Nakakita na ba kayo ng dambuhalang nilalang na nanginig sa harap ng platong puno ng mga pagkain, naglaway kahit malalobo ng ang tiyan, at nasiyahan sa kanyang lalamunin kahit sumobra na sa timbangan? Kahit pagsabihan ng tama na, sige pa rin nang sige.
Sa mall, may nasulyapan na ba kayong mamimili na parang naghakot ng mga damit mula sa sampayan? Nangatog ang mga kamay kapag may gustong bilhin kahit hindi kailangan. Kumati ang mga paa kapag nakadaan sa pamilihan ng mga sapatos. Kahit puno na ang aparador, bili pa rin nang bili.
May kilala ba kayong manyak? Buong araw na ngang pinaglaruan ang ari, naghanap pa ng kakanain sa gabi. Hindi na napagod sa porno. Mainit ang ulo kung walang nasalat o nalamutak. Kinalyo na ang kamay at ang tarugo, pero bayo nang bayo at kangkang pa rin nang kangkang kahit unan.
Nasubukan niyo nang makihithit sa adik? Nagkasugat na ang hinlalaki sa kahahadhad ng lighter. Hindi na alam na napaso na siya ng pipa o wala nang lamang mahihigop ang aluminum foil. Gumapang sa sahig para maghanap ng bato. Sinaid pati ang latak na dumikit sa loob ng glass tooter.
Wala akong pinagkakaiba sa kanila. Para akong nilalagnat kapag hawak ko ang baril. Amoy ng pulbura ang gamot. Gusto kong humalakhak habang dama ang lamig ng gatilyo. Kaligkig sa aking gulugod ang ngatal ng hintuturo. Mga mata ng mandaragit ang nagmamasid. Naghahanap ng biktima.
2016 noong nagtapos ako. Criminology. Hindi ko na babanggitin ang eskuwelahan baka matukoy pa ako. Inengganyo ako ng mga lolo, mga tiyuhin, at mga kuyang pinsan na magpulis. Palitan ko raw ang aking amang dating pulis na inatake sa puso habang nag-iimbestiga ng tulak sa estasyon.
Mukhang pinagdudahan nila ang aking pagkalalake. Wala pang kasintahan. Hindi pa nakakantot noon. May pagkalampa kahit nakatayo lang. Tahimik. Kung nagsalita, bilang ang mga kataga. Makinis at maputi ang balat. Walang pilat sa katawan. Artistahin na kahit walang retoke ni Belo.
Kahit si Mommy ay nakisali. "Bilang nag-iisang anak, ibangon mo ang pangalan ng 'yong daddy. Namatay siya sa opisina hindi sa engkuwentro."
"Kailangan ba talaga akong magpulis? Hindi puwede maging guro sa kolehiyo?" Plano ko noon ang magpakadalubhasa sa Victimology at magturo.
Tumingala siya sa kisameng may mga bombilya. "Mapapangiti mo siya kung susundan mo ang kanyang mga yapak."
"Opo, pag-iisipan ko." Mas umasim ang sinigang sa mangkok. Tumayo ako at hindi na tinapos ang hapunan.
Ganyan ako kapag nalilito. Hindi nagugutom. Nagmumukmok sa kuwarto.
Noong papalapit na ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon, pinatawag ako ng aking lolo sa ama. May kinilaw raw na tangige at inihaw na pusit. Mga bote ng beer sa mesa ang sumalubong sa akin. Gusto raw niyang makipag-inuman. Hindi ko naman inayawan. Siya pa naman ang paladuda.
"Iho, hindi sa pinipilit kita," sabi niya pagkatapos ng ikalimang bote, "kundi gusto kitang hamunin."
"Ano 'yon, Lo?"
"Magpulis ka. Ipamukha mo sa pamilya mo na lalake ka."
"Lalake naman talaga ako."
"Magpakatapang ka ang ibig kong sabihin. Huwag kang matakot. Magpulis ka."
