SILIPAN

o

Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!

Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Pagkagising, nasa ospital na. Nakatakip ang buong mukha. Kinapa niya, gaspang, laki, at kapal ng tapal. Mga mata, ilong, at bibig lang ang hindi tinakpan.

Isang linggong nakipagbuno ang mga doktor sa impeksiyon. Umitim at ninana ang kaliwang pisngi. Gakamao ang patay na laman.
Pinaikot niya ang tingin. Ang kambal niyang si Treb na nakaupo sa silya sa may paanan ng kama ang unang nasulyapan. "Tol, saan sina Papa at Mama?"

"Hindi na umuwi," wika ni Treb. "Baka mahirapan daw silang bumalik sa Oman. Imbes na gastusin sa pamasahe, sa ospital na lang daw."
Nanlupaypay ang mga balikat, braso, at bisig ni Bert. Nawalan ng sigla pati ang mga pulso at mga kamay. Kinuyom ang mga daliri na parang may gustong hawakan. Tumahimik hangang sa nakatulog.

Lumabas ng kuwarto si Treb. Kailangan na niyang umuwi at linisin ang kuwarto ng kakambal.
Silang dalawa lang ang nakatira sa bahay na may tatlong kuwarto. Sarado ang kuwarto ng mga magulang na matagal nang mga OFW sa Oman. Magkadikit naman ang kanilang mga kuwarto. Manipis na dingding ang pagitan. Dinig nga nila ang isa't isa kapag nanood ng mga malalaswa at umungol.
Kung may kambal na parang bungang eksaktong biniyak, sila 'yon. Parehong may katawan ng mga manlalangoy. 'Yan kasi ang ehersisyo nila at sinalihang palakasan noong nasa kolehiyo pa. Artistahin ang hitsura. Walang nunal o batik na palatandaan kung sino sa kanila si Bert o si Treb.
Kahit sa boses, walang pinagkaiba. Nahirapan ngang tukuyin ng mga tumawag kung alin sa dalawa ang kausap nila sa telepono.

Kung may kaibhan man, 'yon ay ang kanilang asta. Malinis tingnan si Bert na Accounting ang natapos. Marumi naman ang dating ni Treb na Painting ang inaral.
Plantsado lagi ang mga suot ni Bert. Kahit ang salawal na binaliktad pa ay pinadaanan ng init. Hindi rin lumabas ng bahay kung walang pabangong winisik sa dibdib at sa likod at pampabango ng mga kilikiling pinahid. Wala ring bisyo. Subsob sa trabaho. Kung may bakante, nanligaw.
Walang pakialam si Treb kung may tulo ng mga pinta ang maong na pantalong nagmakaawang labhan na o kung gusot ang kamisetang may ngatngat ng daga o may mapa na ang salawal kaya binaliktad. Hindi palaligo pero palahilamos at naniwala sa bisa ng tawas. Babaero rin at palasigarilyo.
Lumabas na si Bert sa ospital at naghilom na ang sugat. Pinatapalan pa rin ang kalahating mukha dahil nahiya sa bagong hitsura. Hinabhab ng halimaw ang pisngi. Hindi raw kaya ng plastic surgery.

Nang pinaupo siya ni Treb sa kama, bigla siyang napawika, "Tol, durugista ka ba?"
"Mukha lang, Tol, pero hindi talaga." May halong kaba ang ngisi ni Treb.

"Wala akong kaaway. Hindi ako mukhang tulak o adik. Bakit ako tinira?"

"Baka ako ang pinaghinalaan at nadamay ka?"

"Nagtutulak ka ba?" Parang sa striktong prinsipal ang mukha ni Bert kahit kalahati lang.
"Huwag kang ganyan. Simple lang ang buhay ko, tol. Sapat na ang padala sa atin. Malaki na nga ang ipon ko sa bangko. Gusto ko lang magpinta, tol, at sumama sa mga kaibigan kong nagpipinta rin. Hindi kami mga adik o tulak." Lumabas si Treb ng kuwarto. Ginusot ang mukha ng tampo.
Habang lumilipas ang mga araw, palumbay nang palumbay si Bert. Pumayat. Wala nang tapal ang mukha. Basag na ang salamin sa kuwarto pati ang nasa itaas ng lababo. Mabigat na ang katawan kaya laging nakahiga. Hindi na alam kung anong oras na. Tuluyan na siyang bumitiw sa trabaho.
Naging taga-alaga si Treb ng kakambal. Noong dinalhan niya ng pagkain sa kuwarto, itinabig ni Bert ang pansit na bili sa paborito niyang kainan. "Ano ba ang problema mo? Ikaw na nga ang tinutulungan."

