Animo'y tsismis ako noon na pinagpasa-pasahan ng mga bunganga. Magaling na image consultant daw. Napasikat ko nga raw ang aktor na tibihin at walang mga ngipin. Pinilahan sa takilya. Pinalibutan ng mga tagahanga. Nakipaghalikan pa kay Kris.
Pati ang aktres at singer na mahaba ang baba bago nagparetoke at tunog-manok noong palakanta pa ay sumikat din. Kusa ko ang pagkakaroon ng pangalan ng pangit na rapper. Hindi naging sagabal ang mga sungki-sungki niyang ngipin o ang mukhang hitik sa panga. Ginto ang tanso sa akin.
Lalo silang bumilib noong napabango ko ang mga mababahong politiko kahit bulok, malansa at anghitin ang mga imahe. Ginawa kong mga santo ang mga demonyo. Ang mga kawatan ay naging maawain at mapagbigay. Dahil din sa akin, kinaawan at kinampihan ang mga bobo at niluklok sa Senado.
Ang obra ko talaga ay ang pandak na ginawa kong higante. Gusto niyang ipatanggal ang nunal sa pisngi. Ako ang umayaw. Nakakatakot kasi ang kapangitan kaya dapat hayaang manakot siya. Kung may matatakot sa pagmumukha niya, kapangyarihan 'yan. Mukha pa lang, agimat na sa politika.
Nagmakaawa na nga siya sa telebisyon, tinanggap ang pagnanakaw ng mga boto, at humingi ng tawad, sinaluduhan pa ng mga mamamayang nakalimot na sa mga pangungurakot niya para may panlagay sa mga tauhan. Hindi mapatawarin at malimutin ang mga Pilipino kundi mga tanga at utu-uto.
2014 noong kinausap ako ng alalay ng mayor. Tila suki siya ng dentista. Ako ang nagpayo sa kanya na huwag tumawa kapag may kamera at katabi niya ang amo. Baka madamay pa ang tinabihan. Lalabas na tamad rin dahil hindi siya napagsabihan na magsipilyo palagi kahit gaano pa kaabala.
Sa isang kainan ng mga Intsik nangyari ang aming pagkikita. Ako lang yata ang mukhang Pilipino. Kahit siya ay parang taga-Beijing din. Kahit ano raw ang gusto kong kainin ay lulutuin ay ihahain. Libre. May pabalot pa. Malayo pa ang eleksiyon, gumasta na ang mga kasosyong singkit.
"May dapat bang gawin sa mukha ni Mayor?" unang tanong ng alalay sa akin. Kukuha ba ng mahusay na doktor para pakinisin o paputiin?
"Walang problema sa kanyang mukha. Sayang lang ang ibabayad sa plastic surgeon."
"Puting Perla na nga ang pinapagamit ng asawa. Makakatulong daw."
"Kahit Ajax pa o Tide, walang problema. Buti nga 'yan para lalong lalaki ang mga butas-butas sa mukha." Hindi ko sinabayan ng ngisi baka hindi ako seseryosohin.
"Bakit marami ang nagpayo na pagwapuhin daw muna si Mayor bago isalang sa national politics. Pan-local daw ang mukha."
"Hindi pagwapuhan ang politika. Ang importante ay may kakaibang mukha. Hindi gaya. Walang gawa . Kanyang-kanya. Totoong-totoo. Authenticity ang tawag niyan na may kinalaman sa individuality. Ang dating sa madla ay honesty kahit sinungaling pa siya at originality kahit palakopya."
Wala pang mga pickup artist o seduction community sa Pilipinas, may mga paraan na ako kung paano mapagusto ang babaeng maganda at maalindog. Dahil bisexual ako o doble-kara o silahis, pati ang guwapo at maskuladong lalake ay madali kong napaglaruan. Kahit sino ay buffet sa akin.
Kahit ang mga matatalino o mayayaman ay hindi hamon sa akin. Kung may mas madali pa sa pagkain ng mani o pagsubo ng kendi, sila 'yon. Kapag pinaiikot ang utak ng tao nang hindi alam, nagiging tanga. Sunud-sunuran. Wala nang hindi o huwag. Walang pag-aayaw. Maamo na sa pang-uuto.
