SAGIPIN ANG MGA MATA NI BUBOY

Napangitan sa mundo kaya tinusuk-tusok niya ng karayom ang mga mata hanggang sa naglaho ang liwanag. 'Yan lang ang kayang isalaysay ni Ernie sa mga nagtanong kung paano siya nabulag. Walang pagsisisi. Hindi galit kaninuman. Napatawad na ang mundo.
Kapag hiningan ng detalye, nanahimik siya. Ang barungbarong pa lang sa iskwater na gawa sa basura--mula sa upos na gulong na pampabigat sa pinagtagpi-tagping yerong bubong hanggang sa tabla at trapal na sahig na sumadsad sa putikang kulay ng tae at abo--ay mahabang paglalahad na.
Tuwing kinulit, napilitan at nagkuwento, "Noong nagbinata ako ang aking pagkabulag. Nagising na lang isang araw at muhing-muhi sa mga kulay ng lusak at dumi. Napangitan ako sa dagang lumobo ang tiyan at lumutang. Ayoko na sa mga grasa, usok, at alikabok. Nagtampo ako sa liwanag."
Walang pagsising ipinabatid ang mukha niyang nangapa ng mga hugis at mga kulay. "Kung hindi ko binulag ang sarili, baka mas malala pa ako sa tambay," saad niya sa reporter na nagbayad para ibalita ang kanyang kuwento. "Baka naging isnatser ako o manloloob o tulak o manggagantso."
Para kay Ernie, biyaya ang pagkabulag. Dahil sa kapansanan kaya siya nasa Tahanan ng Liwanag na kung saan inaruga ang mga kagaya niya. Binihisan, pinakain at tinuruan ng husay na pagkakakitaan. "Kung hindi ako inahon mula sa lusak, siguro tinusok ko na ang mga butas ng ilong ko."
Sa tahanan ng mga bulag siya natutong magtugtog ng gitara. Tinuruan ng paring dayuhan. "Tanda ko pa kung paano nagkakalyo ang mga dulo ng aking mga daliri sa kaliwa. Namaga sa kaiipit ng mga kuwerdas. Namula dahil paulit-ulit hanggang nagkasugat. Nang naghilom, naging mga kalyo."
Pinili ang musika dahil din sa kanyang pinagmulan. Maingay nga naman sa iskwater. Ang mga usap-usapan pa lang ng mga tsismosa ay nabingi na si Ernie. May mga halinghing pa ng mga nabagot sa buhay kaya ginawang libangan ang kantutan. Meron pang mga batang gutom na iyak nang iyak.
Ang pinakaayaw niya ay ang pagdadabog ng ina dahil wala na namang perang inabot ang amang naglibot sa mga parke at nangaral ng Bibliya nang walang bayad. Wala ring limos. Tinakpan niya rin ang mga tenga kapag nagbanggit na ang ama ng Diyos para tumahimik ang inang mura nang mura.
Nandiyan pa ang ateng tindera sa mall na araw-araw nang-insulto. Mga palamunin daw. Mga patay-gutom. Mga hindi nagbanat ng buto. Hindi rin nagpatalo ang baklang kuyang mananahi sa pabrika. Nagtiis daw na hindi manlalake para sa pamilya. Isinanla ang ligaya dahil may dapat unahin.
Kaya noong unang nakapa ang gitara, niyakap niya. Kasinghigpit ng muling pagkikita. Parang makatang muling natagpuan ang mga salita. "Noong bata pa ako, gumawa ako ng munting gitara gamit ang lata ng sardinas. 'Yong mahaba ang pagkabilog at pandak. Naylong pangisda ang kuwerdas."
Sa Tahanan ng Liwanag natagpuan ni Ernie si Mila na mahusay sa pagmamasahe ng mga kamay at paa. Konektado raw ang mga ugat nito sa laman-loob ng tao. Napagaling na niya ang mga may sakit sa puso, baga, atay at bato. Kaya niya ring linisin ang tiyan at bituka. Mariing masahe lang.
Lumabas na sa pahayagan ang kuwento ng buhay ni Mila. Pangkabuhayan ng May Kapansanan. Laking-iskwater siya pero mas angat ang buhay ng kanyang pamilya kumpara sa pamilya ni Ernie. Kita naman sa dating bahay nilang bato, bakal at salamin. Katas raw ng Kuwait noong OFW pa ang ama.
Nagsimula silang maghirap noong pinauwi ang ama niyang tagatiktik ng kalawang sa paayusan ng mga lumang barko. Sakitin na raw at hindi na kayang magbuhat ng mga bakal. Ang masaklap, walang ipon. Sugarol naman kasi ang asawa. Kuto sa saklaan. Adik sa pusoy. Magdamagan sa majongan.
"Naging lasenggo si Tatay dahil mga problema ang inuwian sa bansa," sabi ni Mila sa nag-interbyu. "Hindi lang palawaldas ng pera si Nanay. May sinustentuhang adik pa. Tumanggap kami ng labada ni Ate para may pagkain sa mesa. Hindi ako sigurado kung saan naghukay ng pera si Kuya."
