Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
"Kailangan lang ni Goni ng hardinero, tagahugas ng kotse, at sunud-sunurang alalay kaya hinango sila sa putik," koro ng mga tsismosa sa loobang iniwan ng mga magkakapatid.
Totoo naman. Nangaral pa nga si Auntie Goni, "Hindi kayo mga prinsipe at prinsesa. Magbanat kayo ng buto."
'Yon nga ang nangyari. Nagmartsa si Uncle Tiyok na nagsundalo. Nagsunog si Uncle Pulong ng kilay dahil nangarap maging abogado. Ang ina ko ay mayordoma sa mansiyong may isang dosenang kuwarto at anim na banyo. Apat ang salas at dalawa ang silid-kainan. Iba pa ang malaking kusina.
Matiwasay naman sa mansiyon maliban sa pabrikang pinasara ng politikong nanghingi ng pangampanya at hinindian, sa tindahang hindi na kumita dahil sa mga panindang puslit mula sa China at sa manliligaw ng aking ina na kalaunan ay naging ama kong si Emong na pinagpala ng mga bisyo.
Malas din siguro ang pagkasangkot ni Uncle Pulong sa aktibismo. Galit siya sa imperyalismo pero galing sa ibang bansa ang mga suot at gamit. Selpon nga niya ay Apple. Nike ang sapatos. Paborito ang Lacoste. Pumila para sa mga libro ng mga dayuhan. Palabasa kaya naging komunista.
Malayo rin sa suwerte ang natamo ni Uncle Tiyok na opisyal na ng army dahil asintado at tarantado. Kahit ano o sino basta buhay at kalaban ay pinaputukan o pinasabugan. Matapat nga sa kauupong pangulong mamamatay-tao na ang laging sambit sa mga sundalo ay "carry on". Manugis daw.
Sa kalagitnaan ng termino ni Pangulong "Carry on", nagkatrahedya. Nakipamuhay si Uncle Pulong sa mga magsasaka sa probinsiya dahil lutung-luto na ang utak sa aktibismo at sinukat ang katapatan ni Uncle Tiyok ng kanyang mga kasamahang nagbabala na kahit Diyos pa basta makakaliwa.
"Hindi ako rebelde," pakilala ni Uncle Pulong noon sa pamayanan. "Naniniwala ako na hindi baril at bala ang kailangan kundi polisiya at protesta. Wala sa bundok ang laban ngunit sa loob mismo ng gobyerno." Nangarap siyang pasukin ang politika. Baka partido ng mga aping magsasaka.
Sumumpa naman si Uncle Tiyok sa kanyang kumander noong sinuntok siya sa dibdib, ang ritwal para sa mga bagong kasapi ng impanterya. "Nanunumpa akong maging tapat sa aking mga tungkulin bilang sundalo at hindi magdadalawang-isip kahit kapamilya, kaibigan at kakilala basta kaaway."
Dinakip si Uncle Pulong. Nilagyan ng baril at mga bala ang bag niya. May mga libro ng mga komunista. Meron pang manuwal kung paano gumawa ng bomba. "Tol, hindi ako rebelde. Alam mo 'yan. Iba ang aktibista. Ipaliwanag mo sa kanila."
Nakatitig lang sa kawalan ang kanyang kakambal.
Pagdating sa kampo, ikinulong si Uncle Pulong at nag-inuman ang mga sundalo.
"Kailangan ni "Carry on" ng pruweba na hindi lang tayo nagsasayang ng pera sa probinsiya," sabi ng kumander. "Kailangan daw ng duguang mukhang pagpipistahan ng media. Sino sa inyo ang gustong tumira?"
Walang sumagot. Wala ring nagtaas ng kamay.
"Ikaw, Tiyok, kaya mo ba? Promosyon agad 'yan. Katapatan 'yan sa pangulo. Bibilib sa 'yo dahil kapatid mo."
Pinawisan ng malamig ang kakambal. Barado ang lalamunan. Lumunok ng laway. Gustong magsalita ngunit baho ng alak ang naibuga.
"Circle formation!" sigaw ng kumander.
Nagsiurungan ang mga sundalong nakaupo sa semento para gawing bilog ang mga puwesto.
"Sampung opisyal tayo rito. Inutusan lang. Kung sino ang ituturo ng bote, siya ang titira." Pinaikot ng kumander ang basyo ng Red Horse.
Si Uncle Tiyok.
"Paano 'yan, ikaw ang itinadhana sa atin," ngisi ng kumander na nangarap maging general agad-agad.
