Sa tingin ng mga tao, madali ang trabaho ko. Hindi na kailangan ang edukasyon o pagsasanay. Walang karanasan o pleasing personality na titingnan. Magsuot lang ng costume, maglakad ng pakendeng-kendeng, sumayaw sa kantang uso at makipaglaro sa mga bata, suweldo na.
Hindi nila nakikita ang mga paghihirap ko dahil hindi pa nararanasan kung paano malunod ang katawan sa pawis, mangati o mahadhad ang balat, mamaga ang ulo dahil may nakapatong, sumakit ang likod sa bigat ng suot, at matisod pa dahil maliliit ang mga butas sa mga mata ng bubuyog.
Nararanasan na ba nila 'yong gusto kong umubo dahil maplema na pero pinipigilan dahil takot na akalaing may sakit sa baga at baka makahawa ng mga bata? 'Yong sinisinghot ko na lang ang aking sipon dahil ayaw bumahing at manatiling basa ang mukha ng lapot, lamod, at lansa ng uhog.
'Yong inaapakan ang mga paa ko ng mga bata nang paulit-ulit o pinupukpok ng mga mumunting kamao dahil hindi sila sigurado kung tao o higanteng insekto? 'Yong hinihila ng mga magulang ang aking buntot hanggang sa madapa ako sa semento dahil sila na naman daw ang magpapa-picture?
Tuwing hinuhubad ko na ang costume, nagbibilang ako ng mga pasa bago punasan ang mga pawis. Hindi puwedeng maligo agad baka magkasakit. Tinitiis na lang ang sariling baho kapag naglalaho na ang bango ng deodorant. Kaya paulit-ulit ang aking pagpapahid. Hindi na mabisa ang tawas.
May mga pagkakataong kaharap ko ang salamin. Walang takip ang mukha. Hindi ulo ng bubuyog. Gusto kong umiyak pero ayokong balikan ang aking pagkabata. Pagkapayaso ang hanapbuhay ng ama ko noon. Kapag walang kita, tititig siya sa aking ina. Lusaw ang makeup. Gumilid ang mga luha.
Kinakausap ko na lang ang sarili. "Naghuhugas ng mga nakasalansang plato ang iba at mga bula ng sabon ang nakakasalamuha. Ang iba naman ay nagwawalis sa kalsada at sanay na sa mga kalupitan ng basura." Napapangiti na lang ako sa harap ng salamin. Ulo ng tao at katawan ng insekto.
Ilang araw na lang, matatapos na ang contract ko. Lagpas apat na buwan na akong nagtratrabaho sa kompaniya. Hindi pa lahat ng mga empleyado sa branch namin ay regular o permanent. May pa-probation period kasi sila sa iilan. Kagaya ko. Kailangang makilatis daw at dapat ma-review.
Kampante akong ma-rehire at bigyan ng security of tenure sa parehong trabaho. Kung mangyayari 'yan, kumpleto na ang benefits. May food discount pa na minsan libre. Wala namang problema sa suweldo. Nakakatulong din sa mga hirap makahanap ng magandang trabaho dahil walang diploma.
Nakakabahala ang end of contract kahit magaling pa ako sumayaw at makipaglaro, palakaibigan at palabati sa mga kustomer, at hindi palaangal at palareklamo. Baka kasi may ibang aplikante silang magugustuhan o merong sasalisi sa akin habang naghihintay na ipatawag. Kinakabahan ako.
Isa sa mga nagpapaalala sa akin ay ang nangyari kamakailan lang sa aming branch. Naisama ang basahan sa pagprito ng mga piraso ng manok. Nalublob pa sa timplang may itlog. Nabudburan din ng harina. Kahit gumulung-gulong at inalog-alog, walang nakahalatang crew. Nagmukhang petso.
Nag-ingay sa social media ang nakabili. Kinalat pa niya ang larawan ng napritong basahan. Hindi pa nasiyahan, pumunta sa palabas ni Tulfo para magsumbong. Gusto yatang magkapera o sumikat. Hindi man lang pinag-isipan na baka may mga mawawalan ng trabaho sa panahon pa ng taggutom.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon kung sadya ba o hindi lang namalayan dahil sa sobrang abala at sa dami ng mga nakapilang mamimili.
Kahit biro, ikinalulungkot ko ang kumakalat na sabi-sabi. Bimpo ko raw dahil pawisin. Kahit saan-saan daw nilalagay. Hindi totoo. May locker ako.
"Saan mo nilalagay ang bimpo mo?" tanong ng manager noong magkasabay kaming pumasok sa locker room. Takot na mawalan ng trabaho ang lungkot sa kanyang mukha.
Binuksan ko ang aking locker. "Heto ang mga bimpo ko. Nakatupi. Malinis. Ito ang bag para sa mga bimpong basa ng pawis."
"Sino kaya ang may kagagawan nito? Ngayon pang kailangan ko ng pera. Baon ang pamilya ko sa utang. Wala pang kuwarenta diyas ang kuya kong tinokhang. Pagkatapos nangyari ito. Sa shift ko pa talaga."
