Mga tsinelas ang buhay ko. Kahit ngayong may-edad na, may asawa, at merong dalawang anak at ampon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga tsinelas. Ang ingay ng mga sampal nito sa semento. Ang pananahimik nila sa sahig. Ang pagtama sa lata. Ang paglipad.
Hindi na matandaan ng aking ina kung sa kabayo o sa manok ako ipinaglihi. Parehong palakaskas at palatakbo. Nasiyahan siya noon habang nanonood ng karera sa pista. Ang tulin ng mga kabayo ay parang mga padyak ko sa kanyang sinapupunan. Tila hinete na ako kahit hindi pa niluwal.
Tuwang-tuwa rin siya noong tumakbo ang titinolahing manok nang walang ulo. Imbes na masindak sa mga patak at sirit ng dugo na nakakalat sa palibot, nagalak dahil parang bulag ang napugutang pumuslit mula sa banggerang ihawan. Hindi alam ang paroroonan. Takot sa kumukulong tubig.
Kung ama ko naman ang tatanungin, sa agila ako ipinaglihi. Hindi raw mawala sa isipan ng aking ina ang nakita nila. Tumakbo ang mandaragit sa ibabaw ng palaisdaan at dinukot ang bangus. Nakalilito ang mga magulang ko. Sino kaya sa kanila ang sanay sa eksaherasyon o pagmamalabis?
Laging laman ang aking pagkabata sa kuwento ni Mama tuwing binabalikan ang nakaraan. "Tinuruan ng ibang mga magulang ang mga sanggol nila noon kung paano tumaob sa papag. Tinulungan sa paggapang sa sahig. Ikaw? Kakaiba ka. Usapan ka noon sa kapitbahayan. Deretso ka nang tumayo."
Hindi rin nagpapatalo si Papa lalo na kapag may kainumang nagyayabang tungkol sa mga anak. Nagiging pulutan ako. "Kakaiba ang anak kong si Sarah. Wala nang anda-andador. Unang tayo pa lang niya ay tumakbo agad. Nagpahabol sa akin. Nang bumagsak, mag-isang tumayo. Takbo na naman."
Baka totoo nga ang kanilang mga kuwento. Kinder pa lang, nakitaan na ako ng galing sa pagtakbo. Pinatakbo sa malaking bilog na inukit gamit ang yeso. Ang pagtakbo ko rin ang ginawang demo para sa salitang "fast". Ginawan pa nga ako ng special award sa pagtatapos. Best in Running.
Pagtungtong ko sa grade one, minalas sa gurong masungit. Patanda na kasi. Nag-menopause. Laging may hot flashes. Palasigaw kahit wala akong ginawa kundi huminga. Maingay raw. Magaslaw. Sa takot, tumayo ako at kumaripas ng takbo palabas. Naiwan ang aking tsinelas sa silid-aralan.
Pinahabol ako ng aming guro sa mga lalakeng kaklase ko. Naghabulan kami sa damuhan sa palaruan. Ako na lang ang huminto dahil humingal na sila at baka himatayin. Imbestigasyon ang sumunod na nangyari.
"Multo ba ako sa 'yo?" sigaw sa akin ni Mrs. Sicad. "Bakit mo ako tinakbuhan?"
Nakatitig ako sa apat niyang mata at nagtanong sa sarili kung makikita kaya ako kung wala siyang salaming suot. Gusto kong maglaho. Bumaba ang aking tingin at sa hawak niyang gunting naman tumitig. "Kusang hinila ako na mga paa ko palabas, ma'am, at hindi ko na sila napigilan."
"Ang bata-bata mo pa , napapalusot ka na."
"Totoo po, ma'am. Sumigaw pa nga ako ng 'hinto' pero ayaw makinig."
"Palagawa ka pa ng kuwento."
"Hindi po gawa-gawa, ma'am."
"Bakit naka-tsinelas ka?" singit ng gurong pahinahon na ang galit.
"Hindi ko kasi nakita ang sapatos ko."
Ang totoo, nag-away na naman ang aking mga magulang kaya nagmadali ako. Ayokong marinig ang bunganga ni Mama na hihinto lang kapag may langaw o ang mga lagapak ng kamay ni Papa na sanay nang tumama sa magkabilaang mga pisngi. Ang dami kong tinakbuhan noon. Pati ang aming tahanan.
