Ano kaya ang gusto mong itawag ko sa 'yo? Ono, Ofreng o Onofre? Matalik kitang kaibigan pero may mga bagay na hindi pa rin ako sigurado. May duda akong bakla ka. Pero sa ating barangay, ikaw lang yata ang tigang na hindi naambunan.
Magkasabay tayong lumaki sa looban. Kuta ng mga puta at mga sanggano. Iisa ang putikang sawsawan ng ating mga paa. Hindi tayo takot sa mikrobyo. Pareho ang baho ng hanging ating nilanghap. Mula sa pabrika. Mga supling tayo ng usok at alikabok. Hinele ng buwan at niyakap ng hamog.
Tandang-tanda ko pa ang rituwal daw ng ating pagkabinata. Noong tinuli tayo ni Mang Kanor, ang matador sa palengke na kaya raw maghasa ng patalim at maghiwa ng laman nang nakapikit. Humagulhol ka. Pinigilan ko ang paggilid ng mga luha. Nang nagkatinginan tayo, huminto ka sa hiya.
Ang ating pagkabata ay ligalig ng diktadura ngunit pinilit nating pasayahin ang mga sarili. Noong namahagi si Imelda ng Nutribun na limos ng Amerika, natuto tayong mag-itsa. Bago pa amagin ang mga matitigas na tinapay, kaya mo nang maghagis sa ere ng anim. Sirko ang gutom natin.
Noong CSM naman ang pinangmudmod, nagpaligsahan tayo. Palayuan ng pagbuga ng tinustang pulbos ng mais, soya, at gatas. Mahina ang mga baga mo kaya ako ang nanalo. Narating ng aking pag-ihip ang posteng may karatula. Tinakpan ng pulburon ang mukha ng apo nila. Bagong Lipunan daw.
Lumaki tayo sa pagbabasa ng komiks. Pagkagising sa umaga, sa rentahan agad ang punta. Libre ang mga punit-punit na. Hinayaan nating maglayag ang utak. Nangarap na magkaroon din ng kapangyarihan. Namuhi sa mga halimaw. Naawa sa mga inapi. Nagtanong din kung nasaan kaya ang Diyos.
Inilaan natin ang hapon sa pakikinig ng drama sa radyo. Nagsiyesta ang karamihan habang nagpapabigatan tayo ng loob. Inalilang santa. Pinagmalupitang maganda. Sinampal ng madrasta. Hinablot ang buhok. Gumalaw ang mga paa mo. Nais mong manadyak. Nasa mga bulsa ang aking mga kamao.
Pagsapit ng gabi, nasa labas na tayo ng bintana ng kapit-bahay na may telebisyon. Nag-abang ng kinagiliwang serye. Hindi ko na matandaan. Anna Liza o Flor de Luna? Iyak ang singhal mo. Lungkot ang aking pananahimik. Hindi natin inalintana ang pasigaw na pagpapauwi ng mga tanod.
Pareho tayong hinubog upang maging manunulat. Pero ako ang tumangkad para maabot ang pinangarap. Kulang ka sa sustansiya. Maagang nabagot sa pag-aral. Nagsimula sa paghugot ng lisa at pagtiris ng kuto na naging pagsuklay at pagrolyo ng buhok hanggang sa humawak ka na ng gunting.
Parang kamakailan lang ang usapan natin sa ilalim ng puno. 'Yong makopang maramot. Nagkabunga nga ngunit mapakla naman. Wala na ang dambuhalang batong upuan. Ang saksi ng magdamagang pagpapainit natin ng mga pigi. Wala nang malililok para sana sa estatwa mo. Pinagkaitan ka nila.
Binuksan mo sa harap ka ang nakatuping papel. Tumambad ang lumang pahina ng pahayagan. "Tingnan mo, Migs," bulalas mo habang papaupo pa lang tayo at humihingal pa.
"Pambalot 'yan ng de-lata," wika ko. "Nanalo ba sa huweteng ang tatay mo?"
"Basahin mo. May living saint pala."
"Kalokohan 'yan. Patay na ang mga santo."
"Iba si Mother Teresa. Santa siyang humihinga. Nanalo pa nga ng medalya at pera dahil sa kabutihan niya."
Hindi ko inasahang didibdibin mo ang Nobel Peace Prize ng madreng santa. Naging laman ako ng kalye ng mga lumpen. Nagpakabait ka.
Kailangan ko ng pambaon at pangkontribusyon sa eskuwelahan kaya tagabantay at tagasipol ako ng mga mandurukot.
Libre kang nanggupit ng mga palaboy at ulila. Nagpatina sa 'yo ang mga matatandang walang pera. Pinaganda mo pa ang mga babaeng iniwan ng mga asawa kahit walang inabot.