Uunahin ko na, hindi ako guwapo. Pinagpiyestahan ng mga tagihawat ang mukha ko. Nang nagsawa, nagsilisan ngunit nag-iwan ng mga pilat. Kung tititig ka sa aking mukha, mapapatanong ka talaga. Mukhang tinagihawat ba o mga tagihawat na minukhaan? Tanggap ko naman. 'Yon ang mahalaga.
Ako rin 'yong taong dapat hinihikayat ng may-ari ng gym para maging miyembro. Kung mga daga ang gumagalaw-galaw sa mga braso ng mga maskulado, mga nasagasaang dagang walang kibo ang nasa mga braso ko. Hindi naman toothpick o tingting. Mas makapal pa nang konti. Palito ng posporo.
Kada tanong ng alalay at sagot ko ay de-numerong nakasulat sa kanyang maliit na kuwaderno. "Dapat bang magpaliit ng tiyan si Mayor?"
"Hindi na kailangan. President of the Philippines ang gusto niyang makamit hindi Mr. Universe. Mas makakatulong pa nga sa kanya ang katawan niya."
"Paano? Sabi ng iba, dapat daw maging matipuno ang dating niya sa telebisyon. Para matapang ang imahe."
"Tatawa lang ang buong sambayanan kung ganoon siya tingnan. Sapat na ang baril na hawak niya. Kahit walang baril, puwede na ang kanyang katawan. Maaawa ang mga tao sa kanya."
Kinamot ng alalay ang kanyang ulo. "Paano nagiging mabuti ang kinaaawaan?"
"Patuloy na naeengganyong manood ng sine o palabas sa TV ang mga tao dahil ang bida ay binibiliban at kinakaawaan habang nagpapabugbog o pinahihirapan pa sa kuwento bago ang pagtutuos at pagtatapos."
"May maaawa ba sa may baril?"
"Wala. Pero bibiliban dahil lumalaban at may panlaban. Iba ang kinakawawa na naaawa lang sa tao dahil walang kalaban-laban. Magkasama dapat ang bilib at awa. 'Yan ang karaniwang nararamdaman tungkol sa bayani o superhero. Si Rizal man o Superman."
Kahit ako noon ay biniliban at kinaawaan ng mga lalake at babaeng pinursigi ko. Pati ang suot kong antiparang walang grado ay may dating sa kanila. Maraming alam. Hindi maloloko. May pinag-aralan. Nakapagtapos sa unibersidad. Hindi basta-basta. Matagumpay rin sa karera. O mapera.
Nangyari ang awa dahil sa kabubuntot ko at kahahabol sa kanila. Likas ang pagkamaawain. May mga mahihirap na naaawa sa mga kapwa mahihirap. Merong mga kriminal na naaawa sa mga biktima. May mga leon pa ngang naaawa kaya hindi lumalapa. Merong mga ahas na lumilihis kaysa manuklaw.
Naawa man sila sa mukhang parang tadtarang hagisan ng mga kutsilyo at sa katawang tila deretsong ebak ng naempatso, may iba pa silang nakitang kabilib-bilib kaya hindi ako 'yong kawawang walang kalaban-laban. Ang kotseng nirentahan o hiniram pa lang ay nagpalaki na ng mga mata.
Binalikan ng alalay ang iba pang mga tanong kanyang kodigo. "Konti na lang."
"Hindi ako nagmamadali." Masarap kasi ang nilitsong Peking duck na aking binalik-balikan kaya walang anuman sa akin kung matatagalan pa.
"May gagawin ba sa mga uban niya? 'Yong kulay ng balat niya?"
"Buti nabanggit mo ang mga 'yan. Magalangin ang mga Pilipino sa mga matatanda kaya pinagpapahinga na lang. Dapat kulayan ang mga uban. Hindi maganda ang tunog ng "Magpahinga ka na, Lolo." Masama rin ang epekto nito sa mga batang botante na makabago ang pananaw hindi na makaluma."
"At 'yong balat niya."
