Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
"Ang galing," hanga ko.
Pati ang pagsilab ng uling ay itinuro niya. Gaas lang. Siguraduhing basa ang sisilaban. Umatras para hindi mahagip ang katawan ng apoy. Tapunan ng nakasinding palito. Mga liyab muna ang makikita. Paghupa, mga baga ang matitira. Ilang beses ko na 'yang ginawa. Laging walang palya.
Dahil maalalahanin sa anak, dingadagan pa niya. "Kung nababahuan ka sa lansa, takpan mo ang 'yong ilong. Isama na ang bibig baka ka masuka. Para hindi matalsikan ng dugo o kaliskis ang suot, sapawan mo ng damit o tuwalyang labahin. Parang pakikidigma ang pag-ihaw ng galunggong."
Naghanap na nga ako ng galunggong. Sinuyod ang palengke. Dala ang alaalang unahin daw ang ulo. May nakita ako pero hindi ko ininda. Pula ang mga mata. Nakahilata. Tila tinamad ang laman. Parang may inabangan. Bilasa. Dinaanan ko lang pagkatapos sulyapin. Ayokong makipagtitigan.
Habang binabagtas ko ang mga makikipot na espasyo sa loob ng palengke at tinitiis ang iba't ibang mga bahong nagpaligsahan sa pagpasok sa ilong ko para babuyin ang aking hininga, binalik-balikan ko ang mga aral sa nakaraan--"Pagtiyagaan mo ang paghahanap. Talasan ang mga mata."
Naitanong ko rin sa aking ama noon kung paano manguha o mandakip ng mga galunggong. "Dinadakma lang ba sila?"
"Maraming paraan," sabi niya. "Maghintay ka muna. Kapag marami na maghagis na ng lambat. Puwede rin ang bingwit. Masisiba ang mga galunggong kaya sa bunganga nahuhuli."
"Matrabaho pala."
"Merong mga madadaling paraan. Magsindi at maghagis ng dinamita. Kaya lang gagawa ng ingay. Marami ang mga makakaalam. Ilegal ang pagdidinamita. May isa pang ilegal na paraan. Tahimik kaya walang makakahalata."
"Ano po 'yon?" Sabik ang mga tenga ko.
"Lason."
Lumipat ako sa ibang palengke. Malapit lang. Mas malaki. 'Yon talaga ang bagsakan ng mga galunggong. Ang mahal ng presyo nila. Taggutom kasi. Madalang siguro ang ayuda o pakimkim ng gobyerno.
Naghintay ako. Nagsilabasan nga ang mga isda. Ang tataba ng mga tiyan. Asul ang balat.
Habang naghihintay sila sa mga mababayad, nakamanman ang aking sulyap at naghintay ang mga tenga kong makaulinig. Animo'y may mga paninda ang mga kotongerong galunggong na binayaran. Gaya ng sabi ng aking ama na sa bunganga nabibingwit, pinag-usapan nila ang hepeng nahawaan daw.
"'Yon ang ulong hinahanap ko," wika ko sa loob ng aking utak.
Nasa eskuwelahan daw para ikuwarantin.
"Isa lang naman ang eskuwelahan dito. Elementary school."
Naawa sila dahil mag-isa lang. Ayaw umuwi sa pamilya baka makahawa. Tiniis ang lungkot. Dinaan na lang sa paghabhab.
"Gaya ni Papa, paborito niya ang inihaw na galunggong."
Inatasan daw ang isa sa kanila na magbantay sa labas pero pinauwi ng hepe baka mahawaan. Mailap daw ang mga nars dahil sa takot.
"Kailangan ko ng PPE. May mask na ako at face shield. May lason sa bahay. Para sa mga daga."
Mabuting tao ako pero ginawa nilang halimaw. Masunuring anak. Mapagmahal sa mga magulang. Nanangis. Nangulila. Hinulma ng lungkot sa simula. Paglaho ng luksa, pumalit ang galit. Nasa yugto na ako ng paghihiganti. Anong klaseng anak ang hindi ipaghihiganti ang inosenteng magulang?
Kung may medalya man para sa mga santong pulis, dapat nagawaran ang aking ama. Noon pa sana. Ang bala at baril sa kanya ay panghudyat lang hindi pampaslang. Napasuko niya ang mga kriminal gamit ang laway. Kahit ang mga mamamatay-tao ay napaamo niya sa pamamagitan ng mga salita.
Sa sobrang bait niya, pinagkaisahan nila, mga kabaro, katrabaho at inakalang kaibigan. Ayaw raw makisama. Marami na ang alam tungkol sa paslangan kaya dapat patahimikin. Pinatahimik nga. Tinuldukan sa noo. Itinapon sa bangin. Hindi pinaghirapan ang pagkatay sa kanya. Madalian.
