ANG PLUTISTA

Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.

"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."

"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."

Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Pagputok ng araw ang kanyang pag-idlip. Sa unang tilaok ng tandang, bumigat ang mga talukap ng mga mata na parang inupuan ng mga mumunting demonyo. Pangalawa, pumikit na. Ang pangatlong tilaok ang simula ng paghilik. 'Yan ang ritwal niya araw-araw sa kanyang kuwarto sa palasyo.
Ginaya niya si San Pedro. Tatlo naman kasi ang mga mabibigat na kasalanan niya. Pagnanakaw ng pera ng bayan. Pamamaslang ng mga mamamayan. Pagpapatuta sa mga Tsinong palakamkam.

May nagsabing dahil tatlong pangyayari daw ang kanyang kinatakutan: mapahiya, makulong, at mapatay.
Nagmiting ang mga tauhan para hanapan ng solusyon ang problemang hindi pinalabas sa palasyo. Baka raw pagpiyestahan ng mga kritiko.

"Musika ang mungkahi ko," sabi ng tagapagsalita.

"Payag ako diyan," saad ng pinakasekretaryo. "Paborito niya ang mga kanyta ni Freddie Aguilar."
Nagbahagi rin ang sundalong guwardiya, "Payag ako basta walang ipaiinom na gamot na pampatulog. Kargo de kunsensiya ko kung hindi na magigising."

Pagkatapos mag-isip, nagsalita ang politikong alalay, "Ipatawag natin ang mga pambansang artista ng musika. Magtrabaho naman sila."
Walang sumipot sa mga pambansang artista. Nagsilabasan ang mga sakit nila. May ulyanin na kaya limot na ang mga nota. Takot namang lumabas 'yong isa dahil napangitan sa lipunan. 'Yong isa pa ay nagsuka at nagtae. Merong nagkunwaring patay na at nagpadala ng obituwaryo sa palasyo.
Noong nabangag na naman ang pangulo, napilitan na silang magbayad sa tanyag na piyanista. Siyempre, buwis ng mga mamamayan ang ginasta.

Padausdos na tinulak ang pinakamahal na piyano sa loob ng kuwarto ng pangulong nakatulala lang na parang walang kaganapan sa kanyang harapan.
Paglabas ng mga tauhan, pumasok ang piyanistang kararating lang mula sa New York na kung saan nakatayong pinalakpakan nang matagal ang kanyang konsiyerto. Tinitigan ng pangulo ang kanyang mukha. Tila pinag-aralan siya ng mga pulang mata.

"Hi, Mr. President," bati ng piyanista.
"Sino ka?" singhal ng pangulo.

"I'm your newly hired personal pianist, sir."

"'Tang ina, matanda ka na."

"Mas matanda ka sa akin, Mr. President. I'm here to play the piano."

"Ang mukhang mong 'yan, binayaran ka nila? Ako ang bayaran mo." Ngumisi muna ang pangulo bago tumawa.
Agarang lumabas ang piyanista at humagulhol. "Bastos! I can't do this. American presidents don't disrespect me. They just listen. Bakit ang baba ng tingin niya sa akin?"

Nagkagulo ang mga tauhan. Muling binigyan ng pera ang piyanista at pinapirma. Huwag daw magsalita sa medya.
"Kailan pa nakinig sa piyano ang pangulo?" bulalas ng tagapagsalita. "Huwag na ang opera."

"Subukan kaya natin si Ka Freddie?" mungkahi ng pinakasekretaryo.

Tumutol ang sundalong guwardiya, "Bawal na siya sa loob ng Palasyo. Nagsisi raw kung bakit siya kumanta noong kampanya.
Sumabat ang politikong alalay, "Hanapin niyo 'yong sinasabi nilang "Asia's nightingale."