"Huwag lang masiyadong magbilad sa araw. Hindi pa naman itim ang kulay ni Mayor. Sa mga Pinoy, okay lang ang dark kapag tall, muscular, at handsome. Kung hindi na nga matangkad, mamasel, at guwapo at maitim pa, naku, pagpipiyestahan siya ng mga kantiyaw."
"Ang pananamit pala," dagdag ng alalay.
"Huwag niyang gayahin ang mga politikong nagpapasiklaban ng mga suot sa estilo man o presyo. Hindi siya lilitaw. Hayaan niyang nakasapatos sila habang nakatsinelas siya. Sa damit, kahit mumurahin o luma, basta may kulay. 'Yong mahahalata."
"Mag-aalahas ba siya para may kinang? Kahit singsing ."
"Huwag na ang mga alahas. Kahit nga mga tanod o tagawalis ay nakasuot ng gintong kuwintas na natagpuan sa kalye. Mamahaling relo na lang para naman hindi siya baduy na baduy talaga. Kahit slight, may taste at style pa rin."
"May pahabol ka pa ba?"
"Ipagpatuloy niya ang pagtulong sa mga kumakatok. Serbisyohan ang mga nakapila. Parang nanliligaw. Pabuntutan mo lagi ng kamera. Matagal pa ang eleksiyon. May panahon pa para ikalat ang mga imaheng 'yan sa buong bansa." Uminom na ako ng tubig na may yelo.
Ako rin noon ay may mga bagay ni iniwasan para hindi kantiyawan o maetsa-puwera agad. Kahit nerd ang dating, hindi ako boring. Kahit malayo ang hitsura sa matinee idol, hindi ako kill-joy. Nakipag-inuman. Nakipaglakwatsahan. Sumabay sa bugso ng kabataan at sa tukso ng mga bisyo.
Konti pa lang ang nagsuot ng Gucci, Versace o Prada, 'yon na ang mga damit, bag at sapatos ko. Mga regalo sila ng mga kliyente, padala mula sa ibang bansa, pinasa ng mga kaibigan, at nabili nang second-hand tuwing nagbakasyon sa Singapore o Hongkong. Bawal ang mga peke sa akin.
Para akong pabo o peacock noon. Para litaw sa gitna ng mga guwapo o mga magaganda, nagdamit ako nang maayos. Kahit nga ang mga salawal ko ay mamahalin. Para lutang sa pool party o beach volleyball, suot ko ang pasalubong ni Mother Lily. Titing Prosthesis kahit malaki na ang akin.
Nagregalo din naman ako. Para maiba, mga librong nabasa ko na at bago pa tingnan. Paano magtagumpay o yumaman. Mga mamahaling damit na bigay pero hindi ko gusto. Kulang sa kulay. Ang dating kasi ay pagkatao mo ang 'yong regalo. Kaya matagumpay at mayaman ang tingin nila sa akin.
Nagbigay din ako ng mga tulong gaya ng pan-tuition, pambayad ng kuryente, at pandagdag sa bayaran sa ospital. Sabihin na nilang sugar daddy ako kahit wala pang trenta. Sino ba ang hindi nagbabayad ng sex? Libre ba ang dinner, ang mga bulaklak o ang gasolina ng sasakyang susundo?
Serbisyohan para mahulog ang loob. Ginawa ko rin 'yan. Ipinagluto ko ng mga pagkain. Ipinag-shopping. Nag-edit ako ng thesis. Naging tagatanong pa sa nag-self-review para sa bar exam. Sino nga ba ang hindi maaawa at bibilib sa akin? Kahit ano ay ginawa dahil kaya at maunawain.
Noong papalapit na ang filing ng certificate of candidacy, muli akong pinatawag ng alalay ng mayor. Sa opisina niya. Oo, may opisina ang tagatimpla ng kape at tagapakintab ng mga balat na sapatos. Parang Chinatown sa loob. Mga Buddha. Mga bagua. Puro pula. Adik pala sa feng shui.
"Malapit na ang filing, ano ang maitutulong ko?" Hindi naman talaga tulong ang inalay ko. Bayad. Ang lutong ng mga libo nila. Presko pa ang tinta.
