Pinagkaguluhan ang bangkay sa ilalim ng puno. Walang sugat. Nakangiti ang mukha. Malamig at matigas na.
"Huwag lumapit!" orden ng pulis. "Hindi pa natin alam kung nahawaan siya"
"Magsuot ng maskara kahit malayo kayo," sabi ng isa pang pulis.
"Walang tinokhang o nanlaban at hindi pinaslang at nilaglagan," dagdag ng isa pa upang magsialisan ang mga usisero.
Mali ang mga pulis. Kilala ko si Nato. Anak ng dating mayamang angkan. Inulila ng malas. Hiniwalayan ng nobya. Inagawan ng karapatan. Hanggang naging taong-grasa.
Kahit noong bata pa, nahiwagaan na ako sa mga ligaw na mukha sa sulok, gilid, ibaba, at labas ng lipunan. Maliban sa pagsusulat ng maikling kuwento ang hilig ko, wala akong pinagkaiba kay Picasso na nakihalubilo noon sa mga puta, lassengero, pulubi, at taong-grasa para magpinta.
Walang kawangis ang kinulayang mukha ng puta sa likod ng maitim na usok sa gilid ng daan.
Palaisipan ang lohika ng lasing na binasa ng putik at tinuyo ng alikabok.
Punyal ang titig ng pulubing tikom ang bibig dahil may parating na langaw.
Hindi dumi ang kumapit sa taong-grasa.
Disesais si Gemma noong naging Chicklet siya sa pagsapit ng gabi. Ginawang puhunan ang ganda at alindog. Dagdag-presyo pa ang serbisyo dahil sa kabataan niya. Asul ang mga talukap ng mga mata. Itim ang mga linya. Malarosas ang mga pisngi. Pulang-pula ang mga labi. Tatlong daan.
Kailangang kumita para matustusan ang bisyo ng amang nambugbog kapag walang pambili ng alak at upang huminto na ang ina sa pagpapalimos sa labas ng simbahan. May lima pang kapatid. Kung hindi mga bata, palamunin pa rin. Merong isnatser at tulak pero takot manghablot at magbenta.
"Red Horse naman. Napapagal na ang boses ko sa gin bilog."
"Ate, mag-uwi ka ng laruan."
"Mga kendi sa akin, ate."
"Ate, hindi ako makahinga. Walang Vicks."
"Magdala ka ng ulam mamaya."
"Hoy, dagdagan mo ang 'yong singil."
"Anak, araw-araw kitang ipinagdadasal sa simbahan."
Mga boses ang mga 'yan na laging umalingawngaw sa utak ni Gemma tuwing nakatayo sa gilid ng daan o habang naglalakad sa kalye. Nakaligtaan nga paminsan-minsan ang mga malilibog na sitsit ng mga lalakeng sinulot ng ibang mga putang kasingbilis ng kidlat ang pag-akit at paghatak.
Wala pang dalawang taon ang pagpuputa ni Gemma, nagtagpo ang mga landas nila ni Nato. Sa kalye. Walang sitsit. Nagkatitigan. Pagod na sa paghihintay ang babae. Dumaan lang ang lalake.
"Hindi mo ba ako kakausapin?" wika ni Gemma na may magkahalong tampo at biro. Para siyang bata.
Huminto si Nato. "Sorry, hindi ako nagbabayad."
"Hindi rin ako libre."
"Alam ko kaya sinulyap lang kita."
"Pero hindi sa lahat ng pagkakataon nagpapabayad ang puta. Gaya ngayon."
"Saan mo gustong pumunta?"
"Kung walang sasakyan, sa motel. Kung gustong magtipid, sa bahay mo."
"Sisiguraduhin ko lang ha bago ako maglabas ng pera para sa motel. Ano ang gagawin natin?"
Ngumiti si Gemma at kumindat. "'Yong karaniwang ginagawa ko. Blow job. Hand job. Walang halikan. Wala ring kantutan."
Nabigla si Nato sa narinig. "Kaya pala nakapantalon ka. Masikip pa."
"At dapat may condom."
"Walang sex?"
"Wala. Puta ako pero may iniingatang dangal. Parang pagsisipilyo lang ang pagsubo. Ehersisyo ng bisig at braso ang pagbate."
