Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.
Pinaturuan siya ng sayaw ng hangin. Nakatayo sa gitna ng kawayang binuhat ng dalawang tao sa magkabilaang dulo. Hinayu-hayuhay. Inimbay-imbay. Tumalbog-talbog. Sumadsad-sadsad. Tinuruan din siyang magtawag ng limokon gamit ang tambol na ang tunog ay malungkot na wika raw ng ibon.
Tuwing pista sa aming pamayanan, nagpaligsahan ang mga babae sa pagandahan ng mga habing gawa sa mga hibla ng abaka at mga ugat ng mga halaman na pinakuluan para pangkulay. Ang pinakamaganda ay ginamit bilang kapa ng aming patron, San Isidro Labrador, ang santo ng mga magsasaka.
Ang nanalong maghahabi ay pinagkaguluhan din ng mga binatang nasa hustong edad na para mag-asawa. Binasa ng kanilang mga ina ang panaginip na kinuwento ng nanalong hinabing abaka. Kapag nagustuhan ang mga simbolo, namanhikan na. Matagal nang walang dote dahil mga Katoliko na nga.
Laging panalo si Tiya Sumilhig sa paligsahan ng mga habi ngunit ayaw sa kanya ng mga lalake kahit siya ang may pinakamagandang mukha, pinakamahabang buhok, pinakamakinis na balat at pinakamagandang mga ngipin na kiniskis ng batong magaspang para umikli, ang tanda ng pagdadalaga.
Ang paulit-ulit na dahilan ng mga ina ng mga lalake ay hindi raw nila naintindihan ang hinabing panaginip ng aking tiyahin na napakahaba. Tila hindi na siya gumising o tulog na lang nang tulog upang managinip. Sa aming kaugalian, malas 'yan. Pagkabalo ng mapapangasawa ang dulot.
Pinatunayan ang kaintakutan noong biglang naglaho si Tiya Sumilhig sa kanyang kuwarto. Parang naging hangin at humayo. Maraming mga sabi-sabi ngunit walang sigurado. Dinukot daw para gahasain, patayin at ilibing. Lumayas at nanirahan sa siyudad. Inasawa raw ng armadong rebelde.
Ginalugad na ang mga bukiring may mga lupang mukhang kabubungkal lang, mga karatig na siyudad, at mga kuta ng mga komunista, wala pa ring natagpuan. Napilitang bumalik sa pagkababaylan ang aking lolang tagahabi rin ng panaginip para hanapin ang bunsong anak na wala pang biyente.
Tumutol ang misyonerong pari, "Bawal sa mata ng Diyos ang gagawin mo. Pinarusahan na nga kayo dahil hindi pa kayo tuluyang tumalikod sa mga nakaraang kaugaliang hindi kinilala si Hesukristo."
"Ipanalangin mong babalik ang anak ko upang hindi na ako mag-aanito," dalangin ni Lola.
"Manalangin ka rin."
"Paano gawin 'yan? Bininyagan niyo lang ako. Hindi tinuruan ng dasal."
"Lumuhod ka lang, pumikit, at kausapin ang Diyos."
"Sino sa tatlo?"
"Isa-isahin mo. Diyos na Ama, Diyos na Anak, at Diyos na Espiritu Santo."
"Tatlong beses sa isang araw?"
"Puwede."
Isang taong nagdasal ang aking lola. Wala pa ring nangyari. Hindi natagpuan. Walang bumalik. Hindi man lang nakalkal ang mga buto. Napilitan siyang magpakababaylan. Nagkatay ng ugis na manok. Sinunog ang mga balahibo. Nagtawag ng anito. Nagmakaawang pagkalooban siya ng panaginip.
Pagkatapos ng mahabang ritwal na isinagawa mula dapit-hapon hanggang alas-otso ng gabi, ang oras ng mga patay, naghapunan siya sa papiging at dumeretso na sa kanyang higaan. Hindi nagpasiping sa aking lolo baka raw masagi, magising siya, at maudlot ang panaginip. Nanaginip nga.