"Hindi pa sigurado kung magpaparada o banda lang o mga kabataang magwawagayway ng mga bandila papunta sa COMELEC," saad ng alalay.
"Naku, huwag."
"Bakit?"
"Pangit na imahe 'yan."
"Paano magiging pangit?"
"Magmumukhang atat na atat ang mayor."
"So ano ba ang dapat gawin?" Inilabas ng alalay ang kanyang electronic notebook. Sosyal, hindi na kuwaderno pero hindi ko kilala ang brand. Mukhang made in China.
"Magpakipot siya. Kilala na siya ng mga tao. Kung urong-sulong siya sa pagtakbo, mga botante na mismo ang magtutulak sa kanya. Lalong mahuhulog ang loob nila. Propagandang matunog 'yan. Mga mamamayan na ang magpapatakbo sa kanya."
"Mukhang ayaw ni Mayor ng ganyan. Madrama kasi."
"Drama naman talaga ang politika." Hindi ko mapigilan ang pagngisi.
"So paano gawin ang pagpapakipot?"
"Huwag siyang mag-file ng COC. Ang tauhan niyang mapagkakatiwalaan ang mag-file. Kapag maingay na ang 'Takbo, Mayor' ng mga tao, palitan niya ang kanyang tauhan. Puwede 'yan."
"Anong puwedeng gawin para lalong matunog ang hinaing ng mga tagasuporta niya na tumakbo si Mayor?"
"Media. Siyempre dapat may makikita ang kamera na kakaiba. Hindi lang mga bibig na gumagalaw?"
"Gaya ng ano?"
"Kumanta. Sumayaw sila. Magparada. Mag-ingay sa kalye. Magpakalbo."
Kahit ako na hindi artistahin ay nagpakipot din noon sa mga magaganda at mga guwapo. Hindi ko pinakita na hayok ako o atat na atat nang makipag-sex. Kapag naglaway, nilunok. Tuwing tinigasan, nagnumero-kuwatro. Kahit ang mga mata ko ay nagsinungaling. Hindi pinahalata ang libog.
Kilala na nila ako. Nahulog na ang loob. Nagtiwala. Ang paglayo ko nang konti para may pagitan ay hamon sa kanila. Ako na pangit na at nerd pa ang mukhang hindi interesado. Nagtaka sila. Naging bugtong ako. Pinagnilayan. Sinisid ang lalim. Sinibad ang tayog. Sila na ang naghabol.
May tumawag pa nga na mainit daw ang katawan at malamig ang gabi. Umayaw ako. Nagkunwaring nasa business dinner kahit nasa bahay lang ako at nanood ng TV. Meron pang naghubad sa aking harapan. Kusa siyang nagpaubaya. Tumalikod ako. Ipinabatid na ang aking paghindi ay paggalang.
Noong hindi na natiis ang drama ko, sila na mismo ang nagtanong kung masagwa ba sila sa aking mga mata o hindi ba ako nalibugan sa kanila. 'Yan na ang hudyat. Mga butil ng mais na ang lumapit sa manok. Tinulak pa ang ulo pababa para tumuka. Aayaw pa ba ako kahit sinubuan na nila?
"May mga paring kaibigan ni Mayor na nagsasabing huwag daw magmura," tuloy ng alalay.
"Ano ba ang alam nila sa politika?" Tumawa ako para pagtawanan niya rin ang mga nagpakasanto. "Ano ang gusto nila, mga kapitulo, berso, at numero sa Bibliya?"
"Okay lang ba ang "putang ina"?"
"Kahit dagdagan pa niya ng "son of a bitch" o "fuck you" o iba pang mura. Tanggap na siya ng mga tao. Ang mahalaga ay hindi siya lalabas na nagbabalat-kayo o nagpapakitang-tao para mananatili ang suporta."
"Hindi ko naiintindihan 'yan." Blangko pati ang titig sa akin ng alalay.
