Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.
Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Mabisang pambato rin ang ang laruang sapat ang bigat para magkabukol ang tatamaan. Gaya ng mamang lasing na ayaw umalis. "Kasama sa bayad ang pagtulog ko sa condo mo,"pilit niya.
"Puta ako. Hindo mo ako roommate." Binato ko siya. Tinamaan sa balikat. Nahimasmasan, Lumayas din.
Noong hindi ko pa polisiya ang "pay first before you get naked", may guwapong lalakeng nagpanggap na taga-Ateneo. Nag-English pa kahit patataubin lang naman ako. Dahil malinis at mabango, hinayaan kong makatatlo. Kinapa niya ang apat na bulsa. "Sorry, nasa kotse ang pitaka ko."
"Saan mo pinarada?" usisa ko habang nagdadamit-pambahay at naghuhugas siya.
"Hindi ko matandaan. Basta I'll come back. 5th floor. 508."
"Wala kang kotse. Dapat alam mo ang mga kalye. Magbayad ka."
"Meron. Nasa baba nga." Mabilis siyang lumabas. Patakbo ang paglakad sa pasilyo.
Kinulu-kulo ko ang aking laruan. Nag-umpugan ang mga salitang parang dice. "Magnanakaw! Magnanakaw! Magnanakaw!"
Nagsibukasan ang mga pinto. Sa hiya, bumalik siya. Iniwan ang kanyang relo. Umalis nang nakayuko.
"G-shock. Puwedeng panregalo. Tutal masarap siya. Hindi ako lugi."
Ang mga doktor nga ay nalalayansan ng mga pasyenteng walang pambayad. Magtanong kayo sa mga arkitekto. Gawa na ang disenyo ng buong bahay pero manunuyo pa ng dirty kitchen sa labas at libre.
Wala akong ipinagkaiba sa kanila. Kaya kahit saan tingnan, trabaho ang pagpapakantot ko.
Palabasa ako noon. Mga libro ang ipinantawid sa pagitan ng mga oras at paghihintay. Naumay na sa kalalaway ng mga pahina. Nabasa na lahat si Foucault. Tumpak, kaya kong maging makapangyarihan sa kama. Nakumbinsi na ako ni Bourdieu. Field ang aking kuwarto at habitus ang harutan.
Busog na ang utak ko sa female gaze at sexual objectification of men. Nasusuka na ako kay Paglia. Binabasa lang daw ng mga babae ng ihi ang lupa, habang gumagawa ng arkong ihi ang mga lalake. Pinatunayan kong mali siya. Sa mga bunganga nila ako umihi. Nagbawas na at binayaran pa.
Si Butler ang nagmulat sa akin na trabaho ang pagpuputa. "Gender is a performance" daw. Aba, pagganap pala ang pagkababae. Dapat may bayad. Libre ba ang pagpasok sa sirko? Sa teatro? Walang ticket ba ang concert ni Regine? Gratis ba ang pag-iyak ng mga nakatitig na mata ni Nora?
Kinausap ako minsan ng matalik na kaibigan na nars sa isang malaking ospital,"May 13th month pay ka ba?"
"Ininisulto mo ba ako, BFF?" Hiya ang hugis ng aking mga labi.
"Alam kong may bonus. Tip kung nag-gymnastics kayo sa kama. Hazard pay?"
"Wala nga. Nang-aalaska ka lang."
"Income tax, nagbabayad ka?"
"Hindi. Pero may sales tax ang mga gamit ko mula ulo hanggang paa, ang mga damit na pampalibog, mga makeup, mga pabango, condom at lube. Kahit itong mga tuwalya para sa mga lalake ay may tax. Pati pala itong paper towel na pampunas ay binuwisan din."
"Gaga, income tax ang tanong ko."
"Hindi nga ang sagot."
"Diyan ako bilib sa 'yo kaya hindi kita puwedeng maliitin. Isang kliyente mo lang, sahod ko na sa magdamagan. Binawasan pa ng BIR ang kita ko."
Hindi na ako umimik. Ngumiti lang. Hilaw. Nakunsensiya para sa kaibigan ko.
