Pagkatapos panoorin ni Neneng ang pelikulang animation na Trese, ang apelyido din ng bida na nanugis at namaslang ng mga laman-lupa, aswang, elemento, at engkanto, napapikit siya. "Bakit hindi ang mga totoong demonyo, berdugo, bampira, at buwaya sa lipunan ang ubusin?"
Siya si Magdalena Nieves Kahabagan Magbanua. Mga dugo ng apat na bayani ang nananalaytay sa kanyang ugat. Dalawang henerala noong panahon ng mga Kastila. Dalawang matatapang na babae noong panahon ng hapon. Maganda siya. Matapang pa. Hubog na ang katawan. Katorse anyos pa lang.
"Neneng, magsaing ka na," pasigaw na utos ng inang papalabas ng bahay."
"Nay, nasa paayuda pa ng kapitan si Kuya. Konti na lang ang natira sa lata."
"Eh di, hintayin mo. Saglit lang ako kina Aling Mereng. Pinakuha ang pang-ulam natin. Maghugas ka na rin ng mga pinggan diyan."
Pinatay niya ang TV at tumuloy sa kusina. Hindi mayaman ang pamilya niya kahit kumpleto sila ng mga gadget at appliances. Tagaayos naman kasi ang kuya niya ng mga sirang kagamitan. Matumal nga lang dahil sa pandemiya. Marami-rami ang mga hindi pa nagkuha ng mga iniwang pinaayos.
Tagadasal sa lamay ang ina niya. Nilimusan din naman sa bawat nobena. Tiba-tiba siya dahil maraming mga bangkay na nakagarapon. Plorera pala. Basta lalagyan ng abo. Pinahaba pa niya ang padasal para pangontra sa hawa. Nalibre na nga ng pagkain, may pakimkim pa ang mga namatayan.
Kahit may pera ang ina, pumila pa rin ang mga anak sa community pantry o sa barangay hall. May pinaglaanang mga utang kasi ang ipon. Malaki ang gastos ng pamilya ni Neneng sa amang pinagbintangan. Mula sa pagdakip hanggang sa pagharap sa korte hanggang sa nahawaan sa kulungan.
Lagpas isang taon na ang lumipas simula noong may kumatok sa pinto. Nagluksa pa rin ang babaeng anak. Inaliw na lang ang sarili sa panonood ng mga palabas. Naghintay ng pagkakataoon na siya mismo ang mag-imbestiga ng sinapit ng inosenteng ama. Sa isip niya, puwede na ang katorse.
Maraming mga pulis ang nilagyan ng ina pero hindi pa rin umubra. Kulang pa raw. Nagbayad pa sa mga manananggol ang kuya niya ngunit hindi pa rin pinalaya. Tinuloy raw ang kaso dahil ayaw tumestigo ng ama laban sa senadorang kritiko ng pangulo na pinagbintangan din at kinulong.
Ang tanging pinanghawakan ni Neneng ay ang huling sinabi ng ama noong binisita niya sa piitan. "Tagahasa lang ako ng kutsilyo at gunting, paano ko makikilala ang senadora? Sinungaling sila. Hindi totoong kahit ang plapla at ang sandok ay nagkikita. May nagdala ng isda sa kusina."
Kaya sa panahon ng community quarantine, hindi lang mga gawaing-bahay at mga palabas ang pinagkaabalahan ni Neneng. Nagsanay siyang maghasa ng mga patalim. Hinasa rin ang sarili. Patago niyang inaral ang pagbukas, pagtapon sa ere at pagsara ng balisong. Nag-ensayo rin ng eskrima.
Eskrimador ang ama niya noon. Kahit ang nirolyong pahayagan ay sandata. Mapanganib ang baston sa kamay niya. Kay Neneng iniwan ang librong minana pa sa mga eskrimador noong unang panahon. Gabi-gabi niyang binasa. Unulit-ulit ang bawat pahina. Engganyo ang sekreto sa pakikidigma.