"Akma ang pagmumura sa sangganong mukha ni Mayor. Kahit hindi siya palamura, dapat gawin niya para walang disconnection o contradiction kundi congruence o coherence na napakaimportante. Ang dating ay pagpapakatotoo. Bibilib diyan ang mga botanteng kakaiba ang tingin kay Mayor."
"So mali ang mga pari?"
"Tama naman pero sa ibang mga kandidato. 'Yong mga malilinis tingnan. 'Yong ang dating ay parang hindi sila makabasag ng pinggan. Iba si Mayor."
"Paano siya naiiba?"
"Sa totoo lang ha. Bastos ang pagmumukha niya. Dapat bastos din ang kanyang bunganga."
Kahit ako noon ay may kakaibang wika. Hindi bastos. Walang mura. Pangit man ang aking mukha at payat ang katawan pero iniba ko ang aking dating. Nakasalamin para mukhang henyo. Nagsuot ako ng mga mamahalin para magpasosyal. Ipinagsama ko ang dalawang imaheng 'yan para may class.
Kapag nagsalita ako tungkol sa business investment o stock market, nakinig sila. Nakanganga. Nakumbinsi ng antipara. Tuwing nakisabay sa mababaw na usapan tungkol sa uso, ang aking relong mas mahal pa sa Swatch nila ang nangusap pati ang mga suot kong panrenta na nila ang halaga.
"'Yong Tagalog ni Mayor?" Nagpakawala ng tawa ang alalay. Nahalata niya rin pala na nahirapan ang amo.
"Ang pagsasalita niya sa Filipino?"
"Oo, Filipino pala."
"Okay naman. Puwede ngang mag-Bisaya kaya lang mga botante lang sa Visayas at Mindanao ang makakaintindi sa kanya?"
"Hindi puwede. Nationwide at landslide ang gusto niya."
"Eh di, Mag-Filipino siya. Pero dapat matigas ang dila para Bisaya pa rin ang dating."
"Noted." Sinulat niya sa e-book gamit ang parang bolpen ngunit walang tinta. "Ang English pala niya? Dapat bang ayusin o paghandaan?"
"Okay naman ang lumang vocabulary sa edad niya. Kahit hindi deretso ang pagsasalita, puwede na. Nasa pagmumukha nga. Hindi siya mukhang iskolar, propesor o manunulat kaya walang problema. Mabuti nga 'yan dahil makaka-relate ang masa na nahihirapan din sa English pero nauunawaan."
Ako nga noon ay nag-Filipino rin kung UP ang idiniga at nag-English naman kung Ateneo kahit sa Letran nag-aral ng Business Administration at nag-major sa Marketing. Para lalong bibiliban at pag-iisipang nakapag-aral sa America, nag-Boston accent. 'Yong silent ang tunog ng mga r.
Pero hindi ako tumula o nagbalagtasan. Hindi rin tunog ng nagbalita sa World Tonight o nagsermon sa The 700 Club ang English ko. Nakisabay ako sa mga bagets noon. Pareho ang aming mga ekspresyon. Pareho rin ang mga salitang kalye. Pa-coño minsan. Pa-cute rin. Kaya nagkaunawaan.
Nasa huling tanong na ang alalay. "May problema ka bang nakikita sa mga pananakot niya?"
"Halimbawa nga. Gago, bobo at ulol pa lang ang mga narinig ko sa kanya."
"Marami. Ito ang mga paborito niya. Papatayin ko kayo. Dadanak ng dugo. Mabubusog ang mga tilapya. Iiyak ang Diyos."
"Tanggap na siya ng mga tao o nabitag na niya ang loob nila," sabi ko, "kaya kahit ano ay puwede na niyang gawin. Manakot man o mang-atake. Kahit Santo Papa ang kanyang kantiin o pangulo ng Amerika. Lalo siyang hahangaan. Malakas ang loob. Matapang. Lumalaban. Walang inuurungan."
"Hindi ba makakabawas ng mga buto?"
"Makakadagdag pa nga. Political will ang imahe. Alam mo naman ang mga Pilipino sa kanto, ganyang ugali ang gusto. Mapagbigay na sanggano. Matulunging berdugo. Kapangyarihan ang dulot ng pagkatakot nila sa kanya. Kaya dapat dinggin at sundin."
