SINO ANG SALARIN?

Nabulabog na lang isang umaga ang tahimik na bayan ng San Ildefonso nang biglang naglaho ang matandang residenteng si Mang Caloy, lagpas sisenta, balo, walang mga anak, at wala na ring malapit na kaanak. Sa pagkaalam ng karamihan, wala siyang kaaway o kagalit.
Dahil sa kabaitan kaya siya pinagtiyagaang hanapin ng mga kababayan. May mga gustong bumawi dahil natulungan daw noong sila ay nangailangan. Pinautang. Binigyan ng bigas. Inabuluyan. Pinatuloy sa bahay. Malalawak ang mga sakahan ni Mang Caloy kaya madali sa kanya ang pagtulong.
Meron ding mga nagkusang sumali sa paghahanap dahil mabuting tao ang nawala. Kahit maliit na bagay, walang mapuna. Kung may paligsahan ng kabaitan, sa kanya raw ang pinakamalaking tropeo. Katangi-tangi siya sa bayang wala pang isang libo ang populasyon kaya lahat ay magkakilala.
Ang ipinagtaka ng mga nag-imbestiga ay ang ayos ng mga bagay sa loob ng bahay ni Mang Caloy. Nakatupi ang makapal na kumot na ipinatong sa unang maayos ang pagkalagay sa kamang ang sapin ay walang gusot. Sa paanan, tuwid ang pagkalatag ng tsinelas na parang naghintay ng mga paa.
Maging sa salas, walang nakitang agiw o alikabok. Animo'y kawawalis at kabubunot lang ng sahig. Kung may dumi sa kahoy na dingding, mantsa ng paglipas ng panahon. Ganoon din sa silid-kainan at sa kusina. Walang kakaiba o magulong tagpong puwedeng paghinalaan. Pati rin sa banyo.
"Chief, pitaka niya," sabi ng isang nakaasul na pulis habang ipinapakita ang natagpuan niya sa ilalim ng kama.

"Magkano ang laman?" wika ng hepeng nangati ang mga kamay.

"Hindi ko pa nabilang."

"Bilangin mo."

Binilang ng nakakita. "Limang libo at may singkuwenta at biyente."
"Ilan kayo?" Nagbilang ang mga mata ng hepe. "Tatlo."

"Apat, chief. Nasa labas si Johnny. Ginagalugad ang bodega."

"Tig-isang libo tayo. Huwag nang galawin ang sitenta."

"Itong relo? Mumurahin. May selpon din?

"Mga ebidensiya na 'yan." Nakangising lumabas ng bahay ang hepe.
Kalabisan ang pagsasanto ng mga kababayan kay Mang Caloy. Sa katunayan, ang laman ng mumurahing telepono ay ang mga tawagan at palitan ng mga mensahe nila ni Kristine, ang nag-iisang puta sa San Ildefonso na tanyag sa ganda ng mukha at sa hubog ng katawan. Suki niya ang naglaho.
Noong naghingalo ang asawa, nangako si Mang Caloy na hindi siya maghahanap ng babae para iharap sa dambana kaya naging palagiang kustomer siya ni Kristine. Kumatok lang kasi, nagbayad, naghubad, nagparaos, naghugas, nagbihis, at umalis. Nakasanayan na niya ang walang pamamaalam.
Hinalughog ng mga pulis ang bahay ng babae na bagong gawa--katas daw ng pagpuputa. Ginamit ang selpon bilang pruweba kaya nakakuha agad ng pahintulot mula sa huwes. Maliban sa pera at mga goma, may bakas ng dugo na nakita sa dingding. Dinala si Kristine sa estasyon para tanungin.
"Ayon sa huling palitan niyo ng text, papunta siya sa 'yo," simula ng imbestigador. "Ikaw ang huling kasama ng biktima."

"Hindi natuloy. 'Yan ang huling tawag niya. Hindi raw dumating ang pinabiling Viagra." Pinigilan ng babae ang panginginig ng mga kamay na magkapatong sa mesa.
"Sino ang inutusang bumili?"

"Si Otik."

"Sino siya?"

"Ang katiwala ni Carlos sa mga sakahan niya."

"Carlos pala ang tawag mo sa kanya."

"'Yon ang gusto eh."