Nang pinalawak mo ang gamit ng gunting, tagagawa ka na ng mga lilang bulaklak sa burol. Nagkakulay ang lamay na kape lang at galyeta ang hinain. Ikaw rin ang mananahi ng mga ikakasal na basbas lang ang kayang bayaran. Dinagdagan mo pa ng mga sampagitang gupit sa altar at pasilyo.
Nakatapos ako ng kolehiyo, nakapagtrabaho at umalis na sa barangay ngunit tuloy pa rin ang ating kumustahan sa telepono. Nag-anyayahan at nagbisitahan. Ikaw pa rin ang tagagupit ko. Dinoble ko na ang bayad kahit inayawan mo. Ang babaw ng bulsa mo ngunit ang lalim ng 'yong ngiti.
Noong tumakbo ka sa pagkakagawad, sumuporta ako dahil karapat-dapat ka. Sa dami ng mga natulungan mo, akala ko panalo na. Inalaska kang tagagupit at tagatahi lang at hindi raw gupitan o tahian ang politika. Binakla ka rin kahit walang pruwebang nanlalake ka o umibig sa kapareha.
Hindi halatang ang Nobel Peace Prize pala ng pangulo ng Amerika ang nag-impluwensiya sa 'yo. Gusto mong magsimula sa ibaba at unti-unting aakyat. Sayang, pinagkaitan ka na naman. Hindi na nga binuksan ang pinto, itinulak ka pa para madapa. Gayunpaman, mabait ka pa rin sa kanila.
Nang naging uso ang paslangan ng mga tulak at adik, kinumbinsi mo ang kapitan na magbigay ng mga hanapbuhay at magpatayo ng rehab. Hindi ka pinakinggan. Hinikayat mo na lang na mag-ensayong maging barbero ang mga tulak at pinayuhan ang mga adik na magbago. May mga nakinig naman.
Tanda ko pa ang asim ng kamiyas sa sinigang na nilapag mo sa hapunang 'yon. Binisita kita upang pagsabihan, "Huwag ka nang makialam sa mga kaguluhan baka ka pag-initian."
Agaran mo namang sinagot, "Migs, kapag ubos na ang mga tulak at tapos na ang mga adik, mga inosente naman."
Napaisip mo ako. Nilunok ko ang karneng baboy nang buo. Natauhan sa sinabi mo. Binaboy pala tayong mga Pilipino. "Dahil hindi ka magpapaawat, paano ako makakatulong sa 'yo?"
Ngumiti ka. Tila namasko ang 'yong mukha. "Dahil mataas na ang posisyon mo, bilhan mo ako ng kompyuter."
"Aanhin mo naman 'yan? Sagabal lang sa parlor mo. Ang dami mo pang mga tahiin."
"Bakante ako sa gabi. Kailangan ko nang pasukin ang extensiyon ng lipunan."
"Lalandi ka, gano'n? Maghahanap ng kasiping."
"Gago, mag-aalsa. Baka may makikinig."
"Sige. Basta huwag kang mang-away."
Binilhan kita. Hindi 'yong mumurahin dahil importante kang kaibigan. 'Yon pala ay nangolekta ka ng mga komputer sa mga kilalang may pera. Gusto mong mag-eksperimento at magtayo ng libreng komputeran para sa mga adik. Pinatunayan mong Ragnarok, DOTA, at ML ang solusyon sa droga.
Isang dosenang adik sa looban ang 'yong naisalba. Wala nang panahong magturok, suminghot o humithit ng shabu dahil may ibang pinagkaabalahan.
Napabilib mo ako. Wala nga namang tagapaslang sa mga adik sa mga laro sa kompyuter. Pinakain mo sila sa tamang oras at pinagmiryenda pa.
Tiningnan ko ang nanalo ng Nobel Peace Prize sa taong 'yon. World Food Programme. Kaya pala nagpakain ka. Wala pang community pantry, namigay ka na ng ayuda. Konti man pero kasya sa isang kainan ng pamilyang gutom at hikahos. Bakit para kang multo? Walang nakakita sa kabaitan mo?
Nang lumaganap ang pandemiya at wala nang nagpagupit o nagpatahi, namigay ka ng mga binote mong disinfectant at tinahing face mask. Binenta mo ang mga kompyuter para may pambili ng kemikal at mga tela. Nauna ka pa sa kakarampot na tulong ng gobyerno. Hindi ka multo. Bulag sila.
Salamat dahil pinahalagahan mo rin pala ako. Walang presyo ang ating ugnayan. Hindi mo binenta ang kompyuter na 'yong hiningi. Noong naubusan ka na ng pang-ayuda, ang makinang matagal mong pinag-ipunan ang 'yong nilako. Hindi mo man lang sinabing nangailangan ka. Ngumiti ka lang.
"Puwede pa akong mag-ambag," sabi ko sa 'yo sa selpon.