Pinunasan ni Uncle Tiyok ang noo. Nagbukas ng malaking bote ng beer at nilagok itong mag-isa ng walang paghinto. "Basta ibalato niyo sa akin na iuuwi ko ang bangkay niya sa amin."
Baka may koro na naman kayong mga mambabasa na gawa-gawa ko lang ito. Nasa talaarawan lahat ni Uncle Tiyok. Kahit ang pag-utot niya noong may sagupaan.
Dinala na nga ang bangkay ni Uncle Pulong sa mansiyon. Nakalagay sa body bag. Binalot din ng kumot sa loob. Sa dibdib ang tama.
Naglupasay sa damuhan sa hardin si Auntie Goni. Nanisi ang palahaw. Bawat pagluha ay nagpahiwatig ng galit. "Hindi ko ililibing ang aking kapatid. Walang kabaong. Walang maghuhukay ng himlayan. Hayaang maagnas. Ipaubaya sa mga uod at langaw. Hindi ko pababasbasan. Walang puntod."
Paborito ng tiyahin ko si Uncle Pulong. Inasa niya ang hinaharap sa kapatid na inakalang maging abogado. Paubos na kasi ang pera niya. Kung may papasok man sa bangko, konti lang at madalang. Mas malaki pa ang lugi kaysa kita. Ang pagkamatay ng kapatid ay malaking lugi sa kanya.
Dahil makoneksiyon ang manliligaw ng aking ina, nagawan din ng paraan ang bangkay. Ibinenta niya sa isang medical school para pag-aralan ng mga estudyante. Hindi nga nailibing si Uncle Pulong. Wala ring kabaong. Nanigas siya sa laboratoryo. Sinuri ng mga nakaguwantes na kamay.
Ang bilis ng mga pagbabago sa mansiyon. Lasengga na si Auntie Goni. Gastador. Gusto yatang talunin si Imelda sa dami ng mga mamahaling sapatos. Naka-hanger lang ang mga damit na may tag pa. Palataya na rin ng loterya. Inaasa na sa suwerte ang mga kakailanganin niya sa pagtanda.
Habang nagwawaldas ang kapatid ng pera, nagplano naman ang aking inang masekreto. Pinaligawan sa kasintahan niya si Auntie Goni para huthutan. Takot siyang mamulubi sa huli kapag wala na ang mansiyon at wala nang magpapalamon sa kanya. Hindi kasi nakapag-aral dahil nagpaalila.
Pinatulan ng aking tiyahin ang inakalang suking plumber ng mayordomang kapatid. May hitsura din naman. Malaki ang katawan. Matangkad. Moreno. Kahit puro ukay ang damit, mukha siyang disente. Nasa loob nga lang ang kulo. Sugarol. Palabenta ng mga gamit. Basta tagalooban ang asal.
Tiniis ng aking ina ang kurot sa dibdib habang naghahalikan sa harapan niya ang kasintahan at kapatid. Kapag nakarinig ng mga ukol, sinabayan niya ng pagkantang nanghugot ng mga luha. Tuwing magkahawak-kamay naman sila, tumalikod na lang, kumagat ng labi at nagmura nang pabulong.
Nagkoro ang mga kasambahay na may alam tungkol sa sekreto ng kanilang mayordoma at mahilig sa mga baduy na telenobela at sa mga Koreyanong drama, "Ang sakit. Pinaubaya ang mahal para lang sa pera. Ang pinaglilingkurang kapatid ay karibal sa halik at yakap. Kawawa. Kailan lalaya?"
Sadyang mas matimbang ang dugo kaysa tubig kahit matigas na yelo pa ito. Nakunsensiya siguro kaya lalong bumangis si Uncle Tiyok. Hindi na mga kalaban ang hinanap kundi kamatayan. Gustong sundan ang kakambal. Nangyari nga ang inasam noong nagbarilan ang mga sundalo at mga pulis.
Upang mabawasan ang bilang ng mga sundalong namatay at hindi magalit ang pangulong mabaho na sa mga mamamayan, isa si Uncle Tiyok sa mga pinabigatan ng mga bato sa laot.
Hindi naghanap ng bangkay ng kapatid si Auntie Goni. "Walang libing, ililibing o libingan sa pamilyang ito."
Kumupisal din ang aking inang naawa sa aking tiyahin. Wala rin naman siyang nahita sa mga nahuthot ng kasintahang natuto nang mag-casino.
"Pinagkaisahan niyo ako!" Lumaki ang mga mata ni Auntie Goni. Namula ang mga pisngi. Tinabig niya ang mga nakahain sa mesa. "Mga traydor!"
Nabulunan ang aking ina ng karneng hindi pa nanguya.