Tiningnan niya sa talasalitaan ang engganyo: "Pang-aakit, pambubuyo, pagpapaasa, pagtutukso, pagbibitag, pagpapain, paglalambat, pagbibingwit, pagkukunwari, pagbabalat-kayo, pagpapakagat, pagpapatibong." Ang haba pero iisa lang ang intindi niya. Pulang lipstick. Kakulay ng makopa
Habang naghuhugas ng pinggan si Neneng, pinupog an gkanyang mukha ng halimuyak ng sabon. Naalala niya ang mabangong bulaklak na pinitas ng kanyang lolo sa ama. "Para saan po 'yan, Lo?"
"Ito ang magpapakumpisal sa mga sinungaling," sabi ng matandang albularyo sa apong bumuntot.
"Ipapakain sa sinungaling?"
"Hindi. Ibilad muna sa araw. Kapag tuyo na, dikdikin hanggang maging pinong pulbos."
"Isasahog sa pagkain o ilalagay sa inumin?"
"Hindi. Ilagay ang pulbos sa pagitan ng nakatuping papel. Kung handa na, buksan at hipan ito sa mukha ng sinungaling."
"Ano ang epekto?" usisa ng bata.
"Mababangag siya. Manghihina. Sasagutin niya ang kahit anong tanong. Hindi manlalaban. Hindi rin makakapagsinungaling."
"Paano kung mamumukhaan ng sinungaling ang nag-ihip ng pulbos?"
"Mabisa rin ito sa pagtatanim ng mga maling akala sa utak."
"Mahika?"
"Hindi. Dahil bangag, bubukas ang isipan."
"Halusinasyon?"
"Parang gano'n. Ibulong mo ang kahit ano. 'Yan lang ang kanyang matatandaan. Pero apo, lihim natin 'to. Ipangako mo sa akin na hindi mo gagamitin sa kasamaan."
"Pangako po, Lolo. Itataas ko pa ang kamay ko."
Ngumiti si Neneng sa kanyang mapang-usisang pagkabata habang nagbabanlaw. Pagdating ng kuyang may bitbit na supot na puno ng bigas, nagsaing na.
Habang hinuhugasan ang sasaingin, ang lola naman sa ina na taga-Lucban ang naalala." "La, paano ginagawa ang kiping para sa Pahiyas?"
"Galapong lang 'yan, apo, na may tubig at kulay. Nilalagay sa ibabaw ng dahon. Pinasisingawan. Ibibitin pagkatapos para matuyo."
"Ang dali lang pala."
Naalala rin ni Neneng kung paano pinatangos ang ilong ng higanteng ipaparada sa piyesta gamit ang kiping. "Dapat kakulay ko."
Nakatayo na ang mga plato sa patuyuan sa banggera. Mga baga na ang apoy sa ilalim ng kaldero para pain-inin ang sinaing. Ulam na lang ang hinintay.
Tinawagan niya ang inateng pinsan na mahusay sa makeup. Pangit na ikakasal man o kulay-abo nang bangkay ay kaya niyang pagandahin.
Tinawagan din ang isa pang pinsan na dating miyembro ng akyat-bahay gang. Nagkunwaring may baul na walang pambukas, aparador na mali ang inakalang susi, at trangkahan ng pinto na merong susi nga ngunit putol sa gitna. "Manong, mabubuksan pa ba ang mga 'to?
"Alambre lang 'yan."
Sa panahon ng lockdown, walang sinayang si Neneng. Kung hindi nagbasa ng librong namana, inalala ang nakaraan, nag-isip nang malalim, at nagtanong sa mga may alam.
Nasa pahina na siya ng mga pampalito at pampabulag. "Magtapon ng bato sa kaliwa para iwasan ng mga mata ang kanan."
*noong panahon ng mga Hapon.