"Ilang beses sa isang linggo kayo nagkita?"

"Hindi po pare-pareho. Isa. Dalawa. Minsan araw-araw sa isang linggo."
"Samakatuwid, malaki ang kinita mo sa kanya, gano'n ba?"

"Hindi ko siya pinilit."

"Hindi 'yan ang tanong."

"Oo, galante si Carlos. Nagbigay siya kahit wala kaming ginawa kundi nag-usap lang."

"Ano ang pinag-usapan niyo?"

"'Yong asawa niyang namatay. Ang kalungkutan niya."
Nagsindi ng sigarilyo ang imbestigador at inabot sa babae ang bukas na pakete. "Ikaw?"

Humugot siya ng isa at pinasindihan. 'Salamat."

"Ilang taon ka na?"

"Magbebente singko sa Marso."

"Ang bata mo pa para masangkot sa ganitong gulo."

"Wala po akong kinalaman sa nangyari."
"Tatapatin na kita. Bakit may bakas ng dugo kaming nakita? Hindi maayos na pinunasan."

"Sa dingding?"

"Oo, sa kaliwang gilid ng kama."

Ininudnod ni Kristine sa abonera ang sigarilyong hindi pa nakalahati. "Dalaw ko 'yon."

"Sa dingding?"

"Kamay po ni Abdul ang nakita niyo."
"'Yong may-ari ng mga ukayan?"

"Oo."

"Huwag kang gumawa ng kuwento."

"Nagsasabi ako ng totoo. Kahit tanungin niyo siya.
'Yon ang hilig niya. Dinoble pa nga niya ang bayad dahil masakit ang katawan ko tuwing may dalaw.

"Ginawang pahiran ang dingding?"

"Baka nahawakan lang."
Ayon sa mga kaibigan ni Otik, masama ang loob niya sa amo. Nagpabili ng motorsiklo dahil pagod na sa paglilibot sa sakahan nang nakapaa ngunit hinindian. Mamanhikan na rin daw sana pero hindi pinaunahan ng sahod kaya hindi natuloy. Hiniwalayan na lang ng nobyang nakahanap ng iba.
Unang pinuntahan ng mga pulis si Otik sa isa sa mga sakahan ni Mang Caloy. Nadatnan siyang nakaupo sa kawayang hagdan at nakatitig sa alapaap. Gumalaw-galaw ang mga labi ngunit walang tunog. Ngumisi. Ngumiti. Tumawa. Tumahimik. Hindi mawari kung nagdrama o talagang nagdalamhati.
"Inutusan ka ba ni Mang Caloy na bumili ng Viagra?" tanong agad ng pulis na nagmadali dahil pupunta pa sa sabungan.

"Oo," sagot ni Otik na nasa malayo pa rin ang tingin. "Pero ubos na raw. Ayaw ng mga hindi natin katulad na dadami ang mga tao."

"Sagutin mo nga ako nang maayos."
"Kung tungkol sa pagkawala ng matanda ang pakay niyo, hindi niyo na siya matatagpuan."

"Bakit mo nasabi 'yan? May alam ka ba sa nangyari?"

"Minanmanan siya ng mga hindi natin katulad. May kakaibang sasakyan sa himpapawid. Parang baliktad na platito. 'Yan ang imbestigahan niyo."
Sinalugsog ang buong dampa ni Otik. Walang nakita. Naghanap din ng bagong bungkal na lupa sa mga sakahan. Wala ring natagpuan. Bukod sa patpatin ang kanyang katawan, sinto-sinto na rin daw kaya pinabayaan na lang ng nag-imbestiga kahit may koleksiyon siya ng mga iba't ibang itak.
Binisita ng hepe si Abdul sa ukayan para tanungin tungkol sa kinuwento ni Kristine. "Totoo ba ang sinabi niya?"

Nahiya siya sa mga kustomer kaya humingi ng pabor. "Chief, puwede ba doon tayo sa may puno ng mangga mag-usap?"