Naumay siguro sa bango ng sabong pangkula at nabagot sa hapdi ng nalapnos na balat kaya nakipagtanan ang ate niya at hindi na muling nagpakita sa pamilya. "Hindi na sapat ang paglalaba ko nang mag-isa. Kinausap ako ni Kuya. Puwede na raw ako dahil disesais na. Bugaw pala siya."
Noong parating na ang gabing hihilain siya papunta sa dilim para pagkakitaan ng kuya, nakaisip siya ng solusyon. "Biglang nag-iba ang tunog ng radyo. Nautal. Umang-ang. Nabulol. Umat-at. Wala nang mga bateriya. Naudlot ang pinakinggan kong drama habang naglalaba sa hapong 'yon."
Hinila niya ang pantakip sa likod ng radyo at hinulbot ang mga nakahilerang bateriyang hindi na gumana. Kumuha ng isa at inamoy. Kumbinsido siyang may asido ito sa loob dahil pinaggamot minsan ng kuyang nagkabuni sa binti. Kumuha siya ng sundang at tinagpas ang bateriya sa gitna.
Nagdalawang-isip si Mila noon habang hawak-hawak ang wasak na bateriya subalit nakapagdesisyon din sa huli. "Ayokong dilaan at lunukin ang mga basang bagay na nagsilabasan. Gusto ko pang mabuhay. Nagpasya akong inudnod na lang sa aking mga matang pinilit kong manatiling bukas."
Tiniis ang hapdi ng ngatngat ng asido at ang sakit ng pagkasunog ng mga mata. Inayawan niya ang dilim na kung saan siya sisitsitan, kikilatisin at prepresyuhan ng mga lalakeng naghanap ng tapunan ng libog ngunit dilim naman ang naging resulta ng kanyang solusyon. Siya ang kumapa.
Imbes na isubasta ng kuya sa dilim, dinala si Mila sa tahanan ng mga bulag. Gusto sanang mamalimos na lang siya pero tutol ang inang may konti pang kunsensiyang nalabi. Walang pakialam ang ama basta may serbesa. "Ang pagbulag ko sa aking sarili ay paglaya. Hindi ko pinagsisihan."
Pasko noon at may palatuntunan at handaan sa tahanan nang parehong kinapa nina Ernie at Mila ang iisang silya hanggang sa nagkahawakan. 'Yon ang simula. Madali lang ang ligawan ng mga bulag. Kapaan ng mga mukha. Palagiang pag-uusap. Kung handa na, yapos para damhin ang pagtibok.
Nasa alaala pa rin ni Ernie ang punong acacia at ang mahanging hapon. "Niyaya ko siyang magpalipas ng araw sa ilalim ng puno. Sumama naman kahit hindi namin kita ang paglubog ng araw. Lumiko ang aming kuwentuhan sa pagbuo ng pamilya, pagbukod, paghanap ng tahanan at pagtrabaho."
Parang kahapon lang ang tagpong 'yon kay Mila. "Walang lumuhod. Walang singsing. Nagkaintindihan lang. Nagsumpaang magkahawak kamay kaming kakapain ang mga daanan. Iisa ang tungkod. Walang iwanan. Walang mauuna o mahuhuli sa pagbagtas man o sa pagtawid. Sumang-ayon ang mga labi."
Binasbasan sila ng dayuhang pari sa Tahanan ng Liwanag. Binigyan ng pera para sa pagkain at tatlong buwang renta habang naghahanap sila ng trabaho. Sa pambabaeng spa nakapasok si Mila. Sa kainang may tugtugan naman si Ernie. Wala pang isang taon, nagkaroon sila ng anak, si Buboy.
Napalaki ng mga mapagmahal na magulang si Buboy sa matiwasay na tahanan. Hindi man marangya pero maginhawa. Binihisan siya. Hindi mamahalin pero kinumpleto siya. Pinakain din ng tama. Hindi hinalilihan ng tubig ang gatas at hindi rin pinag-ulam ng kape. Kumayod ang mga magulang.
Pati nga mga laruan ay hindi ipinagkait ng mga magulang sa anak. May yaya pa. Bulag din pero nakakita pa nang konti ang isang mata. Sa kanya iniwan ang bata. Malapit ang loob niya sa yaya kaya noong nahawaan ang huli at sa ospital na namatay, iba na ang tingin ni Buboy sa mundo.
Limang taong gulang pa lang, naranasan na ang matinding dalamhati. Lalong umigting ang kalungkutan ni Buboy noong nawalan ng trabaho ang mga magulang dahil nagsara ang spa at ang kainan. Kalat na kasi ang pandemiya. Isang beses na lang sa isang araw ang kain kapag walang ayuda.
Nagmungkahi si Ernie sa asawa, "Magdala ka ng mga bangkito. Habang nagmamasahe ka ng mga paa at kamay, magtutugtug ako ng gitara sa gilid ng daan."