Nagdrama pa noong huling gabi ng lamay. Nakauniporme. Nakahanay sa labas. Nagmartsa pa. Sumaludo sa kanilang binaril sa ulo. May gana pang magpaihaw ang hepe ng mga galunggong na abuloy nila. Para daw sa inuman ng tropa. Putang ina nila. Tumulong ako, ang huli kong pag-eensayo.
Lumapit sa akin ang hepe at nagwika,"Ipahahanap ko ang pumatay sa papa mo."
"Hahanapin ko rin," sagot kong may ismid.
Nanlaki ang mga mata niya. "Kami na ang bahala. Pagtuunan mo ang 'yong pag-aaral. Sabi ng papa mo, Criminology raw ang kinukuha mo. Ako ang magpapasok sa 'yo."
Pagtalikod niya, napabulong ako sa sarili, "Sapat na ang alam ko sa judo para patumbahain ang laki at taba mo."
'Yon na ang simula ng pagnanasa kong mag-ihaw ng mga kakaibang galunggong. Kumati ang aking kamay na gustong maghasa, maghiwa, at maghablot ng bituka. Nanginig pa.
Sinunod ko ang isa pang pangaral ng aking ama--"Marami kang matutunan sa pananahimik at pakikinig."
Dumaan-daan ako sa labas ng eskuwelahan. Alas-siyete pala ang hapunan. Walang guwardiya. May ibang pinagkaabalahan ang mga nars. Mag-isa lang ang hepe sa gusaling para sa mga VIP.
Kinabukasan, naghasa na ako ng kutsilyong mabigat sa kapal. Sinunod ang proseso ng aking ama. Plato. Binaliktad. Nilagay sa mesa. Hinasa ang patalim hanggang pati buto ay puwedeng hiwain. Dinuraan. Hinasa pa nang hinasa. Tinitigan. Kampante na ako sa kintab. Isinuksok sa kaluban.
Nagdikdik ako ng mga pulang malabolitas na lason para sa daga. Isinilid sa maliit na basyong boteng lalagyan ng mga tableta ng aking amang may alta-presyon. Handa na rin ang nabiling PPE. May mga kasamang guwantes na at pantakip ng sapatos. Maskara. Face shield. Nasa backpack na.
Pagsapit ng hapon, bumalik ako sa palengkeng bagsakan ng mga galunggong. Tambayan ng mga pulis. Parehong oras. Alas-tres. Oras ng pangongotong. Nadatnan ko nga sila. Parang mga butanding na naghintay na palamunin. Gaya ng dati, pasulyap-sulyap lang ako at pinagana ang mga tenga.
"Ibili ko raw ng inihaw ang parte ni Bosing," sabi ng pinakabata sa kanila na utusan ng tropa.
"Hayon, may tangige," turo ng nguso ng isa pang herpes yata ang bulutong sa labi.
"Adik si Bosing sa galunggong."
"Pinupurga siguro ng gulay sa loob," sabat ng pinagod ng katabaan.
Inunahan ko na sila. Nagpa-ihaw ako ng lima. May paniniwala ang hepe sa operasyon man o sa pagkain na dapat hindi gansal ang numero. 'Yong hindi puwedeng hatiin nang eksakto sa dalawa. Medyo sunog ang gusto niya. Alam ko dahil kainuman siya ng ama ko noong nagsimula pa lang sila.
Sinabayan ko ng sawsawan. Toyong may kalamansi. Sangkatutak na sili. Ako na ang nagbuhol ng plastik na pambalot. Nataktak na ang lason. Inalog-alog ko hanggang sa matunaw. Dumaan ako sa kerenderiya para sa tatlong tasang kanin. Ganoon siya. Tatlo lang at tasa talaga. Diyeta raw.
Sa masukal na likod ng eskuwelahan ako dumaan. Nandoon ang boteng may gaas na iniwan ko sa ilalim ng malagong damo noong nagdaang gabi nang naghanap ako ng daan at pagtataguan. Kinapa ko sa bulsa ang pansindi ng aking inang palasigarilyo na simula noong nilibing ang aking ama.
Sinuot ko ang dalang PPE, maskara at face shield. Nagguwantes. May takip na ang sapatos. Nag-imbentaryo ng mga gamit. Kutsilyo at gaas? Nasa loob na ng backpack. Inihaw, kanin, at sawsawan? Bitbit ko na. Handa na ako. Humakbang. Hindi na umatras. "Ganoon pala sa Rubicon noon."
