ISTOKER

Hindi ko kayang pigilan ang lakad ng aking mga paa. Kusang humakbang dahil may sinundan. Naitanong ko na rin sa sarili kung ako ang nagdala ng mga paa o ako ang dinala nila. Nanginig ang aking mga kamay. Nangatog ang mga tuhod. Tumaktak ang pawis. Tumulo ang aking laway.
Sa tanda ko, hindi ako ganito noon. Kalaban ko ang paghihintay. Kaaway ko ang pagkabagot. Ayoko 'yong bumuntot. Lalong ayaw ko ang magmanman. Kahit ang mga mata lang ang pagalawin, pagkapagod pa rin ang dulot nito. Ang kasabikang gumapang sa balat ay nagpapagal din ng katawan.
Binaybay niya ang gilid ng daan. Paglilimayon ang bagal ng paglalakad. Kahit saan-saan tumingin. Tila nabigatan ng mga bisig na hindi magaslaw.

Nasa kabilang gilid naman ako ng daan. Nagkunwaring naghanap ng puwedeng bilhin sa bangketa. Sa direksiyon niya ang aking mga sulyap.
Hindi ako nagtiyaga ng ganito kahit noong una akong nagkanobya ng maganda sa elementarya. Nagpalipad lang ako ng tinuping eroplano at tinantiya na sa upuan ni Analyn bumagsak. Inunat niya ang pinalipad ko at nabasa ang nakasulat sa gitna--"Tara, maghalo-halo tayo. Ililibre kita."
Kinusot niya ang eroplano hanggang sa naging bola. Pabato itong itinapon sa basurahan. Pasok. Tatlong puntos. Nagpakita rin siya ng gilas.

Hindi na nasundan ng bangkang papel. Hindi ako desperado. Walang makulit sa mga buto ko. Walang halo-halong nangyari kahit may hitsura ako.
Limot ko na agad si Analyn. Kay Althea na ako nakatingin. Maganda rin, porselana ang balat, mahaba ang buhok, at hubog na ang katawan. Magkaribal sila sa mga medalya.

Tinablan siguro ng selos kaya sinuksukan niya ng mensahe ang aking backpack na bukas--"Ang dali mong sumuko."
Hinanap ko si Analyn at kinausap. "Gusto mo rin pala ako. Bakit nagpakipot ka pa?

"Sorry, hindi ako easy." Itinabig niya ang hibla ng buhok na dumampi sa kanang pisngi.

'Yon na ang simula ng ligawan. Madali lang naman ang pusok ng mga bata. Bulaklak, sulat, tsokolate, at halik.
Huminto ang aking sinundan. Tumingin sa kanan at sa kaliwa. Dunkin' o Mcdo? Tamis ang pinili ng kanyang dila.

Habang nasa loob siya at nagmemeryenda, nakaupo ako sa gilid ng kongkretong halamanan. Nilibang ang sarili sa pag-iisip--"Kung walang butas sa gitna, donut pa rin kaya?"
Inalala ko ang mga leksiyon namin sa geometric topology--continuous functions, homeomorphisms at manifolds. Ang donut ay puwedeng maging tasa o ang baka ay puwedeng maging bola. Continuous deformation. I-Google niyo na lang. Nasa Wikipedia rin. Hindi ko gawa-gawa. Math major ako.
Hindi sa nagyayabang, may talino rin naman ako. Hindi nga lang kasintalino ng kuya ko. Physics ang natapos niya. Biniliban ang kanyang thesis ng mga propesor na sa labas ng bansa nagpakadalubhasa. Estudyante pa siya, pinangakuhan nang kunin ng kanyang departamento para magturo.
Lumabas na siya. Hawak-hawak ang basong plastik na may lamang inumin. Busog. Mas binagalan pa ang paglalakad. Tinamad. Sugar at carbs ba naman.

Tumayo na rin ako para sundan siya. Kinalkula ko ang aming pagitan. Dapat hindi lagpas sa isang daang talampakan para kita ko pa rin.
Hindi ako palakalkula ng aking mga hakbang noon. Kahit sa panliligaw. Nakatatlo nga ako sa haiskul nang walang pagpupursigi. Si Trisha ang unang nagpakita ng motibo. Liberal kasi. 'Yong siya ang hahalik at kung nagustuhan niya ang lasa ng bibig, uulitin. Nagpasalamat din naman.
Pero ako ang naumay sa mga kagat sa aking mga labi. "Hey, slow down," sabi ko noong naghalikan kami.

"I want it rough." Nagmakaawa ang mga mata niya.

Nagkagatan kami. Ibinigay ko ang gusto. Garapalan. Ang ipinagtaka ko ay kung bakit hanggang halikan lang. Hiniwalayan ko siya.
Si Nestine din ang nanligaw sa akin. Nagkunwaring hindi naintindihan ang aralin sa Statistics kaya pinapunta ako sa bahay nila. Vital stats niya ang aking nadatnan. Naka-shorts at tube top lang. Walang bra. Hindi ko rin nakita ang bakat ng panty. Naging kami dahil sa Probability.
"Look," sabi ko, "akala ko kunwari lang 'yong pagpapatulong mo sa Stats. Bakit hindi ka na nag-aaral at kinokopya mo na lang ang mga assignment ko."