"Para sa 'yo, gagawin ko, " bulalas kong hindi pinag-isipan. Mapula na ang aking mukha. Parang tinapalan ng balat sa kapal. Uminit din. Pero tumungga pa rin. "Pangako ko 'yan sa 'yo."
Si Lolo ang dahilan kung bakit naging pulis ako. Sa aming pamilya kasi, tinototoo ang pangako.
Wala pang isang taon ang aking pagsasanay sa pagkapulis, tumigas na ang mga dapat tumigas sa katawan at tumuwid ang mga dating kumurba, lumiko, nanlupaypay, at yumuko. Kahit ang tindig ko ay nagbadiya na ng lakas ng loob. Tapang na ang aking pagtitig. Mga bato na ang mga kamao.
May mga bagay na natuklasan ko tungkol sa sarili. Maliban sa kaya ko pala ang mga matitinding pagsubok na nagtimbang kung karapat-dapat maging pulis, asintado rin pala ang kamay at mata ko. Kahit ang malayong latang nakabitin at pinalid-palid ng hangin ay nabutasan ko sa gitna.
May mga tirador ang aking mga pinsan noong bata pa kami pero hirap akong hilain ang gomang may balang bato. Kahit ang paghawak ng sanga. Kung nahilat man, hindi sa ulo ng ibon ang tama. Lagi akong inalaska.
Maawain siguro o kinabahan kaya nalihis. "Walang kasalanan ang pipit."
Kahit si Daddy noon ay sumuko na lang dahil hindi raw ako nakinig. "Isara mo ang kaliwang mata. Pansipat mo ang kanan. Itong nakausli malapit sa bunganga ang 'yong gabay. Ituon mo sa ibon. Huminga ka. Huwag nang gumalaw. Ilagay ang daliri sa gatilyo. Sipatin mo muli. Barilin mo."
Hinog na bunga ng aratiles ang tinamaan ng de-bomba. Lumipad ang tamsi at iniwan ang pugad. Nasulyapan niya ang aking pagngisi.
Kaya siguro tinukso akong lampa o pinagdudahang malambot dahil hindi kayang pumatay. Kahit ang balisong ay pambalat at panghiwa ng mangga sa akin noon.
Natapos na ang pagsasanay. Pulis na ako. Dahil una sa listahan ng mga asintado, binigyan ako ng kuwarentay-singko. Serbisyo ang itinapik sa aking balikat. Pinapitikan ng suntok ang aking dibdib para itatak ang dangal. Tinanong kung sa panig ba ako ng katarungan. "Sir, yes, sir."
Walang estasyong mahanap para sa akin kaya itinalaga muna sa kampo. Isang buwan ding wala akong ginawa kundi barilin ang mga bulok na kalabasa o mga lobong tira sa mga selebrasyon. Kailangang magpakita ng gilas para pagkatiwalaan at isama sa mga operasyon o bigyan na ng posisyon.
Nagulantang na lang ako isang gabi nang ginising sa barracks ng limang naka-camouflage at naka-bonnet. "Tayo!" sigaw ng isa.
"Magbihis ka," utos ng isa pa."
"Sumama ka sa amin," wika ng pangatlo.
"Huwag mag-alala," sabi ng pang-apat.
"Mga kabaro mo kami," saad ng panghuli.
Agaran akong nagpantalon at nagsuot ng sweatshirt. Itinapon sa aking harapan ang sapatos na hindi akin. Kahit maluwang, isinuot ko. Parang pasabog na ang aking dibdib sa kaba. Nagtaka kung sila ba ay mga kapwa ko pulis o niloob ang kampo. Hiningal ako. Basa ng malagkit na pawis.
"Piringan na 'yan," sabi ng nagpatayo sa akin.
Hinawakan ako sa magkabilaang gilid. Kinaladkad palabas. Lamig ng gabi ang humampas sa aking mukha. Dinala ako sa masukal na lugar. Dinig ko ang magaspang na hagod ng mga talahib sa suot kong maong. Matutulis ang mga nasipang bato.
