Bobo ako sa matematika. Isa sa mga itinatanong ko sa mundo ay kung bakit ginagamit ang mga numero sa panlilito. Dinadagdagan pa ng mga hugis. Nilalapatan ng mga letra. Ginagamitan din ng kakaibang alpabeto. Nilalagyan pa ng mga maliliit na bilog na hindi sero.
Hindi ba talaga sapat na dalawa sila kung ang isang mansanas ay may kasama pang isa? Kailangan ba talagang ibawas ang mababaw na kagat sa isa at kalkulahin ang hugis ng iniwan ng mga sabik na ngipin? Hindi nga siguro masokista ang utak ko kaya ayoko sa mga napakasadistang numero.
Hindi ako kinulang sa bitamina noong bata pa. Maliban sa mga tabletang bigay ng Center, laging luntian ang aming ulam. Naghalilihan ang kangkong at saluyot. Palasingit ang malunggay kahit walang karneng sahog. Ginisa rin ang mga talbos ng kamote, kalabasa at ampalaya kung meron.
Kumpleto rin naman ako sa bakuna kaya nga hindi nagkatigdas, nagkabeke, at nagkabulutong-tubig. Mahirap hanapan ng dahilan ang aking kabobohan.
Nakaupo ako noon malapit sa basurahan dahil gusot ako nang gusot ng papel kapag mga numero na ang nasa pisara. Nanginig ang mga kamay.
May mga sandaling napatanong ako noong haiskul kung bakit hindi na lang welding ang geometry at vulcanizing ang trigonometry. Kailangan bang paduguin ang ilong ko kahit walang planong tumuloy sa kolehiyo? Nag-aral lang naman ako dahil nabagot sa mga ingay at mga dumi sa looban.
Oo, nagpasalamat ako sa mga gurong nagpasang-awa sa akin dahil bukod sa ayaw na nila sa pagmumukha ko, gumawa raw ako ng mga kabitan ng mga kurtina sa mga bintana, nag-ayos ng seradura sa pinto kaya nakatipid, at nagpukpok din ng mga pako upang hindi na mag-ingay ang mga silya.
'Tang ina lang, dapat pagkakarpintero pala ang inaral ko noon kung diyan naman pala ako magaling. Bakit nagsayang ako ng apat na taon? Hindi sana ako naging tulak. Wala sanang mga pulis na buntot nang bunto sa akin. Hindi sana ako nakalista. Wala sana akong kinatakutang tokhang.
May matematika rin naman sa pagbebenta ng shabu pero walang dapat pag-isipan nang malalim sa pagtitimbang at sa timbangan. Kunin lang ang bigat ng paglalagyan at ibawas ito para makuha ang totoong timbang ng shabu. Hindi na kailangang sukatin pa ang laki, lawak, sakop o saklaw.
Sa pera, mga kulay at mga mata lang. Dilaw at kayumanggi ang Ninoy. Iba't ibang mga tingkad ng asul ang Escoda. Kahit ang mga barya ay madaling bilangin. Kung hawak ko, ang mga bigat at mga hugis ay sapat na. Kung hawak naman ng iba, tunog ng pag-alog at pingkian ang pakinggan.
Puwede ring sukatin ang pagsitsit o pagsipol. Sanay na ang aking mga tenga kaya alam ko kung gaano kalayo ang sitsit sa dilim ng gustong bumili, kung ilang hakbang, at kung nakakubli sa puno o pader. Kahit ang sipol ng mga kasamang naghudyat na may mga pulis ay kayang kalkulahin.
Kagaya noong nagdaang gabi. Humudyat si Tisoy na anak-araw at ipinaglihi raw ng ina sa kupal ng amang takot magpatuli noon ayon sa biruan sa inuman. May pagmamadali ang kanyang sipol.
"May parating na mga pulis," sabi ko sa mga kasamang tulak na nakipaglaro ng pusoy sa akin.
"Guni-guni mo lang 'yan," wika ni Atong na kampante dahil nagkuwintas ng mga ngipin ng pusang pinulutan niya noong mag-isang tumungga ng Kuwantro Kantos. Natokhang na, nalaglagan at pinagbintangang nanlaban ngunit buhay pa rin. Siyam daw ang buhay. May anim pa kaya hindi maingat.
Nauna akong tumayo sa mesang sugalan. Nagbilang ako ng mga petsa. Biyente-singko ng buwan. Hanapan na 'yan ng mga pulis ng pang-quota. Malapit na ang pasuweldo. Para magkabonus, pati mga inosenteng sinto-sinto ay dapat pagtiyagaan para makumpleto lang ang kanilang mga listahan.