Hindi ako pabida kaya deretsahan na. Walang kasabik-sabik. Walang pagkaligalig o pagkaantala. Hindi nangyari ang muntik na sanang mahalata o halos madatnan ng guwardiya. Ang totoo, walang nagbantay at hindi naghigpit. Walang pakialam ang mga nars sa mga pasyenteng nakakwarantina.
Kumatok ako. Tumpak ang numero sa pinto, ang narinig ko noong dumaan-daan para magmasid at ipinahatid ng nars sa kasama ang tubig ng hepe sa room 7. Muli akong kumatok.
"Ano 'yan?" sigaw ng hepe. May sakit na nga pero wala pa ring modo.
"Sir, may iniwan ang pulis para sa inyo."
"Ilagay mo lang diyan."
Dumeretso ako sa likod para magtago malapit sa bintanang may biyak. Nagmistula multo ako sa pananahimik.
Kahit sa pagkain, gahaman ang hepe. Hindi man lang tumawag sa utusan para magtanong o magpasalamat. Lumamon agad. Sa pambalot na sinawsaw ang inihaw.
Limang sawsaw lang, nangisay na. Hindi makahinga. Pilit pigain ang leeg para magkahangin. Bumula ang bibig. Bumagsak sa sahig. Tumimbuwang.
Muli akong pumasok sa kuwarto. Hiniwaan ko ang kanyang tiyan. Nilaglagan ko ng kutsilyo ang kanyang kanang kamay na may kulay pa ng toyo.
Binuhusan ko ng gaas ang padyamang suot pati ang unang isinagadsad ko sa ilalim ng ulo. Napalibutan siya ng mga muwebles na kahoy. Pumunit ako sa papel na pinambalot ng inihaw. Sinindihan ko at itinapon sa hepeng may pakana sa pagkamatay ng aking amang kaklase niya at kaibigan.
Agaran kong tinungo ang likod ng eskuwelahan. Bitbit ang bote ng gaas. Karga ang backpack. Pagdating ko sa masukal na sulok, hinubad ang mga suot na pansapaw maliban sa maskara sa mukha. Ibinuhos ko ang nalabing gaas at sinunog ang mga inalis sa katawan. Pagliyab, naglaho na ako.
Pagdating ko sa bahay, siya ang laman ng balita sa telebisyon. Natupok ang buong kuwarto dahil hindi rumesponde ang mga bombero sa takot. Nasunog ang katawan maliban sa kamay na may kutsilyo. Mahigpit daw ang metal na relo. Pinaghinalaang nagpakamatay at sinunog din ang sarili.
Kusang gumalaw ang aking mga labi nang hindi ko naramdaman. "Pasensiya na, Pa, hindi ko na hinintay ang paghupa ng apoy at ang pagbaga baka ako madatnan. Hindi ko na rin pinain-in sa init ang lamang luto na gaya ng sabi mo--ang pinakahuling bahagi ng pag-iihaw ng mga galunggong."
Lumabas ng kuwarto ang aking ina. Nakadamit-pantulog. Walang ligo. Humakbang papunta sa sopang inupuan ko. Tumabi siya. Nakinood ng telebisyon. Nakibalita. Suminghot. "Anak, bakit amoy-gaas ka?"
Tiningnan ko siya sa mga mata. "Hindi mo na kailangang magsindi ng sigarilyo, Ma."
Pigil ang kanyang ngiti. Pasalamat sa Diyos at pangungulila sa aking ama. Tumulo ang luha sa kanang pisngi. Sinundan ng kaliwang mata.
"Maliligo na ako. Maligo ka na rin, Ma. May tatlo pa. Hayaan muna nating humupa ang apoy. Muling magbabaga."
"Samahan mo akong magsimba bukas."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.
Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.
Sumapit na naman ang gabing naging parang asong ulol ang pangulo. Nanginig ang laman. Naghanap ang katawan ng lunas. Naglaway hanggang baba. Naglaro ang bibig ng mga bula. Nanlisik ang mga mata. Isa lang ang ibig sabihin niyan: turukan na siya sa bisig ng Fentanyl.
Piyesta ng mga karamdaman ang kanyang katawan. Mula ulo hanggang paa. Migraine at arthritis. Meron pang mga sakit sa gitna. Sa lalamunan at sa ari. Ang pinakasentro ay ang bag na imbakan ng dumi o ihi. Hindi pa sigurado kung may sakit siya sa bato o sa bituka. Sinungaling kasi.
Kapag nakahawak na sa leeg na parang may tinapalan ng init ng kamay o sa mga tuhod na tila pinigilan ang pagtayo, hudyat na 'yan ng pagtuturok. Hindi na kailangang sabihin kung saan ang masakit at gaano kasakit. Kahit "agoy" o "aguroy" ay walang sinambit. Mukha pa lang, aray na.