May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Basehan din ng mga duda ang mga kabaduyan sa kanilang mga katha. Kahit may pandemiyang dapat paglaanan ng mga berso dahil ligalig ang dulot nito, usbong ng bulaklak pa rin na ayaw bumuka ang laging laman ng mga tula ni Manny. Mukhang may gustong alayan. Parang may nais pabasahin.
Nakailang bahagi na ang kuwento ni Miguel tungkol sa bubuyog na naghanap ng pinakamatamis na pulot na para bang walang kuwentong puwedeng sulatin sa mga paslangan sa lansangan. Hindi naman pabulista. Meron lang gustong pasaringan. Sa romantisismo nakakulong ang kanilang gusto.
Nang ipinatupad ang lockdown, nakiusap si Miguel, "Mans, ayokong mabulok sa Laguna. Bawal na ang pagpasok sa Manila mula sa mga probinsiya. Puwede bang sa 'yo muna ako makituloy?"
Nabigla si Manny sa narinig. Napatingin sa kaibigang humigop ng kape. "Studio lang ang tirahan ko."
"Puwede na ako sa sahig. Tutal dalawang linggo lang. Magbabayad ako. Mag-aambag din ako para sa pagkain."
"Bahala ka." Kampante si Manny dahil nakauwi na sa probinsiya ang kanyang nobyang laging bumisita sa bahay niya. "May mga damit ka ba?"
"Hindi na nga ako makauwi sa amin."
"Pahihiramin na kita. Tutal sa bahay lang naman tayo."
"'Yong mga pinaglumaan mo na lang. Malaki naman ang katawan mo. Siguradong kasya sa akin."
"Basta walang kulitan ha? Gusto kong magsulat."
"Magsusulat din ako. Bukod diyan, paghahandaan ko ang pagsisimula ng online class."
Sa loob-loob ni Manny, "Magkaalaman na tayo kung sino sa atin ang marupok." Pigil ang ngiti niya. Umiwas ang mga matang ayaw pahalata.
Nakangisi si Miguel habang nakatitig sa kaibigang nakayuko para ngabngabin ang tinapay na may keso. Sa utak niya, "Baka ako ang lalamunin mo."
Unang araw pa lang ni Miguel sa bahay ni Manny, nagdiskusyon na sila. Minimalismo. Halos bakante kasi ang nirentahang istudyo. Kahit ang orasan sa dingding ay parang saka na lang naisipan sa liit o sa hitsurang walang epekto sa lawak ng espasyo. Animo'y tuldok sa blangkong papel.
"Minimalist ka pala," wika ni Miguel. "Bakit masalita ang mga tula mo?"
"'Yan ang nakasanayan ng mga Pilipino, sagot ni Manny. "Wala ngang nagbabasa ng panulaan ng mga Hapon dahil maikli, kulang at kapos. Palaisipan o bugtong. Tamad mag-isip ang karamihan sa labas ng binabasa."
"Ang ganda pala ng espasyo kung walang mesa, upuan, higanteng kutsara at tinidor, Last Supper, mga palamuti at mga nakakalat na abubot."
"Nasaan ang ganda diyan?"
"Yong kama sa isang sulok. Walang uluhan. Gusot ang sapin ng kutson. Dilang nakaluwa ang hulog ng kumot sa sahig."
"Hindi ko makita," sabi ni Manny. Nakangisi ang mga salita hindi ang mukha.
"Tingnan mo ang ayos ng unan sa gitna. Tila nasa pagitan pa rin ng mga hita o kanlong ng yakap. Malalim ang dating ng kulang o wala."
"Literalismo ang basa ko diyan. Tamad akong mag-ayos at magligpit."
"Tutulungan na kita." Sinimulang tupiin ni Miguel ang kumot na ilang araw na lang ay labahin na.
Walang kakaibang nangyari sa mga sumunod na araw. Sa pagitan ng pag-order ng pagkain at pagsusulat, nag-usap din sila tungkol sa buhay-manunulat, pagtuturo ng literatura at paglandi.
"Dapat tinapos ko ang Engineering at hindi na ako lumipat sa Creative Writing," hinayang ni Manny habang hinihintay ang inorder na pizza. "Nasa labas na sana ako ng bansa ngayon."
"Pangarap mo pala maging OFW," sambit ni Miguel na nakaupo rin sa sahig at nakasandal sa dingding.
