Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.
Hindi rin ako Bisaya, Dabawenyo o taga-Mindanao. Tagalog ako. Hindi matigas ang dila. Tubong-Pasay. Sa napakaeksklusibong subdibisyon. May pader. Merong guwardiya. Bisaya pala ang yaya ko noon. Dabawenyo ang hardinero namin. Taga-Mindanao ang drayber. Hindi niya sinabi kung saan.
Hindi ako kagaya ng mga DDS na edukado at matatalinong kailangang magpanggap na bobo at pilit ang mga diploma para magkaposisyon sa gobyerno at magkapera o balahurain ang lohika, wika at pagbabasa para maranasan ang konting kapangyarihan at ang pagtungtong sa bangkitong pedestal.
Lalong hindi ako kabilang sa masang tagalabas, tagagilid, at tagaibaba. Napakalayo sa masa ng pangulo kahit kumain pa siya ng sardinas o magsuot ng tsinelas sa opisina o matulog sa loob ng kulambo. Hindi ako 'yong wala nang pakialam sa lipunan kaya kahit sino na lang sa puwesto.
Natanong ako minsan ng aking kasintahan na Dilawan, "Hon, bakit ba DDS ka? Hindi ka naman bobo. Hindi ka rin masamang tao. Napaka-rational mo nga."
Pati ako ay nahirapang ilarawan ang aking sarili. Kuwento ang utak ko. Tila tama si Freud. "Basahin mo, hon, ang psychoanalysis."
Labanan ako ng tatlong aspeto ng pagkatao. Parang mga tao sila sa utak ko. Mahilig magdebate. May lamangan. Merong pagpapatahimik. Mga anino ko ang turing ko sa kanila. May pagpupuna. Merong pagpapaubaya. Parang magkatropang hindi bagay kaya puro away. Sina Id, Ego, at Superego.
Kahit noong bata pa nandiyan na ang tatlo sa utak ko. Pasko noon. Umaga. Araw ng pagbubukas ng mga regalo. De-bateriyang robot ang natanggap ko.
Pagbukas na pagbukas pa lang, nagparamdam na si Id, "Sirain mo. Ibalibag mo sa semento. Tingnan mo kung ano ang nasa loob ng dibdib."
Sumalungat si Superego, "Kung sisirain mo 'yan, wala ka nang laruan. Itatapon mo sa basurahan. Binili 'yan ng mga magulang mo. Sayang ang pera nila."
Sumabat si Ego, "Alam kong gusto mong sirain 'yan pero nagdadalawang-isip ka. Paglaruan muna. Wasakin mo kapag pinaglumaan na."
Si Id ang demonyong kaibigan na gustong sumuway lagi at mambulabog na sinalungat naman ni Superego na isa pang kaibigan na malasanato at ayaw akong mapahamak. Animo'y nakatingin lang sa kanila si Ego na kaibigan din. Nag-isip bago magpalagay. Nagtimbang. Naghusga kung ano dapat.
Gaya noong nasa hapagkainan kami. Agahan. Unang pinatikim sa akin ang ginisang ampalayang may itlog. Hindi ko pa nginuya, nag-ingay na si Id sa utak ko. "Mapait 'yan. Ibuga mo sa mesa. Sa dingding na lang dahil bago ang pintura. Itapon din ang plato sa kusinerang naghain sa 'yo."
Nangaral na naman si Superego, "Bitamina 'yan. Tiisin mo ang pait. Nagpapalusog 'yan. Nagpapalakas din. Huwag na huwag kang bumuga ng pagkain sa mesa. Bastos 'yan. Magagalit ang mama mo. Huwag dumihan ang dingding. Pinaghirapan 'yan ng papa mo. Maawa ka rin sa kusinerang pagod."
Gaya ng dati, pinagnilayan sila ni Ego, "Hindi ka pa sanay sa pait ng ampalaya. Heto na lang, ihiwalay mo ang itlog na dumikit sa luntian. Ulamin ang itlog at itabi ang gulay. Tanungin ang yayang nagpapakain sa 'yo kung gusto niya. Suyuin ang kusinera. Magpaluto ka ng hotdog."
Palala nang palala ang kanilang pagtutunggali at pagsasapawan noong tumungtong na ako sa elementarya. Madalang na ang pakikinig ko sa mga pakikipagkompromiso ni Ego. Gusto ko nang patahimikin si Id. May grado na kasi. Meron pang award na "Most Behaved". Kay Superego ako kumampi.