"Taghirap ngayon at hindi ako puwedeng mang-abala," wika mong may hiyang tinabunan ng hagikhik.
"May pagkain ka pa?" Pahapyaw ang paaalala ko.
"Meron pa. Dito ka na mananghalian. Ipagluluto kita ng eskabetse." Tumawa ka.
Ilang buwan lang ang lumipas, nagbago ka na naman ng anyo. Kritiko ka na ng pangulong sanggano, mga galamay niyang kurakot, gobyerno niyang palpak, mga pulis at mga sundalong namaslang pa rin kahit may salot at mga tagasuporta nilang nagpakabobo. Pati ang kapitan ay binatikos mo.
Nagtira ka pala para may magamit sa social media. Sikat ka dahil sa anghang ng mga salita. Pinag-initan din dahil tagos ang tama ng komento mo. Kahit hindi ka nakatapos ng haiskul, magaling ka pa ring magsulat. Pinagsamang kuwento sa komiks, drama sa radyo at serye sa telebisyon.
Dahil wala pa akong kaalam-alam at hindi pa nabasa ang talaarawang iniwan mo, hindi ko alam na Nobel Peace Prize na naman pala ang nagkumbinsi sa 'yong tumulad sa Pilipinang mamamahayag na nanalo kasi tumayo siya para labanan ang sinungaling na pamahalaang nagpatahimik sa kanya.
Kaya pala sumigaw-sigaw ka na. Nag-ingay kahit ang 'yong bulong. Pipi na ang mga nakapalibot sa 'yo subalit nanghikayat ka pa ring magsalita sila. Bingi rin pala ang mga pinagitnaan mo. Ginawa mo nang mga larawan ang mga teksto. Dinaanan lang. Mga bulag silang walang mga tungkod.
Tawag ako nang tawag sa 'yo sa araw na 'yon. Inoras-oras ko kahit abala sa trabaho. Gusto kitang kausapin at nang masumpa ang masamang panaginip ko tungkol sa 'yo. 'Yong nakaugalian na natin sa ating pagkabata. Kapag marahas, hindi sapat ang katok sa kahoy o ang bulong sa hangin.
Totoo pala ang panaginip, hindi ang pangarap. Pinatumba ka sa semento, sugatan sa noong may kunot pa at bumulwak ang dugo hanggang sa pumutla ang 'yong mukha at wala nang agos. Pinatay ka sa loob ng tahiang bakante na. Mag-isa ka nang niloob. Walang katok. Hindi sila nag-ingay.
Tambayan din daw ng mga tulak ang 'yong bahay dahil kuta ito ng mga adik na matagal nang nagpakalayo-layo at nagbago. Wala na kasing kompyuteran. Ayaw na nilang magpaimpluwensiya pa at bumalik sa dating gawi. Hindi na sila ligtas sa looban kaya nagsiuwian na sa mga probinsiya.
"Ginawa siyang pang-quota ng mga pulis," duda ng isang mamang hininaan ang boses.
Hinuha naman ng aleng sikretong kinausap ko, "Baka mga sundalo dahil may mga bakas ng mga botas."
Sa paslit ako naniwala. "Nakaparada ang sasakyan ni Kapitan sa di kalayuan. Mga tanod ang karga."
Kinopya mo kasi ang mamamahayag na nanalo ng Nobel Peace Prize. Mag-isa mong binuo ang Rattler. Nagkunwaring grupo siya ng mga tagakalampag, tagabalisa, at tagangakngak sa mga politiko. Lumabas tuloy na lungga ng mga kritiko ang bahay mo. Nahanap ka ng kapitang tatakbong mayor.
Ang panghihinayang ko ay ang hindi ko pagsabi sa 'yo na mga buhay lang ang pinaparangalan ng Nobel. Hindi nagkakamedalya ang mga patay. Ang premyo ay para sa mga humihinga pa. Sinekreto mo kasi sa akin ang mga nag-impluwensiya sa 'yo at ang mga ginawa mong batayan ng kabutihan.
Sana noon ko pa nabasa ang talaarawan mong naglista ng mga nanalo ng Nobel Peace Prize. Ako na lang sana ang nagbigay sa 'yo ng medalya at pera at pangaral na huwag nang maghintay sa pagpansin ng iba o sa pagparangal nila. Huwag nang piliting tanggapin ka o papasukin ka na nila.
Ang tigas kasi ng ulo mo, Ofreng. Adik ka pala sa papremyo. Bakit hindi ka nagladlad at naging byukonera? May korona at setro na at may kapa at sablay pa. Dahil reyna ka, may tropeo rin at meron pang perang nakasobre. Mauulit-ulit pa. World peace lang ang isasagot mo sa Q and A.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
It's intellectual dishonesty if we deny the PPE in 2016 as overpriced, but it has to be contextualized. I will do that by examining high corruption or corruption above (Duterte's PPE) and low corruption or corruption below (Aquino's PPE).
