Sa bawat araw na dumating, diving ang kanyang unang event. Dahil kapos sa tangkad, ipinasok ang kalahating katawan sa drum para kumuha ng tubig-ulang sumadsad sa ilalim. Dinahan-dahan upang hindi malabusaw ang naghalong dumi at kalawang.
Ibinuhos ang sinalok sa palanggana. Kapag nangalahati na, ang balde naman. Pagsisid ng mga kamay, bumula ang pulbos na sabong binabad, ang hudyat ng pagkukusot. Tatlong metro ang taas ng binurol na labahin. Sampung metro ang pagitan ng sampayan sa bubong at ng ibabang babagsakan.
Bata pa, sinanay na siya ng ina sa pagkula. Binihasa sa pagpili ng sabon--dapat daw mura, matagal maupos, malaki, at mabisa sa mantsa. Tide ang paborito niya sa mga de-kolor. Perla sa mga puti. Pagbahing ang dulot ng Chlorox sa kanya kaya naghiwa at nagpisil na lang ng kalamansi.
Sa batis siya unang nagsanay noong hindi pa ito tinuto ng illegal logging. Pag-usad ng panahon, lumipat siya sa lawang hindi pa nilason at initim ng masangsang na agos mula sa minahan. Nang nagkadibdib at nagkabalakang, ilog na ang babaran. Doon na siya unang niregla--sa batuhan.
Kapag pinagod na ng mga labahin, umakyat siya sa puno ng niyog. Humigop muna ng hangin bago tumalon. Mga magkadikit na kamay ang nauna. Tila punyal na bumutas sa tubig para lusutan. Ang mga paa ang huling naglaho. Para siyang nilamon ng lalim. Kay sarap daw ng sisid ng kabataan.
Nakita siya minsan ng kanyang guro. "Gusto mong sumali sa diving team?"
Tumango si Amelia. "Hindi ako marunong, sir."
"Kaya nga papasalihin ka para turuan."
"May bayad?"
"Hindi ka magbabayad at walang pa-allowance ang eskuwelahan. Pero hindi ka na papasok sa MAPEH."
"Sige."
Hindi natupad ang sinang-ayunan ni Amelia. Tuwing Sabado kasi ang pag-eensayo. Hindi puwedeng iwanang mag-isa ang ina sa ilog. Bukod sa hikain, lagi ring hinimatay. Nanuno raw sa punso. Pero ayon sa iba, lubhang nagdalamhati sa maagang pagpanaw ng asawang palakalakal sa tambakan.
Sa tambakan ng mga basura lumaki ang mga braso ni Amelia noong bata pa. Katulong siya ng amang tibihin sa paghahalukay ng mga bakal at sa pagbubuhat papunta sa timbangan ng Intsik na kulang ng ilang kudlit. Nagpaubaya na lang ang mag-ama dahil tindahan niya ang kanilang utangan.
May mga sandaling naghangad siya ng kapatid sa gitna ng mga tunaw na plastik at sunog na papel. Kaso nagpatali na ang ina noong may pabuyang kasama ang tubal ligation. Para doble ang maibulsa, nagpa-vasectomy rin ang ama sa kabilang barangay. Usok ng karbon ang inasam ni Amelia.
Marahil 'yan ang dahilan kung bakit walong sanggol ang niluwal niya. Magkasunud-sunod. Do-re-mi sa laki at tangkad. Nagkalaman din naman kahit inaraw-araw sa Pancit Canton ang mga bata dahil sinahugan ng saluyot na tumubo sa tabi-tabi, kangkong sa kanal, at hininging malunggay.
Sa simula, tatlo ang pinagkasunduan nila ng asawang janitor sa City Hall. Pero naging libangan na nila ang kantutan. Napakadali kasi. Hindi gaya ng pamamasyal na pahirapan sa pagbitbit ng mga anak. Libre pa. Parang nanood lang ng TV. Dumami nga ang mga palamunin bago nagpatali.
Buti na lang tatlong taong gulang na ang bunso. Hindi na maselan ang pag-aalaga. Wala na ang maya-mayang pag-iyak. Pero sanay pa rin sa pagpapakarga. Masakit na nga ang likod sa paglalaba, dinagdagan pa ng anak na nagpabuhat sa ina. Laro din ni Amelia ang weightlifting sa buhay.
"Nay, buhatin mo rin ako," selos ng sinundan ng bunso.