"Magsabi ka nga ng totoo." Humagulhol si Bert. "Yon lang, tol, ang hiling ko."
"Ikaw ang magsabi ng totoo sa akin. Para ikatatahimik ng isipan mo at ikaluluwag ng damdamin ko, hahanapin ko ang mga gumawa nito sa 'yo. Hindi ko alam kung paano magsimula. Sino-sino ba ang mga kaibigan mo?"

"Nasa America at Canada na silang lahat."

"May kaaway ka sa trabaho?"
"Wala."

"May inagrabyado ka ba?"

"Wala rin.'

"May naiinis ba sa 'yo?"

"Wala akong alam na galit sa akin."

"May nililigawan ka ba?"

"Meron."

"Sino? Saan tumatambay? Sino ang mga kaibigan. Istrikto ba ang mga magulang niya?" Nanlaki ang mga mata ni Treb at lumakas ang boses.
"Si Mariel. Sa Starbucks sa katipunan siya naglalagi." Sa kakambal pa rin nakatuon ang duda sa mukha ni Bert. "Baka ikaw, tol."

Hindi na nagsalita pa si Treb. Tumalungko na lang at yumuko para isa-isahing pulutin ang mga hibla ng pansit at ang mga laman at mga gulay na sahog.
Pagkatapos mahanap si Mariel sa Instagram, pumunta si Treb sa Starbucks para tumambay. Nakasuot ng kalo at itim na salamin. Buong hapong naghintay.

Dumating din ang babae. Ibinaba siya ng kotseng nasulyap ni Treb. Pumasok sa kapehan at umupo sa kumpol ng mga babaeng kaibigan.
Sa sumunod na linggo, ipinatupad ang isang buwang lockdown sa buong lungsod. Naudlot ang pagmamanman ni Bert sa mayamaning babaeng pinagpala sa alindog at ganda at pinagtinginan ng mga lalake sa kapehan. Nakakulong siya sa bahay kasama ang kakambal na masama ang loob sa kanya.
Dahil kita pa rin ang mukhang hinalimaw ng bala, inalis ni Bert ang basag na salaming nakasabit sa dingding. Pako ang bumulaga. Kinalawang na. Maluwang. Inikot-ikot niya bago hinulbot. Maliit na butas. Sumilip siya. Hayon, si Treb na nakaupo sa kama. Nagpinta. Magulo ang kuwarto.
Palagian na ang silip sa butas ni Bert. Minanmanan ang kakambal. Humigop ba ng usok o suminghot ng tinadtad na batong kristal? Nagpakete kaya ng shabu? Nagtawag ba ng ibang tulak? Sumagot kaya sa tawag ng bibiling adik? Nagpahinga lang ang mata kung hubad o nagjakol ang kakambal.
Noong bagot na si Treb sa kapipinta, humilata siya sa kamang walang saplot. Basa pa ang pulang tulo ng pinta sa kamiseta. Tatlong malalaking kuwadro naman kasi ang tinapos para sa mga katatayong mansiyong kailangang sabitan ng mga kulay. May mga bakanteng kanbas pang nakasandal.
Ugong na ang pangalan niya sa pamilihan ng mga sining. Sa katunayan, dalawa ang obra niyang ibebenta ng Sotheby's. Interesado rin ang Christie's. Pinipilahan ng mga dayuhang mamimili ang mga obra ng mga Asyanong artista kaya talagang abala si Treb na inabala pa ng kakambal niya.
Habang nakahiga siya at nag-iisip nang malalim, umikot ang mga mata sa kisame at sa dingding. Nahalata niya ang maliit na butas. Tumayo siya para tingnan. Sumilip.