Nahanap nga ang mang-aawit na biniliban noong kasikatan niya. Dahil laos na, pumayag siya kahit ayaw niya sa pangulo. Kita rin naman at dinoble pa ang kanyang singil. Dalawang kanta lang.
Nagpaturok na naman ang pangulo ng Fentanyl kaya hinanda na ang mang-aawit na nagbaon ng dalawang kanta--"Gaano Kadalas Ang Minsan" at "May Bukas Pa". Hindi siya pinayagang magdala ng instrumento. Subukan daw ang a capella. 'Yong boses lang. Pumasok na nga sa kuwarto at kumanta.
Pumalakpak ang pangulo pagkatapos ng isang kanta. "Ang galing mo pa rin." Bumangon siya at humakbang papunta sa mang-aawit na nakaupo sa silya sa hindi kalayuan. "kasingganda mo ang 'yong boses." Hinaplos ng pangulo ang malasutlang buhok ng babae. "Ang tambok pa ng mga suso mo."
Nang dakmain na sana ang dibdib, kinanta ng mang-aawit ang "Lupang Hinirang". Nanginig ang boses pero hindi pumiyok. Pinawisan.

Dahil pangulo at may bandilang nakaburda sa kamiseta, tinuwid niya ang tayo at nilagay sa dibdib ang kamay na pandakma hanggang sa matapos ang kanta.
"Tapos na po, Mr. President." Lumabas agad ng kuwarto ang mang-aawit at nagsumbong sa mga tauhan ng pangulo. Gaya ng nauna, pinapirma siya at binigyan ng dagdag. Binalaanan din na may mangyayari sa kanya at sa kanyang pamilya kung ikakalat sa iba. Hindi na bumalik ang mang-aawit.
Nasundan pa ang pagbabangag ng pangulo at ang pagsulpot ng mga musikero. Sinubukan ang tatlong batang lalakeng nagbibinata na. Sinermonan ng pangulo kung bakit dapat silang magpakalalake at bakit masarap ang mga babae. Sa hiya at takot, pumiyok at nanigas ang mga dating biritero.
Sumubok din ang mangangantang may dalang gitara. Naingayan sa mga tugtog at awit niya ang pangulong nagwikang mas bangag pa kaysa kanya ang rakista. Pinakapkapan siya hanggang sa nakitaan ng droga. Binaril siya sa noo at itinapon sa ilog sa tabi ng palasyo. Wasak pati ang gitara.
Noong nagdoble ng turok ang pangulo kaya bilog ang pagdilat ng mga mata na parang pinagtulungan ng mga mumunting demonyo upang manatiling bukas, may sumulpot sa harap ng palasyo. Matandang lalakeng mahaba ang ubaning buhok at ang puting balbas. May dalang plutang gawa sa kawayan.
"Baliw yata 'yan," sabi ng tagapagsalita.

Kinilatis ng pinakasekretaryo. "Ermitanyo yata ang matandang ito."

"Baka pari dahil nakasutana." Kinausap ng sundalong guwardiya ang mama at nakumbinsi siya na hindi sinto-sinto.

Nagpasiya ang politikong alalay na subukan. "Papasukin."
Wala pang isang minuto ang pagtugtog ng pluta, humikab na ang pangulo. Nagsibagsakan ang mga talukap ng mga mata. Animo'y sumuko ang mga mumunting demonyo sa paghila sa mga balat paitaas. Limang minuto lang ang lumipas, humilik na siya. Hindi makapaniwala ang mga tauhang natuwa.
Bumulong ng mahabang orasyon ang matanda sa ulo ng pangulo at nagwika, "Hindi na siya magpupuyat kahit bangag na bangag."

Nang binayaran na sana ang matanda, itinulak niya pabalik sa tauhang nagbigay ang sobreng makapal. "Pera 'yan ng bayan. Ingatan niyo. Huwag niyong waldasin."
Tinanong siya kung ano ang gusto bilang kabayaran sa pagtugtog ng pluta, tumahimik muna at bumuntong-hininga. "Wakasan na ang pamamaslang sa mga mamamayan. Sapat na 'yan para sa akin."

Pinangakuhan ng mga tauhan pero nagbabala pa rin siya. "Kung hindi matutupad, magsisisi kayo."
Tinanong siya kung ano ang kanilang pagsisisihan. Inusli niya ang tatlong daliri. "Babagsak. Kakalat. Maghihiganti."

Tumalikod ang matanda at binaybay ang lagusan palabas ng palasyo. Hinabol pa sana ng mga guwardiya para bigyan ng leksiyon ang pananakot niya ngunit naglaho na.
Nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. "Parang santong pinadala ng Diyos para bigyan ng pagkakataong magbago ang pangulo."

"Hindi na uso ang ermitanyong mahussay sa mahika."