"Ikaw, bumalik ka sa looban. Lumayas ka ngayon din. Wala akong kapatid na ahas. Pinagsamantalahan mo ang pagmamalasakit ko sa 'yo."
Tumayo ang kasintahan ng aking ina para depensahan siya dahil baka batuhin ni Auntie Goni.
"At ikaw, bumalik ka sa pagkatubero at kung saan ka nanggaling. Hindi ko kailangan ng lalakeng magsasamantala lang ng mga kahinaan ko."
Ora-oradang nag-empake ang dalawa. Hindi binigyan kahit pamasahe. Hindi rin pinahatid sa drayber.
"Nagkamali akong pagtiyagaan kayong lahat!"
Lumayas na nga ang aking ina at ang kasintahang pinatira ng tiyahin ko sa mansiyon. Bumalik sila sa looban. Sa dating barong-barong na nagmakaawa ang sahig na iangat mula sa putikan.
Nagkoro na naman ang mga nakangising tsismosa. "Babalik at babalik ka rin sa 'yong pinagmulan."
Nang kumalat ang pandemiya sa bansa, nakasanla na sa bangko ang mansiyon. Naibenta na ang mga sasakyan. Nagsialisan ang mga kasambahay at drayber na hindi na nasuwelduhan. Nilumot ang mga pader. Bawat sulok ay agiw. Nagtipon ang mga alikabok sa mga muwebles. Tagtuyo na sa hardin.
Halata sa mukha ni Auntie Goni ang kanyang mga pinagdaanan. Lumalim ang mga mata. Kumuyot ang mga labi. Nabawasan ng laman ang mga pisngi. Kumulubot ang balat. Kahit ang katawan niya ay pinagkaitan din ng lakas. kahit tatlong sapaw na ang suot na mga damit, buto't balat pa rin.
Dahil sa kahinaan at sa pagtityaga sa mga linya para sa ayuda, nahawaan siya. Mag-isang binawian ng hininga sa mansiyong niremate na ng bangkong nagpasunog sa kanya. Kahuli-hulihang pabor daw.
Isinilid ang kanyang abo sa lata ng pintura. Isinantabi sa isang sulok sa krematoryo.
Binuntis muna ng aking ama ang ina ko bago siya naglaho. Kumalat na lang ang balita sa looban isang araw na natokhang. Alam ng tagaroon kung saang punerarya pero walang nag-ambagan. Adik daw kasi at tulak pa. Baka pa sila madamay. Nilibing na lang ng aking ina sa kanyang alaala.
Lagpas isang dekada na ang lumipas. Binata na ako. Nakadalawang pangulo na. Lugmok pa rin sa kahirapan dahil sa mamamatay-taong pangulong utang nang utang hanggang sa isinanla ang kaluluwa ng bansa. Nakahiligan ko ang pagsusulat para mauto ang sarili at hindi maamoy ang pusali.
Habang nag-iisip ako kung paano tapusin ang kuwentong ito, nasulyapan ko ang aking inang tahimik na nakaupo sa makilimlim na sulok. Ubanin na. Meron nang mga kulubot. Pagtatanong ang kuba ng katawan. Hindi ako sigurado kung pagsisisi o pagdadasal ang pagtikom ng kanyang bibig.
Sa loob-loob ko, "Saan ako kukuha ng panlibing. Nangangarap pa lang maging manunulat. Paano tapusin ang sumpa ni Auntie Goni? Bolpen at papel nga ay mga puslit kung hindi hingi at hiram." Tumayo ako at dumungaw sa bintana.
Nagkoro ang mga tao sa saklaan, "Huwag munang ilibing."
Tapos.
*makulimlim
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.
Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.
Pamilya ng mga kababalaghan ang aking kinalakihan. Maliban sa baklang tiyuhin na kapag lumabas ng bahay ay nagdulot ng pagkulog, pagkidlat, at pag-ulan, may madreng palaputang-ina, merong paring santo na sana kaya lang walang perang magagasta, at tiyahing si Sumilhig.
Sa lahat ng mga kapatid ng albularyo kong ama, kay Tiya Sumilhig ako nahiwagaan nang lubos. Sa pangalan pa lang, napaisip na ako. Sa wika naming mga lumad, walis ang silhig. Walis-tingting na may tagdan. Diyan raw pinaglihi ng aking lolang dating babaylan ang aking tiyahin.
Maging ang aking lolong bagani noong bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero ay ginawang palayaw ang bunso. Mga Katoliko na sila pero tradisyunal pa rin ang pagtatangi kay Tiya Sumilhig. Hindi pinaapak sa lupa. Binuhat ng mga tauhan sa likod man o sa duyang gawa sa ratan.