"Malaki ka na." Tinulak ng ina.
"Bakit siya lagi?"
"Bunso siya."
"Hindi naman malaki ang agwat namin."
"Musmos pa siya, anak." Nagmakaawa ang mukha ng ina.
"Hindi mo ako anak!" maktol ng apat na taong gulang sa sulok.
*tinuyo ng illegal logging
Tuwing nangyari ang ganyang pagmamaktol, lumapit ang ina para patahanin ang sumpong ng anak. Kung nagdabog pa rin, nakiusap at nagpaliwanag. Kapag naging palahaw ang hikbi at nagkunwaring hindi makahinga ang anak, napilitan na ang inang kargahin ang batang padamulag na sa bigat.
Nang kumalat ang balitang nakasungkit ng medalyang ginto ang babaeng kaprobinsiya niya sa pagbubuhat ng barbel at ang mga gantimpalang mula sa pamahalaan at sa mga kompaniyang nagpatalbugan, lubos ang panghihinayang ni Amelia. "May ginto pala sa pagbubuhat. Bahay, kotse at pera."
Naalala niya ang amang nagturo sa kanya kung saan banda dapat humawak sa barilyang bakal para balanse ang bigat. Sumagi rin sa isipan ang Intsik na gusto siyang kuning kargador sa bodega ngunit inataki siya ng kaba dahil sa malagkit na titig ng singkit na sinabayan ng paglalaway.
Naalimpungatan si Amelia nang gising. Kailangan pala niyang mag-igib ng tubig para panluto at panghugas ng mga pinggan. Biyak na ang isa sa tatlong batong lutuan kaya kailangang palitan. Uusugin pa ang drum na puno ng tubig-ulan dahil pinamahayan ang katabing damuhan ng ulupong.
Hindi siya puwedeng umasa sa asawang hirap huminga. Wala pang isang linggo simula noong nakalabas sa ospital. Nahawaan ng covid. Duda ni Amelia, baka sa inuman o sa saklaan nadale. Buti na lang mabait ang mayor ng Pasig. Libre na nga ang gamutan, binigyan pa ang pamilya ng pera.
Ang totoo, tamad naman talaga ang asawa niya at halos lahat ng mga bisyong inembento ng demonyo ay nasa kanya. Kakambal na nga ng kahirapan, ipinaglihi pa sa pagwawaldas. Kahit mga barya na ang natira sa bulsa, isinabay pa sa pusta ng iba. Galit yata sa pera kaya ayaw mag-ipon.
Bukod sa lasenggong palautos, nambugbog pa kung hindi na mainit ang sabaw o tutong na lang ang naiwan. Isa rin ang boxing sa mga sport ni Amelia. Nakipagsuntukan na siya sa asawa. Natuto nang lumaban. Ubos na ang pasensiya. Hindi na kasi kinaya ang baho ng sukang inasim ng alak.
Siya lang yata ang may-bahay na nanalanging may mga pulis na kakatok sa kanilang pinto. Naisipan nga minsan na magdurog ng tawas at laglagan ang asawang singaw ng bituka ang hinilik kaso takot baka madamay ang mga anak. Tinuruan na lang ang mga kamay kung paano maging mga kamao.
Kapag nagkapasa, naalala ang inang pinalu-palo siya dahil hindi pa bawas ang gabundok na labahin o nahalatang iminadali kaya nakangisi pa rin ang mantsa. Tuwing nagkabukol, ang pangaral naman ng ama ang binalikan, "Magpakalakas ka dahil wala kang lalakeng kapataid na dedepensa."
Kahit noong panganay pa lang ang anak nila at nasa probinsiya pa nakatira ay nakitaan na ni Amelia ng karahasan ang ugali ng asawa. Ilang beses siyang lumayas para magtago sa bahay ng ina. Nakasanayan na nga ang pagiging runner, ang pagtakbo nang nakapaa habang yapos ang sanggol.
Pagkatapos atakehin sa puso ang ina na ayon sa iba ay namatay dahil sa gutom, sa Pasig naman tumakbo si Amelia dala ang panganay na anak.
Ang tumakbo ay nagpahabol din. Natunton siya ng asawa sa pabahay ng tiyahing sakiting matandang dalaga. Doon na sila nagpalobo ng pamilya.