"Baka kaluluwa ng matandang natokhang."

"Dapat malaman ng pangulo." Tumagal ang batuhan ng mga kuro-kuro.
Patuloy pa rin ang pamamaslang. Bumagsak nga ang ekonomiya at narinig ng mga tagapalasyo ang tunog ng pluta na nagmula sa malayo at hindi nila matunton.

Noong parami nang parami na ang pagbulagta ng mga mamamayan sa lansangan, kumalat ang pandemiya. Gabi-gabi na ang pagplupluta.
Parahas nang parahas ang pamamaril ng mga pulis at kahit mga inosente ay isinali sa listahan. May salot na ngang kumitil ng mga buhay ngunit hindi pa rin nahinto ang orden ng pangulong hindi sinuway ng mga tauhan sa palasyo. Lalong lumakas ang pagtunog ng pluta. Araw man o gabi.
Dumating na nga ang dapit-hapon ng paghihiganti. Dinig sa buong kamaynilaan ang tunog ng pluta. Lamyos daw ng ihip ng hangin. Hinugot ang kanilang damdamin para gawing basyo ang kaloob-looban. Iniyakan ng mga tao ang musikang hindi pa narinig sa tanang buhay. Oyayi raw ng anghel.
Bawat batang nakarinig na inulila ng kahirapan, salot, at karahasan ay nagsilabasan at pumunta sa lansangan. Babae man o lalake. Mahirap o mayaman. Gusgusin o malinis. Nahamugan sa kalye o kinupkop ng kapamilya. Nagmistulang nagparada sila papunta sa parkeng gubat ng Arroceros.
Nakatingala ang mga ulo ng mga bata. Papunta sa iisang direksiyon. Nakatitig sa ulap. Naglakad nang walang pakialam. Hinila ang mga paa ng tugtuging nag-imbita ng kanilang mga kalungkutan. Nagsitulo ang mga luha. Kahit paulit-ulit ang pagbubusina ng mga sasakyan, hindi huminto.
Pagdating ng kahuli-hulihang bata sa linya papunta sa gubat, ang mga busina naman ng mga sasakyan ng mga parating na pulis ang nag-ingay. Tahimik na ang pluta. Naglaho na rin ang mga batang ulila maliban sa isang pilay na isinandal ang kilikili sa saklay at umiyak dahil pinauwi.
Tinanong siya ng pulis, "Nasaan ang mga kasama mo?"

"Kapiling na sila ng matanda sa loob ng kuweba," wika ng batang pilay. Ang daming mga pagkain. Ang daming mga laruan. Kay saya sa loob. Kay ganda ng buhay roon."

"Bakit nakalabas ka?"

"Inutusan ako ng matanda na sabihin ito."
"Ano?" Dinukot ng pulis ang bolpen at papel sa bulsa. "'Yong totoo ha."

"Hanggang may karahasan, kalupitan, at kahirapan sa lipunang Pilipino na ang laging binibiktima ay mga kapos sa gilid at mga dahop sa sulok, hindi mawawala ang musika ng plutista, ang tunog ng paghihiganti."
Tumalikod ang bata at naglakad pabalik sa kanyang puwesto sa kongkretong lansangang pinainit ng mga malalawak na ilaw mula sa mga poste. Basa ang mga pisngi ngunit nakangiti. Naalala ang sinabi ng matandang plutista--"Kailangan ka namin sa labas, iho. Ikaw ang magiging basehan."
Lumapad ang ngiti ng batang ginomahan ang saklay. Inulit ang sinabi ng plutista, "Kung hindi ka na nahahamugan, nakikipagbuno sa dumi at alikabok, nauuhaw, nagmamasahe ng tiyan, at natatakot sa dugo sa daan, lalabas ang mga kasama mo. Hindi na kailangang magtugtog pa ng pluta."
Tapos.

• • •

Missing some Tweet in this thread? You can try to force a refresh
 

Keep Current with Miyako Izabel

Miyako Izabel Profile picture

Stay in touch and get notified when new unrolls are available from this author!

Read all threads

This Thread may be Removed Anytime!

PDF

Twitter may remove this content at anytime! Save it as PDF for later use!

Try unrolling a thread yourself!

how to unroll video
  1. Follow @ThreadReaderApp to mention us!