"Hindi ba 'yan ang gawain dapat ng boyfriend?" balik niyang may ngisi.

"Utak ko lang pala ang gusto mo kaya kahit halik wala."
"Strict nga kasi sina Mommy at Daddy."

Strikto pala ang mga magulang kaya hiniwalayan ko. Laging basa na ang aking salawal habang natutulog sa gabi. Wala akong panahon sa bahay-bahayan. Hindi puwede sa akin ang pagtitiyaga dahil mahal. Ang bata ko pa, maniniwala na sa pag-ibig?
Sa tatlo, pinakakakaiba si Julia. Probinsiyana. Morena. Mas mahinhin pa sa aking lola. 'Yong hindi niya kayang hipan ang isang dosenang maliliit na kandila sa birthday cake kaya dapat tulungan siya. Siya rin ang unang lumapit sa akin. Tila inahin na lumapit sa sawa. Naging kami.
Inimbitahan niya ako. Pista raw sa kanila. May mga higanteng ipaparada. Merong iba't ibang mga pagkain sa mahabang mesa. Sumama ako dahil iba ang gusto kong kainin.

Binusog naman. Kung gaano siya kahinhin, ganoon siya kalibog. Dinala ako sa batis. Kami lang. Dapit-hapon 'yon.
Siya ang unang naghubad. Paanyaya at pagpapaubaya ang ngiti. "Maghubad ka na. Nasa bulsa ng saya ang goma."

Nabigla ako at napatanong, "Sex agad? Hindi pa nga tayo naghahalikan."

"Doon din ang punta ng halikang 'yan. Pagsasayang lang na panahon. Sige na, huwag ka nang mahiya."
Ako pa na walang hiya? Kinana ko siya sa batuhan. Tatlong condom ang dala niya at nagamit lahat. Siya ang tipo kong babae. Madonna. Birhen sa harap ng mga tao. Palasubo ng mikropono kung kami lang. Kaya lang nagkahiwalay ang aming landas dahil ibang pamantasan ang pinasukan niya.
Lumiko siya pagdating sa kanto. Nakatingin sa kanya ang mga taong tumawid. Binigyan siya ng espasyo. Pinadaan nang walang balakid.

Nakabuntot pa rin ako. Nagbilang ng sampu bago lumihis. Huminto muna. Nagpahinga sa lilim ng makopang kayumanggi na ang mga dahon dahil sa alikabok.
Sinungaling ako kung hindi ko ikuwento si Luna. Luningning siya sa mga kasamang aktibista. Sa lahat ng mga babaeng natipuhan ko, siya ang pinakamaganda, pinakaseksi, pinakamabait, at painakamatalino. Patay na patay ako sa kanya. Kaya lang mas ginusto ang protesta kaysa relasyon.
Dahil nahulog ang loob ko, kinaya ang paghihintay. Binasa ko pa nga si Karl Marx para maintindihan ko ang ideyolohiya niya. Pati ang mga tula ni Mao ay pinagtiyagaan ko. Buti na lang may pansalin ang Google. Kailangang magpabilib para sagutin. Ilang buwan na rin ang paghihintay.
Siya 'yong gusto kong makasama kahit hindi kikibo o iimik. Kahit walang pagtatalik, hindi ako aangal. Kahit bawal pa ang halikan sa kanya, hindi ako magproprotesta. Sapat na sa akin na katabi ko siya. Dinig ko ang paghinga. Amoy ko ang kanyang bango. Kita ko ang pagngiti niya.
Namundok din. Iniwanan lang ako ng pangako. "Kung tapos na ang pag-aalsa, bababa ako at hahanapin kita."

"Baka hindi mo na ako matagpuan dahil nahanap na ng iba." Baduy pero umiyak ako. Iniyakan ko siya. Maraming beses. Paulit-ulit. 'Yon pala ang pagluluksa kahit walang patay.
Buong buwan akong nawalan ng ganang kumain. Ganoon pala ang umibig nang hindi sinuklian. Wasak at walang bubuo. Madilim at walang liwanag sa dulo.

Buti na lang nandiyan ang kuya ko na palaging nakasubaybay sa akin. Ginampanan ang kanyang tungkulin. Dinala ako sa bahay-aliwan.
"Babae lang 'yan," payo niya. Henyo ang aking kapatid pero malibog. Matagal nang iniwasan ang pagkakaroon ng nobya. Nanakawan lang daw siya ng panahong dapat igugol sa mga teoriya niya. Malawak daw ang Theory of Everything. String. Relativity. Quantum mechanics. Particle physics.
Dahil pinapili, itinuro ko ang aking natipuhan. "Siya. 'Yong nasa gitna. Kamukha ni Luna."

"Nandiyan ka na naman. Luna nang Luna. Ikuwarto mo siya. Lunurin mo ang 'yong lungkot sa ligaya."

