Maninilip daw ako. 'Yan ang kinalat sa buong kapitbahayan. Tuwing dumaan ako sa mga bahay-bahay, bigla na lang kumalabog ang mga bintana. Kapag may sinulyap ang mga mata ko, tumitig sila. Kung tumitig ako, nagsialisan. Nanghubad daw ang aking tingin.
May mga sandaling ako na lang ang nahiya at tumalikod. Kahit wala silang sinabi, basang-basa ko ang pagpigil ng mga ngusong sumigaw ng manyak, jakolero o sira-ulo. Ipinagdasal pa ng iba na magkakuliti ako, mapuwing o mabulag. Buti na lang, kahit sore eyes ay hindi ko naranasan.
Nagsimula ang lahat noong may bagong-kasal na lumipat sa bahay na kaharap ng aking nirentahang tirahan na may balkonaheng tambayan ko tuwing nanigarilyo. Mahangin kasi. Inatipan pa ng tolda kaya hindi ako nabilad sa araw o nahamugan sa gabi. Nasanay na ang aking utak sa puwesto.
Binati ko pa sila, "Welcome to the neighborhood." Nag-Ingles pa ako dahil mukhang sosyalin ang mag-asawa-- 'yon bang bahagi na ng araw nila ang pagwaldas ng pera sa Starbucks.
"Thank you," sabi ng babaeng seksi nga at maganda pero hindi ko tipo dahil litaw ang kanyang mga buto.
"Salamat, pare," wika ng lalakeng maskulado at may hitsura din naman. Kaso hindi ako bakla.
Tutulong sana ako sa pagbubuhat ng mga mamahaling gamit papasok sa bago nilang bahay kaya lang takot akong makabasag. Wala akong pera. Walang ipon. Manunulat akong inabuluyan ng pamilya.
Unang gabi pa lang nila, nakitaan ko na ng pagdududa. Ako ang dinudahan. Labas-pasok sa kanilang balkonahe ang lalakeng walang pang-itaas. Deretso ang tingin kung saan ako nakaupo at nanigarilyo. Nanigarilyo din naman siya kaya hindi usok o baho ang dahilan ng kanyang paglabas.
Tanda ko pa ang mga inisip ko sa gabing 'yon. Ano ang kaibhan ng bulos sa ihip ng hangin? Tula ba ang dilim o dula ng hatinggabi? Ang mga tala kaya ang may langit o ang langit ang may mga tala? Ako o ang buwan ang nakatitig? Pinilit ko pang tukuyin ang mga halimuyak na nasinghot.
Tumagal ako sa balkonahe. Patuloy rin ang paglabas-pasok ng lalake. Mukhang hinintay akong maglaho. Sa loob-loob ko, "Bagong kasal sila. Baka gustong magkantutan. Pagbubuntis ng misis ang hangad niya. Sarado naman ang bintana. Baka nahihiyang marinig ang kanilang mga halinghing."
Pumasok ako sa loob kahit nasa dulo pa ng sigarilyo ang siga. Ininudnod ko sa taktakan ng abo. Itinabi para may babalikan kapag kailangan kong bumuga ng mga ulap na bilog. Siniguradong nakasingit sa siwang. Ganyan ako--matipid sa sigarilyo, ang gasolina ng aking pagkamalikhain.
Kinaumagahan, nagduda na talaga ang mga mata ng mag-asawa. Inilagan ang aking tingin. Sinulyap naman ang kinaroonan ko. Gusto kong batiin ang babaeng nagdilig ng halaman pero nanahimik na lang baka pagdudahang nangmanyak kaya nakipagkaibigan. Hindi ko nga alam ang mga pangalan.
Sa sumunod na gabi, ganoon pa rin ang eksena. Hindi mapakali ang lalake. Hindi naman siguro inaligaga ng tag-init o nagkapantal ang kanyang balat kaya kailangan magpahangin. Dalawa ang ipinakabit nilang aircon. Kita pa nga sa labas. Nakipagpaligsahan pa siya sa akin sa hithitan.
Ako na lang ang sumuko at pumasok sa loob. "Baka kantutan na naman at gustong siguraduhing mabuntis talaga ang asawa. 'Tang ina, paano ko matatapos ang kuwento?"