Purok leader ang ama ko noon. Kinatakutan ng mga kapitbahay. Sanay mambugbog kasi. Hindi lang 'yan, usap-usapan din ang paglibing niya ng buhay na palaakyat-bahay. Naglunod pa sa laot ng adik na nanggahasa na pinabigatan ng bato at hiniwaan sa tiyan para hindi lolobo at lulutang.
Biniliban din naman dahil sa husay niyang mamuno. Kung may suntukan, pumagitna siya. Tuwing may nakawan, siya ang tagahanap ng nawala at salarin. Nagronda pa sa gabi. Kahit ang mga aso ay huminto sa pagtahol kapag dumaan na siya. Nagsialisan at iniwang mag-isa ang bilog na buwan.
Hindi naglaon, nahalal siya bilang kapitan ng aming barangay. Ang Alsa-Mesa na kanyang inorganisa ang nagpapanalo sa kanya. Nahinto ang inuman sa labas, ang nakawan ng mga hayop na pampulutan, ang paghithit, at ang away-mag-asawa dahil sa paghila at pagtumba ng mga hapag-inuman.
Doon na nagsimula ang walang tigil na paslangan. Pumayapa ang barangay pero napuno naman ang sementeryo. Dahil marami ang sumuporta sa kanyang pagkaberdugo, walang magawa ang mga tagakapilya. Kumita nang husto ang mga tanod niya na ang mga batuta ay naging mga patalim at pistola.
Tisay si Mama. Hanggang ngayon, hindi alam kung sino ang ama. Maharot kasi si Lola na tagahugas ng mga baso sa bar noon pero emeksena pa rin sa mga dayuhan at nang-akit para may ibang pagkakakitaan. Pera o kahon naman kasi ang buhay. Nagtiyaga siya dahil maagang pumanaw si Lolo.
Baka 'yong turistang Italyano raw. Pero pasok din sa bilang niya ng mga araw mula sa huling regla ang Amerikanong naghanap ng mapapangasawa, ang Aleman na nangakong iibigin siya at pati ang taga-Canada na nalasing sa San Miguel beer at sa ganda at alindog niya. Basta marami sila.
'Yan ang laging ginamit ng aking ama tuwing sinumbatan si Mama noon. Putok sa buho. Supling ng nakiraan na dayuhan. Anak ng puta. Talsik ng nagparaos.
Naging bihasa ang aking ina sa pananahimik nang luhaan. Walang hikbing nabuo. Hindi sininghot ang sipong tumulo. Nakatitig lang.
Kahit anong pagtitiis ay may sukdulan. Natagpuan ko na lang isang araw ang tsinelas ni Mama sa labas ng pinto. Tila naghintay na may babalik at magsusuot na mga paa.
Hindi nangyari ang inakala ko. May bagong tsinelas na sa paanan ng kama. Nakahanap si Papa ng bagong kakasamahin.
Sa panahon ding 'yon nangyari ang aking pagdadalaga. Nagising ako isang umaga na puro dugo ang harapan, damit, kumot at tulugan. Naghanap ako ng mga sugat sa katawan. Sumagi sa aking isipan ang mga patalim at pistola ni Papa at ang aking madrastang gustong solohin ang aking ama.
Tumayo ako at nagpalit ng salawal at damit. Naglagay sa ari ng pantapal na naiwan ni Mama. Pinunasan ang papag. Ibinasura ang mga namantsahan. Nang handa na, kahit ang lakad ko ay patakbo palabas ng bahay. Iniwan ang tsinelas. Sandalyas na ang suot. Hinanap ko ang inang bumukod.
Matagal na 'yan. Tatlong dekada na ang nagdaan. Naging alkalde na nga si Papa sa aming bayan. Ako ang namigay ng mga tsinelas sa mga mahihirap tuwing kampaniya. Siyempre, may limang daan na pumagitna sa pares ng tsinelas na nagtalikuran. Malaki ang pondo kumpara noong kapitan pa.
Ganoon pa rin ang pamumuno ni Papa. Dinadaan sa pananakot. Marahas para seryosohin ang utos. Yumayaman ang mga tindahan dahil sa packing tape na pambalot sa mga bangkay at pentel pen na pangmarka sa karatulang iniiwan sa katawan. Parang nasa Egypt lang. Nakakalat ang mga mummy.
Mga pulis na ang mga tauhan niyang sinanay sa pamemeke ng ebidensiya, sa pagsisinungaling na nanlaban at sa paggawa ng report na hindi totoo. Tiba-tiba ang mga 'yan. May bayad na ang bawat napaslang at meron pang bonus kapag lagpas na sa quota. Irerekomenda rin para sa promosyon.