Madilim. Boses lang ang narinig. "Nasa amin ang anak mo. Dahil ayaw ng mga tao sa kanya kaya kinuha namin."
"Ibalik niyo siya!" sigaw ni Lola sa kanyang panaginip. "Parang awa niyo na!"
"Ibabalik lang namin ang iyong anak kung magkakaroon ng tatlong salot sa inyong pamayanan."
Nagising agad si Lola pagkarining ng salitang "salot". Humagulhol. Kinagat ang unan upang sumpain ang sinapit ng anak. Nakilala niya agad ang boses sa panginip. Busaw. Ang masamang engkanto ng kamatayan. Hindi tao pero nagkatawang-tao. Walang kaluluwa. Ligaw. Hindi rin maawain.
Kinuwento niya kay Lolo ang panaginip. Maging siya ay bumalik sa nakaraan pagkatapos maglasing at magmura ng mga Diyos at mga Santo ng mga Katoliko. Muling naging bagani. Kumain ng hilaw na puso ng kahit anong hayop at uminom ng dugo. Hinanda ang tapang para hanapin ang busaw.
Dahil sa impluwensiya ng mga misyonero, pumasok sa kumbento ang tiyuhin ko. Tila pambayad sa pagtalikod ng mga magulang sa Kristiyanismo. Kung may dapat maging santo ng mga katutubo, siya 'yon. Kinalat niya ang pananampalataya. Ginawang palasimba ang mga bagani at mga babaylan.
Sumunod ang isa ko pang tiyahin sa pagyakap ng kabanalan. Nakumbinsi rin ng mga paring hindi pa nasiyahang nadale na nila ang lalakeng panganay. Galit sa mga magulang na lagi niyang minura ang dahilan ng kanyang pagmamadre. Ikinahiya dahil nagdulot sila ng pangungutya sa pamilya.
"Mga ignorante," kutya ng kapitbahay na deboto ng Mahal na Birhen at paladamit ng asul.
"Mga mangmang" dagdag ng katutubong prinsipal ng mababang paaralan, "kaya bumalik sa nakaraan."
"Ibinalik ang luma para pagtawanan na naman tayo," wika ng kapitang limot na ang kultura niya.
Sa sobrang lungkot ng tiyuhin kong sinundan ni Tiya Sumilhig, pinag-aralan niya ang sayaw ng hindi lang hangin. Saratan, ang habagat sa amin. Magaslaw ang indayog. Maharot ang galaw. Pinahirapan pa ang sarili. Hindi sa kawayan tumayo kundi sa alambreng kinabit sa dalawang puno.
Noong naging bihasa siya sa paghahabi kahit hindi pinahintulutang sumali sa paligsahan tuwing pista dahil hindi babae, nagsimula na siyang magsuot ng saya. Nagsimula na rin ang sumpang pinagkakitaan niya. Kinutya man pero nagkapera siya sa mga magsasakang may mga tuyong lupa.
Ang totoo, galit ang baklang tiyuhin ko sa mga misyonerong tagalabas kaya iniskandalo niya palagi. Kahit nga ang pagtambol niya sa gabi na hudyat sa mga lalakeng malilibog at mahilig mamakla ay sampal sa mga paring gusto na siyang palayasin sa kinamulatang pamayanan. Salot daw.
"Palayasin na 'yan," sabi ng Pilipinong paring matagal nang nanahanan sa mga katutubo.
"Mahirap 'yan, Padre," wika ng isang magsasaka. "Diyosa ng kulog, kidlat, at ulan ang pinapalayas niyo."
"That's not true," sabi ng puting paring bumisita sa pamayanan. "He's fooling you."
"Hindi raw totoo at inuuto lang kayo," salin ng isa pang Pilipinong paring pinatawag din dahil mahusay magkumbinsi sa mga katutubo.
Nagmungkahi ang isa pang magsasaka, "Palabasin nga natin. Kung kukulog, kikidlat at uulan, tatantanan niyo na siya. Walang patubig sa mga palayan."