Pumayag naman ang hepe. "Basta magsasabi ka ng totoo."
Pagdating sa lilim, nagmonologo na si Abdul, "Malaki ang kasalanan ko sa aking nag-iisang Diyos dahil nalinlang ako. Ang inakala kong baka ay baboy pala. Hanggang sa nasanay na ako sa pagkain ng baboy at marumi na ang tingin ko sa sarili. Kaya nga pati ang negosyo ko ay marumi."
"Sagutin mo ang tanong ko." Pinigilan ng hepe ang kanyang pagsigaw.

"'Yan ang punto kung bakit pati sa panandaliang ligaya, marumi ang nakasanayan ko."

"Uulitin ko, totoo ba ang sinabi ni Kristine?"

"Oo, chief. Dugo niya at kamay ko."

"'Yan lang naman ang gusto kong malaman."
"Puwede niyong ipa-DNA para sigurado. Para hindi niyo na ako isangkot sa pangyayari."

"Gastos lang 'yan."

Kahit matagal nang usap-usapan sa bayan na dating terorista raw si Abdul na dayo at marami na ang nakidnap at napaslang, winakasan ng mga pulis ang pag-iimbestiga sa kanya.
May sinabi si Abdul na nagbigay ng ibang linya ng impormasyon sa mga pulis. Ang nanlinlang sa kanya.

Isa sa mga pinaghinalaan ng mga kaibigan ni Mang Caloy ay ang mag-asawang sina Berto at Elsa na tanyag sa dambuhalang laki nila at sa hindi pagpapautang sa kanilang karinderiya.
"Mataas ang presyo ng baboy sa nagdaang buwan," bungad ng pulis na kaharap ng mag-asawa sa mesa sa loob ng kainan. "Bakit hindi niyo tinaasan ang presyo ng giniling? Lalo pa nga raw sumarap kahit nagmahal din ang mga sangkap. Kayo lang 'yata ang karinderiyang hindi naapektuhan."
"Alam ko na ang puntirya ng tanong mo," wika ni Berto na pumula ang mukha. "Hinala 'yan ng mga hindi namin pinautang."

Sumabat si Elsa, "Bakit kami magkakatay ng tao kung may babuyan kamiu at manukan? Ang kura-paruko nga ay sa amin kumuha ng baboy tuwing may piging sa kumbento."
Matagal nang bakante ang babuyan ng mag-asawa simula noong kumalat ang sakit na kumitil ng daan-daang baboy sa bayan.

Para masigurado, kinausap ng mga pulis ang paring pinangakuhan daw ni Mang Caloy na sa simbahan mapupunta ang kanyang mga sakahan kung may mangyayari sa kanya.
"Sila ang kusang nagbigay ng baboy sa akin," sabi ng pari sa mga nag-imbestiga. Noon pa 'yon. Bago nagsitaasan ang mga bilihin."

"Bakit ka naman binigyan kung kailangan nila ang baboy sa karinderiya?" usisa ng isang pulis.

"Nagbayad ng kanilang kasalanan."

"Anong kasalanan?"
"Bago pa ipinanganak ang bunso nilang lalake, nagpalaglag si Elsa. Babae kasi at lima na ang anak nila na puro babae. Nakunsensiya. Kaya kahit ano na lang ang dinala sa kumbento." Umubo ang paring wala pang singkuwenta at halatang palaehersisyo dahil sa mga masel sa katawan niya.
Nagsidatingan ang ibang mga pulis na naglibot sa buong kumbento at naghanap ng ebidensiya pati sa loob ng simbahan.

"Bakit may kasesemento lang sa likod ng altar?" wika ng isa pang pulis. "May binaon ba sa loob?"

"Doon nilagay ang baul," sabi ng paring nagulantang sa narinig.
"Ano ang laman?"

"Mga lumang damit ng mga santo. Mga basag na mukha ng mga rebulto. Mga inanay na katawang kahoy. Tanungin niyo si Atong. Siya ang nagsemento."

"'Yong masong nakatira sa may sementeryo?"

"Oo. Nakita niya ang mga ibinaon dahil hindi maaring itapon sa basurahan."
Dumeretso ang mga pulis sa kilalang tagalaglag ng laman sa sinapupunan, si Aling Pusit, ipinaglihi raw sa tinta kaya ganyan ang pangalan.