Nang pinayagan nang lumabas ng bahay ang mga tao dahil marami-rami na ang mga nabakunahan, humingi siya ng pahintulot sa ina. "Simula bukas ng gabi, doon na ako magmo-module sa bahay ng kaklase ko sa kabilang barangay. Nakababagot mag-aral nang mag-isa. Binakunahan na rin sila."
Sa bahay ng babaeng GRO ang tuloy ni Neneng. "Ninang, walang aircon sa bahay. Nahihirapan akong sagutin ang mga module. Tuwing Biyernes lang ako rito. Mula alas-sais hanggang alas-diyes ng gabi."
"Kahit hatinggabi pa. Buti nga 'yan para may tao habang wala ako. Heto ang susi."
Buong gabing naglibot si Neneng sa dating barangay na nilayasan ng pamilya niya dahil sa nangyari sa ama. Gumawa ng mapa. Saan tatakbo kung malalantad ang plano? Saan magtatago kung hahabulin siya? Saan puwedeng magpalit ng anyo? Pinag-aralan din ang mga daan, eskinita at looban.
Minanmanan niya ang mga pulis sa pansitan. "Dadaan pala muna sa saklaan para mangotong. Hihingi rin sa bagsakan sa palengke. Pagkatapos pakainin ng libreng pansit, isa-isa na silang magsisi-alisan. Bakit nasa lugawan ang kanilang hepe? Goto pala ang paborito niya. May kalamansi."
Sinundan niya rin ang kapitan na kasama ng mga kumatok noon sa kanilang bahay. Luwa ang tiyan. Nilandi ng dambuhala ang mga pokpok na nakatayo sa gilid ng daan. Bumili ng isang tali ng sampaguita sa paslit. Inamoy muna bago ibinigay sa natipuhang babaeng may kabataan pa ang edad.
Sa sumunod na linggo, kinumpleto niya ang mga gamit. Namili ng sapatos na may takong, paldang maikli, at maong na pantalon na guguntingan para kita ang tumbong. May mga makeup na bigay ng ninang. Meron nang mga kiping na pampatangos ng ilong at pampaiba ng mga panga, baba at noo.
Pumunta siya sa Tutuban para maghanap ng lipstick. Malayo sa pula ng dugo. Tingkad siya ng pulang gumamelang nakasanayang isabit sa tenga noong bata pa. Nagpagupit din. Madaling hilain daw ang mahabang buhok. Nagpa-conditioner pa para malambot at madaling ilugay sa kanyang mukha.
Biyernes ng gabi, nasa bahay na ng kanyang Ninang na papunta na sa trabaho. Nakatsinelas lang si Neneng. Maong na shorts at kamisetang puti ang suot. Walang bra. Winisikan ang leeg ng pabangong nakita sa banyo. Inilabas ang mga sampaguitang tinuhog. Handa na siya pati ang hihipan
Pumuwesto na siya sa tambayan ng mga pokpok. Naghintay. Tumingin-tingin sa palibot. Tumitig sa mga mukhang dumaan. Kinuha niya sa bulsa ang salamin. Hindi halata ang pampatangos ng ilong sa lilim ng punong sinabugan ng ilaw mula sa poste. Palapit na ang kapitang una sa listahan.
"Sir, sampaguita po. Bagong hugas... pitas pala." Sinabayan niya ng kembot ang sinabi. Kumindat pa."
"Ilang taon ka na?" wika ng kapitang naglaway.
"Magdidiseotso na po."
"Legal ka na. Hindi pa kita nakita rito."
"Baguhan po, sir. Pambigas lang sa bahay. Ubos na ang ayuda."
"Dalawang daan?" tanong ng kapitang nanginig sa sabik.
"Saan?"
"Sa barangay hall."
"Sir, maraming tao roon."
"Wala. Sarado. Mamaya pa ang mga tanod."
"May CCTV po ba?"
"Meron sa kalye pero matagal nang sira."