Lumabas ang aking tiyuhin. Nakapaa. Pula ang saya. Binigkisan lang ang dibdib ng pulang kamiseta. Pintado ang mga kuko ng matingkad na pula. Dahil pulang pangkulay ng mga labi lang ang meron siya, mapupula na rin ang mga talukap at mga pisngi niya. May pulang gumamela pa sa ulo.
Paglabas ng paglabas niya ng bahay, pumusyaw ang dilaw ng araw. Animo'y nahiya sa tingkad ng pula. Habang naglalakad papunta sa lilim ng punong madahon na kung saan ginanap ang pagpupulong, paabo nang paabo ang kalangitan. Nagsilayasan ang mga ulap na para bang pinatabi niya.
Hinarap ng aking tiyuhin ang mga pari at nagsalita, "Ipapako niyo na ba ako sa krus?" Kumembot siya sa kanan. Kulog. isa pang kembot sa kaliwa. Kidlat. Bumuhos agad ang ulan na parang may galit sa itaas. Walang ambon-ambon. Nagtinginan ang mga pari. Nagbunyi ang mga magsasaka.
Para magkaroon ng papel sa pamayanan at galangin nang konti, naging albularyo ang aking ama. Ipinaghalo niya ang gamot ng mga katutubo at ang dasal ng mga Katoliko. Nagpagitna ang gitnang kapatid. Nakaupo lang sa bakod. Hinintay ang pagtakip ng silim at ang pagbuka ng liwayway.
Noong kumalat ang kolera sa pamayanan, mga bata man o mga matatanda ay sumuka, nagtae, natuyo ang katawan at nangisay. Nagluksa ang karamihan maliban sa aking pamilya.
"Dalawa na lang," sabi ni Lolo.
Dinagdagan ni Lola, "Sana managinip ako mamaya. Baka pangalawang salot na 'to.
Dahil babaylan na at sunud-sunuran ang panaginip sa kanyang gusto, nanaginip nga. Madilim pa rin. Boses niya ang unang narinig sa panaginip. "Hindi ba salot rin ang mga rebeldeng komunista? Pumapatay sila. Dapat dalawa na. Isang salot na lang para ibabalik niyo na ang aking anak.
"Hindi 'yan salot," saad ng tinig ng busaw. Maraming namamatay sa salot. Gumagapang sa hirap. Nagmamakaawa. Naniniklop-luhod. Bumubulagta na lang kahit saan-saan. Wala pang isang dosena sa inyo ang pinaslang ng mga armadong rebelde. Hindi pa kayo nila binomba. Magritwal ka pa. "
Noong may kandidatong tumakbo sa pagkapangulo at nangakong marami siyang papatayin, tataba ang mga isda sa lawa, dadanak ang dugo, at iiyak ang Diyos, nabuhayan ng loob ang aking pamilya.
"May pangalawa na," sambit ni Lola.
"Ipangangampanya ko siya," pangako ni Lolo sa sarili.
"Ako na ang bahala sa mga magsasaka," saad ng tiyuhin kong bakla. 'kukumbinsihin ko ang mga istambay sa kanto. Paiinumin lang ang mga 'yan.
"Libre na ang panggagamot," dagdag ng aking amang hindi binale-wala ang paniniwala ng mga magulang. "Maghihilot na rin ako ng mga buntis."
Nanalo na nga ang kandidato at nagpalaganap ng salot. Gumapang at nagmakaawa ang mga tulak sa aming pamayanan. Ang dami nila. Bumulagta at duguan ang mga makabagong katutubong palahithit ng shabu. Puno agad ang sementeryo. Sa panaginip ni Lola, salot nga. Pangalawa. Isa na lang.
Wala pang apat na taon, may salot na namang kumalat. Ang pandemiyang nagmula sa Tsina. Takot ang lahat ng mga tao maliban sa aking pamilya. Nagkulong sila sa kanilang mga bahay. Labas nang labas naman ang aking lolo para tingnan kung lilitaw ang busaw na pupugutan niya ng ulo.