Kasing-itim ng balat ang budhi. Noon 'yon. Nagbalik-loob na raw siya. Iniwan na ang pagpapainom ng pinagnilagaan ng mga gamot sa mga buntis.
"Paglalabada na ang hanapbuhay ko ngayon," saad niya. "Sa katunayan, ako ang labandera ni Caloy. Ako pa nga ang nagsabi sa kapitan na hindi siya umalis ng bayan dahil ang mga damit niya ay nasa loob pa rin ng aparador. Ako ang nag-ayos at nagtupi. Pati nga ang mga salawal niya."
Tanyag din si Aling Pusit sa paggawa ng lason pero binalewala ng mga pulis dahil may mga nagsabing mabait sa kanya si Mang Caloy na nagbigay ng pagkakakitaan para magbagong-buhay na siya. Dumeretso ang mga pulis sa may sementeryo para tanungin si Atong tungkol sa sinabi ng pari.
Nadatnan ng mga pulis si Atong sa kanyang kusina na naglaslas ng leeg ng manok. Gumalaw-galaw pa ang mga paa nang iniwan niya ito sa hugasan para kausapin ang mga nakaunipormeng dumalaw sa bahay niya. "Oo, totoo ang sinabi ni Father. Ako nga ang nagsemento para takpan ang hukay."
Biglang may sumugod na pulis papasok sa bahay. "Bok, may nakita kami sa likod." Nagsilabasan silang lahat para puntahan ang natagpuan.

Sumunod si Atong bitbit ang manok na hindi na kumislot. Tila naglakad din palabas ang dugong tumulo sa sahig. Binagal ang paghakbang ng nginig.
"Ano 'to?" usisa ng lider ng grupo. "Bawal 'to."

"Kakambal ko, sir," mahinahong sagot ni Atong. Halatang nahiyang baka hindi siya paniwalaan.

"Anong kambal?"

"Bigla na lang lumitaw noong ipinanganak ako."

"May permit ba ito?"

"Wala, sir. Sekreto kasi."

"Bakit nanghihina?"
"May sakit kasi ako, sir. Kung may sakit siya, nanghihina rin ako. Ewan ba kung bakit gano'n."

Umisod ang ulo ng dambuhalang sawa papunta sa isa pang pulis na inatake nang kaba dahil hindi pa nakakita ng ahas na ang lapad ay bewang ng sanggol at ang haba ay tatlong tangkad niya.
Sa sobrang sindak, hindi niya napigilan ang hintuturong kusang kinalabit ang gatilyong malamig. Alaala raw ng masel kapag nasa peligro. Tinamaan sa ulo ang sawa.

Nangisay din si Atong pagkatapos matumba. Nauntog ang noo sa batong pagtataguan sana para hindi tamaan ng bala.
"Damn it!" mura ng lider sa kasama. "Bakit mo binaril? DENR na sana ang bahala diyan."

Sinabayan ni Atong ang tuluyang pananahimik ng sinabi niyang kakambal. Hawak-hawak pa rin ang manok na hindi nailawit sa bunganga ng sawang matagal nang hindi nakatikim ng karne kaya nanghina.
Naubusan na ang mga pulis ng puwedeng imbestigahan. Minanmanan nga rin ng hepe ang mga kasama kung sila ang pumaslang subalit walang tokhang na pinatupad ang estasyon. Matagal nang nagsilayasan ang mga tulak at nagparehab ang mga adik--noong bago pa umupo ang berdugong pangulo.
Walang bisyo rin si Mang Caloy. Si Kristine nga ay ilang beses pinagmumog bago siya nakipaghalikan. Kung ayaw sa lasa ng sigarilyo, sa maasidong shabu pa kaya?

Hindi rin pandemiya ang salarin. Wala pang naitalang nagpositibo sa bayan nang nangyari ang biglang paglaho ng matanda.
Sa loob ng opisina, tinitigan ng hepe ang mga papeles, ang resulta ng imbestigasyon. Kinulit na siya ng alkalde dahil papalapit na ang eleksiyon at hindi niya alam kung ano ang puwedeng gawin. Ginabi na sa pag-iisip. Nabagot na sa kababasa. Nanood na lang ng balita sa telebisyon.
"Isang grupo ng pulis na nakasakay sa puting van ang nabisto kaninang hapon nang pinalibutan ng mga tao sa bayan ng Santa Ines. Nandukot diumano ang grupo ng mga matatanda sa kanayunan para makumpleto ang quota at mabigyan ng bonus at promosyon." Ngumiti ang babaeng tagabalita.
Kumuha ng bolpen ang hepe at dumeretso sa dulo. "Case closed." Binalikan din ang blangkong pahina, ang konklusyon ng kaso. "Carlos Dimalanta went to the nearby city to procure Viagra using a fake prescription. Cops questioned him, but he refused to cooperate. He resisted arrest."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

