Ano kaya kung totoo ang mga sinasabi niyang dragon siya at dragon din ang pangulo ng bansa na nagbabalat-kayong tao rin? Ano kaya kung ang mga kuwento niya ang mga sagot sa mga tanong kung bakit magulo na ang bansa at nahihirapan na ang mga mamamayan?
Ipagpalagay nating baliw nga siya pero hindi pa rin mabubura ang mga pruwebang lantad at ang mga nakikitang tugmang-tugma. Pareho silang pangit. Tila mga bayawak na nilublob sa tsokolate ang hitsura. Sa malayo, gaspang ng buwaya ang mga balat nila. Makapal kahit hindi na hawakan.
Parehong maiingay rin sa radyo man o telebisyon. Tila mga butiki sa pagsapit ng gabi. Wala ring pinagkakaiba sa pagkapit. Sa kasikatan si Shedragon at sa kapangyarihan si Rodrigo. Mga tuko. Kahit sa pagpapalusot, animo'y mga madudulas na ahas ang dalawa. Palahanap ng mga butas.
Kung kamandag ng dila ang pag-uusapan, nanlalason ang dalawa. Kahit walang mga pangil, talo pa ang cobra. Paiba-iba rin ang mga kulay at depende sa kamera. Nagmamala-chameleon para sa mga pahayagan at magasin. Sa pagkamasiba, atensiyon man o panahon, sila ay mga Komodo dragon.
Marami rin naman ang mga pagkakaiba. Una na diyan ang kasarian. Werdong manunulat ng piksiyon si Shedragon at gahamang politikong salungat ng marangal si Rodrigo. Inglesera ang una at palamura ang huli. Konti lang ang lamang ng babae sa lalake kung ligo o baho o dumi ang usapan.
Ayon sa kanilang mga dating kasambahay na nakausap ng mga tagamedya, parehong mahilig daw silang matulog nang nakakulambo. Buong gabing kinikiskis ang buong katawan sa gaspang ng naylon hanggang sa magmarka at magmukhang galis. Ang haka-haka ay pagpapalit daw ng balat. Pagluluno.
Nagsimula ang lahat noong may pinaslang ang mga pulis sa harap ng bahay ni Shedragon. Guwardiyadong subdibisyon na nga pero napasok pa rin. Agad-agad siyang nagpa-press conference. Kinurot daw ang utak niya ng kunsensiya. Dapat nang magsalita. Dapat daw ibunyag ang mga alam niya.
"Thank you for coming. I can no longer hide the fact that like me, Rodrigo, your president, our president, is also a reptilian," bungad niya. "Oh, reptilians are aliens. They are half-human and half-reptile. I'm ready for your questions."
"Ma'am, Mike Naval po from ABS-CBN..."
Hindi pa tapos ang pagtatanong ng reporter, pinutol na siya ni Shedragon. "I thought your TV station closed down recently. See, reptilians in power anywhere in the world hate media so much that they want to devour reporters. Like Rodrigo. They don't want to be exposed. Continue."
"Many think that your press release is fictional. Perhaps you copied it from a published speculative fiction writer."
"Please, I don't plagiarize. If forced to and I can't resist, there is H. G. Wells. Ursula Le Guin is another one. The rest are boring. I read them all. Next."
Tumayo ang reporter ng TV station na kumikita ng malaki sa pagpapalabas ng mga kababalaghan. "From GMA-7, Josephine Morong. Ma'am, do you have any diagnosed mental illness?
Ngumiti si Shedragon. "That's in Rodrigo's nasty playbook where his women enemies are whores or loonies."
"You mean it's a smear campaign against you."
"Of course, it is. I am his downfall. My truth is his too."
"Just to make it clear, you don't take prescribed psychotic medicines?"
"Darling, are M&M's included? How about my diet pills? Why will I take those meds for crazies?"
Tumagal pa ang press conference na nagmukhang master class sa comedy writing o sa method acting. Talo pa niya ang mga diyalogo ni Blanche at ang pagganap ni Vivien Leigh sa "A Streetcar Named Desire". Alam mo naman ang mga Pinoy, nagsalita lang si Shedragon sa Ingles, sinamba na.
Lalong kumalat ang mga pasabog niya nang ibinalita agad sa primetime news at naging headline pa sa mga pahayagan kinabukasan. "PRESIDENT AN ALIEN" ayon sa Inquirer.