Hayon, tulog si Bert na nakatihaya. Basa ang pisnging nilubak ng sugat. Umiyak kahit sa panaginip. Naawa sa sarili.
Paulit-ulit na ang pagsilip ni Treb. Nakita niya ang pagpikit ng kakambal habang kinakapa ang pisnging dapat lagyan ng laman, ang pagtulo ng luha na parang butil na kumurba muna paloob sa hukay bago nalaglag, at ang pagsuntok sa kabilang pisngi para maging pantay ang kapangitan.
Pagkatapos ng isang buwang lockdown, pinalawig pa ito. Dinagdagan ng dalawang linggo dahil marami pa rin ang nanghawa at nahawaan.

Tapos na ang pagpipinta ni Treb. Nababad na ang mga pinsel sa gaas. Hinintay na lang ang lubusang pagtuyo ng mga kulay sa mga kanbas bago ikuwadro.
Hindi na nagsalita si Bert. Titig nang titig. Naglaho ang ganang kumain. Pinilit lang ang sarili. Madalang ang subo at konti lang. Hindi nginuya. Nilulon kahit ang hiwa ng manggang hinog. Tinulak ng tubig na ilang araw na sa basong nasagi ng araw na lumusot sa bintanang sinuntok.
Ilang beses nang tinulak ni Treb ang bintana para lumabas ang baho ngunit sinara agad ng kakambal na sanay na sa kulimlim, sa agiw na palawak nang palawak, at sa sariling anghit. Para tularan siya ni Bert, nilinis niya ang kanyang kuwarto. Kulang na lang palituhin ang alikabok.
Sa muling pagsilip ni Bert sa butas, ibang kakambal na ang bumungad sa kanya. Siyang-siya. Walang labis. Walang kulang. Malinis na ang suot. Gusot na ang nahiya at naglaho sa pagkaplantsado. Pati ang buhok ay ginaya ni Treb. Sa hitsura pa lang, mabango rin at hindi na tawas lang.
Si Treb naman ang sumilip. Pangit na nga ang kakambal, mabaho rin tingnan. Tila nag-lockdown din ang banyo o nagprotesta ang sabong takot na tuluyang maupos. Libag pa lang sa leeg, mukhang lagpas isang buwan na ang hindi pagligo. Nakipagpaligsahan sa kanyang walang-labang kumot.
Noong papunta sa banyo si Bert para umihi, dumaan muna sa butas. Sinilip ang kakambal na nasa harap ng salamin at pinag-ensayuhan ang pagtayo, pag-upo, paggalaw ng mga bisig, at pati pagngiti. Paulit-ulit na kinopya siya ni Treb. Kahit ang pagkunot ng noo at paggalaw ng mga labi.
Nang si Treb naman ang sumilip, napangiti siya. Hawak ng kakambal ang malaswang magasin. Agarang naging lungkot sa mukha ang ngiti. Isang pahina lang ang tiningnan ni Bert at itinapon agad sa sahig. Hindi tinigasan. Walang ganang paligayagin ang sarili. Kahit buto ay pumanglaw.
Pagkatapos ng lockdown, nagbukas na ang Starbucks. Sinuot ni Treb ang mga damit na pinuslit niya noong tulog ang kakambal. Pati pabango at pampahid sa mga kilikili. Nilagyan niya ng pantapal ang kaliwang pisngi. Band-Aid. Inamoy ang sarili. Kagaya na. Pumunta na siya sa kapehan.
Pagpasok na pagpasok niya sa Starbucks, nakita siya agad ni Mariel na animo'y nakasulyap ng multo.

Tumayo ang babae at sinalubong siya. "Umalis ka. Nandito si Paolo. Baka may mangyayari na naman sa 'yo."

"Siya ba ang boyfriend mo?" Lakas ng loob ang ipinakita ng mukha ni Treb.
"Hindi. Basta i-message mo na lang ako sa Instagram. Reactivated na." Itinulak ni Mariel si Treb palabas.

"Bawal ba ako rito?"