"Napapagod na ako sa pagsusulat. Aabot na sa isang dosenang libro. Wala pa ring nagkakainteres na magpublisa."
"Dumikit kasi sa mga tanyag at publisado na. Gaya lang 'yan sa pagtuturo. Magpasipsip sa mga matatandang propesor. Kapalan ang mukha. Magtiis para gawing permanente."
"'Yon ang ayaw ko--nagmamakaawa. Dapat binabase sa husay at galing. Kung ako ang publisher, ako ang maghahabol sa writer na ipa-publish sa akin ang mga akda niyang mahusay ang pagkasulat. Kung ako ang chair, ako ang maghahabol sa mga magagaling na karapat-dapat bigyan ng tenure."
"Kaso hindi ikaw ang publisher o ang department chair. Ako nga, pinapabayaan ko na ang mga ganyan. Wala akong pakialam kung mapublisa man o maging propesor. Ayokong makulong sa pangarap. Ayokong maghabol ng posisyon. Ayokong magmakaawa. Pareho tayo. Wala rin naman akong libro."
"Hindi ka pa ba napapagod?"
"Hindi. Nagsusulat ako dahil gusto ko hindi para kumita. Kung kita ang layunin, dapat hinawakan ko na ang pabrika at ang tindahan namin sa probinsiya."
"Buti ka pa may masasandalan. Hindi 'yan puwede sa mga magulang ko na mga guro. Kaya ako bumukod."
"Ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa sa harap ng ibang mga makatang marunong kumilatis ng galing. Huwag kang huminto sa pagbigkas ng mga tula sa entablado. Kahit saan. Pista. Araw ng mga patay. Kapehan. Tambayan sa eskuwelahan. Maririnig din ang mga hiyaw sa 'yo at mga palakpak."
"Ikaw, paano mo ikakalat ang mga kuwento mo kung madalang din ang paglalathala ng 'yong mga akda sa mga magasin?"
"Huwag mo akong alalahanin. Nagsusulat ako para makatulog. Kailangang gawing basyo ang isipan at alisan ng laman ang damdamin. Sumpa sa akin ang pagsusulat. Sakit."
"Ganyan din ako pero hindi kasinglala." Pagpapasalamat ang nabuo sa mukha ni Manny. "Hindi pa ako nagka-insomnia."
"Mararanasan mo rin," wika ni Miguel. "Yong tatanungin mo ang sarili kung manunulat ka o tagasulat ng mga imaheng nagsusulputan sa 'yong utak sa dis-oras ng gabi."
Dumating na ang pagkain. Super Supreme. Mainit-init pa. Puro mga karne.
Tinuloy ng dalawa ang usapan. Naglabasan pa rin ang mga salita sa pagitan ng paglunok at pagnguya at sa gitna ng paglagok ng Coke at pagkagat ng piza.
"Nilandi ka na ba ng mga estudyante?" usisa ni Miguel.
"Oo, para sa grado. Sinisir ako habang nakahawak sa aking balikat o bisig." Nahulog ang munting piraso ng Italian sausage mula sa hiwang hawak ni Manny.
"Mga babae o mga lalake?"
"Pareho. May mga bakla pa nga at mga tibo."
"Pinapatulan mo?"
"Hindi naman ako ganyan kahayok."
"Oo nga pala, may girlfriend ka. Paano mo sila pinapaalis o binabawalan?"
"Tinatabig ko ang kamay o bisig. Sinasabihang "respect my personal space". Kung hindi nakikinig, "That's sexual harassment."
"Sexual harassment? Ikaw ang instructor. Ikaw ang may power. Paano naging..."
"Source of power din ang mukha at ang katawan. Kaya nga yumayaman ang mga modelo at artista."
"May point ka. Sexual harassment din ba kung gusto mo?"
"No, maliban na lang kung pinangakuan mo ng pasadong grado. Kuwarto o kuwatro 'yan. Pinahihirapan mo ang estudyante. Tinatakot."
"Mag-aminan na tayo," ngisi ni Miguel. "May mga nagugustuhan ka bang estudyante sa klase mo?"
"Oo naman," sagot agad ni Manny.
"Ako rin. Babae ba o lalake?"
"Gago, hindi sexual. Gusto ko dahil matalino, palabasa, maboka, malalim mag-isip, magaling magsulat o aktibo sa klase."