Puti na ang bandilang winawagayway ng mga rebelde. May pabuya naman kasi, patrabaho, pampagkain, pambili ng damit, pampaaral, pambayad sa eskuwelahan, pang-allowance, pabahay pa, at pangnegosyo sa mga susuko. For sale na ang ipinaglalabang prinsipyo at ideyolohiya. Buyer si Papa.
Ang mga ayaw sumuko ay nilalaglagan ng baril o pinapadalhan ng bala. Ako ang tagakumbinsi sa mga nagdadalawang-isip na. "Sosyalista rin ang aking ama. Nakatsinelas lang sa opisina. Sago at maruya ang miryenda. Masahol pa sa ukay ang damit niya. Nakakulambo sa gabi. Hindi burgis."
Tinatago ko ang kanyang pagkakapitalista. Sino ang namumuhunan sa mga minahan ng kapatid ko? Sino ang nagpatayo ng bar para sa aming bunsong may banda? Sino ang nagbigay ng kapital para sa pautang ni Mama? Sino ang may-ari ng mga gasolinahan daw ng aking madrasta? Si Papa lahat.
Pati ang mga pokpok ay nasisiyahan sa kanya. May libreng pa-cellphone kasi para hindi na tatayo sa gilid ng matrapikong daan o tatambay sa lansangan sa dis-oras ng gabi. Ang mga pulubi ay hatid-sundo na ng mga ambulansiya tuwing Linggo, ang tanging araw ng kanilang pagpapalimos.
Umuunlad naman talaga ang aming bayan kahit kailangang mangurakot ng aking ama para may pambayad, panlagay o pambonus sa mga alipores niya. Masisiba pa naman ang mga nakaunipormeng alalay. Ang totoo, hindi siya Singapore pero puwede na sa mga walang alam kung ano ang development.
Kahit siraan pa siya nang siraan ng kanyang mga kalaban, sanay na ang mga botante sa kanya at sa kanyang mga pananakot at pagmumura. Poon na nga ang tawag ng karamihan. Pati ang mga mas matanda pa sa kanya ay nagtatatay. Kahit pusa pa raw ay mananalo kapag siya ang magpapatakbo.
Tuloy ang suporta dahil sa mga resultang nakikita. Hindi na raw batong kristal na nilulusaw ng asul na apoy ang kinahihiligan ng mga asawa nila. Tawas na para sa mga anghiting kilikili. Tuyong dahon na ng papaya ang hinihithit ng mga anak na pasaway. Iniiwasan na ang marijuana.
Ako ang inaatasang magpakalat ng babala tungkol sa droga. Tinutulungan ko ang mga paslit na sumisinghot ng Rugby, glue, thinner, krudo, gasolina, at pintura. Dinadala ko sa rehab ang mga nababaliw na sa kasisinghot ng usok ng Katol, sinilabang plastik o sunog na goma ng tsinelas.
Hindi ko na pinakikialaman ang mga mayayamang durugista. Mga kaibigan sila. Mga kapamilya ng mga tagasuporta. Mga tagaambag din ng pangkampanya.
Iniiwasan nga rin sila ni Papa na laging nagsasabibing, "Ang eleksiyon ay addition at multiplication, hindi subtraction at division."
Mahigpit si Papa pagdating sa mga Pilipinong tulak. Amo man, middle man o pipitsuging tagasitsit sa mga adik na naghihintay sa dilim. Bawal na bawal talaga. Hindi puwedeng may kakumpetensiya ang mga drug lord, drug manufacturer at drug smuggler na mga Tsino. Nakakontrata na kasi.
Kamakailan lang, kinausap ako ng aking ama, "Hindi na ako puwedeng tumakbo pa. Maliban sa tatlong termino lang, binubugbog na ang katawan ko ng rayuma, sakit sa buto, balat, puso, baga, atay, at bato. Malimutin na rin ako. Ulyanin na nga kung tutuusin. Kaya mag-isip-isip ka na."
Sa loob-loob ko, "Parusa na 'yan ng mga pinaslang mo. Kinakarma ka na."
"Hindi puwede si Piolo. Hindi puwede ang politika sa kapatid mong 'yan. Mas gusto ang mga ilegal na negosyo. Hindi rin puwede si Sebastiano. Kung gaano siya nahihirapan sa pagkanta, ganoon din sa pag-iisip."