"Bert, please. Ayokong madamay at makunsensiya. You're a good man. I don't want you to get hurt."

Napilitang umalis si Treb dahil umiyak na si Mariel.
Ang simpleng "hello" ay naging mahabang pag-uusap. Lumipat sila sa tawagan sa cellphone. Magdamagan. Inumaga. Nagpalitan ng mga selfie. Nagkahulugan ng loob.

Nalaman din ni Treb ang salarin, si Paolo Contreras na anak ng kapitang naglista at pamangkin ng hepe ng pulis sa Balara.
Nagpatulong si Treb sa matalik na kaibigang pintor. Dahil may pinagsamahan at bunso siyang pinalaki sa layaw ng amang heneral ang ranggo sa pulisya, wala pang isang linggo, nakasuhan na ang kapitan at natanggal na ang pulis na bumaril kay Bert. Isinali din sa mga kaso si Paolo.
Pumasok si Treb sa kuwarto ng kakambal. Umupa sa gilid ng kama. "Tol, nahulog na ang loob sa akin ni Mariel."

"Hindi siya nilingon ni Bert na nakatagilid at kaharap ang dingding. "Eh di, sa 'yo na siya."

"Hindi ganyan, tol. Harapin mo nga ako. Mag-usap tayo."

"Naririnig kita."
"Nalutas na ang kaso mo dahil kay Mariel. Nagsabi ng totoo. Sinabi lahat sa akin dahil itinuloy ko ang panliligaw mo."

"Kung Instagram chats lang ang maipapakita mo, patulugin mo naman ako."

"Nasa internet na. Ibinalita na ang nangyari sa 'yo pero pinatago ko ang pangalan mo."
Agad na bumangon si Bert. Tumalbog ang katawan sa kutson sa pagmamadali. Isang lundag lang, nakaupo na sa harap ng computer. "Totoo nga, tol. Patawarin mo ako sa mga pagdududa ko sa 'yo." Walang hikbi. Dumaloy ang mga luha. "Salamat. Bakit hindi ako naniwala at nagtiwala sa 'yo?"
"Mamaya na ang usapan. Kailangan nating umalis." Inilabas ni Treb ang dalawang ticket papuntang South Korea. "Handa na lahat. Ang hotel, ang susundo, ang ospital, at ang plastic surgeon. Ikaw na lang ang hinihintay. Kumain ka muna. Maligo na rin. Ngayong gabi ang flight natin."
Habang nag-eempake si Treb ng mga damit at gamit nila ni Bert, nilantakan ng kakambal ang mga pagkaing nakalatag sa hapag. Ubos agad ang paboritong pansit. Nginuya na ang karne sa nilagang may mga bulaklak ng kalabasa na hindi rin pinalampas. Kahit ang tubig ay masarap kay Bert.
Sa loob ng eroplanong binaybay ang himpapawid, sumilip si Bert sa bintanang bukas.

"Kay dilim ng Pilipinas."

"Alas-dose na kasi," sabat ni Treb na nakisilip din.

"Sinabi mo kay Mariel na aalis ka?"

"Oo. Seminar sa Busan. Pinadala ng accounting firm."

"Kakambal talaga kita."
Ngayong nakasilip ka na. Oo, ikaw na mambabasa. May ipasisilip ka rin ba? Baka meron kang kuwentong dulot ng salot, malas, ligalig, dahas, at dusa sa ating panahon ngayon na dapat silipin. Maghanap ng butas na lagusan ng munting hangin o liwanag. Gumawa ng silipan. Magpasilip ka.
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

9 Jul
EPITAPO NG PAGKABATA

Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Read 35 tweets
7 Jul
HUSTONG ANGGULO