"Kakaiba ka. May ganyan pala. Huminto ka kaya at liligawan kita."
"Naku, ang bata mo pa para maging sugar daddy."
"Kakayanin," sambit ni Nato. "Basta ba akin ka at hindi ka na magpapagalaw sa iba."
Nangyari na nga ang ligawan. Imbes sa may poste ng kuryente ang puwesto niya sa pagkalat ng dilim, sa ilalim na ng puno ng dayap sa parke naghintay si Gemma. Sa aserong bangko. Tuwing alas-otso.
Matagal nang gustong magkanobya ni Nato. High school pa siya noong huling nagkaroon ng kasintahang may istriktong mga magulang kaya hindi tumagal. Sa kolehiyo ang huling pagsiping sa babae, ang kaklase niyang palaban at hindi relasyon ang gusto kundi mga panandalian--maramihan.
Parang gusto niyang mag-ipon ng mga alaala bago lumipad papuntang Saudi para magtrabaho. Malungkot daw ang buhay-OFW. Nakatakda na siyang umalis sa katapusan ng taon. Oktubre na kaya binilisan ang panliligaw kay Gemma na binigyan niya ng pera gabi-gabi para may maiuwi sa pamilya.
Inhinyero si Nato. Napilitang mangibang-bansa dahil magulo ang pinansiya ng kanyang pamilya. Nakapusta ang lahat ng pera ng ama sa minahan at sa paghahanap ng yamang Yamashita. Nagwaldas naman ang ina sa mga abogado dahil sa mga minanang ari-ariang ginulo ng kanyang mga kapatid.
Pati ang nag-iisang nakababatang kapatid ni Nato ay problema rin. Tapos nang magkolehiyo pero mukhang ayaw umasenso. Sugal ang libangan kung may bakante. Pagsusulat ng kuwento ang pinagkaabalahan. Hindi naman pinapublisa ang mga akda. Saka na lang daw kapag wala na siya sa mundo.
Sila na. Tiyak na ang sustento ni Nato. Hindi na lumabas si Gemma tuwing gabi. Kung lalabas, kasama ang nobyo. Gaya noong nagmotel sila sa araw pa ng mga patay.
Humingal-hingal ang dalawa. Walang saplot. Nakatihaya sa kama. Katatapos lang. Butil-butil ang mga pawis. Nakatatlo.
"Hindi ka... pala talaga... nagsinungaling," hinga ni Nato sa nobyang nakasandal ang ulo sa braso niya.
"Bakit ako magsisinungaling? Lalabas at lalabas din naman ang totoo."
"Nagduda lang at mali ako."
"Ngayong napatunayan mong masikip, sana hindi ka maglahong parang multo."
"Pinag-usapan na natin 'yan. Kahit nasa Saudi ako, magpapadala ako at mag-uusap pa rin tayo."
"Kung mabuntis mo ako," sabi ni Gemma, "panindigan mo."
"Siyempre."
"Ikaw ang ayaw gumamit ng goma."
"Paninindigan ko nga." Hinalikan ni Nato ang nobya sa noo. "Pakakasalan pa kita."
Dalawang beses pang naulit ang kanilang pagniniig. Sinigurado ni Nato na mabuntis ang nobya. Noong araw ng paglipad niya papuntang Saudi, diseotso na si Gemma at lagpas isang buwan na ang tiyan.
Nagbaon ng responsibilidad ang galak na si Nato. Ang kapatid niya lang ang may alam.
Pagdating sa Saudi, sumabak agad sa trabaho sa kompaniya ng langis. Tinupad niya ang pangako sa nobya. Walang mintis ang pagpapadala. Hindi lang pera, mga karton ding pinuno ng mga damit at gamit ng sanggol. Sinuksukan pa ng mga pagkain para sa pamilya ni Gemma. Bawal ang alak.
Buti na lang pambabae ang mga damit na ipinadala dahil babae ang kanilang anak na nagdulot ng lubos na kasiyahan kay Nato. Bukod sa ama na siya, nagkatotoo rin ang panaginip at dalangin niya. Wala kasi siyang babaeng kapatid. Dinagdagan ang sustento at maaga na ang pagpapadala.
Nang binyagan na sana ang sanggol, hindi nakauwi ang ama. Ipinagtampo ni Gemma ang desisyon ng nobyo.