"Sa loob ng opisina?"
"Wala kami niyan. Mahal na, matrabaho pa.
"Sure ka?"
"Malaki ang mawawala sa akin kung makukunan tayo. Hindi kita papapasukin sa opisina kung gumagana ang CCTV sa labas o kung merong niyan sa loob."
"Malayo po ba?"
"Dalawang bloke lang mula sa kantong 'yan. Mauuna muna ako. Sumunod ka ha."
"Paano kung may mga tao?"
"Maghintay ka. Hanggang alas-nuwebe ako sa opisina."
"Sige, mauna na kayo." Inayos ni Neneng ang buhok niya pag-alis ng kapitan. Tinakpan ang kalahati ng mukha. Susunod na sana pero tumunog ang message alert ng cellphone niya.
"Huwag muna may mga tao sa labas." Unknown caller.
Kumunot ang noo niya. Walang may alam ng plano. Hindi niya binigay sa kapitan ang kanyang numero. "Baka wrong number."
Nag-text na naman. "Clear. Punta ka na."
Bumilis ang kabog ng dibdib ni Neneng. "Setup ba 'to? Baka coincidence lang." Sinagot niya. "Sorry, wrong number po."
Humupa rin ang kaba niya pagdating sa barangay hall na wala ngang katao-tao. Wala na ring sumunod pang text na natanggap. Hindi na kailangang kumatok. Deretso siyang pumasok. Sinara niya ang trangkahan. Pagpasok niya sa opisina, ang kapitang nakasalawal na ang bumungad sa kanya.
*Unknown texter.
Lulong pala ang kapitan sa shabung hindi na siya kayang papayatin. Nakalatag sa mesa ang aluminum foil, tooter, sachet na puno ng kristal, at lighter.
"Gumagamit ka pala," wika ni Neneng. Pagsang-ayon ang kanyang ngiti.
"Pampatigas," saad ng kapitang hinimas-himas ang harapan.
"Meron akong mas mabisa pa diyan."
"Ilabas mo nga at nang matikman."
Nilabas ni Neneng ang pulbos sa nakatuping papel. "Makakatatlong putok ka dito. Pumikit ka."
"Malakas ba ang tama niyan? Talo pa ang Viagra?"
"Basta pumikit ka na. Isipin mong nasa dalampasigan ka. Maalon."
Pumikit ang kapitan at hinipan ni Neneng ang pulbos papunta sa mukha ng kaharap na singhot nang singhot. Nanlupaypay ang adik na malibog. Ninakawan ng lakas pero huminga pa. Sarado ang mga mata ngunit nakapagsalita pa rin. Hindi kayang gumalaw subalit gumana pa ang kanyang utak.
"Bakit kasama ka sa pagkatok sa bahay ng mga Magbanua?" simula ni Neneng.
"Sinong Magbanua?"
"Inting Magbanua. 'Yong tagahasa ng mga kutsilyo at mga gunting."
"Isinama ako ni Hepe."
"Bakit niyo pinusasan at kinulong pa kahit walang kasalanan?"
"May nag-utos daw kay Hepe."
"Sino?"
"Hindi ko alam."
"Bakit si Inting pa na inosente?"
"Mahirap kasi. Walang pamilyang mayaman o may kapit na dedepensa."
"Bakit si Inting?"
"Meron siyang pamangkin na may criminal record."
"Bakit nga si Inting?"
"Siya ang napili dahil sakitin at hindi na magtatagal."
Tumagaktak ang pawis ni Neneng at sumabay pa ang mga luha. "Uulitin ko, bakit si Inting na wala nga sa listahan mo?"
"Naghanap ang hepe ng puwedeng maging tistigo laban kay Senadora Lima na pinakulong ng pangulo."
"Ano pa?"
"Yong walang criminal record para paniniwalaan daw."
"Ituloy mo."