Sa isip ko, "Ako lang naman ang napili mo dahil maliit pa ang anak mo sa 'yong kerida... ay... madrasta pala."
"Hindi rin puwede ang alalay kong Tsinoy. Galit ang mga kababayan natin sa mga Intsik na nangangamkam ng mga isla, nagpupuslit ng droga at nagpapakalat ng mga krimen."
Sa kaloob-looban ko, "Nagdala rin ng coronavirus sa bansa."
"Hindi puwedeng iba ang magiging mayor. Baka paiimbestigahan ako. Makalkal pa ang mga ebidensiya. Baka ipapa-audit din. Baka nga ipakukulong ako. Kaya dapat mananatili sa pamilya ang posisyon upang hindi tayo mabisto."
Kahit isang salita, wala akong binitiwan sa harap ni Papa. Kung kumibo man ako, humigop ng kape. Kung umimik, bumuntong-hininga. Ginulo niya ang isipan ko. Namawis ang aking mga paa. Hinagod-hagod ang mga goma. Tila gustong kumawala sa tsinelas. Sa utak ko, "Takbo, Sarah, Takbo."
Papalapit na ang filing ng certificate of candidacy. Nagsisilabasan na ang mga poster sa pader at mga billboard sa gilid ng daan. "Run, Sarah, run" daw. May mga nangangaroling na. "Tatapusin ng anak ang mga nasimulan ng ama" sa tono ng "Pasko na naman". Talo pa si Jose Mari Chan.
Alam kaya nila na alam ko ang bawat baho at dumi ng aking ama? Ang mga pagsisinungaling at pang-uuto niya. Ang pangungurakot at pamemera sa opisina. Ang pamamaslang at pagmamalabis sa mga mahihirap. Ang mga krimen at kasalanan niya? Gusto pa akong gawing tagalinis at tagalihim.
Wala pa akong desisyon. Nagdadalawang-isip. Kinakabahan. Iba ang "Takbo, Sarah, takbo" sa aking isipan. Gaya ng dati. Nakapaa lang. Hawak-hawak ang tsinelas. Nais kumaripas. May gustong iwasan. Merong gustong layuan. Sa puntong ito, ang mga sigaw nila at ang gusto ng aking ama.
Sumangguni na ako kay Mama na nagwika, "Ang buhay ay parang tsinelas, anak. Sa dami ng mga nakapaang naghahanap ng mga pansapin ng talampakan, ang matatagpuan mong kasyang-kasya ay talagang nakatadhana sa 'yo. Suutin mo. Hayaan mo na lang kung saan ka dadalhin ng 'yong tsinelas."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Ano kaya kung totoo ang mga sinasabi niyang dragon siya at dragon din ang pangulo ng bansa na nagbabalat-kayong tao rin? Ano kaya kung ang mga kuwento niya ang mga sagot sa mga tanong kung bakit magulo na ang bansa at nahihirapan na ang mga mamamayan?
Ipagpalagay nating baliw nga siya pero hindi pa rin mabubura ang mga pruwebang lantad at ang mga nakikitang tugmang-tugma. Pareho silang pangit. Tila mga bayawak na nilublob sa tsokolate ang hitsura. Sa malayo, gaspang ng buwaya ang mga balat nila. Makapal kahit hindi na hawakan.
Parehong maiingay rin sa radyo man o telebisyon. Tila mga butiki sa pagsapit ng gabi. Wala ring pinagkakaiba sa pagkapit. Sa kasikatan si Shedragon at sa kapangyarihan si Rodrigo. Mga tuko. Kahit sa pagpapalusot, animo'y mga madudulas na ahas ang dalawa. Palahanap ng mga butas.
Sa tingin ng mga tao, madali ang trabaho ko. Hindi na kailangan ang edukasyon o pagsasanay. Walang karanasan o pleasing personality na titingnan. Magsuot lang ng costume, maglakad ng pakendeng-kendeng, sumayaw sa kantang uso at makipaglaro sa mga bata, suweldo na.
Hindi nila nakikita ang mga paghihirap ko dahil hindi pa nararanasan kung paano malunod ang katawan sa pawis, mangati o mahadhad ang balat, mamaga ang ulo dahil may nakapatong, sumakit ang likod sa bigat ng suot, at matisod pa dahil maliliit ang mga butas sa mga mata ng bubuyog.