Unag araw pa lang ng klase, inatake na si Id ng kanyang kasamaan. "Lumabas ka. May ibon sa sanga. Merong tipaklong sa halamanan. Nilalako sa labas ang 'yong paboritong kendi."
"Huwag," angal ni Superego, "dapat mag-aral ka nang mabuti para hindi maging bobo. Makinig ka sa guro."
"Lumabas ka dahil bagot ka na," payo ni Ego. "Itaas ang kamay at sabihin mo sa guro na iihi ka. Madadaanan mo ang maibon na puno pati ang damuhang pugad ng mga tipaklong."
Hindi ako lumabas. Nakinig ako sa kuwento ng guro. Pied Piper of Hamelin. Natuwa ako. Nagalit. Nalungkot.
Noong haiskul na, matataas pa rin ang aking mga grado. Sangkatutak na mga parangal ang natanggap ko. Most Behaved pa rin. Most Punctual pa. Dinagdagan pa ng Most Friendly at Most Caring. Mga medalya ang Best in Leadership, Best in Writing, at Best in Religion na nasungkit ko rin.
Ngunit may isang insidenteng hindi ko makalimutan. May nasulyapan akong bagong mukha sa klase. Dahil binata na at palalaro ng sarili, hindi siya tinantanan ng mga mata ko.
"Nakawan mo ng halik," utos ni Id na desperado na sa akin.
"Huwag, hindi ka bastos," paalala ni Superego.
"No comment," sabi ni Ego na nagmaktol dahil dama niyang hindi na importante ang saloobin niya.
Si Superego pa rin ang pinakinggan ko. Recess 'yon. Nilapitan ko ang kaklaseng babae, "Hi, I'm Justin."
"Oh, hello, I'm Gisselle." Nakipagkamayan siya sa akin. Ang lambot ng kamay.
"I just want to welcome you."
"Thank you, Justin."
Hindi ko siya hinalikan kahit gusto kong iangat ang unipormeng palda niya at tingnan kung may suot na panty o wala at kung anong kulay kung meron. Hindi pa kasali ang dibdib. Ang dumi ng utak ko pero napakaamo ng aking mukha.
Niligawan ko siya. Naging kami. Siya pa rin ang aking nobya ngayon. Kagaya ko rin siya--may tatlong kaibigan sa utak. Mahinhin. Malibog. Mahinhing malibog. 'Yong nakahawak siya sa kanyang kuwelyong nakabutones. Tila ayaw magpasilip sa akin. Pero subo nang subo naman ang bibig.
Matagal nang hindi namin ginawa 'yan. Nakinig ako kay Superego na nagwika, "Masarap ba ang nabibilaukan? Seksi ba ang nasusuka? Tanungin mo siya kung gusto niya. Kung mahal mo siya, makinig ka."
Tinanong ko si Gisselle, "Do you like it?"
"Meh, it's okay," sabi niyang nakaismid.
"Are you doing it to please me?"
"Of course, you're my boyfriend."
"Don't you feel pleased too?"
"Nope, brushing my teeth is more pleasing."
Tama na naman si Superego. Nirespeto ko ang aking nobya simula noong nagkausap nang masinsinan. Wala nang dilaan at subuan para patas.
Hindi rin nagtagal ang nagpagkasunduang halikan lang at yakapan. Inalaska ako ni Id, "Bakla ka ba? Nagpapamacho ang niluluhuran. Maton ka kung hahawakan mo siya sa buhok na parang sinabunutan. Lalakeng-lalake ka kung itutulak mo ang ulo hanggang sa masagad. 'Yong aangal na siya."
Hindi nagustuhan ni Ego ang mabangis na kamunduhan na kanyang narinig. "Bakit ayaw niyo pang magkantutan? May condom naman. Puwede ring dilaan mo siya at magpasubo ka sa kanya nang sabay. Baliktaran. Anong masama diyan? Basta ba ang sex ay hindi labor. Walang amo. Walang alipin."
Nagtampo si Superego dahil nakinig na ako sa rasyonalisasyong hinaluan ng kapangitan ni Ego na nakangisi dahil may papel na naman siya sa pag-iisip ko.
Nasiyahan si Id dahil malapit na sa bakuran niya ang paggana ng aking utak. Pumagitna. Naghalo. Hindi na lang puro kabutihan.