Sa sumunod na linggo, kampante na sa isa't isa ang dalawa. Animo'y mag-roommate na talaga. Naghubad na si Miguel ng pang-itaas kahit dinig ang ugong ng aircon. Lumabas na ng banyo si Manny nang nakasalawal lang. Wala nang ilagan ng tingin para sumulyap. Hindi na nahiyang tumitig.
Palalim na rin ang mga diskusyon tuwing hindi sila nagsulat o kapag pagod na sa kahaharap sa laptop o kung gustong magtagisan ng galing. Tungkol sa mga paboritong manunulat. Dapat bang iwaksi ang mga pang-abay at mga panghalip? May katuturan ba ang "show, don't tell" sa Filipino?
Katatapos lang nilang mag-ehersisyo sa sahig. Parehong nakasalawal lang. Nagbilangan ng pagbaba at pagtaas. Istriktong binantayan ang sisid at ahon. May ritmo ang pagtulak at paghila. Merong libog ang pasok at labas. Tila may sinuksok at hinulbot. Parang merong sundot at bunot.
Mga utak naman ang kanilang pinatambok at pinalusog habang nakahiga sa sahig para ipahinga ang mga pawisang katawan, pahupain ang mga paghingal, at magtitigan.
"Gusto ko 'yong sinulat ni Pessoa," simula ni Manny. "Tiniis ko ang mga sugat sa lahat ng mga digmaang aking iniwasan."
"Siya rin ang nagsulat ng... hindi ko na buong matandaan. "Sigurado ako pero ang kasiguraduhan ko ay kasinungalingan."
"Parang siya nga. Sinulat niya rin ito: Manlilinlang ang makatang napakahusay sa paghuhuwad kaya kahit ang kirot ng sakit na tunay niyang ramdam ay hinuwad rin.
"Sinipi ko siya sa isang kuwento. 'Kung nakakapag-isip nga lang ang puso, hindi na ito titibok'."
"Napahinto ako noong nabasa ka ang isa pang linya. 'Upang maintindihan, sinira ko ang aking sarili'."
Nagtinginan sila. Ginusut-gusot ni Manny ang buhok ng kaibigang buo ang ngiti.
"Sa mga kuwentista naman tayo," tuloy ni Miguel na tuyo na ang pawis. "Paborito ko 'yong kay Borges. 'Hindi tapat ang orihinal sa salin.'"
Sa dami ng kanyang mga nabasa, hinalukay ni Manny ang alaala. "Parang 'yong kay Ocean Vuong. 'Kinopya ko ang aking sarili.' Mukhang gano'n."
"Gusto ko rin 'yong kay Carlos Fuentes. 'Ang pagsusulat ay pakikipagbuno sa katahimikan.'"
"Maganda nga. Salungat sa sinulat ng baklang makata sa Twitter. Hindi pa sumikat, laos na agad." Humagakhak si Manny.
"Ano ang sinulat?"
"Nagsusulat ako dahil maiingay ang mga salita."
"Mas gusto ko 'yan." Inulit ng mga piping labi ni Miguel ang narinig. Isinaulo. Binigkas-bigkas nang pabulong.
Baho na ng pawis ang kumapit sa kanilang mga balat. Naghanap ang mga katawan ng samyo ng sabon.
"Sabay na tayong maligo," sabi ni Miguel na sinabayan niya ng kindat.
"Ayoko nga."
"Hihiluran kita."
"Baka dadakmain mo pa ako."
"Puwede rin kung gusto mo."
"Migs, 'wag kang ganyan"
"Biro lang."
"Mauna ka na. Tatapusin ko na lang ang sinusulat ko habang naghihintay mabakante ang banyo."
"Salamat pala, Mans, sa shampoo, conditioner at sabon."
"At tuwalya."
Naghagikhikan ang dalawa. Halatang may mga pinilit at merong mga pinigilan.
Paglabas ni Miguel ng banyo nang nakatapis lang, sinalubong siya agad ng mga tanong ni Manny, "May problema ka sa mga pang-abay at mga panghalip? Ako lang ba ang naprapraning sa mga 'yan?"
Umupo si Miguel sa kama. Sa gilid ni Manny na nakadapa habang pinipindot-pindot ang mga letra sa laptop. "Nagpapaalipin ka kasi sa mga metodo sa Kanluran. Dekolonisasyon na. Huwag laging makinig sa mga dayuhang manunulat. Hindi problema ang pang-abay o panghalip sa wika natin."
"Pakipaliwanag nga."