Nararanasan na ba nila 'yong gusto kong umubo dahil maplema na pero pinipigilan dahil takot na akalaing may sakit sa baga at baka makahawa ng mga bata? 'Yong sinisinghot ko na lang ang aking sipon dahil ayaw bumahing at manatiling basa ang mukha ng lapot, lamod, at lansa ng uhog.
Kabilugan ng buwan, ang hudyat ng pagtitipon sa tuktok ng Mt. Banahaw. Iisa lang ang layunin ng mga nagsisipagdalo: ang mapigilan ang pulang bakunawang dayuhan na lamunin ang araw at mga tala, ang katapusan ng bansang Las Islas, ang tahanan ng limang diwata.
Si Maria Banahaw ang pinuno ng pagtitipon. Diyosa ng paglaban at paglaya. Mga tauhan niya ang mga Rizalistang nananahanan sa kanyang bundok at sumasamba sa pambansang bayani. Nagtataka ang diyosang punong-abala kung bakit hindi na ipinaglalaban ang kalayaan at limot na si Rizal.
Kasali rin ang diyosa ng sining at dunong na si Maria Makiling. Nasa paanan ng bundok niya ang Philippine High School for the Arts at ang UP Los Baños dahil ganda at talino ang mga adbokasiya niya. Kaya nanggagalaiti sa galit dahil sa lumalaganap na mga kapangitan at kabobohan.
Animo'y tsismis ako noon na pinagpasa-pasahan ng mga bunganga. Magaling na image consultant daw. Napasikat ko nga raw ang aktor na tibihin at walang mga ngipin. Pinilahan sa takilya. Pinalibutan ng mga tagahanga. Nakipaghalikan pa kay Kris.
Pati ang aktres at singer na mahaba ang baba bago nagparetoke at tunog-manok noong palakanta pa ay sumikat din. Kusa ko ang pagkakaroon ng pangalan ng pangit na rapper. Hindi naging sagabal ang mga sungki-sungki niyang ngipin o ang mukhang hitik sa panga. Ginto ang tanso sa akin.
Lalo silang bumilib noong napabango ko ang mga mababahong politiko kahit bulok, malansa at anghitin ang mga imahe. Ginawa kong mga santo ang mga demonyo. Ang mga kawatan ay naging maawain at mapagbigay. Dahil din sa akin, kinaawan at kinampihan ang mga bobo at niluklok sa Senado.
"Mr. President, kumakalat na ang pinakamatinding klase ng covid na kombinasyon ng lahat ng mga variant," ulat ng sekretaryo ng Department of Hell. Ay, Health pala. Nangangatog pati ang kanyang boses. "Hindi na puwedeng hahayaan na lang ang pananalasa. Election na."
Gaya sa mga nagdaang cabinet meeting, pakunwaring nag-iisip ang pangulo pero ang dating ay parang may migraine o tinatamad na naman o mas gusto niyang nasa loob ng kulambo. Nakalagay ang hintuturo sa sentido at ang hinlalaki sa baba. "Ano ang gagawin natin para mahinto na 'yan?"
"Kailangan ng mass vaccination. Kaso wala tayong pambili ng mga bakuna?"
"Mangutang tayo." Hindi mawari kung lasing ba o bagong gising ang pangulo. Kahit ang oras ay malabo rin--gabi ba o madaling-araw.
"Wala nang magpapautang," singit ng sekretaryo ng Department of Finance.
"Pagod ako. Buong araw akong naglaba pagkatapos kakangkangin mo sa gabi?"
"Gawin nating mabilisan."
"Masakit nga ang aking mga kasu-kasuan."
"Dadahan-dahanin ko."
"Gising pa ang mga bata," wika ng asawa.
Hindi nagpaawat si Dodoy na tanyag sa kanilang barangay bilang "Dodoy Bato". Tagatabas ng bato kasi ang trabaho at malalaki ang mga braso. Tulak din. Pantustos daw sa bisyong pampapuyat at pampawala ng pagod. Bato raw din sa tigas ang tarugo niya kapag nakahithit o nakasinghot.
Sikat din siya sa dami ng mga anak na parang mga magkakasunud-sunod na baitang ng hagdan kapag ihahanay. Sampu lahat sila. Apat na taong gulang pa lang ang lalakeng bunso at magkakatorse na ang babaeng panganay. Takot sa pagpapatali ang asawa kaya ibang metodo ang gamit ni Dodoy.