May mga pagkakataong kumbinsidong-kumbinsido ako na trabaho nga ang aking pagtihaya, pagtagilid, pagdapa, paggapang at pag-upo sa kama. Ginampanan ko ang trabaho ng sikologo. Nagpayo. Nagpalagay ng loob. Gaya noong unang sumulpot si Anton na anak ng mayaman sa aking condo unit.
Habang naghuhubad ng pantalon, inilapit niya sa tenga ko ang kanyang bibig. Akala ko hahalik. Bumulong lang pala. "Hindi ako makikipag-sex sa 'yo. Yakap lang. Halikan. Malungkot kasi ako."
Niyakap ko siya nang nakadamit. "Makikinig ako sa 'yo. Ibuhos mo lahat. Iintindihin kita."
Nagsindi ako ng insenso at nilagay sa pandak na mesa. Humiga kami sa kama. Nakataas ang mga unan sa ulunang kahoy. Isinandal namin ang mga ulo at mga likod.
"Adik ako. Gusto ko nang magbago. Naaawa na ako sa pamilya ko. Puro kahihiyan. Lalo na ngayong mahigpit. Natatakot ako."
"Narinig ko na 'yan dati. Gusto mong gawin kitang adik sa sex para palitan ang drug addiction mo? Pupunta ka rito kahit anong oras. Gagawin mo akong girlfriend. Codependency ang ending ng relasyon natin. Magbubugbugan tayo. Mag-iiyakan. Hindi 'yan gagana. Sorry, magparehab ka."
Walang halikang nangyari. Tumayo siya at mabilisang nagbihis. Binayaran pa rin ako. Natumbok ko kasi ang kanyang gusto.
"Salamat," ngiti niya.
"Huwag ka nang magsayang ng pera sa mga pokpok. Ibayad mo na lang sa rehab." Dahan-dahan ang aking pagngiti gaya ng pagsara ng pinto.
*kinulu-kulo = inalug-alog
*Kinulu-kulo = Kinalug-kalog
Pati hypnosis nga ay ginawa ko sa isa pang kliyente. Nanginig si Levi nang pumasok sa loob ng aking tinirhang condo. Dinakma agad ang mga labi ko ng bibig niya habang binubunot ang pitaka sa bulsa sa likod ng pantalon. Pinakawalan niya ang mga labi ko. "I needed that," sabi niya.
Pagkatapos magbayad, hindi siya naghubad kaya inunahan ko na para sumabay. Tila nagbalat ako ng hinog na mangga. Dinaliri ang balat at hinatak. Dinahan-dahan upang maglaway siya.
Pinigilan niya ako. "Gusto ko lang... halikan mo ako, yakapin sa 'yong kandungan... at patulugin."
'Yon nga ang ginawa ko sa sopa sa mamang kamamatay lang ng ina. Nagpatiwakal daw. Na-scam. Milyones ang nawala. Hindi sinabi kung pyramid o budol-budol gang. Kaya kailangan niya ng karamay.
Gumalaw-galaw ang kanyang labi. Hiya ng salita. Wikang kapos ng piping nangulila. "Mama."
Kaligkig ang naramdaman ko sa buong katawan. Nagsalita na ako, "Babysitter na lang, Lev."
Naalimpungatan siya. Bumangon. Tinitigan ako sa mukha. "Babysitter ko ang aking ina."
"Sige, taga-hypnotize na lang. Pagpakpak ko, pumikit ka. Balikan mo ang mga nakaraang kapiling siya."
Ganoon din si Vince. Sa sobrang lungkot, daliri na ang pinagsalita. Nagturo. Doon na lang daw sa silya. Tinuro ang bibig ko. Halikan daw siya sa noo.
"May nangyari ba sa ama mo?" usisa kong binagal ng pakikiramay. Nakita ko kasi ang itim na kinabit sa kamiseta niya--pagluluksa.
Tumango siya. Animo'y naglangis ang mga mata at nagmakaawang pahiran ko gamit ang kamay.
Kumuha ako ng bagong labang panyo at ibinigay sa kanya, "Hayaan mo akong ibalik muli ang mga salita sa 'yong dila." Lumuhod ako sa sahig. Binaba ang siper niya. Ilang ungol lang, tapos na.
"Salamat," sambit niya. "Maraming salamat."
May isa pa akong kliyenteng nagdalamhati dahil bigla na lang naglaho ang nobya. Walang hiwalayan. Hindi rin namaalam. Pagmumulto ang nangyari. Nakahanap na ng iba kaya sa akin hinanap ang nawala. Umasang kagaya ako ng nawalang nobya.