"Sa English, pangit ang paggamit lagi ng mga adverb na karaniwang nagtatapos sa '-ly'. Walang ganyan sa Filipino."
"Halimbawa nga."
"Glancingly... pasulyap-sulyap. Tightly... nang mahigpit. Really... talagang. Nasaan diyan ang pag-uulit ng pantig o tunog?"
"Pero tamad daw ang dating."
"Sa English siguro dahil karaniwang isang salita lang ang adverb. Gaya ng truthfully o honestly o sincerely. Natatamaran o naiiklian ka ba sa 'sa totoo lang'?"
"Ang mga panghalip?"
"Hindi dapat prinoproblema ang mga 'yan sa Filipino?"
"Bakit nga?"
"Bawat salita sa wika natin ay may bukod-tanging kahulugan. Ang maganda ay may ganda lang. Ang marikit ay gandang may yumi. Ang marilag ay kagandahang may dangal. Sa English, pareho lang ang beautiful, pretty, at good-looking. Mas makahulugan ang mga salita natin kung tutusin."
"Salamat, kuha ko na. Tayo ka na diyan. Maliligo na ako.
Tumayo si Miguel. Muntik nang mahubaran ng tapis na sinalo ni Manny. "Akala ko hahatakin mo."
"Ulol, hindi ako desperado."
"Hindi mo talaga kailangan ng tagahilod?"
"Hilurin mo kaya ang mukha mo."
"Hilod na hilod na."
Bisperas ng pagtatapos ng lockdown. Bubuksan na ang Metro Manila sa kinaumagahan. Huling gabi na ni Miguel sa tirahan ng kaibigan kaya naglabas si Manny ng inuming nakakarton pa. Whisky. Produkto ng Scotland. Regalo raw ng estudyanteng mayaman at mahilig sa mga bagay na imported.
Tila pinaghandaan ang madugong paksa--"Show, don't tell" sa pagsusulat. Pumuwesto na sila sa sahig. Nakasandal sa dingding. Hawak ang mga tasang pangkape na may mga maliliit na bloke ng yelo. Boy Bawang at Ding Dong ang pinulutan. Wala nang plati-platito. Nagbuhusan sila ng alak.
"Sa mga nagsusulat ng kuwento, kailangan talaga ang paglalarawan," bungad ni Miguel. "Parang nagsesermon kasi ang pagsasalaysay."
Nilaro ni Manny ang mga yelo sa tasa. Huminto para magtanong, "So mali ang "maliwanag ang buwan sa ibabaw ng puno."
"Hindi pero parang may kulang."
"Kumpletuhin mo nga."
"Kulay ng kahel ang liwanag ng buwan na lumukob sa mga dahon ng mangga."
"Pinahaba mo lang at dinagdagan ng mga salita."
"Prosa kasi. Pahabain kung kailangan. Paikliin din kung labis na. Palayain ang sarili sa sinusulat. Huwag din pigilan ang mga salita."
"Anong nangyari sa sinabi mong puwede ang panghalip at pang-abay? Panghalip ang 'maliwanag' at panlunang pang-abay ang 'sa ibabaw ng puno'. Magkaiba rin ang mga kahulugan ng maliwanag, makinang, mailaw, maningning, at matingkad. Bakit dadagdagan pa o pahahabain?"
"Oo nga, 'no?
"Kailangan niyo rin palang magdekolonisa." Tumungga si Manny. Tila binasa muna ang lalamunan para dudulas at dadausdos palabas ang mga salita. Mas natural ang 'traydor siya' kaysa 'wala siyang pinagkaiba kay Hudas'. Hindi siya pilit. Walang pagsasayang ng espasyo at mga letra."
"Tama ka. Language authenticity nga." Dumukot si Miguel ng tsitsirya kaya hindi masyadong nagsalita.
"Ang mga kuwentista noong unang panahon sa mga kapuluan ay nagsalaysay at nagkanto. Ang mahalaga ay maritmo ang mga salita. May kumpas ang mga linya. Merong ugoy ang mga tunog."
"Tama. Kung pangit, bakit kailangan pang gawing 'pinagkaitan ang hitsura' o 'sinumpa ng tadhana' o 'huli na nang nagising noong nagsabog ng pampaguwapo o pampaganda.'"
Tumawa si Manny. "Ang lupit mo. Hindi ba puwede ang 'nagtipid sa pagpaparetoke' o 'tanggap ang ipinagkaloob'?"