Nagmaskara na ang lahat pero hindi si Lola na dungaw nang dungaw sa bintana at laging naghintay. Para daw kita agad ang mukha niya pagdating ng naglahong anak.
Nanalasa na nga ang salot. Isa si Lolo sa mga unang nahawaan. Limang araw lang sa ospital. Pagbalik sa amin, abo na.
Dahil kasiping si Lola ng yumaong asawa, naglaho na rin ang panlasa at pang-amoy. Sinugod siya sa ospital. Nakapagkuwento pa sa aking tiyuhin tungkol sa kanyang panaginip na kumpleto na ang tatlong salot bago lagyan ng tubo ang lalamunan. Nawalan siya ng malay pero buhay pa raw.
Tag-init noon. Hindi na kayang pakulugin, pakidlatin, at paulanin ng aking tiyuhin ang kalangitan kahit mag-swimsuit pa siya at rumampa nang nakasuot ng mga sapatos na matataas ang mga sakong. Matagal na siyang hindi nagdamit-babae at nagkulay ng mukha. Baka raw pagkamalang adik.
Nilipat ko na sa siyudad ang aking mga magulang at mga kapatid sa siyudad noong nakahanap ako nang trabaho bilang nars. Hinigpitan ko sila sa pagmamaskara, paggamit ng pandis-impekto, paglayo sa mga tao, at sa paghuhugas ng mga kamay. Pinalaklak ko pa isa-isa ng mga bitamina.
Isa si Lola sa mga pasyente ko. Dalawampung araw na siya sa ICU pero hindi pa rin bumuka ang mga mata at hindi pa sumuko ang hininga.
Kinaumagahan, kumaripas ng takbo papasok sa ospital ang tiyuhin ko. Ipinaabot sa akin ang sulat niya. Ibulong ko raw kay Lola at nang magising.
Binasa ko ang sulat. Isinaulo. Lumapit ako sa higaan niya. Yumuko upang bulungan ang kanyang kanang tenga. Nilakasan ko dahil balot ang aking mukha ng proteksiyon. "Lola, bumalik na si Tiya Sumilhig. Nangyari na ang matagal mo nang inasahan at hinintay. Totoo ang mga panaginip."
Hindi siya umimik. Walang kibo. Kahit ang mga pilik-mata ay hindi gumalaw. Tumulo lang ang luha sa kaliwang gilid ng mata. Pabugsu-bugso sa simula. Putol-putol. Hanggang sa naging buo. Nagsikabitan ang mga butil ng luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Nagmistulang panaling kristal.
Pinunasan ko ang kanyang mukha ng kumot. Ngiti pala ang hinagod ng aking kamay. Umaliwalas bigla ang maputlang balat. Huminga siya nang malalim. Hindi na sinundan pa.
Masaya at tahimik siyang yumao. Nakabalik na ang tiyahin ko at nagkasaysay pa ang kinutyang pagkababaylan niya.
Ako ang nagdala ng abo ni Lola sa pamayanan ng mga takot pa ring katutubong umilag sa akin. Katahimikan ang nadatnan ko sa bahay. Wala ang tiyuhin ko. Walang tiyahin din. Walang bakas ng pagbabalik. Gusto kong umiyak sa galit. "Naghingalo na ang matanda, pinagsinungalingan pa."
Naglibot ako. Pinasok ang mga kuwarto. Naghanap ng wala. Naghintay sa salas. Humiga sa sopa. Tumayo. Paikot-ikot. Pabalik-balik. Binuksan ko ang bintana at dumungaw. Hayon, ang bakla kong tiyuhin. Kumendeng-kendeng sa daan. May kargang karton. LBC. Umambon. Walang kulog o kidlat.
May tumawag pala. Kunin daw ang padala mula sa California. Galing kay Sumilhig Webber.