Kahit noong nagsunuran na ang panganganak, tumakbo pa rin siya sa mga kapitbahay para magpatulong kapag sabik nang manakit ang mga kamay ng asawa. Pati nga ang City Hall ay tinakbo niya upang magsumbong dahil hindi na nakinig ang kapitang lasenggo at palabugbog din pala ng asawa.
Sa katunayan, nagkatrabaho ang asawa ni Amelia sa City Hall bilang janitor dahil pinatawag siya ng batang mayor para pangaralan siya tungkol sa domestic violence. "May problema ka ba?"
"Mayor, marami," sagot ng nagsising asawa.
"May trabaho ka?
"Wala, mayor. Laging minalas."
"Kaya pala. Ang dami mong panahon sa bahay. Ginawa mong libangan ang pambubugbog. Pumunta ka sa Human Resources. Mag-apply ka at nang mapalayo ka sa asawa mo kahit walong oras lang sa isang araw."
"Salamat po, mayor." Kahit may trabaho na, nanakit pa rin pero hindi na gaya dati.
Ilang beses na ring naisipan ni Amelia na tumakbo at maglaho, talikuran ang pamilya, at mamasukang kasambahay upang mahirap matunton ngunit parang may pumigil sa mga hakbang. Kagaya noong estudyante pa siya at gustong tumakbo sa 100 meters kaso hiniya ng nakatsinelas na mga paa.
Sa bawat pagtakbo niya mula sa asawa, laging sa kama ang tuloy. Itinulak. Hinatak. Tumagilid. Gumapang. Pumaibabaw siya. Dinaganan din. Yumakap na parang tuko. Nagpayapos na tila sakal. Matindi. Mabigat. Mahigpit. Masakit. Wrestling, ang panghuling galing ni Amelia sa palakasan.
May rason ang walang habas na pagpapakana niya--upang makatipid dahil hindi na maghanap sa kalye at magbayad ang asawa. Wala na siyang pakialam sa sarap. Habang nilalabatiba, ang uulamin o sasaingin ang nasa isipan niya. Sinabayan pa ng dasal na sana buo pa ang suweldo ng asawa.
Pagpapahupa rin ng karahasan ang kanyang pakikipagbuno sa ibabaw ng higaang mukhang kulang na ang mga turnilyo dahil sa paiirit na ingay. Nawala ang sungit at huminahon ang topak ng asawa kapag nakakantot. Animo'y nilubus-lubos na ang kanyang karahasan sa hubad na pakikipaglaro.
Sanay na si Amelia sa pakikipagbuno sa buhay. Noon pa man sa probinsiya, nakipagyakapan na sa pawis, nakipagpilipit sa labada, nakipagniig sa kinalawang na bigat, at nakipaghilahan sa sampayan. May mas masahol pa sa baho ng libog--patay na daga o bangkay na naagnas sa tambakan.
Katatapos niya lang maglaba at kabebenta ng drum na may butas na sa puwet. Luto na ang kanin. Lumapot na ang sabaw ng okrang sinahugan ng sardinas. Nakaupo na ang walong anak sa hapag ayon sa kanilang mga edad. Humingal-hingal ang asawa sa kuwarto na naghaplos sa sarili ng Vicks.
Habang naghahain ng pagkain, hindi mapigilan ni Amelia na mangarap. Sa loob-loob niya, "Ikaw na babaeng panganay na malaki ang katawan, mangibang-bansa ka. Mamasukan sa dayuhan. Ikaw na pangalawa, gamitin ang 'yong angking ganda. Magpakabit ka sa mapera o mag-asawa ng mayaman."
Sinandukan niya ang paboritong musmos pa pero bakla na dahil katulong niya sa paglalaba, katuwang sa kusina at karamay kapang binugbog siya. "Hindi ka lalayo sa akin, anak. Ginto ang 'yong mga kamay. Nagiging pera ang kahit anong hawakan mo. Suklay, gunting, pangulot, kahit ano."
Inisa-isa ni Amelia ang mga mukha ng limang lalakeng anak. "Mag-eensayo ka sa diving. Akma ang mga braso mo sa weightlifting. Magiging boksingero ka. Runner ka dahil ang bilis mo kapag inutusang bumili sa tindahan. Wrestling ang nararapat, bunso, dahil ang higpit ng 'yong yakap."