Bobo ako sa matematika. Isa sa mga itinatanong ko sa mundo ay kung bakit ginagamit ang mga numero sa panlilito. Dinadagdagan pa ng mga hugis. Nilalapatan ng mga letra. Ginagamitan din ng kakaibang alpabeto. Nilalagyan pa ng mga maliliit na bilog na hindi sero.
Hindi ba talaga sapat na dalawa sila kung ang isang mansanas ay may kasama pang isa? Kailangan ba talagang ibawas ang mababaw na kagat sa isa at kalkulahin ang hugis ng iniwan ng mga sabik na ngipin? Hindi nga siguro masokista ang utak ko kaya ayoko sa mga napakasadistang numero.
Hindi ako kinulang sa bitamina noong bata pa. Maliban sa mga tabletang bigay ng Center, laging luntian ang aming ulam. Naghalilihan ang kangkong at saluyot. Palasingit ang malunggay kahit walang karneng sahog. Ginisa rin ang mga talbos ng kamote, kalabasa at ampalaya kung meron.
Read 35 tweets
5 Jul
TAGLAGAS SA ILALIM NG PUNO NG DAYAP

Pinagkaguluhan ang bangkay sa ilalim ng puno. Walang sugat. Nakangiti ang mukha. Malamig at matigas na.

"Huwag lumapit!" orden ng pulis. "Hindi pa natin alam kung nahawaan siya"

"Magsuot ng maskara kahit malayo kayo," sabi ng isa pang pulis.
"Walang tinokhang o nanlaban at hindi pinaslang at nilaglagan," dagdag ng isa pa upang magsialisan ang mga usisero.

Mali ang mga pulis. Kilala ko si Nato. Anak ng dating mayamang angkan. Inulila ng malas. Hiniwalayan ng nobya. Inagawan ng karapatan. Hanggang naging taong-grasa.
Kahit noong bata pa, nahiwagaan na ako sa mga ligaw na mukha sa sulok, gilid, ibaba, at labas ng lipunan. Maliban sa pagsusulat ng maikling kuwento ang hilig ko, wala akong pinagkaiba kay Picasso na nakihalubilo noon sa mga puta, lassengero, pulubi, at taong-grasa para magpinta.
Read 53 tweets
4 Jul
TSIKININI NG LANGGAM

May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Read 61 tweets
3 Jul
Trabaho ang Pagpuputa

BHTL
ELDS
OIAH
LNPT

Kahit ang mga letrang kinulu-kulo na pamatay-oras ko habang naghihintay ng kustomer ay nang-alaska. Unang letra sa unang hanay. Bumaba sa pangalawa. Humakbang pa. Bumaba nang palihis. Bumaba pa at lumihis. 'Yan na ang salita. BELAT daw.
Palalaro ako ng Scrabble sa internet. Hindi umikot ang bokabularyo ko sa "how much" o "girlfriend experience" o "full service". Hindi rin ako nang-akit ng mga dayuhan gamit ang "I love you long time" na gasgas na. "Welcome to the Philippines" ang sabi ko lagi. Walang "mabuhay".
Kapag naghintay ako ng kustomer, scramble sa Boggle ang pinagkaabalahan ko. Walang kalarong naantala. Hindi umikot ang segundo.

Puta man ay nababagot din. Hindi lang mga puta. Magtanong kayo sa mga taga-call center. Naiinip din sila sa kasasagot sa mga tawag, tanong, at sigaw.
Read 52 tweets
2 Jul
AUNTIE GONI

Kay daming pangalan sa mundo, Begonia pa ang napili para sa aking tiyahin. Bulaklak daw. Kung gaano siya kaganda, ganoon naman kapangit ang palayaw niya. Goni. Katunog ng bungi. Totoo siguro ang sabi ng mga matatanda, "Pinamagatan ng kanyang pangalan ang buhay niya."
Apat silang magkakapatid na maagang naulila. Siya. Ang kambal na sina Uncle Tiyok at Uncle Pulong. At ang aking inang si Esme.

Itinaguyod sila ni Auntie Goni. Puke ang puhunan. Kasambahay muna hanggang naging asawa. Nakasungkit ng negosyanteng Intsik na may kanser sa bayag.
Nang yumao ang asawa, milyonarya agad ang aking tiyahin. Walang anak. Walang sumipot sa mga kapamilya ng yumao upang makigulo. Walang utang na iniwan.

Dinala niya ang mga kapatid sa mansiyong namana. Pinakain. Binihisan. Pinalaki. Pinag-aral. Nangakong hindi na siya mag-aasawa.
Read 40 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(