Sa apelyido pa lang, alam ko na. Itinanan siya ng Amerikanong misyonerong lumabas na sa pagkapari. Akala ko noon mabait lang si Father Webber sa kanya. Karibal pala ang tiyahin ko ng Diyos.
Binuksan namin ang karton. Puro mga bitaminang pangontra sa salot. Merong mga pandis-impektong nakalagay sa mga maliliit na de-bombang boteng plastik. Dinagdagan ng mga sabon. Nilakipan pa ng mga maskara. Covid kit ang pinadala ng aking tiyahing hindi pala naglahong parang bula.
Nagkasaysay ang nakaraan sa kasalukuyan. Nagkaroon ng katuturan ang dati sa ngayon. Klaro na sa akin ang pagsasanib ng luma at bago. Mahika. Reyalismo. Kahit agham ang inaral ko at siyensiya ang aking trabaho, kailangang kumapit sa pananampalataya at huwag ikahiya ang pagkalumad.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.
Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.
Ritwal ang paninigarilyo para sa manunulat na si Raul. Laging may raket. May kolum sa isang tanyag na pahayagan. Pati sa pipitsuging diyaryong bastos ang mga balita, may espasyo rin. Kulang sa tulog ang mga mata. Dilaw ang mga ngipin sa kayoyosi.
Sinalamin ng sigarilyong mahigpit na nakaipit sa gitna ng mga daliri ang utak niyang tulog. Isinuksok ito sa puwang sa pagitan ng mga labi. Binasa ng laway, ang pagkasabik ng dila. Kinagat para hindi makawala. Pagsindi niya, sumigla ang utak. Isang buga lang, gising na gising na.
May hinabol siyang oras ng pagsusumite ng obituwaryo para sa kamamatay lang na dating pangulo. Nakatatlong sindi na ngunit wala pa ring nasulat sa kompyuter na kaharap kahit bukas na ang isipan at malawak na ang alaala. Bumuga ng usok. Isa pa. Ang sanaysay sana ay naging kuwento.
Bilog sa talaguhitan. Sirkol sa gitna ng grap. Utak ko 'yan na parang gulong na bumababa at umaakyat o mga paang umaatras at humahakbang. Pabilog ang usad. Paikot-ikot. Animo'y sawang nakakagat sa sariling buntot. Hindi na alam ang simula at ang katapusan.
Tawagin mo akong Ishmael. Wala lang. Gusto ko lang gayahin si Melville. Ilang ulit ko nang nabasa ang Moby Dick.
Mama akong may karamdaman. Kay Dostoyevsky ang linyang 'yan. Notes from Underground.
Mahilig akong magbasa at mangolekta ng mga magagandang unang linya sa nobela.
Kapag tapos na sa mga nobela, baka ang mga magagandang pamagat naman ng mga maiikling kuwento.
Kailangan kong gawin ang mga 'yan upang maidlip at makapagpahinga. Pangkalma rin sa sarili at sa kapaligiran. 'Yong kahit ang ingay ng mga sasakyan sa labas ay hindi ko na maririnig.
"Nasaan na ang mga extra? Papasukin na sa kuwarto. Bahala pangit ang mukha basta maganda ang briefs. Huwag puro Calvin Klein. Papagsuutin ang iba ng Hanes o Bench. Frigo ang ipasuot sa lead. Kahit sa orgy, may economic status. Class struggle ang harutan."
Heto, nasa trabaho pa rin. Madaling araw na. Nagdidirehe ng kantutan. Nagkokoryo ng mga basang katawan. Malapit na kasi ang deadline. Nag-iingay na ang mga baklang naka-quarantine, na-lockdown o nagse-self-isolate. Nasaan na raw ang bagong BL erotic film? Libog na libog na sila.
Ewan ba, kung bakit sa ganitong klaseng pelikula ako napadpad. Nakababatang kapatid ng pornograpiya na virgin pa. 'Yong hindi nga nakahubad ng mga damit pero manipis at basa naman. Pabebeng kalibugan. Uso raw. Pinapanood ng mga kabataan. Kumikita kaya sinasabayan ng mga producer.