"Hawakan mo 'to," utos ng isa sa kanila habang pinapalagitik ang baril.
"Kinakabahan ba ang binibiliban?" uyam ng nakangisi.
"Aayusin ko ang puwesto ng baril at kamay mo, sabi ng isa pa, "at ang gagawin mo ay kalabitin ang gatilyo."
"Handa ka na?" tanong ng may paos na boses.
Hinatak ko ang nakakurbang asero. Bang! Inalis ang piring sa aking mukha. Nakabulagtang mama ang inilawan ng flashlight. Walang pang-itaas. Nakapurontong. Nakapaa. Puro tattoo ang katawan. Tila may sakit ang kapayatan. Hindi na ako nakapagtanong kung sino siya. Naghiyawan sila.
"Congratulations!" bati ng hindi pa naghubad ng bonnet.
"Tol, pasok ka na sa grupo."
"Kami na ang mga kapatid mo."
"Bro, fist bump naman diyan."
"Sama-sama na tayo."
Nag-umpugan ang mga salita sa aking tenga. Nag-unahan sa pagpasok para lalong guluhin ang utak kong nagtaka.
Hinarap ako ng nakatakip pa ang mukha. "Nararapat ka rito, Mascariñas. Doble ang suweldo. May bonus pa. Merong extra pay kapag lagpas sa quota. Dagdag 'yan sa mga tinatanggap ng karaniwang pulis."
Pamilyar sa akin ang boses niya pero hindi ko na naalala kung sino. Ngumiti ako.
"Madali ang promosyon. Ang pangulo mismo ang gagawa ng rekomendasyon. Tayo lang ang protektado ng Palasyo. Walang mahahabla."
Hindi pa rin ako nakapagsalita. Piyok lang ang kaya ng lalamunan.
Hinubad niya ang maskarang bonnet. Ang instructor pala namin noon sa sharpshooting.
Magdamagang inuman ang sumunod sa inisasyon. Nahirapan akong lunukin kahit ang malabnaw na San Miguel Light. Pati ang pagnguya ng mga pulutan. Nagtaka pa rin ang aking isipan kung sino ang aking binaril. Ano ang kasalanan? Bakit ginawa siyang pruweba ng pagsali ko at katapatan?
Ipinakilala sa akin ang iba pang mga kasamahan. Sa mga matang mapupula at matatalas pa lang, mukhang dose-dosena na ang pinuntirya at pinabagsak ng bawat isa. Kinausap din ako ng pangulo sa cellphone. To serve and protect daw. Serbisyuhan siya at protektahan. Pinasumpa niya ako.
Bago ako isinabak sa unang operasyon na kung saan ako ang inatasang tagabaril, sinanay muna sa paggawa ng ebidensiya o pagsulat ng gawa-gawang report. Baka raw matiktikan ng mga pulis na tagaestasyon na walang alam sa aming operasyon. Kasama ang eksenang humulagpos at nanlaban.
Tinuruan din paano magpaputok at maglaglag ng lumang trentay-otso at magnudnod ng pulbura sa kamay. Ang daming dapat matutunan sa inakala kong simpleng pagpaslang. Pati nga ang pagbalot ng bangkay at paglagay ng karatula o ang paglunod nito nang may mga pabigat na bato o bakal.
Kinumpleto ako ng mga gamit. Mga maiikli at mahahabang armas. Puro automatic. Parang kanin sa Mang Inasal ang mga bala, unlimited. Nagpalakas ng loob ang kinang. Mga masusuot para walang tatagos. Mga itim na damit. May mga peluka at mga antipara. Meron ding helmet at motorsiklo.
Kung may mas madali sa pagkamot ng kati, 'yon ay ang unang abak ko. Pinaulanan lang ng mga bala ang mga tao sa loob ng kotse. Wala nang ebide-ebidensiya. Binigay lang ang plate number, ang larawan, at kung saan mag-aabang. Wala na akong pakialam kung kasama ang mga anak o asawa.