"Magkamukha talaga kayo," saad ni Jun. "Parehong-pareho kahit sa haba at kintab ng buhok. Pati ang mga balat niyo ay magkahawig. Makinis. Malambot. Maputi. Maganda rin siya. Kasingtangkad at kasingseksi mo."
"Thank you."
"Magkaboses din kayo. Kahit ang kulay ng lipstick niyo."
"Deretsahan na tayo, Jun. Hindi ako ang ex mo. Hindi mo siya matatagpuan sa akin. Heto lang ang magagawa ko para sa 'yo, magpaka-girlfriend sa loob ng isang oras. Magpanggap ako para muli mong maramdaman ang dati, ang noon, ang nakaraan, noong kayo pa, noong hindi pa siya multo."
Pagpapasalamat ang kanyang pagtango. Nagtitigan kami. Nagkaintindihan. Naghubaran ng damit. Sabay humiga sa kama.
"Yakapin mo ako. Suklayin mo ang buhok ko. Padaanan mo ng daliri ang aking mukha. Mula sa noo. Magsalita ka. Sabihin mong mahal mo ako. Mahina. Gaya ng boses niya."
Kung hindi trabaho ang aking pagpuputa, bakit may naghanap ng aking serbisyo? Hindi ako namilit. Bakit may nagtiyagang magbayad? Bakit may nangailangang pagsilbihan? Bakit? Bakit may nakabenepisyo? Bakit may lumapit para magpalunas? Wala akong inagrabyado. Bakit may nagpasalamat?
May mga sandaling napatanong ako sa sarili kung hindi lang mga pangalan ang mga kasinungalingan. Baka naglungkut-lungkutan lang para hehelehin. Pantasya lang. Laro. Pero may bayad din naman ang mga manlalaro ng basketbol. Kahit nga ang simpleng paliga ng barangay ay may papremyo.
Meron din akong mga kliyenteng nagpamukha sa akin na ginamit lang nila ang katawan ko . 'Yong baklang maton na sumubok para patunayan na hindi siya masusuka sa mga suso at puke. 'Yong lalakeng birhen pa kahit lagpas trenta na ang edad na ginawa akong tagabinyag niya at binyagan.
Kahit mga babae ay kumatok sa aking tirahan. 'Yong tibong naka-makeup na gustong siguraduhin kung babae ba talaga ang gusto bago lumabas sa kloseta. 'Yong deretsong babaeng nagpaturo kung paano sumubo, dumila, kumagat, tumuwad, umupo, at sumakay para hindi raw hiwalayan ng asawa.
Madalang pero merong dalawahan kung sumipot. 'Yong baklang may nobyong bisexual na dinala sa akin para hindi maghanap ng babaeng mamahalin. 'Yong mag-asawang nakipagtatluhan para hindi maghanap ng kerida ang lalake. 'Yong mga tibong gustong makatipid kaya ako pinagpasa-pasahan.
May mga lalake pang gusto akong bugbugin dahil ang aking pagsigaw at pagkatakot ang kanilang pantasya. Meron pang mga sangganong gusto akong gawinng aliping luluhod at magmamakaawa. Sila ang nagpagulo sa isipan ko. Wala akong mahagilap na mga lehitimong trabahong ganyang-ganyan.
'Yong mga kliyenteng nagpasapak, nagpatadyak, nagpapalo at nagpalatigo ang lalong nagpalito. Ang hinete nga ay sikad at pitik lang. 'Yong mga namilit na uminom ako ng pineapple juice o kumain ng pansit na hindi pinanguya. Ako na lang ang nasuka kahit libo-libo ang ibinayad nila.
Ang mga nabasa ko at pinag-isipan na nagpalakas ng loob at ang mga pilit na argumeto sa aking isipan na nagpalinis ng kunsensiya ay unti-unting nagmukhang panlilinlang sa sarili at pagpapalusot noong dumating si Delfin sa buhay ko. Kolboy siya. Trabaho din daw ang pagbabayo niya.