"Si Inting Magbanua ang pinili dahil din sa trabaho niya. Naglibot sa buong barangay. Madaling pagbintangan na nagtulak. Babayaran lang ang mga tambay, ituturo na siya."
"Binayaran ka ba ni Hepe?"
"Oo, dalawang libo."
"Sinabihan mo ba siya na inosente si Inting?
"Oo at alam niya. Naawa pa nga ako pero wala akong magagawa. Hepe siya. Kapitan lang ako." Pahina nang pahina na ang boses ng kapitan at ayon sa Lolo ni Neneng noon, maiidlip siya at hindi magigising sa loob ng biyente-kuwatro oras. Humilik na nga kahit nakasandal lang sa silya.
Tumayo si Neneng at naglibot para siguraduhing wala ngang CCTV. Sinilaban ang likod ng aluminum foil. Hinipan niya nang hinapan ang tunaw na shabu. Ipinahid ang agiw sa baba at mga kamay ng kapitan. Nilagay niya ang tooter sa pagitan ng mga labing pinagdikit ng malapot na laway.
Dinukot niya ang pitaka sa likod ng pantalon. Dalawang libo at dalawang daan ang pera. Kinuha niya ang dalawang libo. "Bayad 'to sa 'yo para tokhangin ang tatay ko." Ibinalik niya ang pitaka sa bulsa. Dinukot na naman para kunin ang dalawang daan. "Hindi naka-sale ang lipstick."
Tumunog na naman ang message alert. "May mga tanod na parating. Patayin mo ang mga ilaw sa loob. Isara ang opisina ni Kapitan."
"Sino ka ba talaga?" Niyanig ng takot ang buong katawan niya. "Ninang, ikaw ba 'yan? Alam mo?"
"Alam ko. Pero hindi ako ang ninang mo. Gabay mo ako."
"Ako lang ang nakakaalam?"
"Alam ko rin."
Para masiguro, nagtanong si Neneng, "Ano ang suot ko?"
"Maong na shorts at puting kamiseta dahil hindi ka naghubad."
"Pati 'yan, alam mo?"
"Dumaan lang pala ang mga tanod. Lumabas ka na. Wala nang tao."
"Kung sino ka man, salamat."
"Huwag isara ang main door ng barangay hall. Hayaan mong nakabuka."
Mag-aalas-nuwebe na. Sa bahay ng kanyang Ninang siya tumuloy para maligo at magpalit ng damit bago umuwi sa kanila.
Pagdating niya sa kanilang bahay, tulog na ang kuya at ang ina. Binuksan niya ang TV. Balita.
Pinagpiyestahan ng mga taga-media ang kapitan sa barangay hall. Hubo't hubad. Ayaw magising kahit sinampal na ng mayor. Sinigawan na ng hepe pero hindi pa rin bumukadkad ang mga mata. Nilatag siya sa sahig. Pinataob. Pinusasan. Inisa-isang tinala ang mga ebidensiya bago isinupot.
"Hindi ako nagtawag ng mga taga-media," bulong ni Neneng. "Hindi ko rin siya hinubaran ng salawal." Pinatay niya ang TV at pumasok na sa kanyang kuwarto.
Lagpas alas-dose na pero hindi pa rin siya makatulog. Ang nag-text na gumabay sa kanya ang laman ng isipan. "Si Manong kaya?"
Pagkagising niya kinaumagahan, dumeretso agad sa salas at binuksan niya ang TV.
Mukha ng kapitan ang tumambad. Namugto ang mga mata. Halatang gusto pang matulog. "Wala akong matatandaan sa mga pangyayari sa loob ng aking opisina."
"Baka bangag na bangag ka," wika ng reporter.
"Basta ang alam ko, bumili ako ng sampaguita sa bata dahil awang-awa ako, inamoy ko ang tinuhog na mga bulaklak, at binigay ko sa babaeng mahaba ang buhok na nag-aabang ng kustomer sa gilid ng kalsada. May mga kasama siya. Tatlo. Pumunta kami sa dalampasigan. Maalon. 'Yon lang."