Dahil kinulang sa nicotine, blangko ang computer monitor na kaharap ko. Kahit ang paggamit ng gitling ay prinoblema.
Sinundan pa ang tagpong 'yon. Nagpasya akong sa araw na lang manigarilyo at magsulat. Baka hindi na magdududa. Walang lalakeng labas-pasok. Baka hindi na maiistobo ng aking pananahimik. Walang babaeng sisilip sa awang ng bintana. Baka ang eksistensiya ko ay hindi na paghihinalaan
Sadyang bampira nga siguro ako. Dapat sarado ang mga bintana sa araw at patay ang mga ilaw. Pikit ang mga talukap ng mga mata. Nakahilata ang katawan sa kama. Humilik. Tumulo ang laway na natuyo sa punda. Hugot ang paglabas at pagpasok ng hangin sa ilong. Nagpahinga ang isipan.
Hindi ko kayang diktahan ang insomnia na mahimbing dahil hatinggabi na. Naglasing na nga ako ngunit ayaw pa rin. Lumaklak na ng pampatulog pero hindi pa rin nilubayan. Dahil alituntunin ko sa buhay ang pagsuko kung inayawan o hinindian, muli akong nanigarilyo at nagsulat sa gabi.
Bumalik ang dating eksena. Nagpuyat na naman ako. Nag-isip nang malalim. Nanigarilyo. Bumuga ng mga bilog.
Labas-pasok naman silang mag-asawa. Naghalinhinan. magkasama paminsan-minsan. Sa mga titig o sulyap pa lang, tila nag-orden na matulog na ako dahil gagawa na sila ng bata.
Sa loob-loob ko, "'Tang ina, lagpas dalawang buwan na, hindi pa rin buntis? Buto't balat kasi. Kulang sa sustansiya. Kailangan ng bitamina. Baka may problema sa pag-aararo kaya walang binhing tutubo. Kinukulang din siguro sa patubig. Baka naman mainit ang panahon. Tagtuyo kasi."
Naging palaisipan sila sa akin noong ngumiti ang babae at ngumisi ang lalake. Para bang nag-imbita na sumali ako sa kanila.
Kinausap ko ang sarili, "Ulol, ang payat na nga ng babae, makikipagtatluhan ka pa? Ano ang tingin mo sa pagmumukha mo, guwapo? Pinaglihian ka lang nila."
Nabahala ako sa paglilihi. Hindi maari. Kawawa ang bata kung buntis nga ang babae. Walang maganda sa tadhana ko. Puro paghihirap at paghihintay. Hindi maginhawa ang buhay ng manunulat. Puro pagtitiis at paghahanap ng pagkakataon. Kung may natiyempuhan, kailangan pang magmakaawa.
Ipinaglihi ako ng aking ina sa manunulat. Naguwapuhan siya kay Jack Kerouac. Noong kumuha ng kurso sa Literatura na pampataas ng grado para makapasok sa Medisina, nagkita at nagkahulugan ng loob sila ng aking amang kailangan ding taasan ang mga grado para pasok sa pag-aabogasiya.
Noong naging sila na, ako ang bunga. Putok sa buho. Supling ng karupukan. Kasalanan ng dalawang katawan. Walang kasal dahil mag-aaral pa. Hindi naging pamilya. Kaya pinagpasa-pasahan ng dalawang lola.
Pangungulila ang dahilan kung bakit ako naging manunulat. Hula lang ang lihi.
Tuwing nalungkot kasi noon, nagpabasa ako pati sa yaya dahil bata pa hanggang sa marunong na akong magtupi ng matulis na sulok sa itaas ng pahina--tenga ng asong lumuyloy. Natutunan ko na rin ang pagdila sa hintuturo para mahigpit ang kapit sa papel at mabilisan na ang pagbabasa.
Noong nagbasa nang mag-isa at inaraw-araw pa, lagi kong napagtantong may mga kuwento rin ako na dapat sulatin at ipabasa. Hinubog ako ng mga libro. Hinulma ang aking isipan. Iminolde ang aking damdamin. Hanggang may sarili na akong mga rason at mga emosyon tungkol sa mga buhay.