"Wala pa akong dalawang taon dito," sabi ni Nato sa Skype. "Baka masisante ako kung uuwi."
"Puwede mo naman hanapan ng paraan kung gusto mo," wika ni Gemma. Nagtampo ang nguso.
"Nagbawas ng mga trabahante kaya hindi ako puwedeng makauwi. Magpapadala naman ako ng pera."
"Sige, walang binyagang mangyayari. Isabay na natin ang binyag sa kasal."
"Magandang ideya 'yan. Kailan?
"Sa susunod na taon."
"Siguradong malaki na ang ipon ko."
"Pangako?"
"Oo."
Naipamigay na ang mga imbitasyon para sa kasal at binyag kahit tatlong buwan pa bago ang uwi ni Nato. Nabubungan na ng yero ang bahay ng pamilya ni Gemma at sinemento rin ang sahig. Nilakihan ang salas at silid-kainan at nagdagdag ng kuwarto. Ginastusan din pati ang balkonahe.
Hindi lang ang araw ng pag-uwi ang dumating. Pati ang pandemiya. Ipinagbawal ang pagpasok sa Pilipinas ng mga pasahero mula sa labas. Pansamantalang nagsara ang kompaniya dahil nagkahawaan. Hanggang sa tinanggal na siya. Hindi makauwi. Walang trabaho. Ubos ang ipong pera ni Nato.
Tumindi ang tampo ni Gemma at ang galit ng kanyang pamilya noong nakwarantina si Nato at naibenta niya na ang laptop. Hindi raw nagpahagilap.
"Inanakan ka lang."
"Hindi bale, Ate, may pamangkin naman kami."
"Ate, wala nang mga padalang tsokolate?
"Ang ganda ni Renette, Ate."
"Nag-imbita ka pa."
"Kahihiyan ang napala mo."
"Kaya ko pang bumalik sa labas ng simbahan, anak."
Ang mga 'yan ang paulit-ulit sa utak ni Gemma. Sinara niya ang account sa Skype. Binura din ang numero at larawan ni Nato sa cellphone. Sinabihan ang anak, "Patay na ang ama mo."
Pagkatapos ng kwarantina, tinawagan ni Nato ang nobya ngunit iba na ang numero. Dalawang linggo siyang umasang makita ang anak na pampalakas-loob sana. Walang pera sa bulsa. Hindi nagpautang ang mga kaibigang OFW na naghirap din. Namulot na lang ng pagkaing puwede pa sa basurahan
Ang pinakamasaklap, tinawagan pa siya ng kababata para ibalitang nasunog ang bahay nila at hindi nakalabas ang mga magulang. Ang kapatid niyang biglang naglaho ang pinaghinalaan. Hindi raw binigyan ng pansugal. Ayon sa iba, natakot daw dahil ubo nang ubo ang mga kasama sa bahay.
Naglibot si Nato sa Dhahran. Animo'y may sinundan ang mga paa at merong hinanap ang mga mata. Naglakad sa araw. Sa gilid ng daan nagpahinga sa gabi. Sumandal sa palmera para magpatuyo ng pawis. Sa winiligang halamanan nakiinom ng tubig. Humikbi. Humagulhol. Ngumiti. Humalakhak.
Dahil walang pakialam ang embahada, nag-ambagan ang mga katrabaho niyang Arabong naawa. Pinaospital siya. Paglabas, binayaran ang kanyang pamasahe pauwi hanggang sa bayang iniwan niya. Pinasamahan pa sa isang OFW na uuwi rin. Palatitig na si Nato. Tila dahop din ang kanyang dila.
Pagdating niya, dumeretso agad sa dating tirahan. Mga abong nakakalat at sunog na sement ang nadatnan niya. Hindi siya sinalubong ng nobya at anak kahit alam ang kanyang pag-uwi. Pinalibing na pala ng mayor ang mga magulang. Kinupkop siya ng kababata, ang anak ng tiyuhin sa ina.
Nang hindi na nila matiis ang baho niya, kusa siyang umalis sa bahay ng tiyuhin. Nagpakupkop siya sa lansangan. Inalikabukan ng araw. Hinamogan ng gabi. Binasa ng ulan. Tinuyo ng sinag. Pinaglaruan ng usok at kinamuhian ng putik. Dinaanan lang ng mga tao si Nato sa gilid ng daan.