If you ask government suppliers, they will tell you that it is expensive to procure in the Philippines. Perhaps some materials are imported. Another reason is that too many officials demand kickbacks, which force bidders to overprice their goods during the rigged bidding process.
In the corruption below, local suppliers have to curry favor with the people who handle bidding and release funds and those government officials whose jobs are to inspect for registration requirements and monitor business activities and facilities. Even cops demand their shares.
Sa bawat araw na dumating, diving ang kanyang unang event. Dahil kapos sa tangkad, ipinasok ang kalahating katawan sa drum para kumuha ng tubig-ulang sumadsad sa ilalim. Dinahan-dahan upang hindi malabusaw ang naghalong dumi at kalawang.
Ibinuhos ang sinalok sa palanggana. Kapag nangalahati na, ang balde naman. Pagsisid ng mga kamay, bumula ang pulbos na sabong binabad, ang hudyat ng pagkukusot. Tatlong metro ang taas ng binurol na labahin. Sampung metro ang pagitan ng sampayan sa bubong at ng ibabang babagsakan.
Bata pa, sinanay na siya ng ina sa pagkula. Binihasa sa pagpili ng sabon--dapat daw mura, matagal maupos, malaki, at mabisa sa mantsa. Tide ang paborito niya sa mga de-kolor. Perla sa mga puti. Pagbahing ang dulot ng Chlorox sa kanya kaya naghiwa at nagpisil na lang ng kalamansi.
Nabulabog na lang isang umaga ang tahimik na bayan ng San Ildefonso nang biglang naglaho ang matandang residenteng si Mang Caloy, lagpas sisenta, balo, walang mga anak, at wala na ring malapit na kaanak. Sa pagkaalam ng karamihan, wala siyang kaaway o kagalit.
Dahil sa kabaitan kaya siya pinagtiyagaang hanapin ng mga kababayan. May mga gustong bumawi dahil natulungan daw noong sila ay nangailangan. Pinautang. Binigyan ng bigas. Inabuluyan. Pinatuloy sa bahay. Malalawak ang mga sakahan ni Mang Caloy kaya madali sa kanya ang pagtulong.
Meron ding mga nagkusang sumali sa paghahanap dahil mabuting tao ang nawala. Kahit maliit na bagay, walang mapuna. Kung may paligsahan ng kabaitan, sa kanya raw ang pinakamalaking tropeo. Katangi-tangi siya sa bayang wala pang isang libo ang populasyon kaya lahat ay magkakilala.
Hindi ko kayang pigilan ang lakad ng aking mga paa. Kusang humakbang dahil may sinundan. Naitanong ko na rin sa sarili kung ako ang nagdala ng mga paa o ako ang dinala nila. Nanginig ang aking mga kamay. Nangatog ang mga tuhod. Tumaktak ang pawis. Tumulo ang aking laway.
Sa tanda ko, hindi ako ganito noon. Kalaban ko ang paghihintay. Kaaway ko ang pagkabagot. Ayoko 'yong bumuntot. Lalong ayaw ko ang magmanman. Kahit ang mga mata lang ang pagalawin, pagkapagod pa rin ang dulot nito. Ang kasabikang gumapang sa balat ay nagpapagal din ng katawan.
Binaybay niya ang gilid ng daan. Paglilimayon ang bagal ng paglalakad. Kahit saan-saan tumingin. Tila nabigatan ng mga bisig na hindi magaslaw.
Nasa kabilang gilid naman ako ng daan. Nagkunwaring naghanap ng puwedeng bilhin sa bangketa. Sa direksiyon niya ang aking mga sulyap.
Napangitan sa mundo kaya tinusuk-tusok niya ng karayom ang mga mata hanggang sa naglaho ang liwanag. 'Yan lang ang kayang isalaysay ni Ernie sa mga nagtanong kung paano siya nabulag. Walang pagsisisi. Hindi galit kaninuman. Napatawad na ang mundo.
Kapag hiningan ng detalye, nanahimik siya. Ang barungbarong pa lang sa iskwater na gawa sa basura--mula sa upos na gulong na pampabigat sa pinagtagpi-tagping yerong bubong hanggang sa tabla at trapal na sahig na sumadsad sa putikang kulay ng tae at abo--ay mahabang paglalahad na.
Tuwing kinulit, napilitan at nagkuwento, "Noong nagbinata ako ang aking pagkabulag. Nagising na lang isang araw at muhing-muhi sa mga kulay ng lusak at dumi. Napangitan ako sa dagang lumobo ang tiyan at lumutang. Ayoko na sa mga grasa, usok, at alikabok. Nagtampo ako sa liwanag."