Siyam na taong gulang na ako nang naging doktor at abogado ang aking mga magulang. Nagpakasal sila, nagpagawa ng bahay at kinuha na ako sa aking mga lola. Palasulat na ako ng mga pabula. Tanda ko pa ang pangaral nila noong nabasa ang aking kuwentong "Mga Baling Pakpak ng Balang".
"Anak, huwag mong seryosohin ang pagsusulat. Maghihirap at magugutom ka lang," sabi ng aking ina pagkatapos simutin ang mga pagkain sa kanyang plato.
"Magmedisina ka o mag-abogasiya paglaki mo kung gusto mo ng madaling buhay," wika ng aking amang panghimagas ang alak sa hapunan.
Sa Malikhaing Pagsulat ako napadpad. Hindi nagpadikta sa mga magulang. Ipinaglaban ko ang gusto. Iisa lang ang aking dahilan: sa pagbabasa at pagsusulat, hindi ko na kailangang maging sadista sa sarili o magpakamasokista sa mga guro. Parang paghithit at pagbuga sila ng sigarilyo.
Hindi ako binalaanan ng aking mga magulang na hindi lang pagdudusa at pagtitiis ang dala ng pagkamanunulat. Pagdududahan din pala ang pag-iisip ko nang malalim. Gagawing manyak kahit walang malibog sa aking mga buto. Pagbibintangang maninilip kahit walang sisilipan ang mga mata.
Hindi ko na natiis nang lumabas na naman ang mag-asawang nakadamit-pantulog at nakipagtitigan na sa akin. Tumayo ako at humakbang. Isinandal ang mga siko sa barandilyang kahoy. Kapapatay lang ng hinithit. Marlboro. "May problema ba ang paninigarilyo ko rito sa pribadong espasyo?"
"Hindi 'yan ang problema," sabi ng lalake. "Nagtanong-tanong kami. Hindi ka nang-aakyat-bahay dahil anak-mayaman ka. Nagtataka lang."
"Pinaghihinalaan niyo akong manloloob at naghihintay na matulog kayo? Ano ngayon kung gising pa ako at naninigarilyo kahit lagpas hatinggabi na?"
"Hindi 'yan ang punto ng asawa ko," sabat ng babae. "Naghihintay ka na may gagawin kami sa kuwarto."
"Maninilip na naman ang binibintang niyo. Ang layo ng kuwarto niyo sa balkonahe ko. Paano ako makakasilip. May malaking butas ba? Meron bang kakaibang kakayahan ang mga mata ko?"
"Maririnig mo," bulalas ng bana.
"Napakaespesyal naman ng mga ingay niyo na pag-iinteresan ko. Wala akong panahon para diyan." Humina ang boses ko dahil sa pagtataka kung bakit kailangan kong magpaliwanag. "Abala ang isipan ko kung totokhangin o hahawaan ng covid ang karakter."
Nanlaki ang mga mata ng mag-asawa na kitang-kita ko dahil nadaplisan ng liwanag mula sa poste ng kuryente. "'Yan pala ang dahilan kung bakit lagi kang nagpupuyat," wika ng asawa bago sila pumasok.
Pumasok na rin ako sa loob ng bahay at naghinala sa kanilang kakaibang reaksiyon.
Isang talata na lang sana at tapos na ang kuwentong sinulat ko nang may kumatok. Sunud-sunod. Malakas at mabilisan. Tinadyakan pa. "Mga pulis! Buksan mo ang pinto para walang gulo!"
Agaran akong tumayo para buksan. Nakamaskara ang mga mukha. Tinakpan pa ng plastik na panangga.
"Bakit sinabi mo sa kanila na ipatotokhang mo o hahawaan ng corona?" usisa ng isa sa mga pulis na sa laki pa lang ng tiyan ay halatang mangongotong. "May kapit ka ba? Positibo ka?"
Inisa-isa ko ang mga mukha. Nakabuntot ang mag-asawa sa mga nakauniporme. "Sinong may sabi niyan?"
"Itong mga kapitbahay mo," saad ng isa pang pulis na mapula ang mga matang nanakot dahil parang sanay na sa paslangan.
"Una, nabakunahan na ako. Pangalawa, wala akong kilalang manonokhang. Pangatlo, gawa-gawa lang ng mag-asawang 'yan ang isinumbong sa inyo dahil pingtripan ako."
Sumabat ang bana, "Dinig namin ang sinabi mo."
