Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Boses nga raw ng mga kaluluwa ang lumang kampana sa bayan ng Calagan. Sa pangalan pa lang, espiritu na ang pakahulugan.
May ospital na at dalawa pa ang doktor na may mga nars na alalay ngunit sa mga kalag o anito pa rin sumasangguni ang mga tao kapag hindi gumagana ang gamot.
Ugis na manok ang kinakatay kapag sipon lang at ubo. Sinusunog ang alay para sasalibadbad ang usok. Kung trangkaso, baboy naman ang inilatag sa malapad na batong pag-aalayan. Puwede rin ang kambing o tupa. Baka o kalabaw naman kung kanser. Mahal ang halaga ng tradisyon sa bayan.
Kung bakit hindi pa sumusuko ang mga pari at mga madre sa mga babaylan at mga mag-aanito, 'yon ay dahil sa mga taong kagaya ng mga La Guargia na tinataguriang "Sarado Katoliko"--matagal nang itinakwil ang kinagisnang kaugalian at namumuhi sa mga ayaw bumitaw sa dating paniniwala.
Laging laman ng sermon ng kura-paroko ang hinaing, "Laot ang bayang ito. Mangingisda kami. Lambat ang salita ng Diyos. Wala nang mga isdang masasarap. Puro mga buteteng nakalalason."
Nakasanayang pangaral naman ito ng kanyang katuwang, "Magkakagulo kayo kung walang Katolisismo."
Hinuhusayan ng mga madre ang pagtuturo ng Christian Living sa mga estudyante. Ayon pa sa prinsipal na sa bayan na tumatanda, "Habang may mga kaluluwang dapat hanguin sa kadiliman, hindi kami susuko."
Mungkahi naman ng isa pang madreng magaling kumanta, "Gamitan natin ng gitara."
Nagiging magimik na nga ang simbahan. Dinadalasan ang pagpruprusisyon ng mga santo kahit walang bagyo at baha. Pinangungunahan ang lindol at tsunami ng mga pagnonobena. Teatro sa daan ang Semana Santa. Pinapatagal ang Flores de Mayo hanggang Hunyo. Agosto na ang simula ng Pasko.
Palaisipan sa mga tagasimbahan ang mga babaylan. Noong walang tigil ang pagkulog at pagkidlat, sila pa ang naunang magsunog ng palaspas. Noong may nagpakalat na umiyak daw ang Santo Niño, sila ang nasa harapan ng altar kahit napag-alamang tulo palang nagmula sa butas ng bubong.
Ganoon din ang mga mag-aanito. Noong may baliw na nakakita raw ng Birhen, sila ang mga pumaligid sa kanya para protektahan. Noong lubog na ang mga sakahan dahil sa araw-araw na pag-ulan, sila ang mga nagbuhat ng patron para iparada. Si San Salvador. Kristong may hawak na globo.
Kaya siguro hindi pa nawawalan ang mga pari at madre ng pag-asa sa bayan ng Calagan dahil naniniwala pa rin ang mga tao sa himala. May mga rosaryong hawak pa rin ang mga babaylan. Merong mga rebulto sa mga bahay ng mga mag-aanito. Naghihingalo man ang Katolisismo, buhay pa rin.
Sa katunayan, matagal nang nagiging modelo ng kabanalan ang pamilyang La Guargia na siyang pinatutularan ng simbahan sa mga tao. Hijo de Cristo ang bana. Namumuno sa prusisyon. Nagbabantay ng mga gintong korona. Hermana mayor ang asawa. Tagabihis ng mga santo. Tagaayos ng altar.
Pati ang mga anak ay aktibo. Lider sa pabasa tuwing Biyernes Santo ang panganay na lalake. Ang babaeng sumunod ang nagpapasagala sa Mayo. Deboto ang isa pang babae ng Ina ng Laging Saklolo. Sakristan ang bunsong may mahalagang tungkulin na kura-paroko lang ang tanging may alam.