Ako nga noong nahulog na ang loob nila at nakuha ko na ang gusto ay hindi na takot palayasin o wala nang sayang na ramdam kung hindi na muling makipagkita. Ako pa ang nanakot na hindi na sisipot at ang may ganang nagsabing walang mawawala sa akin. Lalo silang kumapit at yumakap.
Baka takot silang magmukhang pinaglaruan kaya tuloy ang pagpapalaro para relasyon ang dating. Hindi gamitan. Nahiya rin siguro na nadale sila ng payat at pangit kaya pinanindigan na lang. Dinaan sa "mabait siya" o "totoong tao" kaya hindi bumitaw. Lakas ng loob ko ang takot nila.
"May idadagdag ka pa?" tanong ng alalay habang hinihila ang kahita para kunin ang mga nakasobreng pera.
Dahil makapal, dinagdagan ko ang mga nasabi ko na. "Bago pa ang kampanya, dapat may staging at framing."
"Ano ang mga 'yon?"
"Gumawa kayo ng mga palabas at siya ang bida."
"Paano gawin 'yan?"
"Gumawa ng eksenang parang entablado na panonoorin ng mga tao. Dapat nakakuwadro siya para sa kanya ang pansin ng mga titingin. Panlambat 'yan ng mga utak."
"Sample nga."
"Kumain ng kanin at sardinas nang nakakamay sa mesang walang mantel. Puwede ang tuyo."
"Isa pa." Gumaralgal ang ngisi niya. Tumango sa mga sinabi ko.
"Kumain ng mga mumurahing ulam sa pipitsuging karinderya. Pumasok sa opisina ng nakatsinelas. Maglakad sa putikan. Sumakay ng bus na maalikabok. Magdamit-pambahay sa labas. Magkunwaring humihilik sa loob ng kulambo."
"Ano pa?"
"Puwede ngang iparada niyo na parang Nazarenong binabato ng mga bimpo. Ilagay niyo sa karosa upang titingalain. Dadalanginan. Magiging Kristo siya. Tagasalba. Tagabigay ng pag-asa." Tumahimik na ako. Tumagas ang lamig ng Zest-O. Hindi pa nagalaw ang turong malambot na.
Ako man noon ay may mga palabas din. Isinama ko sila sa mga shooting ng aking mga kliyente. Pinabuntot sa recording studio. Kumain kami sa mamahaling restaurant. Nagpalipas ng gabi sa magarang hotel. Titig na titig sila sa akin. Naging puwede na ako sa paningin. Gumana ang bitag.
Maliban sa kinuwadro ako ng bintana ng hiram o nirentahang kotse, naging mga entablado ko rin ang mga sosyaling tambayan, mga bar na dinumog ng mga artista at mga VIP room sa mga club. Bidang-bida ako sa kanilang mga akala at hinuha. Bingwit ako. Mga isda sila. Palabas ang pain.
Tumawag na naman sa akin ang alalay na senador na noong kalat na ang salot sa bansa at bumaho na ang imahe ng amo niyang naging pangulong isang salot din pala. "Kailangan namin ang tulong mo. Medyo marami na ang galit kay Presidente. Nagmumura na ang mga Pilipino. Magkita tayo."
"Wala na akong magagawa kung mulat na ang ibang Pilipino. Nagigising din ang mga utu-uto. Kahit kailangan ko ng pera, hindi ko talaga kayang gawing tama ang mali o kasinungalingan ang katotohanan. Hanggang sa mga imahe lang ako. Mahirap gawing matagumpay ang mga kapalpakan niya."
"Basta magkita tayo."
"Huwag na. Wala akong magagawa. Kapag mulat na ang mga utu-uto, hindi na puwedeng utuin. Kakalas ang mga 'yan. Papalayain ang mga utak. Papakawalan ang mga sariling nakagapos. Magtatanda. Hindi na babalik sa kulungan. Nakakakita na kasi sila ng liwanag."
"Kahit sandali lang. Ipapasundo kita. Tatlo tayong mag-uusap sa opisina ng Presidente." Kahit hindi kami magkaharap, halatang bungal siya at tumalsik ang laway.