Maraming mga operasyon pa ang sumunod. Mga tambay sa kanto. Mga naglakad sa gilid ng daan. Mga kumubli sa eskinita. Mga nakipaghabulan sa looban. Hindi na ako nagtanong kung tulak ba o adik. Pagpapaputok ng armas ang trabaho ko. Hindi nga ako ang tagakatok ng pinto o tagapadapa.
*sabak
Sa mag-ama ako nahirapan pero bilib naman ang aking mga kasama. Karga-karga ng target ang anak na may hawak na sagabal sa aking pagsipat. Isang bala lang. Unang bumagsak ang manikang basag ang bungo at sumunod ang amang sa sentido tinamaan. Ligtas ang bata kahit puwedeng idamay.
Pagkatapos ng insidenteng 'yon, pinatawag ako ng hepe namin. Evaluation daw. Pero debriefing ang nangyari. "Nakukunsensiya ka ba?" bungad niya.
"Hindi, sir."
"Naawa ka ba sa target?"
"No, sir."
"Sa bata?"
"Hindi rin, sir."
"Nakakatulog ka ba sa gabi?"
"Okay naman po, sir."
"Nagdadamo ka ba?"
"Hindi, sir."
"Shabu?"
"Hindi rin, sir."
"Nagiging lasenggo ka ba?"
"Umiinom, sir, kapag kasama ang tropa."
"Umiinom ka nang mag-isa?"
"Hindi ako alcoholic, sir."
"May kinatatakutan ka ba?"
"Wala, sir."
"Kahit Diyos?" Ngumisi ang hepeng nanigarilyo.
"Wala akong nararamdamang ganyan, sir. Baka sa pangulo pa at sa inyo. Pero takot na may respeto."
"May ayaw ka ba sa trabaho mo?"
"Wala po, sir. Nasisiyahan nga ako dahil kasama ako sa paglilinis ng lipunan at sa programa ng pangulo."
"Anong gusto mong baguhin sa trabaho mo?"
Napaisip ako. Paglunok ko ng laway, lumabas ang mga salita. "Sana dagdagan ang mga assignment ko, sir."
"Sige, ililipat kita sa elite group. Triple ang suweldo. Mas malaki ang bonus at ang extra pay. May pasobre pa ang pangulo. Magpahinga ka muna. Isang buwan ang paid break mo."
Ginamit ko ang bakasyon sa pag-eensayo sa paggamit ng baril sa mataong lugar. Sa kawayanan ako namalagi. Mga niyog na nakatali ang mga ulo. Kahit hindi bawal ang collateral damage, gusto ko lang magpasikat. Sa bagsakan o palengke at saklaan o sabungan, puwede na akong mamaslang.
Pinakasalan ko rin sa huwes ang matagal ko nang kasintahan, ang anak ng caterer sa kampo. Bumukod kami. Nagrenta ng apartment. Patapos na siya sa Nursing. Magpupulis daw.
Dahil may asawa na ako, may pabigas at pade-lata ang hepe. Naging ninong pa namin siya kahit hindi sumipot.
Pagbalik ko sa trabaho, memo ng pangulo agad ang sumalubong. Suspended muna ang mga operasyon dahil kumalat na sa bansa ang sakit na galing sa China. Inatasan kaming magsuot ng uniporme at magbantay sa mga kalye. Tagapatupad ng face mask at social distancing. Kumati ang kamay ko.
Lagpas isang taon na ang pandemiya. Nasa mga kalye pa rin kami. Kung hindi batuta, yantok ang dala. Ang titigas kasi ng mga ulo. Hindi didistansiya kung walang pamalo. Walang takip ang mukha, kung hindi mabibiyak ang noo. Hindi ako nababangag sa pananakit. Iba ang hanap-hanap ko.