1919 nagsimula ang tradisyon ng mga La Guardia. Kaya nga nakaukit ang mga numerong 'yan sa paanan ng hagdan sa kanilang lumang bahay na pinamana ng bunso sa bunso sa angkan. Dapat ding magsakristan ang bunso habang bata pa at gampanan ang pagka-Hijo de Cristo kapag may edad na.
Nagsimula ang panata nang kumalat ang Spanish Flu. Nahawaan ang lolo sa talampakan ng kasalukuyang bunsong La Guardia. Naghingalo na kaya dinala sa saradong simbahan. Pinadasalan sa paring Amerikanong takot lumapit. Pinasiritan na lang ng bendita. Huminto ang paghingal. Gumaling.
Nang naging malusog na ang trese anyos na bunso, inalay niya ang sarili sa simbahan bilang sakristan. 'Yon naman ang pangalawang pagkalat ng salot.
Inutusan siya ng pari, "Lagyan mo ng mga amorseko ang laylayan ng damit ng patron?"
"Bakit, Padre?" usisa ng nagbibinatang bata.
"Mas malala ito kaysa una. Nagkakagulo na ang mga tao. Bumabalik sa mga dating gawi. Nagnanakawan ng mga hayop para ialay. Naghahanap ng mga may masakit para patayin."
"Bakit amorseko?"
"Ikakalat natin na naglakad ang rebulto at nagbasbas ng mga kabahayan habang tulog sila."
"Hindi ba 'yan pagsisinungaling, Padre?"
"Maiintindihan tayo ng Diyos. Magkuwento ka rin sa kanila na napanaginipan mo ang patrong nag-utos na magdasal at huwag lumabas ng bahay sa loob ng isang buwan."
"Naunawaan ko na ang saysay ng plano niyo, Padre."
"Sekreto natin 'to."
Nanalig sa Diyos ang mga tao. Sinunod ang pinakalat na utos. Humupa ang kaguluhan. Naglaho ang ligalig. Kusang nawala ang salot na dala ng mga biyaherong nagbenta ng mga paninda sa mga kanayunan. Konti lang ang namatay. Hindi matunog ang pagluluksa. Puno na ang Misa kada Linggo.
"Simula ngayon, ito ang magiging sekreto ng angkan mo," sabi ng pari sa alalay. "Kapag may salot, ang sakristang bunso ang maglalagay ng mga amorseko sa damit ng patron. Uulitin ang ginawa mong kabutihan sa 'yong bayan ng bunsong lalake sa bawat henerasyon."
"Panata ko, Padre."
Bago umalis ang pari pabalik sa kanyang bansa, nag-iwan ng sulat na babasahin lang ng mga magiging kura-paroko. Nilahad niya kung paano napigilan ang pananalasa ng salot gamit ang mga amorseko. Naging sekreto na rin ito ng simbahan. Pampabalik-loob sa Diyos. Para sa mga salahilo.
Kahit noong panahon ng martial law nang kumalat ang kolera, nagampanan din ng La Guardia na apo sa tuhod ang tungkulin sa simbahan.
Dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga bata at mga matatanda, sumuko na ang alkalde at nagpahukay na lang ng mga pagsusunugan ng mga bangkay.
"May mga amorseko sa damit ng patron," sabi ng asawa ng alkalde na alam ang kuwento ng mga matatanda tungkol sa unang salot.
Nagdagsaan ang mga tao sa simbahan. Kahit ang mga babaylang nagwikang tao na ang ialay ay nagdasal. Nandoon din ang mga mag-aanitong naghanap na ng bata.
"Nanaginip ako," saad ng apo sa tuhod na ama ng kasalukyang bunsong La Guardia. "Maging malinis daw tayo. Siguraduhing hindi marumi ang pinagmulan ng tubig. Pakuluan bago inumin. Pakalutuin ang pagkain. Maligo. Maghugas." Inulit lang ang sabi ng doktor na ayaw nilang pakinggan.