Dumapo paminsan-minsan ang balinsasayaw sa kanyang balikat. Gumawa ng ingay. Binuka-buka ang tuka. Parang tinuruan si Nato paano magsalita.
Kapag gutom, nakipagtitigan na lang siya sa langaw na ang ugong ay nagmistulalang paanyaya na sundan ang mga pakpak papunta sa basurahan.
Isang buwan pa lang sa kalye, taong-grasa na si Nato. Tambayan na niya ang aserong bangko sa ilalim ng puno ng dayap. Hinintay ang paglapit ng nobya at ang pagyakap ng anak.
Ang totoo, pinalipat siya ng mayor. Sagabal na sa mga pasaherong naghintay. Umangilasaw ang baho sa daan.
Simula noong lumipat si Nato sa parkeng may banyo at inatipang entablado, may puting sasakyang pumarada sa malapit gabi-gabi. Nagdala ng toldang tulugan, unan, at makapal na kumot sa simula. May karto pang puno ng mga pagkain at inumin at bag na may mga damit at gamit sa pagligo.
Sa mga sumunod na gabi, kada alas-otso, lumabas ang babaeng nakasuot ng itim mula sa kotse. Kahit ang belong pinantakip ng mukha ay itim din. Pati ang matakong na sapatos. Bulaw ang buhok. Malaporselana ang balat. Pulang-pula ang mga labing kita pa rin kahit tinakpan ng puntilya.
"Si Gemma 'yan," sabi ng nakakita. "Para hindi mahalata ng pamilya."
"Baka 'yong tisaying kasintahan daw ni mayor," sabi ng isa pang tsismosa."
"Buhay kaya ang ina at 'yong lalakeng kapatid at ang ama ang natupok?" duda ng pinakatsismosa sa lahat kaya marami ang mga nakaaway.
Sa huling pagpapakita ng babae, lumapit siya kay Nato at nakiupo sa bangko. Pagal ng pagluluksa ang tunog ng boses niya. Inipit ng lalamunan ang mga salitang nagpumiglas na makalabas. "Si Itok na kapatid ni Gemma ang nagsunog ng bahay niyo," mahinahong sabi ng babaeng nakaitim.
Nakatitig lang si Nato sa mukhang tinamaan ng liwanag mula sa poste.
"Nagkaisa ang mga kasosyo ng ama mo at ang mga tiyuhin mo na galit sa 'yong ina. Binayaran nila si Itok na apoy ang galit sa 'yo."
Yumuko si Nato. Nagtaktak ng mga luha. Tumingala sa buwan. Bumuntong-hininga.
"Hindi ka nila papatayin dahil nasiraan ka na raw ng bait."
Tumango-tango si Nato. Tila may natandaan. Siguro 'yong narinig niyang usapan noong sa bahay ng tiyuhin siya nakituloy.
"Pagmamasdan kita lagi. Nasa tabi-tabi lang ako. Nagmamasid. Alam kong masakit pa. Aahon ka rin."
Kinabukasan dinampot si Nato ng mga pulis para imbestigahan. Pagkaupo na pagkaupo niya, tinanong agad ng hepe, "Malala ang bentahan ng droga sa parke. May alam ka ba?
Lumingon si Nato. Tinignan ang mga tao sa kanyang likod. Inikot ng kanyang tingin ang palibot. Pati sa itaas.
"Doon ang tambayan mo. Siguradong alam mo kung sino ang tulak."
Kahit ang pagbuka ng bibig niya ay nagdalawang-isip. Lumaki na sana ang bilog ng mga labi ngunit muling sinara.
"Walang mangyayari sa 'yo. Sabihin mo lang ang nakita mo. Tambayan mo ang parke. Talamak na ang shabu.
Muling binuksan ni Nato ang bunganga. Hangin ang unang lumabas. Parang umihip ng kandila.
"Sabihin mo," udyok ng hepe.
"Si Itok," tinikom niya agad ang mga labi.
"Sabi ko na nga ba. Hindi pa nagbago ang gagong 'yan. Ilang beses na nating binalaanan. Mukhang may sinasandalan."