Nong kolehiyo na, sinalanta ako ng problemang pampamilya. May kerida ang aking ama. Naging sugar mommy ang ina ko. Sobra-sobra siguro ang pera kaya dapat magwaldas. Hindi na raw gusto ang isa't isa. Naghiwalay. Hiwalay din ang mga tirahan nila. Nasa gitna ako. May sariling condo.
Kahit hindi ako humingi ng payo, nagpahiwatig pa rin si Id. "Sugurin mo ang kerida ng papa mo. Landiin mo. Ikama mo siya. Ipakita sa papa mo na demonyo ka rin. Hanapin mo ang lalakeng nanggagamit sa mama mo. Ballroom dance instructor siya. Patay-gutom. Hampas-lupa. Bugbugin mo."
Umiyak lang si Superego. Naawa sa akin. Dagtampo kay Id dahil nabalasubasan sa narinig na payo.
Kay ego ako sumangguni. "Justin, pabayaan mo na ang papa mo para hindi mahinto ang sustento. Mag-aaral ka pa naman ng Law. Huwag mong bugbugin ang boy toy ng mama mo. Ipabugbog mo."
Ipinabugbog ko nga. Basag ang mukha. Nagtanda. Naglako na ng taho.
Pero sadyang makati pa sa laing ang aking inang nakalaya sa hawla. Ilang dekadang nagpakamartir sa ama kong abusado. Mental at pisikal. Noong nakahanap siya ng bartender, pinabayaan ko na. Mama' s boy kasi ako.
Isa pa, matalino ang boypren niya. Nag-aral sa araw. Gustong maging engineer. Biyente-singko na ang edad. Kuwarentay-kuwatro si Mama.
Malaki man ang agwat pero tama ang sinabi ni Superego, "Kawanggawa rin 'yan."
Kahit sigaw ng sigaw si Id ng "manggagamit", hindi ako nakinig.
Nakumbinsi ako ni Ego. "Kausapin mo ang lalake, Justin. Bantaan mo para hindi lolokohin ang 'yong nanay."
Binantaan ko nga, "Babasagan kita ng bote kung paglalaruan at peperahan mo lang siya."
Noong nabuntis niya si Mama, tuluyan na akong nagpaubaya kahit kahihiyan sa pamilya.
Kasagsagan 'yon ng eleksiyon. Nanood ako ng balita sa TV habang nagmuni-muni kung bakit ang mga tao sa aking paligid ay nagpakita na ng mga tunay nilang kulay at hinablot na ang mga maskara. Nakita ko ang isang kandidatong nagmura, nanghalik ng mga babae, at nanakot ng paslangan.
Kakaiba siya. Kahit pangit, inidolo. Kahit masama, pinoon. Kahit parang lasenggo kung magsalita, pinakinggan. Kahit halatang walang alam, biniliban. Nandakma pa ng dibdib. Nanghigop ng bibig. Nansalat ng puwet. Siya si Id sa utak ko na nagkatawang-tao at tumakbo sa pagkapangulo.
Naging tagasunod, tagadepensa, at tagasuporta niya ako. Umubo lang, pumalakpak na ako. Parang artista. Nagputang-ina, humiyaw ako. Tila gusto kong basagin ang mundo. Noong minura ang Diyos, napangiti ako. Hindi ako atheist pero may sandaling nagtanong ako kung may Diyos nga ba.
Sa loob-loob ko, hindi ko na kailangang mag-isip ng gahasa. May nanggahasa na para sa akin. Ang kandidatong nagwikang dapat siya ang mauna sa gangbangan. Hindi ko na pinagnilayan ang pagnanakaw sa bangko para maging bilyonaryo agad. Ilang dekada nang magnanakaw ang aking idolo.
Gusto kong pumatay, ang gatong ni Id, ngunit mamamatay-tao na ang sinanto ko. Gusto kong magsinungaling hanggang susuko ang katotohanan at hihikbi si Superego pero sinungaling na ang kandidato ko. Gusto kong magpakademonyo kahit walang basbas si Ego pero demonyo na ang pangulo.
Nanalo ang sanggano. Nakaupo na sa Palasyo. Dumami ang mga kritiko niyang walang pinagkaiba kay Superego sa aking utak na matagal nang hindi ko pinakinggan.