Nakitawa si Miguel na tumango-tango. Nagkaintindihan na ang dalawa. Animo'y naghanap ng imbayog ang pagbuka ng mga bibig nila at paglabas ng mga tawa.
Malayo pa ang paghahati ng gabi. Konti pa lang ang nabawas sa inuming nasa bote. Matagal pa bago maubos ang kornik na pulutan.
Kinabukasan, maingay na sa labas nang gumising si Manny. Tumingin siya sa orasan. Lagpas alas-diyes na. Sinulyap niya ang sahig. Wala na si Miguel. Nakatupi na ang kumot sa ibabaw ng unan na ipinatong sa nakarolyong banig. Bumangon siya. Nakasalawal lang. Dumeretso agad sa banyo.
Kaharap niya ang salamin sa itaas ng lababo. Nakita agad ang pulang pantal sa leeg. "Tsikinini?" Hinugasan niya nang hinugasan ngunit ayaw matanggal. Sinabon. Binanlawan. Ayaw pa rin. Tila kumapit sa balat dahil may gustong ipaalala ngunit walang matandaan si Miguel na kakaiba.
Pagkatapos suriin ang sarili at siguraduhing walang galos o masakit na parte ng katawan, lumabas siya. Niligpit ang higaan. Lumatad ang parada ng mga maiitim na langgam sa dingding. Parang may nilibing. Tila nagluksa dahil natunaw ang mga butil ng asukal. "Baka kagat ng langgam."
Lagpas isang buwan na ngunit hindi pa rin tumawag o nagpakita si Miguel. Hindi na gumana ang dating selpon. Wala ring balita ang mga kaibigan niya na malapit din kay Manny na nagtaka kung bakit siya iniwasan o pinagtampuhan ng kaibigan. Walang paalam. Hindi rin siya nagpasalamat.
Sadyang lalabas at lalabas ang katotohanan kahit ilibing pa. Pumutok ang eskandalo sa pamantasang pinagtrabahuan ng dalawa. May estudyanteng lumantad. Ipinasok daw ni Manny ang kanyang kamay sa salawal ng lalaki para kapain ang kanyang ari. Hinalikan din. Hinubaran. Inuring pa.
Pinagkaguluhan si Manny sa social media. Ibinalita pa. Walang makapaniwala. Marami ang nasayangan. Nadamay pa ang mga tula niyang biniliban ng mga nakabasa o nakarinig. Itinakwil din ng mga kaibigan. Minura pati ng mga hindi kakilala. Nagsilabasan pa ang mga iba niyang biktima.
Maliban kay Miguel na nagdalawang-isip kung lilitaw siya at magsalita tungkol sa kanyang naranasan sa kamay ng kaibigan noong gabing pinag-usapan nila ang "show, don't tell". Wala na kasi ang pasa. Naglaho na ang sakit sa tumbong. Hindi na babalik pa ang naghilom nang mga kagat.
Sa isipan niya, tila mga lobong nagsulputan at nagputukan ang mga sinabi ni Manny noong sila ay nag-usap at nagdiskusyon. Dalawang linggo rin 'yon.
Pabalik-balik ang pambabagabag sa kanya ng linyang ito: "Mas natural ang 'traydor siya' kaysa 'wala siyang pinagkaiba kay Hudas'."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.
Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.
Limang taon din akong naging troll. Ipinaglaban at dinepensahan ang pinakamasamang pangulo ng Pilipinas. Sinamba at pinalakpakan ang pinakabastos na Pilipinong lider. Alam kong kurakot at baluktot siya sa simula-simula pa pero pinili ko pa rin siyang sundan at tingalain.
Hindi ako bayaran. Galing ako sa maperang angkan. Ako pa nga ang gumastos sa pagpapasikat ng mga sinulat ko sa Facebook. Nagbayad din sa graphic designer para pagandahin ang mga imaheng pinaskil ko sa Twitter. 'Yong mga nag-like sa Instagram ko? Mga taga-India sila. Hindi libre.
Hindi rin ako OFW na nahirapan na sa pagkuskos ng inidoro o sa panlalamutak ng among Arabo kaya naghanap ng mga dapat sisihin. Ang dating gobyerno. Ang dating pangulo. Ang mga kaalyado niya. Wala akong pinangarap na pagbabago. Hindi ako palaasa. Hindi ako utu-uto. Hindi ako bobo.