"Ma'am, sana hindi ako madadamay. Biro lang po nila. Dinadaan na lang sa tawa."
Supervisor naman ang sumunod na kumausap sa akin. Pinakain pa niya ako habang kinakausap. "Gusto ko lang malaman kung ano ang totoo. Trabaho ko ang nakataya. Sana maiintindihan mo ako. Kalalabas lang ng mother ko sa ospital. Umiinom pa rin ng mga mamahaling gamot para sa covid."
"Sir, tingnan niyo po ang kulay ng basahan. Blue sa loob, ang kulay ng disinfectant na ginagamit sa pagpunas ng mga mesa, silya, kahoy, at metal. Kung bimpo ko 'yan, aamin ako. Hindi na ako magpapaimbestiga. Kusa akong magbibitiw." Hindi ko ginalaw ang spaghetti at fried chicken.
Alam ko kung bakit sa akin sila nakatuon. Ako lang pala ang malapit nang mag-eendo sa aming branch. Gusto nila akong gawing tupang magsasalba sa mga trabaho nila. Kailangan ko rin ng trabaho. Walang natokhang o na-covid sa pamilya ko pero naghihirap din kami at walang umaayuda.
Kinausap ko ang bagong crew dahil tatlong araw pa lang sa trabaho. Hindi siya kasali sa gulo at mukhang mapagkakatiwalaan ang mukha. "Mali ang naratibo ng kompaniya sa media. Dapat hindi aksidente ang nangyari kundi sinadya talaga."
"Lalong gugulo dahil sadya pala," wika niya.
"Kung aksidente, lalabas na may nakalalasong disinfectant ang basahan. Pero kung sinadya, puwedeng malinis siya at asul lang dahil sa luma. Hindi nakakalason."
"Good idea. Sadya pero walang malisya."
"Ganoon nga. Parang prank sana ng crew pero nakalimutan dahil naging busy na."
"Sino naman ang ipra-prank."
"Puwede 'yong crew na matakaw sa fried chicken o 'yong kinaiinisan dahil tamad. Baka nga ako dahil patapos na ang contract."
"Baka nga." Naglaho ang mga linya sa kanyang noo. Ngiti ang nabuo sa kanyang mukha. "Dapat pala manager ka hindi mascot."
Sa mga sumunod na araw, iba na ang press release. Prank daw. Bagong laba ang basahan. Walang lason. Nasisante na ang prankster. Hindi ko na rin nakita sa aming branch ang bagong crew. Ayon sa usap-usapan, siya ang nasisante. Nagtaka ako dahil wala pa siya nang naprito ang bimpo.
Humupa na ang ingay sa social media. Hindi na rin nakisawsaw si Tulfo. Bumalik ang tiwala ng publiko sa kainan. Pati ang mga kakumpetensiya ay tahimik na. Ang mahalaga kasi ay walang lason at walang nalason. Patok muli ang fried chicken. Abala naman ako sa mga children's party.
Kahapon lang pinatawag ako sa main office. Itinuro ng sekretarya ang opisinang papasukan ko. Hindi pa ako nakakatok may "come in" na. Baka hinudyatan. Pagbukas ko, ang bagong crew na inakala naming nasisante.
"Ikaw pala," sambit kong may piyok.
"Oo, ako, sorry ha," sabi niya.
"Sorry din po, sir. Marami akong nasabi sa inyo. Blind kasi na supervisor kayo."
"Wala 'yon. Nakatulong nga sa kompaniya. Nasalba mo pati ang trabaho ko." Inabot niya ang makapal na packet. "Basahin mo."
"Para saan po ito, sir?"
"I think deserving ka sa management training."
"Wala po akong degree, sir"
"Special case ka."
"Hindi ako deretsong mag-English."
"Nakakabasa ka ba?"
"Opo, sir."
"Nakakapagsulat?"
"Opo."
"Nakakaintindi ng mga binabasa at sinusulat?
"Opo, sir."
"Puwede ka. Kakausapin ka ng manager mo. Aayusin niya ang mga papeles."
Hindi ako makapaniwala na biyaya pala para sa akin ang nasa dulo ng gulo. Grasya rin pala ang pritong bimpo. Nagpahayag lang ako ng aking opinyon sa hindi kilala, magiging manager na. Kinukurot ko pa rin ang sarili. Kahit ang pamilya ko ay naniniwala nang meron akong mararating.
Ugung-ugong na sa branch namin ang promosyon ko at ang sasalihang training para sa mga manager. May mga masasaya para sa akin. Meron namang mga nagtataka. Wala nang sumasapak sa pakpak ko o bumabatok sa puting kalo. Ilang araw na lang, tao na ako. Tapos na ang pagiging insekto.
Kinausap pala ako ng manager, "Salamat ha. Ako na ang bahala sa high school diploma mo. Guro sa ALS ang mom ko."
Tumawag din ang supervisor. "Paghusayan mo ang training. Makinig. Mag-take ng notes. Kung manager ka na, mag-aral ka sa gabi. May college scholarship ang kompaniya."