Nagtitiyaga na lang sa paglilinis ng baril para makasinghot ng pulbura. Mahina man ang tama, puwede nang pantawid sa araw. Buti na lang may curfew. May dahilan ang aking pagroronda at panghihila ng mga biktima papunta sa talahiban. Sunud-sunuran ang aking motorsiklo sa nginig ko.
Wala pang bagong memo. Ititigil na raw ng pangulo ang mga operasyon dahil patapos na ang termino at halatang palpak ang kanyang programa. Hindi nahinto ang pagkalat ng shabu. Lalong dumadami. Tone-tonelada ang galing sa China. Parami rin ang mga adik. Nagkukulong kasi sa bahay.
Kahit paminsan-minsan, may paslangan pa ring nangyayari dahil marami ang mga kagaya ko, ang mga hindi mapakali hanggang hindi makapagpaputok. Nahihirapan akong ihinto ang pamamaslang. 'Yan lang ang dahilan kung bakit hindi ako gumagawa ng gulo sa bahay para barilin ang asawa ko.
Tuwing itinutuon ko ang baril-barilan sa noo para kunin ang temperatura, napapaisip ako na sana totoong pistola. Kapag nakakakita ng buntis, napapatanong sa sarili kung puwede na ang isang bala. Kahit mga matatanda ay gusto kong biktimahin. Sa utak ko, palubog na ang araw nila.
Magtatakip-silim na. Mag-ingat kayo sa akin. Oo, kasama ka. Ikaw na nagbabasa. Magbabala ka sa mga kaibigan, kakilala, at kapamilya mo. Huwag magtiwala sa nakauniporme, nakasandal sa motor, at nakangisi. Baka ako 'yon, ang pulis na nanghihila kapag naghahanap ng malakas na tama.
Tapos.
*San Mig Light
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Nagising na lang isang araw si Noli, ang anak, sa sidhi ng muhi sa ina, si Fili. Anak sa labas daw ang turing sa kanya. Pinabayaan. Hindi pinahalagahan. Sa kanilang tatlong magkakapatid, siya ang laging huling binigyan, kung may grasya man.
Dave ang totoong pangalan ni Noli. Kung may black sheep man sa pamilya, mas maitim pa siya diyan. Alkitran nga raw ang kanyang budhi. Kaya siguro iniwasan ng ina ang anak na suwail. Unlimited kasi ang lahat ng kanyang mga kasamaan. Kaya nga Noli ang naging palayaw niya. No Limit.
Bunso kasi kaya ganyan siya. Laging kulang sa kanya ang anumang natanggap. Sa kanin, tutong na lang. Sa ulam, sarsa ng bistek o ng balbacua. Sa damit, ang mga pinaglumaan. Sa sapatos, ang mga hindi na kasya. Kahit sa sabon, 'yong upos na. Maging sa shampoo, ang lalagyan na lang.
Mga tsinelas ang buhay ko. Kahit ngayong may-edad na, may asawa, at merong dalawang anak at ampon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga tsinelas. Ang ingay ng mga sampal nito sa semento. Ang pananahimik nila sa sahig. Ang pagtama sa lata. Ang paglipad.
Hindi na matandaan ng aking ina kung sa kabayo o sa manok ako ipinaglihi. Parehong palakaskas at palatakbo. Nasiyahan siya noon habang nanonood ng karera sa pista. Ang tulin ng mga kabayo ay parang mga padyak ko sa kanyang sinapupunan. Tila hinete na ako kahit hindi pa niluwal.
Tuwang-tuwa rin siya noong tumakbo ang titinolahing manok nang walang ulo. Imbes na masindak sa mga patak at sirit ng dugo na nakakalat sa palibot, nagalak dahil parang bulag ang napugutang pumuslit mula sa banggerang ihawan. Hindi alam ang paroroonan. Takot sa kumukulong tubig.
Ano kaya kung totoo ang mga sinasabi niyang dragon siya at dragon din ang pangulo ng bansa na nagbabalat-kayong tao rin? Ano kaya kung ang mga kuwento niya ang mga sagot sa mga tanong kung bakit magulo na ang bansa at nahihirapan na ang mga mamamayan?