Ilang minuto lang, nagkagulo na. Dalawang sasakyang puno ng mga pulis ang nag-abang sa dalawang kalyeng nasa kaliwa at ibaba ng loobang rektanggulo ang hugis--parang kabaong. Mga naglalakad na patay naman talaga ang mga tagaloobang gaya ko. May balang nakalaan na para sa akin.
Tuwing may paglusob, bawal dumaan sa mga kalye. 'Yan ang unang natutunan ng isang tulak. Kaya nag-isip ako ng tamang paraan upang madaling marating ang itaas na masukal na estero na . Madali nang maglaho roon. Natandaan ko si Mr. Maglaqui at ang salitang hilig niya--hypotenuse.
Binaybay ko nga ang pahilis na lusutan kahit walang daan kundi mga barung-barong. Dahil may mga mata ang pulisya sa looban, hindi ako nagpahalatang nagmadali o may iniwasan baka pagdudahan at isuplong. Mga taong kapos din ang mga daga sa amin. Palamasid. Palangatngat. Palatiktik.
Malakas na ang loob ko dahil wala nang laman ang mga bulsa. Una kong nadaanan ang kapatid na pabrika ng mga bata. Sa ingay nila, lalayo na ang mga pulis. Inilagay ko sa likod ng radyo ang mga pakete ng shabu. Walang anuman sa ate ko basta dinig pa rin ang drama habang naglalaba.
"Ate, gabi na. Naglalaba ka pa rin?" tanong ko habang binubuhusan ng tubig ang suot na tsinelas na kinapitan ng putik.
"May konting liwanag pa naman."
Hinulbot ko ang nakatuping isang daan sa maliit na bulsang itinahi ni Nanay sa aking salawal. "Bilhan mo ng ulam ang mga bata."
Lahat na lang yata ng mga malas ay dumating na sa buhay ng aking kapatid. Nagahasa noong nagdalaga pa ng kaklaseng mas mahirap pa sa amin. Maagang nakaranas ng pagpapalaglag. Sinuntok ni Nanay ang tiyan niya. Pinalundag. Ginamitan ng hanger. Nalaglag din ang dugo sa sinapupunan.
Nakunsensiya siguro kaya nang nakapag-asawa ng batugan, dinamihan at sinunod-sunod ang pagbubuntis. Walo na ang naluwal niya.
Ang huling dagok sa kanyang buhay ay ang paglaho ng asawang sumubok sana sa paglalako ng mga yosi at kendi. Dalawang buwan na pero hindi pa rin lumitaw.
Nang namanhid na ang mga tuhod ko sa kakalakad, huminto ako para umupo sa bangko. Hindi ko namalayang nasa harap pala ako ng bahay ni Onyok. Dumaan lang siya sa harap ko para bumili ng yelo. May salu-salo sa bahay niya. Boy or girl daw. Mukhang pa-gender reveal ng asawang buntis.
Agad akong umalis. Baka pag-isipang naghintay ako para imbitahin at papasukin sa loob. Nag-inuman ang mga lalakeng bisita sa labas. Kahit isang tagay lang, hindi ako pinansin ng dating kaibigan o kinumusta man lang. Dating tulak siya at sa akin nangutang kapag wala siyang benta.
"Walang nagbago sa mukha at katawan ko," kulit ng aking isipan. "Bakit parang hindi na ako kilala? Panipis pa rin naman ang buhok ko. Kulang pa rin sa sustansiya ang katawan. Dating kaibigan niya. Magkaibigan kami. Siguro umiwas si Onyok. Tagaliha na kasi ng kalawang sa talyer."
Nadaanan ko rin ang puwesto ni Aling Maura. Nandoon pa ang mahabang mesa at ang mga plastik na silya pero wala nang ilaw. Siya ang may pinakamalinis na pagpag sa looban. Dalawang beses pinakuluan at binabad pa sa suka bago inadobo sa gata. 'Yon nga lang, bawal ang tabi at utang.
Hindi ako sigurado kung ano siya. Tapon ba o pulot? Tinapon daw siya sa basurahan. Napulot ng isang matandang dalaga na tagalooban at kinupkop. Tumandang dalaga rin siya. Walang pamilya. Walang kasama sa bahay. Binuhay ang sarili sa pagpagpag ng mga dumi sa mga kinagatang laman.
Kalilibing niya lang. Kurot sa dibdib ang kumalat na kuwento. Inubo lang, uminom na ng lason. Takot daw maospital o makwarantina nang walang bantay. Wala ring pera. Kahit sa huli, pinulot siya at tinapon sa sunugan. Walang lamay. Hindi pinagsaklaan. Sadyang masaklap ang pag-iisa.
Tama si Pythagoras. Shortcut ang linyang pahilis. Kita ko na ang bahay ni Ninong Ben, ang matalik na kaibigan ni Tatay. Sa kanya ako ipinangalan. Benjamin na naging Benjie.