Ang ulo ng balita sa Abante na isang tabloid ang pumukaw sa mga Pinoy."PRESIDENTE KALAHI NG MGA AHAS AT BUWAYA?"
Ayon sa magasin na nag-feature kay Shedragon na naghubad pa sa cover nito para magpakita ng dragon na tattoo na mula sa balikat ang ulo hanggang sa puwet ang buntot, ipinanganak siya sa Manila. Lumindol daw noong nahirapang iluwal siya ng ina. Tila biniyak ang kanyang lalabasan.
Kahit puro mga bahay na sa San Andres at walang mga damuhan o halamanan, nagsilabasan daw ang mga ahas. May mga sawa. Merong mga ulupong. Sabayang nag-ingay din ang mga butiki at tuko. Walang nakapansin sa mga signos dahil saya ang dumating sa pamilyang puro lalake ang mga anak.
May namataan ding bayawak na pagapang-gapang sa bubong na naging adobong pulutan ng ama at mga tiyuhin. Iyak daw siya nang iyak kahit nakadede na. Sa larangan din ng politika, buwayang hindi pa kumpleto at matutulis ang mga ngipin ang ipinagbunyi. Si Pangulong Marcos noong 1965.
Mula pagkabata hanggang sa siya ay nagdalaga, hindi nakitaan ng kakaiba si Shedragon maliban sa mga kuwentong pasalubong niya mula sa eskuwelahan o sa paglalaro. May ahas daw na kinain ang sarili at niluwa nang natauhan. Meron pang isang binilog ang katawan upang gumulong-gulong.
Nakahiligan niya rin ang pagsusulat ng mga pabulang siya ang bida. May butiking sumirko sa kisame para pasayahin ang batang iyakin. Merong tukong gustong abutin ang langit kasama ang batang nais lumipad. Naging superhero pa sa kanyang katha. Ngipin ng buwaya ang anting-anting.
Pagtungtong sa kolehiyo, naglaho na ang kanyang mga kakaibang kuwento. Kung meron mang katang-tanging nangyari, 'yon ay ang pagsali niya sa isang grupong nagprotesta sa paggamit ng snake skin at crocodile leather sa fashion accessories. Kolehiyala kasi kaya dapat may adbokasiya.
Noong kumalat sa buong bansa ang pasabog na siya at ang pangulo ay mga alien na reptilian, nagtaka ang mga kaklase at mga kaibigan niya. Normal naman daw ang pag-iisip. Pati sila ay nakumbinsing baka totoo dahil adik ang pangulo sa katayan. Baka raw pakain para sa mga reptilian.
Nong pansamantalang huminto ang paslangan sa lansangan, nagmahal bigla ang mga karne dahil kumonti ang supply. Pati ang mga tagapalengke at matadero ay naghinuha. Baka walang malapang bangkay ang mga taga-Palasyo na lungga raw ng mga hindi tao kaya mga karneng pang-ulam na lang.
Lumabas siya sa Kapulso Mo, Jessica Solo, ang palabas sa telebisyon na nakatutok sa mga kababalaghan. "Ma'am, Filipino ang medium namin sa programa para maiintindihan ng masa," sabi ng host.
"Manileña ako, Jessica, at palabasa ako ng komiks noong bata pa. Kaya ko mag-Filipino."
"Sino ang pinakaborito mong karakter?"
"Si Zuma."
"Si Valentina?"
"Kontrabida 'yon."
Inurong ng host ang puwet niya para masakop ang buong silya. "Ma'am ano pa ang mga pruweba mo na reptilian ang pangulo?"
"Ang dami. Aabutin tayo ng siyam-siyam dito.
"Sige, isa-isahin mo."
"Gaya ko, may dragon na tattoo siya. Sa likod. Dahil head of state siya at para hindi mahalata, special ink ang ginamit. Makikita lang sa black light."
"Bakit dragon? Ano bang senyales 'yan."
"Nasa China kasi ang headquarters. Sa Beijing. Sa Forbidden City. Kaya nga forbidden."
"Anong headquarters? Ano ang setup? Global organization ba siya."
"Parang UN. Kaya lang para sa mga reptilian na nagkakatawang-tao. May secretariat din. Merong mga council. May Universal Court. Merong mga agency. May bangko pa nga."
"Kaya pala napakalapit ng pangulo sa China."
"Tumpak, Jessica. Isa pa, tingnan mo 'yong Intsik na alalay niya."
"'Yong senador? Anong meron siya?"
"Hindi mo nahahahalata?"