Gaya ng naunang salot, naglaho rin ang kolera. Hindi natuloy ang pag-aalay ng batang buhay sa malapad na bato. Tumiwasay ang ingay. Pumanatag ang pagkabalisa. Binaklas ang mga kabaong na hindi nasidlan ng mga bangkay at ginawang mga bangko sa simbahang puno na naman ng mga tao.
Noong kumalat ang bagong pandemiya sa Calagan, pinatawag ng kura-paroko ang mga magulang ng bunsong La Guardia. "Kalat na ang covid. Matitigas ang ulo ng mga tao. Lumalabas. Nakikihalubilo sa mga matataong lugar. Naghahawaan. Panahon na para ibalik ang himala ng mga amorseko."
"Paano, Father?" tanong ng amang Hijo de Cristo.
"Ikaw ang magpasya."
Sumabat ang inang hermana mayor, "Mahirap, Father."
"Kailangang-kailangan na. Biyente na ang namatay. Paabutin ba sa dalawang daan bago kayo magpasya? Maawa kayo sa bayan natin. Mahabag kayo sa mga tao."
"Lalabagin ba namin ang bilin ng mga matatanda sa aming angkan?" wika ng amang humikbi ang pagsasalita.
Nakatitig lang ang pari sa mag-asawa. Kumintab ang mga matang nagpigil ng mga luha.
Sumabat ang ina, "Siguro dapat nang wakasan ang mga amorsekong hindi naman talaga himala."
"Naiintindihan ko kayo," sabi ng pari. "Dama ko ang inyong lungkot kahit hindi niyo sabihin sa akin. Sakristan ko ang bunso niyo. Walang utos na hindi sinunod. Nauunawaan ko ang inyong pagluluksa. Kahit ako ay nangungulila pa rin. Hindi ko na ipagdidiinan ang himala ng amorseko."
Walang pinili ang mga magulang sa nalalabing tatlong anak. Hindi kayang suwayin ang bilin na bunso lang ang maglagay ng mga amorseko sa damit ng patron.
Kababaril lang ng mga pulis sa bunsong La Guardia. Pinaghinalaang adik na nakatakas dahil pula ang suot na kamiseta ng bata.
Binabalambanan ngayon ng ligalig ang bayan ng Calagan. Tunog ng pagkabalisa ang pananahimik ng mga tao. Binabagabag ang mga isipan ng takot. Naghihintay ng himala. Umaasa sa mga amorseko. Sinusulyap-sulyap ang laylayan ng damit. Iniiyakan ang patron na maglakad na at magbasbas.
"Wala nang mga amorseko dahil hindi kayo palasimba."
"Pagod na ang Diyos sa kahihingi niyo ng pabor pero hindi naman nakaluhod."
"Mas marami pa ang mga tao sa mga sugalan kaysa simbahan."
"Kung ako ang Diyos, maghihimala ako para magkatawang-tao at pagsasampal-sampalin kayo."
Nagkakagulo ang mga tao. Nagpapakalat ng mga haka-haka. Nagpapabatid ng mga nararamdaman. Naninisi ng mga hindi deboto.
Sa bahay ng mga La Guardia, iisa ang saloobin, "Sinusuportahan ng bayang ito ang berdugong papaslang sa batang inatasang gumawa ng himala para sa mga pasaway."
Nangyayari na nga ang kinatatakutan ng kura-parokong halos mag-isa na sa kanyang pagmimisa.
May mga usok nang pumapailanglang. Nagnanakawan ng mga hayop para ialay. Nagriritwal na ang mga babaylang nagmumungkahing mag-alay ng taong buhay sa malapad na bato at hatakin ang puso.
Kinikilabutan na nga dahil sa pandemiyang patuloy na kumikitil ng buhay, dinadagdagan pa ng mga mag-aanitong naghahanap ng batang may nunal sa dibdib.
Nananatili ang mga tao sa loob ng kanilang mga bahay. Bakante ang mga kalsada. Bumababa na ang bilang ng mga bagong nahahawaan.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.
Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.
Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.