"Sorry, hindi ko talaga kaya. Sige na, may gagawin pa ako." Pinatay ko ang aking cellphone. Naalala ko ang nakaraan.
Nangyari din sa akin ang naranasan ng pangulo pagkatapos natamo ang nais. Akala ko kami na ni Angelique. Lahat-lahat na ay nasa kanya. Modelo. Anak-mayaman. Magna Cum Laude sa UP. Political Science ang tinapos. Tutuloy sana sa Law pero sumulpot ako sa harapan niya sa isang mall.
Ginamitan ko siya ng aking metodo. Nang nahulog ang loob, sineryoso ko siya at naniwala din naman sa akin. Nagpakalalake ako. Sa kanya na lang ako nakatuon. Ibinahay ko siya. Ibinigay ang kanyang mga gusto. Kailangan man o hindi. Dambana ang inakala kong hinaharap. Nabuntis siya.
Kung may kasalungat man ang santol na kanyang pinaglihian, ako 'yon. Ayaw niyang makita ang pagmumukha ko. Pinalayas niya ako sa kanyang tabi. "Pangit ka! Kadiri ka. Niloko mo ako. Pinagsamantalahan mo ang kahinaan ko. Sinungaling ka. Demonyo ka. Inuto mo ako. Ayaw ko sa 'yo."
Nanatiling tahimik lang ako. Siguro dahil araw-araw kaming nagtitigan kaya kitang-kita na ang mga ayaw niya sa akin. Siguro natauhan dahil alam na niya ang tunay na ako. Hindi na ako nakamaskara. Wala nang pagbabalat-kayo. Katotohanan na ang nasa kanyang harapan. Lantad na lahat.
Noong hapong pauwi ako galing sa trabaho, hindi ko na siya nadatnan. Umuwi na sa mga magulang. Ginayuma ko raw kaya agad-agad napatawad at tinanggap. Nabalitaan ko na lang na nagpalaglag siya. Binalikan din ang kanyang nobyong inagawan ko noon. Ginamitan ko raw siya ng orasyon.
Depresyon ang dulot ng kanyang pag-alis. Kalungkutan ang iniwan niya sa inakala kong aming tahanan. Nakunsensiya ako sa aking ginawa at sa sinapit ng inosenteng nilalang sa sinapupunan. Napilitan akong magbago. Hindi na naglaro. May mali sa metodo. Hindi maganda ang pagtatapos.
Lagpas singkuwenta na ako ngayon. Kahit puta ay aayaw sa akin. Bawal daw ang bakulaw. Susuntukin lang ako ng kolboy. Baka sisigawan ng "tibihing matandang bakla". Iba na ang laro ngayon. Tunay na pagandahan at pagwapuhan na. Social media na kasi na kung saan ang pangit ay pangit.
Nag-iisa ako ngayon sa nirentahang bahay. Nakakwarantina. Nagpositibo kasi ang katrabaho ko sa isang TV station na kung saan tagasulat ako ng mga paulit-ulit na script tungkol sa mga kapre, aswang, sinaniban, nabaliw, nakasisid ng perlas, at nakahukay ng ginto. Malungkot pa rin.
Habang nakatihaya sa kamang maluwang na ang mga pako at nakatitig sa kisameng animo'y nagmamakaawang pinturahan na, pinagmumuni-munihan ko ang mga nakaraan at ang pinagmulan ng aking metodo, ang aking pagkabata. Paborito kong basahin noon ang "Beauty and the Beast" bago matulog.
Sa loob-loob ko, "Kung hindi kaya ng mahika o pagpaparetoke at kung walang diwatang nagbubudbod ng mga kumikislap-kislap, gamitin ang utak para maging prinsepe ang halimaw. Mali. Ang halimaw ay halimaw pa rin kapag mulat na ang mga mata kaya walang forever o happily ever after."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"
"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.
"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"
"Gawin nating mabilisan."
"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."
"Dadahan-dahanin ko."
"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.