Nailang ako dahil hindi sanay magbayad pero natukso rin ang karupukan. "Salamat, Kuya."
Kahit saan, ginabayan ako ng aking kapatid. Pati nga sa kantutan. Naging adik ako sa mga pokpok. Hindi na naniwala sa pag-ibig. Nasanay na ako sa pagdaan, pagsitsit, at pagbuntot. Laro ang paglaho at paglitaw at pagtago at paghanap. Presyo ang titigan. Pagsang-ayon ang pagtango.
Narating na ng aking sinundan ang gustong puntahan. Parke. Berdeng-berde. Masukal na gubat ang nasa likod. Pasyalan ang nasa harapan. Walang katao-tao. Pinili niya ang sementong upuang nakakubli sa likod ng mga puno. Nagpahangin muna. Nagpahinga bago dukutin ang mga nasa bulsa.
Nilagpasan ko siya at tinungo ang sukal ng gubat. Nagtago sa mga halaman. Ibinaba ko ang backpack sa aking likod. Binuksan ang siper.

Malapit siya sa akin kaya kita ko ang paglagay niya ng shabu sa kristal na pipa. Dinig ko rin ang tunog ng pagsindi. Pati ang kanyang paghigop.
Kinuha ko ang baril sa loob ng bag. Ikinabit ang pantahimik. Pinag-isipan kung saan dapat ang tama. Noo o dibdib? Sa dibdib ang pinili ko para sigurado. Huminga ako nang malalim. Hindi na ako bumuga ng hangin. Pinilit ang sarili na huwag gumalaw. Nakapuntirya na ang aking hawak.
Pagkalabit ng gatilyo, bang! Nabuwal. Nahulog sa upuan. Bumulagta. Hihithit pa sana pero pinigilan ng bala. Bumulwak ang dugo. Pula sa asul na uniporme.

Binagtas ko palabas ang lusutan sa gubat. Tinapon ang baril sa putikang tinubuan ng mga pako. Paglabas ko, malapit na sa Mcdo.
Malamig sa loob. Big Mac ang inorder ko at pineapple juice. Bago ang unang kagat, hindi dasal ang lumabas sa bulong ko kundi ang pangungulila ko sa kapatid. "Kuya, tinapos ko na ang teoriya. Napagkamalan ka. Tinira para masama sa quota. Huwag ka nang mag-alala. Nagsaliksik ako."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

17 Jul
SAGIPIN ANG MGA MATA NI BUBOY

Napangitan sa mundo kaya tinusuk-tusok niya ng karayom ang mga mata hanggang sa naglaho ang liwanag. 'Yan lang ang kayang isalaysay ni Ernie sa mga nagtanong kung paano siya nabulag. Walang pagsisisi. Hindi galit kaninuman. Napatawad na ang mundo.
Kapag hiningan ng detalye, nanahimik siya. Ang barungbarong pa lang sa iskwater na gawa sa basura--mula sa upos na gulong na pampabigat sa pinagtagpi-tagping yerong bubong hanggang sa tabla at trapal na sahig na sumadsad sa putikang kulay ng tae at abo--ay mahabang paglalahad na.
Tuwing kinulit, napilitan at nagkuwento, "Noong nagbinata ako ang aking pagkabulag. Nagising na lang isang araw at muhing-muhi sa mga kulay ng lusak at dumi. Napangitan ako sa dagang lumobo ang tiyan at lumutang. Ayoko na sa mga grasa, usok, at alikabok. Nagtampo ako sa liwanag."
Read 40 tweets
15 Jul
KUNG BAKIT AKO PINAPULISAN

Maninilip daw ako. 'Yan ang kinalat sa buong kapitbahayan. Tuwing dumaan ako sa mga bahay-bahay, bigla na lang kumalabog ang mga bintana. Kapag may sinulyap ang mga mata ko, tumitig sila. Kung tumitig ako, nagsialisan. Nanghubad daw ang aking tingin.
May mga sandaling ako na lang ang nahiya at tumalikod. Kahit wala silang sinabi, basang-basa ko ang pagpigil ng mga ngusong sumigaw ng manyak, jakolero o sira-ulo. Ipinagdasal pa ng iba na magkakuliti ako, mapuwing o mabulag. Buti na lang, kahit sore eyes ay hindi ko naranasan.
Nagsimula ang lahat noong may bagong-kasal na lumipat sa bahay na kaharap ng aking nirentahang tirahan na may balkonaheng tambayan ko tuwing nanigarilyo. Mahangin kasi. Inatipan pa ng tolda kaya hindi ako nabilad sa araw o nahamugan sa gabi. Nasanay na ang aking utak sa puwesto.
Read 42 tweets
14 Jul
ANG PLUTISTA

Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.

"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."

"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."

Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Read 38 tweets
11 Jul
SA ILALIM NG PUTING ILAW

Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".

Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"

Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"
Read 35 tweets
9 Jul
EPITAPO NG PAGKABATA

Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Read 35 tweets
8 Jul
SILIPAN

o

Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!

Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Read 47 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(