Tumama ang sulyap niya sa aking mukha. "Benjie, dumaan ka muna. May inihaw na plapla. Pagsaluhan natin."
Nakikain ako kasama ang asawa niya at tatlong anak na mga bata pa. "Ninong, salamat sa hapunan. Hindi na ako magtatagal. May sisingilin pa ako sa kabilang barangay."
Sinamahan niya ako palabas. "Kailan ka ba magbabalik-loob sa Diyos?
"Kapag handa na. Pagod na rin ako, ninong."
Dahil nauna palabas, lumingon siya at napahinto ako. "Pumikit ka. Kailangan mo ng basbas."
Isinara ko ang aking mga mata. Pinagalaw ang mga labi para magmistulang nagdasal. Ang totoong bulong ko, "Sana hindi ako maabutan ng mga pulis dito."
"Sa ngalan ni Hesus, magbabago ka."
Mas masahol pa noon ang Ninong ko. Kinatay lang naman ang lalakeng sumiping sa asawa niya. Tatlong dekada rin sa Munti. Doon niya nakausap ang Diyos. Nang nagbalik-loob, binuksan daw ang rehas na parang hawla. Paglabas, pastor na. Buwanan ang suweldo niya para mangaral sa looban.
Ilang hakbang lang, esterong malinis na. Sa kabila ang sukal ng gubat. Narating ko na ang pook na wala sa mapa ng mga pulis. Umupo ako sa bato. Tatlong oras ang paghihintay bago magkaalaman kung may nadampot, nabaril, nalaglagan o naparatangang nanlaban ang paglusob ng mga pulis.
Sa dami ng mga kulisap at mga puno na nagpasiklaban sa pag-iingay, buwan lang ang tahimik. Parang nagmasid. Tila nabigatan ang langit kaya pumaibaba. Nakipagtitigan sa akin. Hinayaan akong manalamin sa liwanag. Buo. Bilog. Naalala ko si Mr. Maglaqui at ang sinabi niyang radius.
Paikot-ikot lang ang buhay sa looban. Pagod na ako sa mga paulit-ulit na pangyayari sa bawat araw na lumiliwayway at sa bawat gabing sumisilim. Pare-pareho lang ang mga mukha. Hindi nag-iiba ang mga baho at mga dumi sa paligid. Saan mang kalye dadaan, mausok at maalikabok pa rin.
Nangangarap din naman akong magkabahay, magkaasawa, at magkaanak kahit isa lang para hindi magastos. Gusto ko nang lumabas sa looban ngunit hindi pa ako sigurado kung ano ang pinakamaikli, pinakamabilis, at pinakamadaling tahakin.
"Magsekyu ka," singit lagi ng aking isipan.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!
Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Pinagkaguluhan ang bangkay sa ilalim ng puno. Walang sugat. Nakangiti ang mukha. Malamig at matigas na.
"Huwag lumapit!" orden ng pulis. "Hindi pa natin alam kung nahawaan siya"
"Magsuot ng maskara kahit malayo kayo," sabi ng isa pang pulis.
"Walang tinokhang o nanlaban at hindi pinaslang at nilaglagan," dagdag ng isa pa upang magsialisan ang mga usisero.
Mali ang mga pulis. Kilala ko si Nato. Anak ng dating mayamang angkan. Inulila ng malas. Hiniwalayan ng nobya. Inagawan ng karapatan. Hanggang naging taong-grasa.
Kahit noong bata pa, nahiwagaan na ako sa mga ligaw na mukha sa sulok, gilid, ibaba, at labas ng lipunan. Maliban sa pagsusulat ng maikling kuwento ang hilig ko, wala akong pinagkaiba kay Picasso na nakihalubilo noon sa mga puta, lassengero, pulubi, at taong-grasa para magpinta.
May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.
Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.
Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.
Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Natutunan ko sa aking ama kung paano maghanap, maglinis at mag-ihaw ng sikat na isda sa palengke. Hindi siya mangingisda. Mahusay lang pumili at magkaliskis ng mga isdang tatabasan sa tiyan at tatanggalan ng mga laman-loob. Alam niya ang mga lansa at baho ng mga isda.
"Sa mga isdang ganito, unahin ang hasang," sabi niya noong nakiusyuso ako sa hugasan. "Hiwaan sa buntot at paduguin bago linisin ang tiyan at lutuin."
"Ang dali lang pala," wika ko. Tila hindi na ako bata dahil sa itinuro niyang pangmatanda. Galak ang pasalamat ng aking mukha.
"Siyempre, hahasain mo muna ang kutsilyo."
"Tuturuan mo rin ako sa paghahasa?"
"Madali lang." Binaliktad niya ang plato. Doon hinasa ang kutsilyo. Tulak-hila. Pabalik-balik. Sulong-urong. Paulit-ulit. Hanggang sa kumintab sa talas. Mabilis nang humiwa.