Ipagpalagay nating baliw nga siya pero hindi pa rin mabubura ang mga pruwebang lantad at ang mga nakikitang tugmang-tugma. Pareho silang pangit. Tila mga bayawak na nilublob sa tsokolate ang hitsura. Sa malayo, gaspang ng buwaya ang mga balat nila. Makapal kahit hindi na hawakan.
Parehong maiingay rin sa radyo man o telebisyon. Tila mga butiki sa pagsapit ng gabi. Wala ring pinagkakaiba sa pagkapit. Sa kasikatan si Shedragon at sa kapangyarihan si Rodrigo. Mga tuko. Kahit sa pagpapalusot, animo'y mga madudulas na ahas ang dalawa. Palahanap ng mga butas.
Sa tingin ng mga tao, madali ang trabaho ko. Hindi na kailangan ang edukasyon o pagsasanay. Walang karanasan o pleasing personality na titingnan. Magsuot lang ng costume, maglakad ng pakendeng-kendeng, sumayaw sa kantang uso at makipaglaro sa mga bata, suweldo na.
Hindi nila nakikita ang mga paghihirap ko dahil hindi pa nararanasan kung paano malunod ang katawan sa pawis, mangati o mahadhad ang balat, mamaga ang ulo dahil may nakapatong, sumakit ang likod sa bigat ng suot, at matisod pa dahil maliliit ang mga butas sa mga mata ng bubuyog.
Nararanasan na ba nila 'yong gusto kong umubo dahil maplema na pero pinipigilan dahil takot na akalaing may sakit sa baga at baka makahawa ng mga bata? 'Yong sinisinghot ko na lang ang aking sipon dahil ayaw bumahing at manatiling basa ang mukha ng lapot, lamod, at lansa ng uhog.
Kabilugan ng buwan, ang hudyat ng pagtitipon sa tuktok ng Mt. Banahaw. Iisa lang ang layunin ng mga nagsisipagdalo: ang mapigilan ang pulang bakunawang dayuhan na lamunin ang araw at mga tala, ang katapusan ng bansang Las Islas, ang tahanan ng limang diwata.
Si Maria Banahaw ang pinuno ng pagtitipon. Diyosa ng paglaban at paglaya. Mga tauhan niya ang mga Rizalistang nananahanan sa kanyang bundok at sumasamba sa pambansang bayani. Nagtataka ang diyosang punong-abala kung bakit hindi na ipinaglalaban ang kalayaan at limot na si Rizal.
Kasali rin ang diyosa ng sining at dunong na si Maria Makiling. Nasa paanan ng bundok niya ang Philippine High School for the Arts at ang UP Los Baños dahil ganda at talino ang mga adbokasiya niya. Kaya nanggagalaiti sa galit dahil sa lumalaganap na mga kapangitan at kabobohan.
Animo'y tsismis ako noon na pinagpasa-pasahan ng mga bunganga. Magaling na image consultant daw. Napasikat ko nga raw ang aktor na tibihin at walang mga ngipin. Pinilahan sa takilya. Pinalibutan ng mga tagahanga. Nakipaghalikan pa kay Kris.
Pati ang aktres at singer na mahaba ang baba bago nagparetoke at tunog-manok noong palakanta pa ay sumikat din. Kusa ko ang pagkakaroon ng pangalan ng pangit na rapper. Hindi naging sagabal ang mga sungki-sungki niyang ngipin o ang mukhang hitik sa panga. Ginto ang tanso sa akin.
Lalo silang bumilib noong napabango ko ang mga mababahong politiko kahit bulok, malansa at anghitin ang mga imahe. Ginawa kong mga santo ang mga demonyo. Ang mga kawatan ay naging maawain at mapagbigay. Dahil din sa akin, kinaawan at kinampihan ang mga bobo at niluklok sa Senado.