May naisipan si Mila na agad sinabi sa bana. "Maglatag ka ng ibinaliktad na sombrero. Lagyan ng bato sa loob para hindi palirin."
Pinaghandaan nila ang bagong pagkakakitaan habang bawal pa lumabas. Gumawa ng langis si Mila mula sa niyog na pinabango ng mga dinikdik na bulaklak. Pinalitan naman ni Ernie ang mga kuwerdas na kinalawang na o agaw-aw na ang tunog. Inaral na rin kung saang kalye sila pupuwesto.
Nang pinayagan na ang mga tao lumabas ng bahay, tinunton na ng mag-asawa ang puwesto. Si Buboy ang kanilang mga mata. Sa kaliwang balikat nakahawak ang ama at sa kanang kamay naman ang ina. "Nay, nasa Jollibee na tayo. Maraming tao. Tay, ilagay mo na sa semento ang mga bangkito."
Nasulyap ni Buboy ang guwardiyang nakaupo sa bakanteng mesa sa labas ng tindahan ng mga damit. Dinampot niya ang karton at pangmarka at tinungo ang mamang nakaasul. "Sir, tulong naman. Sulatan mo ng 'Masahe ng mga kamay o mga paa, singkuwenta pesos. Otsenta pesos kung lahat'."
Isinandal ni Buboy ang karatula sa sementong poste. Tinulungan ang ama sa pag-aayos ng mga bangkito. Inalalayan rin papunta sa hindi maaraw para doon maggitara. "Nay, dito ka sa tabi ni Tatay. Ilabas na ang tuwalya. Dito ang bote ng langis. Sisipol ako basta marumi ang mga paa."
Walang nagpamasahe sa ina. Wala ring naglaglag ng barya sa sombrero kahit tinugtog nang paulit-ulit ng ama ang "Pusong Bato". Buti pa ang guwardiya dahil dinalhan sila ng tubig at pagkain. "Dito muna tayo, Tay. Wala rin naman tayong gagawin sa bahay. Sa gilid mo ang tubig, Nay."
Sa paglilibot ni Buboy sa mga kalye malapit sa puwesto ng mga magulang, nakakita siya ng mamang bumulagta pagkatapos daanan ng mga nakamotor, aleng binugbog ng pulis dahil hindi nagmaskara, mga batang nangalkal ng mga basurahan, at mga pulubing pinaalis ng mga tao baka makahawa.
Agad siyang bumalik sa mga magulang. Inisa-isa ang mga maskara kung maayos ba ang pagsuot. Pati ang mga plastik na panangga ay inayos din. Lumapit siya sa salaming harapan ng tindahan. Inayos ang mga proteksiyon sa mukha. Umupo siya sa bangkito at nagwika, "Ang pangit ng mundo."
Hindi nakapagsalita. Nagkunwari na lang sila na hindi nila narinig ang binulalas ng anak.