  2. From a Twitter thread mention us with a keyword "unroll"
@threadreaderapp unroll

Practice here first or read more on our help page!

More from @sejoalzir

11 Jul
SA ILALIM NG PUTING ILAW

Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".

Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"

Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"
Read 35 tweets
9 Jul
EPITAPO NG PAGKABATA

Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Read 35 tweets
8 Jul
SILIPAN

o

Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!

Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Read 47 tweets
7 Jul
HUSTONG ANGGULO

Bobo ako sa matematika. Isa sa mga itinatanong ko sa mundo ay kung bakit ginagamit ang mga numero sa panlilito. Dinadagdagan pa ng mga hugis. Nilalapatan ng mga letra. Ginagamitan din ng kakaibang alpabeto. Nilalagyan pa ng mga maliliit na bilog na hindi sero.
Hindi ba talaga sapat na dalawa sila kung ang isang mansanas ay may kasama pang isa? Kailangan ba talagang ibawas ang mababaw na kagat sa isa at kalkulahin ang hugis ng iniwan ng mga sabik na ngipin? Hindi nga siguro masokista ang utak ko kaya ayoko sa mga napakasadistang numero.
Hindi ako kinulang sa bitamina noong bata pa. Maliban sa mga tabletang bigay ng Center, laging luntian ang aming ulam. Naghalilihan ang kangkong at saluyot. Palasingit ang malunggay kahit walang karneng sahog. Ginisa rin ang mga talbos ng kamote, kalabasa at ampalaya kung meron.
Read 35 tweets
5 Jul
TAGLAGAS SA ILALIM NG PUNO NG DAYAP

Pinagkaguluhan ang bangkay sa ilalim ng puno. Walang sugat. Nakangiti ang mukha. Malamig at matigas na.

"Huwag lumapit!" orden ng pulis. "Hindi pa natin alam kung nahawaan siya"

"Magsuot ng maskara kahit malayo kayo," sabi ng isa pang pulis.
"Walang tinokhang o nanlaban at hindi pinaslang at nilaglagan," dagdag ng isa pa upang magsialisan ang mga usisero.

Mali ang mga pulis. Kilala ko si Nato. Anak ng dating mayamang angkan. Inulila ng malas. Hiniwalayan ng nobya. Inagawan ng karapatan. Hanggang naging taong-grasa.
Kahit noong bata pa, nahiwagaan na ako sa mga ligaw na mukha sa sulok, gilid, ibaba, at labas ng lipunan. Maliban sa pagsusulat ng maikling kuwento ang hilig ko, wala akong pinagkaiba kay Picasso na nakihalubilo noon sa mga puta, lassengero, pulubi, at taong-grasa para magpinta.
Read 53 tweets
4 Jul
TSIKININI NG LANGGAM

May sandaling gusto ni Manny ng lalake pero agad niya itong siniil. Parang langgam na tiniris upang hindi na makakagat. Meron siyang nobyang mahal niya ngunit nagdulot ng pagtatanong sa sarili kung maskara lang ba ang babae. Eksistensiyalismo raw ng makata.
Matagal na niyang kaibigan si Miguel na kuwentista. Kasama niya sa pagtuturo sa pamantasang sikat sa malikhaing pagsulat. Pareho silang lagpas biyente na ang edad ngunit malayo pa sa katapusang petsa sa kalendaryo. Parehong pinagpala sa hitsura, palaehersisyo sa gym, at matalino.
Pinagdudahan pa nga ang kanilang pagkakaibigan kahit hindi pa nakalabas sa kloseta si Miguel at nakipaglandian pa sa mga babae dahil bukod sa nag-utangan ng pera at nagpalitan ng mga ideyang susulatin, naghiraman din sila ng salawal, damit, at iba pa. Sipilyo lang yata ang bawal.
Read 61 tweets

Did Thread Reader help you today?

Support us! We are indie developers!


This site is made by just two indie developers on a laptop doing marketing, support and development! Read more about the story.

Become a Premium Member ($3/month or $30/year) and get exclusive features!

Become Premium

Too expensive? Make a small donation by buying us coffee ($5) or help with server cost ($10)

Donate via Paypal Become our Patreon

Thank you for your support!

Follow Us on Twitter!

:(