Nagbunyi ang mga kagaya ni Id. Sa wakas, may magpapalaganap ng kasamaan, kaguluhan at kahirapan na nisipan ko rin noon.
Lumayas at nagtago si Ego. Ayaw ma-EJK. Tinokhang ko kasi. Wala na siyang saysay sa tunggalian ng good versus evil. Hindi pasya o panig ang versus. Tapos na ang papel niya sa utak ko.
Hindi lang ako bibig ng pangulo sa social media. Gitnang daliri niya rin ako sa buong internet
Pigsa akong pabalik-balik sa mga forum. Nanghiya ng mga Dilawan. Nagpakawala pa ng mga malulutong na mura. Lisa akong mahirap bunutin at tirisin sa mga comment section. Nagpakalat ng mga kasinungalingan. Humugot ng mga pruweba sa hangin. Kati akong ayaw magpatalo sa mga kamot.
Noon 'yon. Limang taon na ang nagdaan. Kung hindi ako nagka-covid, hindi matauhang walang mali o mahirap sa pagiging mabuti, hindi mamulat na napakaikli pala ng panahon kaya huwag ito sayangin sa kasamaan at kapangitan, at magising na hindi pala ako demonyong katulad ng pangulo.
Naibaon ko na si Id sa hangganan ng lalim. Tikom na ang bibig. Kung nagparamdam man, kurot siya sa kunsensiya o pagsisisi.
Niyakap ko muli si Superego na nasiyahan sa mga pagbabagong nakita niya sa aking utak. Tala siya sa aking paglalayag. Bombilya sa aking gamugamong nangapa.
Hindi na takot si Ego lumabas. Nagpahayag pa nga na may gitna sa DDS at Dilawan. Pagtuunan na lang daw ang bansa.
Kaya lang abala pa ako sa pagpapagaling. Hingalin na. Mahina pa ang mga baga. Nagpakalayo-layo muna sa internet. Burado na ang mga notoryong account sa social media.
Abala rin pala ako sa paghahanda ng kasal namin ni Giselle. Ang paglaho na lang ng mga salot ang hinintay. Lumuhod na ako at nagtanong. Sinagot naman ng oo at hinayaang isuot ko sa kanya ang brilyanteng singsing. Kasado na rin ang mga magulang ko sa kani-kanilang mga karelasyon.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.
Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.
Ritwal ang paninigarilyo para sa manunulat na si Raul. Laging may raket. May kolum sa isang tanyag na pahayagan. Pati sa pipitsuging diyaryong bastos ang mga balita, may espasyo rin. Kulang sa tulog ang mga mata. Dilaw ang mga ngipin sa kayoyosi.
Sinalamin ng sigarilyong mahigpit na nakaipit sa gitna ng mga daliri ang utak niyang tulog. Isinuksok ito sa puwang sa pagitan ng mga labi. Binasa ng laway, ang pagkasabik ng dila. Kinagat para hindi makawala. Pagsindi niya, sumigla ang utak. Isang buga lang, gising na gising na.
May hinabol siyang oras ng pagsusumite ng obituwaryo para sa kamamatay lang na dating pangulo. Nakatatlong sindi na ngunit wala pa ring nasulat sa kompyuter na kaharap kahit bukas na ang isipan at malawak na ang alaala. Bumuga ng usok. Isa pa. Ang sanaysay sana ay naging kuwento.
Bilog sa talaguhitan. Sirkol sa gitna ng grap. Utak ko 'yan na parang gulong na bumababa at umaakyat o mga paang umaatras at humahakbang. Pabilog ang usad. Paikot-ikot. Animo'y sawang nakakagat sa sariling buntot. Hindi na alam ang simula at ang katapusan.
Tawagin mo akong Ishmael. Wala lang. Gusto ko lang gayahin si Melville. Ilang ulit ko nang nabasa ang Moby Dick.
Mama akong may karamdaman. Kay Dostoyevsky ang linyang 'yan. Notes from Underground.
Mahilig akong magbasa at mangolekta ng mga magagandang unang linya sa nobela.
Kapag tapos na sa mga nobela, baka ang mga magagandang pamagat naman ng mga maiikling kuwento.
Kailangan kong gawin ang mga 'yan upang maidlip at makapagpahinga. Pangkalma rin sa sarili at sa kapaligiran. 'Yong kahit ang ingay ng mga sasakyan sa labas ay hindi ko na maririnig.