"Nagkakatawang-tao rin ba?"
"Yes, tingnan mo ang mga ngipin. Hindi kayang maskarahan 'yan. Mahal ang veneers araw-araw. Isa pa busy siya sa palasyo."
Ngumisi ang host. "Baka hindi lang nagsisipilyo."
"No, 'yan ang mga ngiping ngumungatngat ng laman ng tao na hindi man lang tinadtad o pinakuluan."
"Ganyan din ba ang mga ngipin mo?"
"Yes, bago ko pinabunot lahat para magpa-dental implant." Ibinuka niya ang bibig para ipakita.
"Dental implants nga. Hindi ka na kumakain ng karne?"
"Fruitarian na ako."
"Ah, parang 'yong bayawak sa Sierra Madre na prutas ang kinakain. Na-feature namin 'yon."
"Napanood ko, Jessica. Varanus bitatawa."
"Ang galing ng memory mo."
"Thank you, hindi gaya ng kay Rodrigo."
Humaba pa ang usapan nila pero trenta minutos lang ang inere. Parang nagkuwentuhan lang sina Lola Basyang at ang apong nakailang bag na ng popcorn.
Ilang buwan lang ang lumipas, dumating na sa bansa ang coronavirus. Dala ng mga turistang Intsik. Matunog na naman si Shedragon.
Nagkagulo rin sa social media. Minura siya nang minura ng mga tagasuporta ng pangulo. Nalipasan daw ng gutom. Kinapos ng gamot. Nanuno. Nakulam. Paulit-ulit ang sagot ni Shedragon, "They're nothing but meaty feeds grown and fattened for their masters. Indeed, idiocy is suicide."
Habang naglilibot si Shedragon sa media, abala naman ang mga tagapalasyo sa pagsampa ng mga iba't ibang kaso sa kanya. Parami na raw ang mga naniniwala.
Walang nanginig sa katawan niya. Nagpainterbyu pa nga sa Rappler. "Hi, Maria Riza. It's nice to be with you this afternoon."
"Please say hi to our sixteen something million live viewers," sabi ng host.
"Hi, everyone, thank you for watching and listening and also for your support."
"My first question, should we believe you?"
"Let me rephrase it. Am I telling the truth? Be vigilant. Look around you."
"Tell us what it is. It seems we fail to see it."
"Is our country not a zoo? No, a pigpen?"
"Please explain."
"You know it, Maria."
"I don't."
"You're the smartest of them all."
"What are you talking about? What them? Who are they?" Inurong paatras ng host ang upuan niya.
Hinulbot ni Shedragon ang papel sa bag niya. "I have a copy of someone's petition to the reptilian secretariat in Beijing."
"What does it say?"
"The plea is about ending the killings and the quality of meat infested with warts, boils and lesions, besides lice, ticks and fleas."
Kinamot ng host ang ulo. " What paper is that?"
"It also says that the human meats in the Philippines are infected by tuberculosis, Dengue, Hepatitis A, B, and C, etc. because the president has only harvested the feeds in poor communities."
"That's so bizarre, to be honest."
"You know all this, Maria Riza."
Namutla ang mukha ng host. "Are you serious?"
"I am. This is your pleading in Beijing." Ipinakita ni Shedragon ang papel. "That's your signature? Just accept it. You're one of us. A reptilian can still stand up to a cruel reptilian, you know."
"I'm really confused and scared now."
"Scared?" Humalakhak si Shedragon. "We're both reptilian. Are you scared of yourself?"
"I'm scared of you."
"Please look at yourself. You're molting."
"That's it. You drag me into your hallucinations, and you make fun of my skin allergy."
'Yon na ang huling labas ni Shedragon sa media. Inaway siya pati ng mga kritiko ng pangulo. Magulo na nga raw ang bansa, binaliw pa. Luka-luka na ang tingin sa kanya. Hindi na binigyan pa ng pagkakataong makapagkuwento kaya walang nasiwalat tungkol sa covid-19 na nagmula sa ahas.
Bago naglaho ang pangalan niya sa kamalayan ng madla pagkatapos patahimikin ng korte, nag-iwan siya ng babala, "Beware of reptilian injections." Nagpahabol pa, "And Rodrigo, a reptilian glutton." Buwayang masiba raw ang pangulo. Ahas na traydor. Tukong kakapit sa kapangyarihan.