Pagkahapon, pinaulanan ng lalakeng nakamaskara at nakamotor si Itok sa kanilang bahay. Inubos ang mga bala. Walang natira sa pamilya. Nadamay pati si Gemma at ang sanggol na anak ni Nato. Tinotoo ng hepe ang bantang ubusin sila para mabigyan ng leksiyon ang mga ninong ni Itok.
Nakarating kay Nato ang balitang usap-usapan ng mga tambay sa parke. Sumikip ang kanyang dibdib. Nahulog sa bangkong inupuan. Napaluhod. Bumagsak siya nang pahiga. Nabilaukan ng sariling luha, sipon, at laway. Hindi na bumangon. Huminga pa at nakapagsalita. "Magkasama na tayo."
Dapit-hapon na. Buo ang buwan. Hinampas ng habagat ang puno. Nagsilaglagan ang mga mumunting puting bulaklak ng dayap. Pinuno ang bunganga ni Nato na may gusto pang sabihin ngunit hindi na makahinga. Ngumiti na lang. Animo'y nagpasalamat sa bango ng sanggol na naamoy rin sa huli.
Malapit ang bahay ng mayor sa parke. Nakaharap ang
kuwarto sa aserong bangko sa ilalim ng puno ng dayap na bakante na ngayon. Nagpakupkop ako habang iniimbestigahan ang mga kaso. Nagmistulang kuwadro ang bintana noon. Ang kapatid ko ang ipininta sa gitna. Asul ang mga alapaap.
Sayang dahil hindi ko nasabing hindi ako sugarol. Nag-ipon lang dahil may mga nagwaldas. 'Yon lang ang puwedeng idahilan sa aming palatayang ama at inang walang takot matalo. Hindi nila ako kayang unawain. Kinapos nga ng oras sa pagsusulat, sa pagsasalat pa kaya o sa pagbabalasa?
Hindi ko man lang ipinagtapat kay Kuya na sumugal ako sa tunay kong pagkatao kahit nagbabala siya noon na huwag nang ituloy dahil walang magmamahal sa akin.
Habang nakadungaw ako sa bintana at nasa likod ko ang mayor, ang lagi kong sambit, "Ipangalan mo ang parke sa aking kuya."
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.
Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.
Kung may lugar man na kung saan nagtutunggali ang luma at ang bago, ang noon at ang ngayon, at ang nakaraan at ang kasalukuyan, 'yon ay ang bayan ng pamilyang La Guargia. Nagpipingkian pa rin ang Katolisismo at ang animismo. Nagpapataasan ang mga Diyos at ang mga anito.
Tumutunog pa rin ang kampanang paos na sa luma. Tuwing alas-sais ng umaga, ang hudyat ng pagsisimula ng araw kahit dinig ang mga tilaok ng mga tandang. Alas-dose para tawagin ang mga magsasaka upang mananghalian na. At alas-tres ng hapon, ang babala na huwag magpagabi sa daan.
Kahit sa gabi, hindi napapagod ang kampana. Pagsapit ng ala-sais, tatlong minutong magkakasunud-sunod na mga bagting ang maririnig. Humihinto ang mga tao sa daan man o sa loob ng bahay para sa oracion. Babatingaw na naman sa alas-otso ng gabi para sa padasal sa oras ng mga patay.
Kung may mga anak si Satanas sa Pilipinas, sina Toppy at Lars ang akma sa mga deskripsiyon. Pinagpistahan ng mga putakti ang mga mukha. Mga pugad ng uod ang mga bunganga. Kung walang mga bisig at mga binti, mga maiikling ebak silang matitigas na niluwal ng naempatso.
Noong nagbinata pa si Toppy, sinabi raw sa kaklase ang muhi niya sa mundo, "Ang pinakamasaklap sa buhay ko ay ang aking mukhang talo pa ng puwet ko.
Ipinagtapat din daw ni Lars sa kaibigan ang tampo sa Diyos, "Pati nanay ko nga ay hindi kayang mahalin ang mukha ng inire niya."
Binulalas din ni Toppy ang galit sa mga kaklase noong nasa elementarya pa. "Mga ulalo, kahit minsan hindi niyo ako ginawang prince charming. Palaging sergeant at arms na lang ba? Ano ang akala niyo sa akin, security guard?" Pumutok ang butse dahil may gusto sa naging muse lagi.