Hindi ko mawari kung bida ba talaga si Bayang Magiliw. Nagpapagapos. Nagpapabugbog. Nagpapahalay. Gulanit ang baro at saya. Parang pinaglalaruan ng mga leon at tigre. Pinupunit-punit muna ang suot na damit bago gatgatin ang balat. Ang ganda sana niya.
Lanta ang waling-waling na nakasuksok sa pusod ng kanyang buhok. Kung hindi putol ang dila, maikli. Kung walang pamamaga sa lalamunan, barado. Tatlo ang halatang pigsa sa kanyang noo at mga magkabilaang balikat. Malaking sugat siya sa sinag ng araw. Duguan lagi. Asul na sa pasa.
Isa-isahin natin ang mga sangkot sa paggawa ng pelikulang tila walang bida. Matanda na ang producer. Walang ubang masusulyapan sa ulo dahil suki ng Bigen. Animo'y lasing kung magsalita at nasa kinder pa kapag nag-iisip at nagpapaliwanag. Kung gaano kaulyanin, ganoon din kapangit.
Maliban sa gumaganda ang galising balat dahil sa ring light o nagkakakulay ang maputlang mukha dahil sa camera filter, may mga rason kung bakit ayaw ko sa online class. Kahit e-learning pa ang itatawag diyan, hindi pa rin magbabago ang aking pananaw.
Siguro nangungulila ang aking damdamin ng makatotohanang paghaharap. Ang wisik ng laway sa aking mukha. Ang baho ng hiningang nananampal. Ang sigaw na nagbabaon ng tutuli. Ang tagihawat na hindi nabubura. Ang lasa ng mga turong pinagsasaluhan naming mga magkaklase tuwing recess.
Naririyan pa ang mga gurong tinatamad. Walang pakialam sa lesson plan dahil may mga naglalaro ng Mobile Legends sa cellphone o computer. DOTA ang pinagkakaabalahan ng iba. Meron ding mga nakatunganga sa Instagram o Facebook para maghintay ng mga like at share. Animo'y mga sikat.
Mother, apat na queen 'to. Humulbot ka ng isa. Ilalagay ko sa gitna ang pinili mo. Itong tatlo ay ibabalik ko sa deck. Babalasahin ko. Tatlong beses din.
Cut, Mother. Tatlong hanay ha. Ilalatag ko ang mga baraha nang pahaba. Kumuha ka ng pito. Take your time. Damhin mo.
Bubuksan ko na ang mga baraha. Uunahin ko ang una sa gitna. Naku, queen of spades. Nagluluksa ka. Itim kasi. Nasa taas ang tulis. Papunta sa leeg. Sa lalamunan na lagusan ng hininga. Kung tatagpasin o sasaksakin, may malalagutan ng hininga. Kamatayan agad ang ipinapakita sa akin.
Queen na heart ang dalangin ko para rebirth. Nasa baba kasi ang pantusok. Salungat siya sa baraha mo. Papunta sa puson. Sa sinapupunan kaya buhay ang kahulugan.
Magandang kulay din sana ang pulang nagbabadya ng paglaban. Bangis ng galit. Lakas ng sigaw. Pag-aalsa. Kabayanihan.
Bulbulin na ako noong sumikat ang kantang "Humanap Ka ng Pangit". May katotohanan itong ipinarating sa mga mapangarapin. Ang mga guwapong lalake ay makikipagtaguan lang. Ika nga ng rapper, kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, huwag kang mangarap ng langit.
Saksi ako sa mga pagbabago sa buhay ni Kakay. Mula sa pagkamasayahin hanggang ngayon na lagi nang galit kung hindi malungkot at nagmumukmok. Ang haba ng kanyang mga ngiti noon. Pula pa ang mga pisngi kapag tinamaan ng sinag. Kuyom na ang mga labi niya ngayon. Putla na ang kulay.
Hindi ako sigurado kung ano ako sa kanya. Sobra pa sa kaibigan pero kinukulang sa pag-iibigan. Para sa akin, irog siyang walang pakialam, sintang hindi kayang tumumbas o giliw na nagpapasuyo lang. 'Yon siguro ang depinisyon niya ng "complicated" sa mga social media account niya.