Hindi nagpahuli ang makuwelang baklang crew na laging nagbibiro sa akin. "Mag-gluta ka. 'Yong drip para mabilis. Mag-facial cleanser at moisturizer din. Araw at gabi. Huwag na ang Rexona. Kaya mo na ang mga mamahalin. Mga sapatos ang unahin mo. Huwag ka nang matakot sa Lazada."
"Oo nga no? Mahalaga na ang pleasing personality." Buhaghag ang tawa ko. Nilayasan na ng mga ligalig ang mukha. Ang pinag-aalala na lang ay sana ligtas ang pamilya ko sa pandemiya at nang mapagsaluhan namin ang aking unang malaking suweldo. Ito pala ang tamis ng pagiging bubuyog.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Ano kaya kung totoo ang mga sinasabi niyang dragon siya at dragon din ang pangulo ng bansa na nagbabalat-kayong tao rin? Ano kaya kung ang mga kuwento niya ang mga sagot sa mga tanong kung bakit magulo na ang bansa at nahihirapan na ang mga mamamayan?
Ipagpalagay nating baliw nga siya pero hindi pa rin mabubura ang mga pruwebang lantad at ang mga nakikitang tugmang-tugma. Pareho silang pangit. Tila mga bayawak na nilublob sa tsokolate ang hitsura. Sa malayo, gaspang ng buwaya ang mga balat nila. Makapal kahit hindi na hawakan.
Parehong maiingay rin sa radyo man o telebisyon. Tila mga butiki sa pagsapit ng gabi. Wala ring pinagkakaiba sa pagkapit. Sa kasikatan si Shedragon at sa kapangyarihan si Rodrigo. Mga tuko. Kahit sa pagpapalusot, animo'y mga madudulas na ahas ang dalawa. Palahanap ng mga butas.
Kabilugan ng buwan, ang hudyat ng pagtitipon sa tuktok ng Mt. Banahaw. Iisa lang ang layunin ng mga nagsisipagdalo: ang mapigilan ang pulang bakunawang dayuhan na lamunin ang araw at mga tala, ang katapusan ng bansang Las Islas, ang tahanan ng limang diwata.
Si Maria Banahaw ang pinuno ng pagtitipon. Diyosa ng paglaban at paglaya. Mga tauhan niya ang mga Rizalistang nananahanan sa kanyang bundok at sumasamba sa pambansang bayani. Nagtataka ang diyosang punong-abala kung bakit hindi na ipinaglalaban ang kalayaan at limot na si Rizal.
Kasali rin ang diyosa ng sining at dunong na si Maria Makiling. Nasa paanan ng bundok niya ang Philippine High School for the Arts at ang UP Los Baños dahil ganda at talino ang mga adbokasiya niya. Kaya nanggagalaiti sa galit dahil sa lumalaganap na mga kapangitan at kabobohan.
Animo'y tsismis ako noon na pinagpasa-pasahan ng mga bunganga. Magaling na image consultant daw. Napasikat ko nga raw ang aktor na tibihin at walang mga ngipin. Pinilahan sa takilya. Pinalibutan ng mga tagahanga. Nakipaghalikan pa kay Kris.
Pati ang aktres at singer na mahaba ang baba bago nagparetoke at tunog-manok noong palakanta pa ay sumikat din. Kusa ko ang pagkakaroon ng pangalan ng pangit na rapper. Hindi naging sagabal ang mga sungki-sungki niyang ngipin o ang mukhang hitik sa panga. Ginto ang tanso sa akin.
Lalo silang bumilib noong napabango ko ang mga mababahong politiko kahit bulok, malansa at anghitin ang mga imahe. Ginawa kong mga santo ang mga demonyo. Ang mga kawatan ay naging maawain at mapagbigay. Dahil din sa akin, kinaawan at kinampihan ang mga bobo at niluklok sa Senado.
"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"
"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.
"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"
"Gawin nating mabilisan."
"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."
"Dadahan-dahanin ko."
"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.
Hindi ko mawari kung bida ba talaga si Bayang Magiliw. Nagpapagapos. Nagpapabugbog. Nagpapahalay. Gulanit ang baro at saya. Parang pinaglalaruan ng mga leon at tigre. Pinupunit-punit muna ang suot na damit bago gatgatin ang balat. Ang ganda sana niya.
Lanta ang waling-waling na nakasuksok sa pusod ng kanyang buhok. Kung hindi putol ang dila, maikli. Kung walang pamamaga sa lalamunan, barado. Tatlo ang halatang pigsa sa kanyang noo at mga magkabilaang balikat. Malaking sugat siya sa sinag ng araw. Duguan lagi. Asul na sa pasa.
Isa-isahin natin ang mga sangkot sa paggawa ng pelikulang tila walang bida. Matanda na ang producer. Walang ubang masusulyapan sa ulo dahil suki ng Bigen. Animo'y lasing kung magsalita at nasa kinder pa kapag nag-iisip at nagpapaliwanag. Kung gaano kaulyanin, ganoon din kapangit.