"Ano ang sinabi kong pananakot? Sige, sabihin niyo sa mga pulis."
Humakbang ang asawa para umeksena sa harapan ko. "May sinabi ka sa amin. Tinakot mo si Walter na ipatokhang o pahawaan." Lumingon siya para hilain paharap ang bana.
"Hindi lang pala kayo paladuda. Mga bingi rin. Karakter ang sinabi ko. Hindi Walter. Hindi ko nga alam ang mga pangalan niyo. Manunulat ako. Nagsusulat ng kuwento. Nanigarilyo ako sa labas kanina dahil nag-isip kung totokhangin o hahawaan ang karakter. Hindi Walter na asawa mo."
Natawa ang mga pulis at nagsiatrasan. Umurong din ang mag-asawa.
Pero hindi pa ako tapos. "Pinagdudahan niyo akong manloloob, maninilip, manonokhang at manghahawa dahil laging naninigarilyo sa balkonahe nang magdamag. 'Tang ina, naninigarilyo ako dahil nag-iisip at nagsusulat."
Ipinakita ko sa mga nakauniporme ang pruwebang nabakunahan na ako. Inilabas ko rin ang mga librong ako ang nagpublisa. Ibinuhat ko rin ang laptop na bukas para ipakita ang maikling kuwentong hindi pa natapos.
Binasa ng mga pulis. Nagsitinginan sila bago tumitig sa mag-asawa.
"Tungkol sa mag-asawang nagduda sa manunulat na palasigarilyo sa balkonahe sa dis-oras ng gabi. Salamat dahil tinapos niyo ang kuwento. Hindi na ako mag-iisip kung ano ang wakas. Tinokhang ang karakter. Ako."
Nagsialisan ang mga pulis. Hiya ang nabuo sa mga mukha ng mag-asawa.
Kumalat ang pagtokhang sa akin sa buong kapitbahayan. Kaya raw pala mukha akong walang ligo at palasigarilyo. Abala raw sa pagsusulat. Walang panahon sa mundo.
Ilang araw lang, lumipat sa bagong tirahan ang mag-asawa. Hindi kinaya ang mga sulyap at titig ng ibang mga kapitbahay.
Tapos.
• • •
Missing some Tweet in this thread? You can try to
force a refresh
Mataas na naman ang tama ng pangulo kaya nagkagulo ang mga tauhan sa palasyo. Tuwing bangag, buong gabi siyang gising at tulog buong araw.
"Kailangan nating patulugin dahil may trabaho kinaumagahan," wika ng tagapagsalita. "Dapat lagi siyang nakikita ng mga tao."
Sumabat ang pinakasekretaryo, "Hanggang kisame na ang mga papeles na dapat pirmahan."
"Delikado ito sa seguridad ng bansa," dagdag ng sundalong guwardia. "Hindi puwedeng tulog siya habang sinasakop na tayo ng mga Tsino."
Nagsalita rin ang politikong alalay, "Pag-usapan natin."
Kapag kasintayog ng tore ang tama ng pangulo, nakatitig siya sa kisame. Tila nagsilabasan ang mga kuwit at sero sa harapan. Sa laki at dami ng mga kinurakot, sa dingding naman nakatingin. Animo'y kinulang ng espasyo ang mga numerong may mga simbolo ng piso. Magdamagang nagbilang.
Wala na si Hector. Binaril dahil napagkamalan. 'Yan ang totoo pero hindi ibinalita. Nahawaan daw kaya sinunog agad. Paano nangyari kung nabakunahan na? Drayber siya ng ambulansiya. Ang gusto talaga ay magbuo ng banda at maging rakista. Kaya lang minalas.
Pista noon nang una siyang bumalik sa amin pagkatapos ng ilang taon para magtugtog at umawit ng sikat na kanta ni Juan Karlos. 'Yong "Buwan".
Magkababata kami. Tanda ko pa ang pag-alis niya pagkatapos paslangin ang buong pamilya. Tsismis ang pinagmulan. Lagim ang kinahinatnan.
Nanligaw pa nga siya sa akin kaya lang inudlot din ng trahedya. Kaya inabangan ko ang sinakyang dyip at sumigaw, "Hector! Lumigon ka!"