Kung gaano ako kaganda at kamaalindog, ganoon siya kagwapo at kamaskulado. Kayumangging Barbie at Ken daw ayon sa mga kaibigang pokpok at kolboy. Babae man o lalake at tibo o bakla ay nainggit at naglaway kapag lumabas na kami at naghawak-kamay. Turo-turo kami sa mga mata nila.
"Babe, kailangan kita para hindi ako masanay sa mga lalake," sabi ni Delfin noong nag-Starbucks kami.
"Pam-break ako, gano'n." Ipinasok ko ang straw sa butas ng takip ng plastik na baso.
"Hindi ganyan. Ayoko lang maging bakla."
"Pangmasahe ng utak. 'Yong pampawala ng guilt."
"Relasyon ang gusto ko." Inalis niya ang takip ng baso. Lumagok ng malamig na kape. Nilaro ang mga yelo gamit ang straw.
"Ano naman ang makukuha ko diyan? Sakit ng ulo? Kabag sa sinapupunan? "
"Hindi ka masasanay sa walang minamahal o nagmamahal. Hindi ka magiging man-hater."
Napahigop ako ng katas ng mga kahel. Tumagos sa buto ang sinabi niya. Humigop muli. Lasang-lasa ang asukal sa lalamunan. "May punto ka. Naiintindihan ko, hon."
Nagkaintindihan nga kami. Gamitang may pagmamahalan. Naging kami. Naghanapan ang aming mga kamay hanggang magkahawak.
Hindi umabot sa isang linggo ang aming relasyon. Napagod ako sa selos. Naumay sa pag-iisip kung ano ang ginawa niya sa kuwarto niya kasama ang iba't ibang mga lalake.
Nangatuwiran pa sana siya. May selosan din daw sa kahit saang trabaho. May dudahan. Meron pa ngang pagbabantay.
"May imiiyak ba sa selos? 'Yong nilublob ang mukha sa unan dahil wala nang mailuha?" Basa ang aking cellphone. Tahimik ang hagulhol.
"Weak ka lang. Hindi pera ang tingin mo sa mga lalakeng labas-pasok sa condo ko. Ganoon ang tingin ko sa mga kliyente mo." Galit ang tinig niya.
"Humalik ka sa akin at baho ng kahalikan mo ang nalasahan ko."
"Ganoon din naman ang nalasahan ko sa paghalik sa 'yo."
"Hindi bango mo ang naamoy ko."
"Bango ng iba ang nasimsim ko sa 'yo."
"Patas lang tayo, gano'n?"
"Oo, patas." Kahit hindi ko dinig, mukhang nakangisi siya.
"Kunin mo ang mga damit mo sa condo ko." Binaba ko ang selpon at pinunasan ito gamit ang laylayan ng aking saya.
Kung trabaho nga ang pagpuputa, bakit kaya kong pagsabihan ang aking sarili na trabaho mo lang 'yan pero hindi ko kayang tanggapin na trabaho niya lang ang pagbabayo?
Lalong dumilat ang aking pagkamulat noong nag-lockdown dahil sa pandemiya. Buong buwan akong nakapag-isip. Walang kliyente. Walang lalake. Hindi gusot ang kama. Hindi pawisan ang unan. Kinausap ang sarili, "Hindi trabaho ang pagpuputa. Nagpakantot ka dahil kailangan. Tamad ka."
Noong nagbukas, mulat na mulat na talaga. Nagsibalikan na ang mga trabahante sa kani-kanilang mga trabaho, wala pang kumatok sa pinto. Bukas na ang mga palengke, mga tindahan, at mga pabrika, wala pa ring kustomer na sumulpot sa harapan ko. Kinatakutan ako. Pinandirihan din nila.
Pagkatapos kong tawagan ang aking mga magulang na may kayang tustusan ang mga pangangailangan ko, tumawag ako sa matalik kong kaibigan.
"Please leave a message..."
Tinapos ko agad ang tawag. "Baka busy sa ospital." Muli akong tumawag.
"Please leave a message after the beep."
"Si Michele 'to. Pupunta ako mamaya sa bahay niyo. Kukunin ko ang mga librong sinabi mong nakatambak lang." Binaba ko ang cellphone. Huminga ako nang malalim.
Para tingnan kung sigurado na ba sa desisyon ko, niyugyog ko at tinagtag ang mga letra sa laruan.
JOQU
LUMD
NYIW
UTDH
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.