"Tama si Lolo," sambit ni Neneng sa sarili. Naalala niya rin ang pangaral ng matanda albularyo sa kanya noong bata pa. "Baka totoo rin ang sinabi niyang nasa palibot lang ang sagot kung may tanong na palisipan sa hirap. Maputik sa labas ng barangay hall. May mga mumunting bato."
Agad siyang lumabas ng bahay at tinungo ang paanan ng hagdan. Nakasandal sa apakan ang sapatos ng kanyang kuya. Katabi ng kanyang tsinelas. Kinumpara niya ang mga mabatong putik sa mga suwelas. Walang pinagkaiba. Pareho lang ang nilakaran ng tsinelas at ng sapatos. "Ay, si kuya."
Dali-dali siyang pumunta sa kuwarto ng kapatid. Bukas ang pinto. Tinulak niya nang bahagya. Sumilip.
Nakaharap sa dingding ang kuya at humilik. Walang pang-itaas. Nakapantalon. May mga putik sa mga tinahing tupi. Nasa kama ang cellphone na hindi pa nakitang ginamit ng kapatid.
Tumuloy siya sa kusina para magpakulo ng tubig. Habang gumagawa ng apoy, gumalaw ang mga labi. "Hindi kita tatanungin, kuya. Gabayan mo na lang ako. Kasisimula pa lang natin. Hepe, warden, huwes, sekretaryo ng katarungan, mga manananggol at marami pa bago ang malupit na pangulo."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Nagising na lang isang araw si Noli, ang anak, sa sidhi ng muhi sa ina, si Fili. Anak sa labas daw ang turing sa kanya. Pinabayaan. Hindi pinahalagahan. Sa kanilang tatlong magkakapatid, siya ang laging huling binigyan, kung may grasya man.
Dave ang totoong pangalan ni Noli. Kung may black sheep man sa pamilya, mas maitim pa siya diyan. Alkitran nga raw ang kanyang budhi. Kaya siguro iniwasan ng ina ang anak na suwail. Unlimited kasi ang lahat ng kanyang mga kasamaan. Kaya nga Noli ang naging palayaw niya. No Limit.
Bunso kasi kaya ganyan siya. Laging kulang sa kanya ang anumang natanggap. Sa kanin, tutong na lang. Sa ulam, sarsa ng bistek o ng balbacua. Sa damit, ang mga pinaglumaan. Sa sapatos, ang mga hindi na kasya. Kahit sa sabon, 'yong upos na. Maging sa shampoo, ang lalagyan na lang.
Nakakita na ba kayo ng dambuhalang nilalang na nanginig sa harap ng platong puno ng mga pagkain, naglaway kahit malalobo ng ang tiyan, at nasiyahan sa kanyang lalamunin kahit sumobra na sa timbangan? Kahit pagsabihan ng tama na, sige pa rin nang sige.
Sa mall, may nasulyapan na ba kayong mamimili na parang naghakot ng mga damit mula sa sampayan? Nangatog ang mga kamay kapag may gustong bilhin kahit hindi kailangan. Kumati ang mga paa kapag nakadaan sa pamilihan ng mga sapatos. Kahit puno na ang aparador, bili pa rin nang bili.
May kilala ba kayong manyak? Buong araw na ngang pinaglaruan ang ari, naghanap pa ng kakanain sa gabi. Hindi na napagod sa porno. Mainit ang ulo kung walang nasalat o nalamutak. Kinalyo na ang kamay at ang tarugo, pero bayo nang bayo at kangkang pa rin nang kangkang kahit unan.
Mga tsinelas ang buhay ko. Kahit ngayong may-edad na, may asawa, at merong dalawang anak at ampon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga tsinelas. Ang ingay ng mga sampal nito sa semento. Ang pananahimik nila sa sahig. Ang pagtama sa lata. Ang paglipad.