Ang huling balita, nasa mental hospital daw si Shedragon. Patuloy na nagkukuwento tungkol sa mga reptilian na alien sa mga nurse at mga doktor. Inuulit-ulit ang mga alam tungkol sa pandemiya at bakuna. Kinukumbinsi niya pati ang mga pasyenteng nakakulong na hindi tao si Rodrigo.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Mga tsinelas ang buhay ko. Kahit ngayong may-edad na, may asawa, at merong dalawang anak at ampon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga tsinelas. Ang ingay ng mga sampal nito sa semento. Ang pananahimik nila sa sahig. Ang pagtama sa lata. Ang paglipad.
Hindi na matandaan ng aking ina kung sa kabayo o sa manok ako ipinaglihi. Parehong palakaskas at palatakbo. Nasiyahan siya noon habang nanonood ng karera sa pista. Ang tulin ng mga kabayo ay parang mga padyak ko sa kanyang sinapupunan. Tila hinete na ako kahit hindi pa niluwal.
Tuwang-tuwa rin siya noong tumakbo ang titinolahing manok nang walang ulo. Imbes na masindak sa mga patak at sirit ng dugo na nakakalat sa palibot, nagalak dahil parang bulag ang napugutang pumuslit mula sa banggerang ihawan. Hindi alam ang paroroonan. Takot sa kumukulong tubig.
Sa tingin ng mga tao, madali ang trabaho ko. Hindi na kailangan ang edukasyon o pagsasanay. Walang karanasan o pleasing personality na titingnan. Magsuot lang ng costume, maglakad ng pakendeng-kendeng, sumayaw sa kantang uso at makipaglaro sa mga bata, suweldo na.
Hindi nila nakikita ang mga paghihirap ko dahil hindi pa nararanasan kung paano malunod ang katawan sa pawis, mangati o mahadhad ang balat, mamaga ang ulo dahil may nakapatong, sumakit ang likod sa bigat ng suot, at matisod pa dahil maliliit ang mga butas sa mga mata ng bubuyog.
Nararanasan na ba nila 'yong gusto kong umubo dahil maplema na pero pinipigilan dahil takot na akalaing may sakit sa baga at baka makahawa ng mga bata? 'Yong sinisinghot ko na lang ang aking sipon dahil ayaw bumahing at manatiling basa ang mukha ng lapot, lamod, at lansa ng uhog.
Kabilugan ng buwan, ang hudyat ng pagtitipon sa tuktok ng Mt. Banahaw. Iisa lang ang layunin ng mga nagsisipagdalo: ang mapigilan ang pulang bakunawang dayuhan na lamunin ang araw at mga tala, ang katapusan ng bansang Las Islas, ang tahanan ng limang diwata.
Si Maria Banahaw ang pinuno ng pagtitipon. Diyosa ng paglaban at paglaya. Mga tauhan niya ang mga Rizalistang nananahanan sa kanyang bundok at sumasamba sa pambansang bayani. Nagtataka ang diyosang punong-abala kung bakit hindi na ipinaglalaban ang kalayaan at limot na si Rizal.
Kasali rin ang diyosa ng sining at dunong na si Maria Makiling. Nasa paanan ng bundok niya ang Philippine High School for the Arts at ang UP Los Baños dahil ganda at talino ang mga adbokasiya niya. Kaya nanggagalaiti sa galit dahil sa lumalaganap na mga kapangitan at kabobohan.
Animo'y tsismis ako noon na pinagpasa-pasahan ng mga bunganga. Magaling na image consultant daw. Napasikat ko nga raw ang aktor na tibihin at walang mga ngipin. Pinilahan sa takilya. Pinalibutan ng mga tagahanga. Nakipaghalikan pa kay Kris.
Pati ang aktres at singer na mahaba ang baba bago nagparetoke at tunog-manok noong palakanta pa ay sumikat din. Kusa ko ang pagkakaroon ng pangalan ng pangit na rapper. Hindi naging sagabal ang mga sungki-sungki niyang ngipin o ang mukhang hitik sa panga. Ginto ang tanso sa akin.
Lalo silang bumilib noong napabango ko ang mga mababahong politiko kahit bulok, malansa at anghitin ang mga imahe. Ginawa kong mga santo ang mga demonyo. Ang mga kawatan ay naging maawain at mapagbigay. Dahil din sa akin, kinaawan at kinampihan ang mga bobo at niluklok sa Senado.
"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"
"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.
"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"
"Gawin nating mabilisan."
"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."
"Dadahan-dahanin ko."
"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.