18 Jul
ISTOKER

Hindi ko kayang pigilan ang lakad ng aking mga paa. Kusang humakbang dahil may sinundan. Naitanong ko na rin sa sarili kung ako ang nagdala ng mga paa o ako ang dinala nila. Nanginig ang aking mga kamay. Nangatog ang mga tuhod. Tumaktak ang pawis. Tumulo ang aking laway.
Sa tanda ko, hindi ako ganito noon. Kalaban ko ang paghihintay. Kaaway ko ang pagkabagot. Ayoko 'yong bumuntot. Lalong ayaw ko ang magmanman. Kahit ang mga mata lang ang pagalawin, pagkapagod pa rin ang dulot nito. Ang kasabikang gumapang sa balat ay nagpapagal din ng katawan.
Binaybay niya ang gilid ng daan. Paglilimayon ang bagal ng paglalakad. Kahit saan-saan tumingin. Tila nabigatan ng mga bisig na hindi magaslaw.

Nasa kabilang gilid naman ako ng daan. Nagkunwaring naghanap ng puwedeng bilhin sa bangketa. Sa direksiyon niya ang aking mga sulyap.
Read 35 tweets
17 Jul
SAGIPIN ANG MGA MATA NI BUBOY

Napangitan sa mundo kaya tinusuk-tusok niya ng karayom ang mga mata hanggang sa naglaho ang liwanag. 'Yan lang ang kayang isalaysay ni Ernie sa mga nagtanong kung paano siya nabulag. Walang pagsisisi. Hindi galit kaninuman. Napatawad na ang mundo.
Kapag hiningan ng detalye, nanahimik siya. Ang barungbarong pa lang sa iskwater na gawa sa basura--mula sa upos na gulong na pampabigat sa pinagtagpi-tagping yerong bubong hanggang sa tabla at trapal na sahig na sumadsad sa putikang kulay ng tae at abo--ay mahabang paglalahad na.
Tuwing kinulit, napilitan at nagkuwento, "Noong nagbinata ako ang aking pagkabulag. Nagising na lang isang araw at muhing-muhi sa mga kulay ng lusak at dumi. Napangitan ako sa dagang lumobo ang tiyan at lumutang. Ayoko na sa mga grasa, usok, at alikabok. Nagtampo ako sa liwanag."
Read 40 tweets
15 Jul
KUNG BAKIT AKO PINAPULISAN

Maninilip daw ako. 'Yan ang kinalat sa buong kapitbahayan. Tuwing dumaan ako sa mga bahay-bahay, bigla na lang kumalabog ang mga bintana. Kapag may sinulyap ang mga mata ko, tumitig sila. Kung tumitig ako, nagsialisan. Nanghubad daw ang aking tingin.
May mga sandaling ako na lang ang nahiya at tumalikod. Kahit wala silang sinabi, basang-basa ko ang pagpigil ng mga ngusong sumigaw ng manyak, jakolero o sira-ulo. Ipinagdasal pa ng iba na magkakuliti ako, mapuwing o mabulag. Buti na lang, kahit sore eyes ay hindi ko naranasan.
Nagsimula ang lahat noong may bagong-kasal na lumipat sa bahay na kaharap ng aking nirentahang tirahan na may balkonaheng tambayan ko tuwing nanigarilyo. Mahangin kasi. Inatipan pa ng tolda kaya hindi ako nabilad sa araw o nahamugan sa gabi. Nasanay na ang aking utak sa puwesto.
Read 42 tweets
14 Jul
ANG PLUTISTA

Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.

"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."

"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."

Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Read 38 tweets
11 Jul
SA ILALIM NG PUTING ILAW

Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".

Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"

Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"
Read 35 tweets
9 Jul
EPITAPO NG PAGKABATA

Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Read 35 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(