Kinuha ni Buboy ang bote. Inikot ang takip. Isinawsaw ang hintuturo sa loob. Pinahiran niya ang mga mata ng langis.

Naamoy ng ina, "Ano 'yan, Buboy?"

"Konti lang sa mga mata para lumabo."
Tila nagdalawang-isip din ang mga labi ng ama na bukas-sara pero nakapagpalabas din ng mga salita. "Kung didilim ang paningin mo, sino ang aakay sa amin pabalik sa bahay?"

Ibinaliktad ni Buboy ang metal na takip. Nilaro-laro ng daliri ang talim. "Puwede pala siyang pangkudkod."
"Huwag mong gawin kung may balak ka, anak," wika ng inang kinapa ang kinaroonan ni Buboy. "Huwag mo kaming gayahin ng tatay mo. Hindi kinaya ang pagtitiis."

"Paglaya nga mula sa pangit na mundo ang pagkabulag," sabi ng ama, "ngunit habambuhay na pagkakulong naman ito sa dilim."
Isinauli ni Buboy ang takip sa bote ng langis. Isinara. Mahigpit. Tumayo siya at dinampot ang bote ng tubig. Hinugasan ang mga mata. Luminaw ang lumabo. "Tayo na, Tay. Tutulungan kitang magligpit, Nay. Sa kabilang kalye tayo bukas. Mas matao. Mga kamay na lang ang mamasahein mo."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

18 Jul
ISTOKER

Hindi ko kayang pigilan ang lakad ng aking mga paa. Kusang humakbang dahil may sinundan. Naitanong ko na rin sa sarili kung ako ang nagdala ng mga paa o ako ang dinala nila. Nanginig ang aking mga kamay. Nangatog ang mga tuhod. Tumaktak ang pawis. Tumulo ang aking laway.
Sa tanda ko, hindi ako ganito noon. Kalaban ko ang paghihintay. Kaaway ko ang pagkabagot. Ayoko 'yong bumuntot. Lalong ayaw ko ang magmanman. Kahit ang mga mata lang ang pagalawin, pagkapagod pa rin ang dulot nito. Ang kasabikang gumapang sa balat ay nagpapagal din ng katawan.
Binaybay niya ang gilid ng daan. Paglilimayon ang bagal ng paglalakad. Kahit saan-saan tumingin. Tila nabigatan ng mga bisig na hindi magaslaw.

Nasa kabilang gilid naman ako ng daan. Nagkunwaring naghanap ng puwedeng bilhin sa bangketa. Sa direksiyon niya ang aking mga sulyap.
Read 35 tweets
15 Jul
KUNG BAKIT AKO PINAPULISAN

Maninilip daw ako. 'Yan ang kinalat sa buong kapitbahayan. Tuwing dumaan ako sa mga bahay-bahay, bigla na lang kumalabog ang mga bintana. Kapag may sinulyap ang mga mata ko, tumitig sila. Kung tumitig ako, nagsialisan. Nanghubad daw ang aking tingin.
May mga sandaling ako na lang ang nahiya at tumalikod. Kahit wala silang sinabi, basang-basa ko ang pagpigil ng mga ngusong sumigaw ng manyak, jakolero o sira-ulo. Ipinagdasal pa ng iba na magkakuliti ako, mapuwing o mabulag. Buti na lang, kahit sore eyes ay hindi ko naranasan.
Nagsimula ang lahat noong may bagong-kasal na lumipat sa bahay na kaharap ng aking nirentahang tirahan na may balkonaheng tambayan ko tuwing nanigarilyo. Mahangin kasi. Inatipan pa ng tolda kaya hindi ako nabilad sa araw o nahamugan sa gabi. Nasanay na ang aking utak sa puwesto.
Read 42 tweets
14 Jul
ANG PLUTISTA

Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.

"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."

"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."

Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Read 38 tweets
11 Jul
SA ILALIM NG PUTING ILAW

Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".

Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"

Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"
Read 35 tweets
9 Jul
EPITAPO NG PAGKABATA

Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Read 35 tweets
8 Jul
SILIPAN

o

Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!

Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Read 47 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(