 41 tweets
24 Jun
Ang Pormula ng Sirkol

Bilog sa talaguhitan. Sirkol sa gitna ng grap. Utak ko 'yan na parang gulong na bumababa at umaakyat o mga paang umaatras at humahakbang. Pabilog ang usad. Paikot-ikot. Animo'y sawang nakakagat sa sariling buntot. Hindi na alam ang simula at ang katapusan.
Tawagin mo akong Ishmael. Wala lang. Gusto ko lang gayahin si Melville. Ilang ulit ko nang nabasa ang Moby Dick.

Mama akong may karamdaman. Kay Dostoyevsky ang linyang 'yan. Notes from Underground.

Mahilig akong magbasa at mangolekta ng mga magagandang unang linya sa nobela.
Kapag tapos na sa mga nobela, baka ang mga magagandang pamagat naman ng mga maiikling kuwento.

Kailangan kong gawin ang mga 'yan upang maidlip at makapagpahinga. Pangkalma rin sa sarili at sa kapaligiran. 'Yong kahit ang ingay ng mga sasakyan sa labas ay hindi ko na maririnig.
Read 69 tweets
23 Jun
Moderna

I'm an evolving human.

I've chronicled all my mutations ever since
my crawling morphed
into bipedalism
as my incisors were learning to bite.

An early obedience
to doting, later the sulking of a teen rebel
misunderstood by impatience
because I spoke in codes.
An undiagnosed thinker
who didn't end up a brain surgeon
but a poet prone to privation, the same fate
of lonely prophets.

I've been sliding back, my past
present like a regular
to trace the causes of what
I've become, my sidewalk psychoanalysis.
I'm a result of complex selection.

I've struggled too much
abandonment
that has erased self, then home
life, going astray only to search for meanings.

A protracted battle
with addictions, my cure
if I couldn't laugh at TV commercials, sleep
or forget what suddenly jolted.
Read 12 tweets
22 Jun
HINDI GAYA SA PELIKULA

"Nasaan na ang mga extra? Papasukin na sa kuwarto. Bahala pangit ang mukha basta maganda ang briefs. Huwag puro Calvin Klein. Papagsuutin ang iba ng Hanes o Bench. Frigo ang ipasuot sa lead. Kahit sa orgy, may economic status. Class struggle ang harutan."
Heto, nasa trabaho pa rin. Madaling araw na. Nagdidirehe ng kantutan. Nagkokoryo ng mga basang katawan. Malapit na kasi ang deadline. Nag-iingay na ang mga baklang naka-quarantine, na-lockdown o nagse-self-isolate. Nasaan na raw ang bagong BL erotic film? Libog na libog na sila.
Ewan ba, kung bakit sa ganitong klaseng pelikula ako napadpad. Nakababatang kapatid ng pornograpiya na virgin pa. 'Yong hindi nga nakahubad ng mga damit pero manipis at basa naman. Pabebeng kalibugan. Uso raw. Pinapanood ng mga kabataan. Kumikita kaya sinasabayan ng mga producer.
Read 36 tweets
21 Jun
MODULE

Hapon na nasimulan ni Bunsoy ang pagsagot sa mga module. Nanguha pa kasi ng kangkong. Inayos din ang yerong bubong na dinaganan ng gulong. Pumunta pa sa ulingan para mamulot ng mga tira-tira. Naghabol siya ng oras habang maaraw pa. Ayaw niyang magbasa sa ilalim ng buwan.
Sa lahat ng mga klase niya sa elementarya, HEKASI ang kanyang paborito. Napaisip daw siya tungkol sa bayan, lipunan, at mga mamamayan. May heograpiya pa na parang paglalakbay ng mga kagaya niyang walang pera para magbakasyon. Sa kasaysayan at sibika niya natutunang Pilipino siya.
Dumapa siya sa sahig para simulan nang sagutan ang mga papel. Hawak niya ang lapis na pudpod na ang pambura.

Maraming Pagpipilian:

1. Saang lungsod naging mayor muna si Duterte bago siya nahalal bilang pangulo?

a) Caloocan
b) Ormoc
c) Davao
d) Iligan
e) Wala sa mga nabanggit
Read 51 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(