Nang nagsikainan na ang mga anak, ang asawa naman ang inasikaso. Dinalhan ng pananghalian sa kuwarto. Dalangin ang bawat hinakbang. "Sana hindi ka na mananakit. Sana titigilan mo na ang mga bisyo. Sana wala ka nang sapat na hininga para babuyin ako. Sana magiging maayos na tayo."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Nabulabog na lang isang umaga ang tahimik na bayan ng San Ildefonso nang biglang naglaho ang matandang residenteng si Mang Caloy, lagpas sisenta, balo, walang mga anak, at wala na ring malapit na kaanak. Sa pagkaalam ng karamihan, wala siyang kaaway o kagalit.
Dahil sa kabaitan kaya siya pinagtiyagaang hanapin ng mga kababayan. May mga gustong bumawi dahil natulungan daw noong sila ay nangailangan. Pinautang. Binigyan ng bigas. Inabuluyan. Pinatuloy sa bahay. Malalawak ang mga sakahan ni Mang Caloy kaya madali sa kanya ang pagtulong.
Meron ding mga nagkusang sumali sa paghahanap dahil mabuting tao ang nawala. Kahit maliit na bagay, walang mapuna. Kung may paligsahan ng kabaitan, sa kanya raw ang pinakamalaking tropeo. Katangi-tangi siya sa bayang wala pang isang libo ang populasyon kaya lahat ay magkakilala.
Hindi ko kayang pigilan ang lakad ng aking mga paa. Kusang humakbang dahil may sinundan. Naitanong ko na rin sa sarili kung ako ang nagdala ng mga paa o ako ang dinala nila. Nanginig ang aking mga kamay. Nangatog ang mga tuhod. Tumaktak ang pawis. Tumulo ang aking laway.
Sa tanda ko, hindi ako ganito noon. Kalaban ko ang paghihintay. Kaaway ko ang pagkabagot. Ayoko 'yong bumuntot. Lalong ayaw ko ang magmanman. Kahit ang mga mata lang ang pagalawin, pagkapagod pa rin ang dulot nito. Ang kasabikang gumapang sa balat ay nagpapagal din ng katawan.
Binaybay niya ang gilid ng daan. Paglilimayon ang bagal ng paglalakad. Kahit saan-saan tumingin. Tila nabigatan ng mga bisig na hindi magaslaw.
Nasa kabilang gilid naman ako ng daan. Nagkunwaring naghanap ng puwedeng bilhin sa bangketa. Sa direksiyon niya ang aking mga sulyap.
Napangitan sa mundo kaya tinusuk-tusok niya ng karayom ang mga mata hanggang sa naglaho ang liwanag. 'Yan lang ang kayang isalaysay ni Ernie sa mga nagtanong kung paano siya nabulag. Walang pagsisisi. Hindi galit kaninuman. Napatawad na ang mundo.
Kapag hiningan ng detalye, nanahimik siya. Ang barungbarong pa lang sa iskwater na gawa sa basura--mula sa upos na gulong na pampabigat sa pinagtagpi-tagping yerong bubong hanggang sa tabla at trapal na sahig na sumadsad sa putikang kulay ng tae at abo--ay mahabang paglalahad na.
Tuwing kinulit, napilitan at nagkuwento, "Noong nagbinata ako ang aking pagkabulag. Nagising na lang isang araw at muhing-muhi sa mga kulay ng lusak at dumi. Napangitan ako sa dagang lumobo ang tiyan at lumutang. Ayoko na sa mga grasa, usok, at alikabok. Nagtampo ako sa liwanag."
Maninilip daw ako. 'Yan ang kinalat sa buong kapitbahayan. Tuwing dumaan ako sa mga bahay-bahay, bigla na lang kumalabog ang mga bintana. Kapag may sinulyap ang mga mata ko, tumitig sila. Kung tumitig ako, nagsialisan. Nanghubad daw ang aking tingin.
May mga sandaling ako na lang ang nahiya at tumalikod. Kahit wala silang sinabi, basang-basa ko ang pagpigil ng mga ngusong sumigaw ng manyak, jakolero o sira-ulo. Ipinagdasal pa ng iba na magkakuliti ako, mapuwing o mabulag. Buti na lang, kahit sore eyes ay hindi ko naranasan.
Nagsimula ang lahat noong may bagong-kasal na lumipat sa bahay na kaharap ng aking nirentahang tirahan na may balkonaheng tambayan ko tuwing nanigarilyo. Mahangin kasi. Inatipan pa ng tolda kaya hindi ako nabilad sa araw o nahamugan sa gabi. Nasanay na ang aking utak sa puwesto.
Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.
"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."
"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."
Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".
Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"
Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"