Nasa itaas siya nakaupo kasama ang mga bagahe. Dinala ng hangin sa mga tenga niya ang aking sigaw. "Babalik ako!" sabi niya. "Babalikan kita!"
Mga asero ang mga paang inihahakbang ni Ronaldo papasok sa kanilang bahay na nirerentahan kasama ang asawang hingahan niya ng sama ng loob at dalawang anak na lalake. Pabinata na ang panganay na nangangarap maging pulis gaya ng ama. Musmos pa ang pangalawa.
Kahit dinadahan-dahan ang paglalakad sa kahoy na sahig, yumayanig pa rin ang bahay na bukod sa matipid sa espasyo, mura ang mga materyales. Dalawa ang kuwartong manipis ang tablang pagitan. Magkasama na ang kusina at kainan. Pilit ang salas sa liit. Pang-isahan lang ang banyo.
Una niyang hinuhubad ang balat na sapatos na pantadyak ang hugis. Nakaupo sa ratang bangkong maluluwang na ang mga pako. Humahaginit pa rin kahit hindi siya gumagalaw. Medyas naman ang sunod, ang tagasalo ng buong araw na pagpapawis. Parang binubugahan siya ng bulok na hininga.
Sumilip ka. Sisilipin ka rin naman. Kuwarto o mundo, puro silipan. Kay liit ng butas ngunit kasya ang buong matang hinihipan ng hanging naghahanap ng lusutan. Hindi lahat pero kita ang gitna sa kabila. Walang maaaninag kung magtitigan.
Dumaan ang mga nakahelmet na mamang sakay ng motor sa parahan ng mga sasakyan. Naghanap ng mukha. Nagsigawan ang mga tao nang inilabas ang baril. Parang mga langgam na sinilaban. Bang!
Bumagsak si Bert na nasa gitna ng hanay. Dinaplisan ang pisngi ng bala. Kinabkab ang laman.
Nagkunwari siyang napuruhan para hindi na paputukan. Pinigilan ang paghinga upang hindi na lapitan. Dinilat ang mga matang tila nakakita ng halimaw para hindi na pagdudahang buhay pa. Itinuon ang sugat sa usli-usling biyak ng semento upang lalong dumugo at hindi na siya balikan.
Bobo ako sa matematika. Isa sa mga itinatanong ko sa mundo ay kung bakit ginagamit ang mga numero sa panlilito. Dinadagdagan pa ng mga hugis. Nilalapatan ng mga letra. Ginagamitan din ng kakaibang alpabeto. Nilalagyan pa ng mga maliliit na bilog na hindi sero.
Hindi ba talaga sapat na dalawa sila kung ang isang mansanas ay may kasama pang isa? Kailangan ba talagang ibawas ang mababaw na kagat sa isa at kalkulahin ang hugis ng iniwan ng mga sabik na ngipin? Hindi nga siguro masokista ang utak ko kaya ayoko sa mga napakasadistang numero.
Hindi ako kinulang sa bitamina noong bata pa. Maliban sa mga tabletang bigay ng Center, laging luntian ang aming ulam. Naghalilihan ang kangkong at saluyot. Palasingit ang malunggay kahit walang karneng sahog. Ginisa rin ang mga talbos ng kamote, kalabasa at ampalaya kung meron.
Pinagkaguluhan ang bangkay sa ilalim ng puno. Walang sugat. Nakangiti ang mukha. Malamig at matigas na.
"Huwag lumapit!" orden ng pulis. "Hindi pa natin alam kung nahawaan siya"
"Magsuot ng maskara kahit malayo kayo," sabi ng isa pang pulis.
"Walang tinokhang o nanlaban at hindi pinaslang at nilaglagan," dagdag ng isa pa upang magsialisan ang mga usisero.
Mali ang mga pulis. Kilala ko si Nato. Anak ng dating mayamang angkan. Inulila ng malas. Hiniwalayan ng nobya. Inagawan ng karapatan. Hanggang naging taong-grasa.
Kahit noong bata pa, nahiwagaan na ako sa mga ligaw na mukha sa sulok, gilid, ibaba, at labas ng lipunan. Maliban sa pagsusulat ng maikling kuwento ang hilig ko, wala akong pinagkaiba kay Picasso na nakihalubilo noon sa mga puta, lassengero, pulubi, at taong-grasa para magpinta.