Hindi na matandaan ng aking ina kung sa kabayo o sa manok ako ipinaglihi. Parehong palakaskas at palatakbo. Nasiyahan siya noon habang nanonood ng karera sa pista. Ang tulin ng mga kabayo ay parang mga padyak ko sa kanyang sinapupunan. Tila hinete na ako kahit hindi pa niluwal.
Tuwang-tuwa rin siya noong tumakbo ang titinolahing manok nang walang ulo. Imbes na masindak sa mga patak at sirit ng dugo na nakakalat sa palibot, nagalak dahil parang bulag ang napugutang pumuslit mula sa banggerang ihawan. Hindi alam ang paroroonan. Takot sa kumukulong tubig.
Ano kaya kung totoo ang mga sinasabi niyang dragon siya at dragon din ang pangulo ng bansa na nagbabalat-kayong tao rin? Ano kaya kung ang mga kuwento niya ang mga sagot sa mga tanong kung bakit magulo na ang bansa at nahihirapan na ang mga mamamayan?
Ipagpalagay nating baliw nga siya pero hindi pa rin mabubura ang mga pruwebang lantad at ang mga nakikitang tugmang-tugma. Pareho silang pangit. Tila mga bayawak na nilublob sa tsokolate ang hitsura. Sa malayo, gaspang ng buwaya ang mga balat nila. Makapal kahit hindi na hawakan.
Parehong maiingay rin sa radyo man o telebisyon. Tila mga butiki sa pagsapit ng gabi. Wala ring pinagkakaiba sa pagkapit. Sa kasikatan si Shedragon at sa kapangyarihan si Rodrigo. Mga tuko. Kahit sa pagpapalusot, animo'y mga madudulas na ahas ang dalawa. Palahanap ng mga butas.
Sa tingin ng mga tao, madali ang trabaho ko. Hindi na kailangan ang edukasyon o pagsasanay. Walang karanasan o pleasing personality na titingnan. Magsuot lang ng costume, maglakad ng pakendeng-kendeng, sumayaw sa kantang uso at makipaglaro sa mga bata, suweldo na.
Hindi nila nakikita ang mga paghihirap ko dahil hindi pa nararanasan kung paano malunod ang katawan sa pawis, mangati o mahadhad ang balat, mamaga ang ulo dahil may nakapatong, sumakit ang likod sa bigat ng suot, at matisod pa dahil maliliit ang mga butas sa mga mata ng bubuyog.
Nararanasan na ba nila 'yong gusto kong umubo dahil maplema na pero pinipigilan dahil takot na akalaing may sakit sa baga at baka makahawa ng mga bata? 'Yong sinisinghot ko na lang ang aking sipon dahil ayaw bumahing at manatiling basa ang mukha ng lapot, lamod, at lansa ng uhog.
Kabilugan ng buwan, ang hudyat ng pagtitipon sa tuktok ng Mt. Banahaw. Iisa lang ang layunin ng mga nagsisipagdalo: ang mapigilan ang pulang bakunawang dayuhan na lamunin ang araw at mga tala, ang katapusan ng bansang Las Islas, ang tahanan ng limang diwata.
Si Maria Banahaw ang pinuno ng pagtitipon. Diyosa ng paglaban at paglaya. Mga tauhan niya ang mga Rizalistang nananahanan sa kanyang bundok at sumasamba sa pambansang bayani. Nagtataka ang diyosang punong-abala kung bakit hindi na ipinaglalaban ang kalayaan at limot na si Rizal.
Kasali rin ang diyosa ng sining at dunong na si Maria Makiling. Nasa paanan ng bundok niya ang Philippine High School for the Arts at ang UP Los Baños dahil ganda at talino ang mga adbokasiya niya. Kaya nanggagalaiti sa galit dahil sa lumalaganap na mga kapangitan at kabobohan.